Sabado, Abril 27, 2024

April 27, 2024

Sabado sa Ika-4 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

Mga Gawa 13, 44-52
Salmo 97, 1. 2-3ab. 3kd-4

Kahit saa’y namamalas
tagumpay ng Nagliligtas.

Juan 14, 7-14


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Saturday of the Fourth Week of Easter (White)

UNANG PAGBASA
Mga Gawa 13, 44-52

Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Apostol

Nang sumunod na Araw ng Pamamahinga, halos lahat ng tao sa lungsod ay nagkatipon upang pakinggan ang salita ng Diyos. Inggit na inggit ang mga Judio nang makita nila ang makapal na tao, kaya’t nilait nila at sinalungat si Pablo. Ngunit buong tapang na sinabi nina Pablo at Bernabe, “Sa inyo muna dapat ipahayag ang salita ng Diyos. Yamang itinakwil ninyo ito, hinatulan ninyo ang inyong sarili na hindi karapat-dapat sa buhay na walang hanggan, kaya’t pupunta kami sa mga Hentil. Sapagkat ganito ang iniutos sa amin ng Panginoon:

‘Inilagay kita na maging ilaw sa mga Hentil
upang maibalita mo ang kaligtasan
hanggang sa dulo ng daigdig.’”

Nagalak ang mga Hentil nang marinig ito, at nagpuri sa Panginoon dahil sa salita niya; at sumampalataya ang mga hinirang para sa buhay na walang hanggan.

Kaya’t lumaganap sa buong lupain ang salita ng Panginoon. Ngunit sinulsulan ng mga Judio ang mga babaing sumasamba sa Diyos at kilala sa lipunan, gayun din ang mga lalaking pinuno ng lungsod: ipinausig nila sina Pablo at Bernabe, at pinalayas sa lupaing iyon. Kaya’t ipinagpag ng dalawa ang alikabok sa kanilang mga paa bilang saksi laban sa mga tagaroon, at sila’y nagtungo sa Iconio. Ang mga alagad naman sa Antioquia ay natigib ng galak at napuspos ng Espiritu Santo.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 97, 1. 2-3ab. 3kd-4

Kahit saa’y namamalas
tagumpay ng Nagliligtas.

o kaya: Aleluya

Umawit ng bagong awit at sa Poon ay ialay,
pagkat yaong ginawa n’ya ay kahanga-hangang tunay!
Sa sariling lakas niya at taglay na kabanalan,
walang hirap na natamo yaong hangad na tagumpay.

Kahit saa’y namamalas
tagumpay ng Nagliligtas.

Ang tagumpay niyang ito’y siya na rin ang naghayag,
sa harap ng mga bansa’y nahayag ang pagliligtas.
Ang pangako sa Israel lubos niyang tinutupad.

Kahit saa’y namamalas
tagumpay ng Nagliligtas.

Tapat siya sa kanila at ang pag-ibig ay wagas.
Ang tagumpay ng ating Diyos kahit saan ay namalas!
Magkaingay na may galak, yaong lahat sa daigdig;
ang Poon ay buong galak na purihin sa pag-awit!

Kahit saa’y namamalas
tagumpay ng Nagliligtas.

ALELUYA
Juan 8, 31b-32

Aleluya! Aleluya!
Kapag ang aking salita
sa inyo’y naidambana,
taglay n’yo ang aking diwa.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Juan 14, 7-14

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Kung ako’y kilala ninyo, kilala na rin ninyo ang aking Ama. Mula ngayon ay kilala na ninyo siya at inyong nakita.”

Sinabi sa kanya ni Felipe, “Panginoon, ipakita po ninyo sa amin ang Ama, at masisiyahan na kami.” Sumagot si Hesus, “Matagal na ninyo akong kasama, Felipe! Diyata’t hindi mo pa ako nakikilala? Ang nakakita sa akin ay nakakita na sa Ama. Bakit mo sinasabing: ‘Ipakita mo sa amin ang Ama’? Hindi ka ba naniniwalang ako’y sumasa-Ama at ang Ama’y sumasaakin? Ang mga salitang sinasabi ko ay hindi ko sinasabi sa ganang aking sarili. Ang Amang sumasaakin ang gumaganap ng kanyang mga gawain. Maniwala kayo sa akin: ako’y sumasa-Ama at ang Ama’y sumasa-akin. Kung ayaw ninyong maniwala sa sinasabi ko, maniwala kayo dahil sa mga gawang ito. Sinasabi ko sa inyo: ang nananalig sa akin ay makagagawa ng mga ginagawa ko at higit pa rito, sapagkat pupunta na ako sa Ama. At anumang hilingin ninyo sa Ama sa aking pangalan ay gagawin ko, upang maparangalan ang Ama sa pamamagitan ng Anak. Gagawin ko ang anumang hihilingin ninyo sa pangalan ko.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 4 comments… read them below or add one }

Reynald Perez May 9, 2020 at 2:04 am

Pagninilay: Ang ating Ebanghelyo ay dumudugtong sa ating Ebanghelyo kahapon. Matapos idineklara ni Hesus ang kanyang sarili bilang Daan, Katotohanan, at Buhay, ipinahayag ni Hesus ang pagkikilala sa kanya ay pagkikilala sa Diyos Ama. Maraming beses binanggit ni Hesus ayon sa Ebanghelyo ni San Juan ang kahalagahan ng pagsunod sa dakilang kalooban ng Ama. At ang pokus ng panunulat ng Ebanghelista ay upang ipakilala sa atin si Kristo hindi lang isang tunay na Taong nagkakaisa sa ating kalagayan, kundi isang Diyos na kapiling natin. Subalit hindi ito naunawaan noon ni Felipe, kaya hiniling niya kay Hesus na ipakita sa kanila ang Ama, upang sila’y maging masaya. Ngunit sinabi ni Hesus na ang sinumang nakakakita sa kanya ay nakakakita na sa Diyos. Si Hesus na nagmula sa langit ay ang hayag ng mukha ng Diyos Ama. Kaya ito’y isang paanyaya sa isang mas malalim na pagkikilala sa kanya. Ito yung pahayag ni San Pablo sa mga Hudyong hindi naniniwala si Hesus bilang Mesiyas. Ngunit hindi ito matanggap ng mga Hudyo, lalung-lalo ang pagpapangaral na ito ng Apostol sa mga Hentil. Kaya pinag-uusig nila sina San Pablo at San Bernabe. Ngunit ang 2 ay nanatiling tapat sa pagpapangaral ng Mabuting Balita sa mga tumatanggap sa mensaheng ito. At tayong sumasampalataya kay Hesus ay naniniwalang makakayanan natin ang buhay na ito. Kung tayo ay magiging masunurin sa kalooban ng Ama sa pagtularan natin sa buhay ng kanyang Anak, makakamtan natin ang buhay na walang hanggan sa kalangitan.

Reply

Sherwin D. Yanoria May 1, 2021 at 5:56 am

Ang Diyos pagnagsalita ay katotohanan. Madami sa mga tao, ay matamis magsalita. Ang sarap nilang pakinggan ngunit hindi naman nakikita sa gawa. Ang ating Panginoon, si Hesus pag nagsalita, ito ay laging totoo, makabuluhan at makapangyarihan. Walang sinuman ang kayang pabulaanan ang kanyang salita. Ito ay nananatiling totoo at may kaugnayan sa ating buhay magpasa hanggang ngayon. Kaya nakakaaliw magbasa ng salita ng Diyos. Hatid nito ay pag-asa at saya sa mga taong nalulungkot bunga ng kanilang sitwasyon sa buhay. Kaya nga manalig tayo, isapuso at isabuhay ang salita ng Diyos.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño May 1, 2021 at 6:30 am

Napakaganda ng binitawang salita sa atin ni Hesus “ anumang hilingin ninyo sa Ama sa aking pangalan ay gagawin ko, upang maparangalan ang Ama sa pamamagitan ng Anak. Gagawin ko ang anumang hihilingin ninyo sa pangalan ko.” Anupa’t kailangan pa nating mangamba at mabalisa gayong napakaganda ng pangako satin ng Diyos. Subalit si Hesus ay hindi isang Genie na lahat ng i-wish mo ay matutupad. Kailangan nating manalig sa Kanya, maniwala ng lubusan at sundin ang loob Nya. Kailangan nating pasanin din ang krus Nya, Kailangan natin magpatawad ng nagkasala sa atin at hingin ang kapatawaran at pagsisihan ang nagagawa nating mali, at iwasan ng magkasala muli. Kapag ito ay napgtagumpayan mo, ang pangako ni Hesus ay matatamo kahit gano pa ito kaimposible. Hanapin mo sya, kumatok ka, humingi ka… pagbubuksan ka, makikita mo sya at bibigyan ka Nya.

Reply

Joshua S. Valdoz April 27, 2024 at 3:27 pm

REFLECTION: Ang Diyos pagnagsalita ay katotohanan. Madami sa mga tao, ay matamis magsalita. Ang sarap nilang pakinggan ngunit hindi naman nakikita sa gawa. Ang ating Panginoon, si Hesus pag nagsalita, ito ay laging totoo, makabuluhan at makapangyarihan. Walang sinuman ang kayang pabulaanan ang kanyang salita. Ito ay nananatiling totoo at may kaugnayan sa ating buhay magpasa hanggang ngayon. Kaya nakakaaliw magbasa ng salita ng Diyos. Hatid nito ay pag-asa at saya sa mga taong nalulungkot bunga ng kanilang sitwasyon sa buhay. Kaya nga manalig tayo, isapuso at isabuhay ang salita ng Diyos

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: