Podcast: Download (Duration: 6:12 — 3.3MB)
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-18 Linggo sa Karaniwang Panahon
Martes
Manalangin tayo sa Diyos bilang tapat niyang bayan na laging nakatingin kay Kristo. Kung paanong pinalakas niya ang pananampalataya ni San Pedro, alam natin na ganoon din siya sa atin, iaabot niya ang kanyang kamay upang palakasin at itindig tayong muli.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Anak ng Diyos, iligtas Mo kami.
Ang Simbahan ng Diyos, nawa’y magabayan ng kapangyarihan ng presensya ng Panginoon sa gitna ng mga krisis at daluyong na kanyang nararanasan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga bansang pinaghihiwalay ng mga digmaan at pag-aalitan nawa’y magkaroon ng katarungan at kapayapaan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga lagalag, walang patutunguhan at waring nagpapadala na lamang sa agos ng mga unos ng buhay nawa’y makatagpo sa Simbahan ng tahanan ng kapayapaan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit nawa’y makatagpo ng kasiyahan sa mapagpagaling na awa ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga tapat na yumao nawa’y matagpuan ang kanilang kapahingahan sa presensya ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Panginoong Diyos, habang tinatanggap mo ang aming mga panalangin, bigyan mo kami ng matatag na pananampalataya at walang kupas na tiwala sa iyong Anak na aming Tagapagligtas, siya na nabubuhay at naghahari kasama mo at ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan. Amen.
Pages: 1 2
« Linggo, Hulyo 31, 2022
Sabado, Agosto 6, 2022 »
{ 4 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Ipinapaalala sa atin ng Panginoon na tayo ay mag-ingat laban sa mga bagay na nagpapasama sa atin. Ang Ebanghelyo ngayon ay isang direktang kasagutan ng ating Panginoon laban sa mga Pariseo at eskribang nais siyang mapahamak. Sinasabi niya na ang nagpaparumi sa isang ay hindi sa pagkain, ni hindi sa pagliban sa paghuhugas ng kamay [na siyang ginawang batas ng mga Hudyo. Ang tunay na nagpaparumi sa tao ay ang masamang kalooban puno ng galit, pagkamakasarili, pagnanasa ng mga makamundong bagay, paghahalay, at iba pang mga kasalanan. Kaya nabatid ito ng mga Apostol na ang mga Pariseo, eskriba, at iba pang mga mapagkunwaring pinuno ng mga Hudyo ang tinutukoy ng Panginoon. At binigay sila ng totoong realidad, na kung saan ang bulag sa realidad at hindi mulat sa katotohanang mula sa Panginoon ay nagpapabaya sa mga taong mabulag at mamuhay nang hindi kaaya-aya sa mata ng ating Panginoong Diyos.
Kaya ito’y panawagang maging mapanuri sa ating mga isip, salita, at gawa. Ito yung ating bigyan pansin sa ating sariling pamumuhay upang maging karapat-dapat tayo sa kanyang mga mata. Kung tayo ay tapat sa ating pagkakilanlan bilang mga Kristiyano sa pamamagitan ng pag-ibig, naipairal na natin sa ating buhay ang pag-ibig ng Diyos sa bawat isa. Nawa’y huwag natin gamitin ang ating mga tradisyon at kultura upang mapanira ng tao, kundi tulungan ang bawat isa at iahon mula sa mga paghihirap tungo sa pagiging kapwa-tao.
bakit walang august 3 po?
Narito po ang mga pagbasa para sa Agosto 3.
Pagninilay: Hindi natin makakalimutan no’ng sinalanta tayo ng isang mapinsalang bagyo, at ayon sa sa ating kasaysayan, ito ang pinakamalakas at pinakamapinsalang trahedya na naganap sa ating bansa. Hindi talagang inaasahan ng ating mga kababayan na ganyang kalupit ang paghampas ng mga alon sa kanilang mga bahay, at ganundin, malungkot ang sinapitan nilang mawala ng tirahan, ari-arian, at ang kanilang mahal sa buhay. Kaya makalipas ng higit dalawang taon, patuloy silang bumabangon sa kabila ng trahedyang kanilang dinanas. Mga kapatid, kapag sinalanta tayo ng mga kalamidad katulad ng bagyo, lindol, sunog, at pagsabog ng bulkan, ang unang reaksyon natin ay takot dahil ayaw nating mamatay, lalung-lalo na ang ating mga mahal sa buhay. Kaya nagpupursigido tayong maging handa at alerto upang hindi madamay. Pero sa kabila nito, naniniwala ba tayo na ang Panginoon ay nasa piling natin?
Sa ating Unang Pagbasa (Jeremias 30:1-2, 12-15, 18-22), makikita natin na tila nga bang hinayaan ng Panginoon ang pagkawatak-watak ng Jerusalem sa kamay ng mga kalaban nito. Ngunit sinasabi rin ni Jeremias na higit na niloloob niya ang pagpapanumbalik ng lungsod na kung saan siya’y gagawa ng Bagong Tipan upang kilalanin ng mga tao na siya’y Diyos nila, at sila’y magiging tao niya. Itong tipan ay natupad sa pagdating ng ating Panginoong Hesukristo sa sanlibutan upang ipagkasundo ang tao sa Diyos Ama.
Sa ating Ebanghelyo (Mateo 14:22-36), makikita natin ang isa pang himala ni Hesus pagkatapos ang pagpapakain sa limang libong pagkain. Ang bangka ng mga alagad ay pinahahampas ng mga alon ng dagat at hangin, kaya sila’y natakot na lumubog. Biglang nagpakita sa kanila si Hesus na lumalakad sa ibabaw ng tubig. Kaya itong si Simon Pedro ay pursigidong lumakad patungo sa Panginoon. Ngunit dahil siya’y tumingala sa dagat, bigla siyang lumunod, kaya sinagip siya ni Kristo at tinanong kung bakit siyang nag-alinlangan.
Mga kapatid, makikita natin sa Ebanghelyong itong himala ni Hesus ay nakasentro sa pananampalataya. Ang kanyang pagdeklara na “AKO” ay inaalala ang pagpapahayag ng Diyos kay Moises sa nagliliyab na puno (Cf. Exodo 3:14). Ang kanyang paglalakad sa ibabaw ng tubig ay nagaalala kung paanong hinati ng Diyos sa pamamagitan ni Moises ang Pulang Dagat para makalakad ang mga Israelita sa tuyong lupain (Cf. Exodo 14:15-31). Kaya si Kristo ang bagong Moises sapagkat ang kaligtasang bigay niya ay ang pag-aalay ng kanyang buhay sa Krus. Sa gitna ng ating mga problema sa buhay, dapat tayo’y sumampalataya sa Panginoon para tulungan tayong iharap ang mga ito nang may pagtitiis at patuloy na gumagawa ng mga mabubuting bagay. Sa ating paglalakbay sa daang ito, nawa’y lumapit tayo sa Panginoon upang tulungan tayong masolusyon ang ating mga personal na suliranin. Nawa siya’y maging kaagapay natin sa kabila ng mga “bagyo ng ating buhay”.