Podcast: Download (Duration: 6:33 — 4.7MB)
Kapistahan ni San Marcos,
Manunulat ng Mabuting Balita
1 Pedro 5, 5b-14
Salmo 88, 2-3. 6-7. 16-17
Pag-ibig mong walang maliw
ay lagi kong sasambitin.
Marcos 16, 15-20
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Feast of Saint Mark, evangelist (Red)
UNANG PAGBASA
1 Pedro 5, 5b-14
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pedro
Mga pinakamamahal, magpakababa kayong lahat at maglingkod sa isa’t-isa, ayon sa nasusulat. “Kinamumuhian ng Diyos ang palalo, at kinalulugdan niya ang mababang-loob.” Kaya nga, pasakop kayo sa kapangyarihan ng Diyos at dadakilain niya kayo pagdating ng takdang panahon. Ipagkatiwala ninyo sa kanya ang inyong kabalisahan sapagkat siya ang kumukupkop sa inyo.
Humanda kayo at magbantay. Ang diyablo na kaaway ninyo ay parang leong umaatungal at aali-aligid na humahanap ng masisila. Labanan ninyo siya at magpakatatag kayo sa inyong pananalig sa Diyos. Tulad ng alam ninyo, hindi lamang kayo ang nagtitiis ng ganitong kahirapan, kundi pati ang inyong mga kapatid sa buong daigdig. Pagkatapos ninyong magtiis ng maikling panahon, ang Diyos na bukal ng lahat ng pagpapala, ang siyang magbibigay sa inyo ng kaganapan, katatagan, at isang saligang matibay at di matitinag. Siya rin ang humirang sa inyo upang makihati kayo sa kanyang walang hanggang kaluwalhatian, kasama ni Kristo. Sa kanya ang kapangyarihan magpakailanman! Amen.
Sinulatan ko kayo sa tulong ni Silvano, isa nating kapatid na lubos kong pinagtitiwalaan. Sa pamamagitan ng maikling sulat na ito ay nais kong palakasin ang inyong loob at patunayan sa inyo na ito nga ang tunay na kaloob ng Diyos. Manatili kayo sa biyayang ito.
Kinukumusta kayo ng mga kapatid na nasa Babilonia, mga hirang na paris ninyo; kinukumusta rin kayo ni Marcos, ang mahal kong anak sa pananampalataya. Buong giliw kayong magbatian bilang magkakapatid kay Kristo.
Ang kapayapaan ay sumainyong lahat, mga tagasunod ni Kristo.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 88, 2-3. 6-7. 16-17
Pag-ibig mong walang maliw
ay lagi kong sasambitin.
o kaya: Aleluya.
Pag-ibig mo, Poon, na di nagmamaliw
ang sa tuwi’t-twina’y aking aawitin;
ang katapatan mo’y laging sasambitin,
Yaong pag-ibig mo’y walang katapusan,
sintatag ng langit ang ‘yong katapatan.
Pag-ibig mong walang maliw
ay lagi kong sasambitin.
Umawit silang nilikha sa langit,
ang iyong ginawa’y siyang dinadalit
ang katapatan mo, Poon, ay inaawit.
Sino’ng kaparis mo doon sa itaas?
walang ibang diyos na iyong katulad.
Pag-ibig mong walang maliw
ay lagi kong sasambitin.
Mapalad ang taong sa ‘yo’y sumasamba,
sa pagsamba nila’y inaawitan ka
at sa pag-ibig mo’y namumuhay sila.
Sa buong maghapon, ika’y pinupuri,
ang katarungan mo’y siyang sinasabi.
Pag-ibig mong walang maliw
ay lagi kong sasambitin.
ALELUYA
1 Corinto 1, 23a-24b
Aleluya! Aleluya!
Ang ipinakong Mesiyas
ay karunungan at lakas
ng D’yos na Tagapagligtas
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 16, 15-20
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, nagpakita si Hesus sa Labing-isa at sinabi sa kanila, “Humayo kayo sa buong sanlibutan at ipangaral ninyo sa lahat ang Mabuting Balita. Ang sumasampalataya at mabinyagan ay maliligtas, ngunit ang hindi sumampalataya ay parurusahan. Ang mga sumasampalataya ay magtataglay ng ganitong tanda ng kapangyarihan: sa pangalan ko’y magpapalayas sila ng mga demonyo at magsasalita ng ibang wika; sila’y hindi maaano dumampot man ng ahas o uminom ng lason; at gagaling ang mga maysakit na mapatungan ng kanilang kamay.”
Pagkatapos magsalita sa kanila, ang Panginoong Hesus ay iniakyat sa langit at lumuklok sa kanan ng Diyos. Humayo nga ang mga alagad at nangaral sa lahat ng dako. Tinulungan sila ng Panginoon sa gawaing ito. Pinatotohanan niya ang Salitang kanilang ipinangangaral sa pamamagitan ng kapangyarihang gumawa ng himala, na ipinagkaloob niya sa kanila.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Miyerkules, Abril 24, 2024
Biyernes, Abril 26, 2024 »
{ 4 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Ngayon ay ang Kapistahan ng Ebanghelistang si San Marcos. Sa 4 na mga manunulat ng Mabuting Balita, si San Marcos ang pinakaikli at ang pinakaunang sumulat tungkol sa talambuhay ng ating Panginoong Hesukristo. Tinatapos niya ang kanyang Ebanghelyo sa pamamagitan ng pag-atas ni Hesukristo sa mga Apostol na humayo at ipahayag ang Mabuting Balita sa bawat nilalang. Lahat ng ipinangaral at ginawa ni Hesus ay kanilang ipapatuloy mula sa Jerusalem hanggang sa pinakadulong bahagi ng daigdig.
At isa na rito na nakibahagi sa misyon ng mga Apostol ay si San Marcos. Naging malapit siya at ang kanyang pamilya kay San Pedro, at isa siya sa mga disipulong nanalangin upang mapalaya ang Apostol mula sa bilangguan at banta ng kamatayan ng hari. Naging kasamahan din siya ni San Pablo sa paglalakbay nito upang ipangaral ang Mabuting Balita, kasama ang kanyang pinsang si San Bernabe. Nang siya’y nasa Roma, siya’y naging kalihim ni San Pedro. Taong 66 A.D. nang isinulat ni San Marcos ang kanyang Ebanghelyo kahit may pang-uusig na ipinautos si Emperador Nero laban sa mga Kristiyano sa siyudad. Ang pokus ng ebanghelista sa kanyang panunulat ay ang pagkilala ng mga tao kay Panginoong Hesus bilang isang maawaing Tagapagligtas. Kaya ang simbolo ni San Marcos ay isang leon sapagkat siya’y nagkaroon ng lakas na isalaysay ang mga itinuro at ginawa ng mahabaging Panginoon sa kabila ng banta ng pag-uusig ni Nero.
Nawa katulad ni San Marcos ay magkaroon tayo ng lakas at pananampalatayang ibahagi ang ating Panginoong Hesukristo sa lahat ng nilalang ng Diyos Ama.
Ano ang hamon ata aral ng ating ebanghelyo ngayon?
“ Humayo kayo sa buong sanlibutan at ipangaral ninyo amg Mabuting Balita”
Alam ba ninyo na lahat tayo ay pari? Tayo ay may tungkulin na magpalaganap ng Mabuting Balita. Paano? Nariyan ang tulong ng teknolohiya, sa social media na halos ang lahat ay nakatutok at gumugugol ng maraming oras. Maari rin sa personal na pakikipag usap, umpisahan mo ito sa miembro ng iyong pamilya, sa kamag anak, sa mga kaibigan o sa estranghero na nakakasaamuha natin. Maari mong ilapat ang mga natutuhan mo sa ebanghelyo na may kinalaman sa kasalukuyang sitwasyon ng taong kausap mo. Subalit nararapat na ikaw mismo ay kinakikitaan ng pagsunod sa kalooban ng Diyos. Kung hindi ay matatawag tayong mga mapag imbabaw o ipokrito.
Ang Mabuting Balita ay tinawag na mabuti sapagkat ang mga ito ay mismong nanggaling sa mga bibig ni Hesus. Mga mensaheng gagamitin natin sa pang araw araw na buhay. Mga talinghagang makapgliligtas sa atin. Mga kwento ni Hesus upang gawin nating gabay at hindi tayo maligaw ng landas. Mga pangungusap na makpangyarihan at magbibigay sa atin ng gantimpala.
Ano ang hamon at aral ng ating ebanghelyo ngayon?
“ Humayo kayo sa buong sanlibutan at ipangaral ninyo amg Mabuting Balita”
Alam ba ninyo na lahat tayo ay pari? Tayo ay may tungkulin na magpalaganap ng Mabuting Balita. Paano? Nariyan ang tulong ng teknolohiya, sa social media na halos ang lahat ay nakatutok at gumugugol ng maraming oras. Maari rin sa personal na pakikipag usap, umpisahan mo ito sa miyembro ng iyong pamilya, sa kamag anak, sa mga kaibigan o sa estranghero na nakakasalamuha natin. Maari mong ilapat ang mga natutuhan mo sa ebanghelyo na may kinalaman sa kasalukuyang sitwasyon ng taong kausap mo. Subalit nararapat na ikaw mismo ay kinakikitaan ng pagsunod sa kalooban ng Diyos. Kung hindi ay matatawag tayong mga mapag ibabaw o ipokrito.
Ang Mabuting Balita ay tinawag na mabuti sapagkat ang mga ito ay mismong nanggaling sa mga bibig ni Hesus. Mga mensaheng gagamitin natin sa pang araw araw na buhay. Mga talinghagang makapagliligtas sa atin. Mga kwento ni Hesus upang gawin nating gabay at hindi tayo maligaw ng landas. Mga pangungusap na makpangyarihan at magbibigay sa atin ng gantimpala.
ang mga apostol at iba pang mga disipulo ni Jesus na pinili ni Jesus mismo ay inatasan mismo ni Jesus na ipangaral ang Ebangelio sa buong daigdig.
kaya naman lahat ng binyagang Katoliko na si Jesus mismo ang tumawag upang maging simbahan Niya ay pinagkalooban upang maging bahagi sa misyon ni Jesus ng pagkapari, pagkapropeta, pagkahari.
napakahalaga ang atas na ito sa lahat ng nagpapasakop aa Kanyang Banal na Simbahan.
know that Jesus says na ang dumaan sa pintuan ng aking simbahan ay akin, ngunit ang hindi dumaan sa pintuan ay isang magnanakaw.
mahalagang unawain ito ng mga nagmimithing maka-isa ang ating Panginoong Jesus..
ipinapakita sa ating pagbasa at Ebangelio na ang lahat na tinawag Niya ay handang magtiis at manindigan sa kanilang pananampalataya.
mahalaga ang pagkakaisa, pagmamahalan ng mga mananampalataya.
tiyak na tatanggapin ang karangalan dito pa lamang sa buhay natin sa lupa.
kailangan ang lahat ay dumanas ng pagtitiis upang ang ating pananampalataya ay katulad sa isang ginto na dumaan sa apoy upang maging dalisay ang uri nito.
napakahalaga ang isang malalim at matatag na.paninindigan natin sa
ating napananampalataya bilang misyonero ng ating Panginoon Jesus.
umpisahan natin sa araw araw nating buhay- sa isip, sa salita at gawa tiyak susundan ito ng tanda, himala,at kababalaghan ng pangako ng ating Panginoong Jesus.
Amen!