Linggo, Abril 28, 2024

April 28, 2024

Ikalimang Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (B)

Mga Gawa 9, 26-31
Salmo 21, 26b-27. 28 at 30. 31-32

Pupurihin kita, Poon,
ngayong kami’y natitipon.

1 Juan 3, 18-24
Juan 15, 1-8


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Fifth Sunday of Easter (White)

UNANG PAGBASA
Mga Gawa 9, 26-31

Pagbasa mula sa mga Gawa ng mga Apostol

Noong mga araw na iyon: Pagdating ni Saulo sa Jerusalem, sinikap niyang mapabilang sa mga alagad doon. Ngunit ang mga ito ay takot sa kanya, at hindi makapaniwalang isa na siyang alagad. Subalit isinama siya ni Bernabe sa mga apostol. Isinalaysay niya sa kanila kung paano napakita ang Panginoon kay Saulo at nakipag-usap dito nang ito’y nasa daan. Sinabi rin niyang si Saulo’y buong tapang na nangaral sa Damasco, sa pangalan ni Hesus. At mula noon, si Saulo’y kasama-sama nila sa Jerusalem, at buong tapang na nangangaral doon sa pangalan ng Panginoon. Nakipag-usap din siya at nakipagtalo sa mga Helenista, kaya’t itinangka nilang patayin siya. Nang malaman ito ng mga kapatid, dinala nila si Saulo sa Cesarea at pinauwi sa Tarso. Kaya’t naging matiwasay ang simbahan sa buong Judea, Galilea at Samaria. Ito’y tumatag at lumaganap sa tulong ng Espiritu Santo at namuhay na may pagkatakot sa Panginoon.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 21, 26b-27. 28 at 30. 31-32

Pupurihin kita, Poon,
ngayong kami’y natitipon.

o kaya: Aleluya!

Sa harap ng masunuring mga lingkod mong hinirang,
ang handog na panata ko ay doon ko iaalay.
Magsasawa sa pagkain yaong mga nagdarahop,
aawit na pagpupuri ang sa Diyos ay dudulog;
buhay nila ay uunlad, sasagana silang lubos.

Pupurihin kita, Poon,
ngayong kami’y natitipon.

Sa dakilang Panginoon, ang lahat ay magbabalik,
ang lahat ng mga lahi ay sasambang may pag-ibig.
Mangangayupapang lahat ang palalo’t mayayabang,
ang lahat ng mga tao ay yuyuko sa Maykapal,
ang narito sa daigdig na nilikhang mamamatay.

Pupurihin kita, Poon,
ngayong kami’y natitipon.

Maging lahing susunod pa ay sasamba’t maglilingkod,
ay mayroong mangangaral sa kanila tungkol sa Diyos.
Sa lahat ng sisilang pa’y ganito ang ihahayag,
“Sa hinirang niyang bansa ay Panginoon ang nagligtas.”

Pupurihin kita, Poon,
ngayong kami’y natitipon.

IKALAWANG PAGBASA
1 Juan 3, 18-24

Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Juan

Mga anak, huwag tayong umibig sa pamamagitan ng salita o wika lamang. Ipakita natin ang tunay na pag-ibig sa pamamagitan ng gawa. Dito natin makikilalang tayo’y nasa panig ng katotohanan, at matatahimik ang ating budhi sa harapan ng Diyos sakali mang tayo’y usigin niyon. Sapagkat ang Diyos ay higit sa ating budhi at alam niya ang lahat ng bagay. Mga minamahal, kung hindi tayo inuusig ng ating budhi, panatag ang ating loob na makalalapit sa Diyos. Tinatanggap natin ang anumang ating hingin sa kanya, sapagkat sinusunod natin ang kanyang mga utos at ginagawa ang nakalulugod sa kanya. Ito ang kanyang utos: manalig tayo sa kanyang Anak na si Hesukristo, at mag-ibigan, gaya ng iniutos ni Kristo sa atin. Ang sumusunod sa mga utos ng Diyos ay nananatili sa Diyos, at nananatili naman sa kanya ang Diyos. At sa pamamagitan ng Espiritung ipinagkaloob niya sa atin ay nalalaman nating nananatili siya sa atin.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Juan 15, 4a. 5b

Aleluya! Aleluya!
Sa Poon ay manatili,
siya’y sa atin lalagi,
mamungang maluwalhati.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Juan 15, 1-8

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Noong panahong iyon: Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Ako ang tunay na puno ng ubas, at ang aking Ama ang tagapag-alaga. Pinuputol niya ang bawat sangang hindi namumunga; at kanya namang pinuputulan at nililinis ang bawat sangang namumunga upang lalong dumami ang bunga. Nalinis na kayo sa pamamagitan ng salitang sinabi ko sa inyo. Manatili kayo sa akin at mananatili ako sa inyo. Hindi makapamumunga ang sangang hindi nananatiling nakakabit sa puno. Gayun din naman, hindi kayo makapamumunga kung hindi kayo mananatili sa akin.

“Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga. Ang nananatili sa akin, at ako sa kanya, ang siyang namumunga nang sagana; sapagkat wala kayong magagawa kung kayo’y hiwalay sa akin. Ang hindi nananatili sa akin ay itatapon at matutuyo, gaya ng sanga. Ang gayong mga sanga ay titipunin at susunugin. Kung nananatili kayo sa akin at nananatili sa inyo ang salita ko, hingin ninyo ang inyong maibigan, at ipagkaloob sa inyo. Napararangalan ang Ama kung kayo’y namumunga nang sagana at sa gayo’y napatutunayang mga alagad ko kayo.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 8 comments… read them below or add one }

Reynald Perez April 22, 2021 at 7:44 pm

PAGNINILAY: Ang Ikalimang Linggo ng Pagkabuhay ni Hesus ay tanda na malapit na sa ating Liturhiya ang pagdiriwang ng Kapistahan ng Pag-akyat ni Hesus sa langit. Kaya sa mga darating na Ebanghelyo mula kay San Juan, matutunghayan natin ang mga diskurso ng ating Panginoong Hesukristo sa gabi ng Huling Hapunan. Ito’y paalala sa panahong ito na patuloy na nabubuhay ang Panginoon sa ating mga piling, at nalalasa natin ang kanyang panibagong buhay at tagumpay.

Kaya ngayon, ipinaalala ni Hesus sa Ebanghelyo na siya ang tunay na puno ng ubas, ang ama ay ang tagapangalaga, at tayo ang mga sanga nito. Sa kasaysayan ng Israel, ang ubasan ay itinanim ng Diyos sa kanyang piniling bayan bilang pagtupad sa tipang kanyang bayan ay inangkin, at siya ang Panginoon nila. Subalit hindi naging matapat ang Israel sa mga utos at pangako niya dahil sa kanilang mga katigasan ng puso. Kaya sa takdang panahon ay isinugo ng Ama ang kanyang Anak na si Hesukristo. At si Kristo ang nagtupad sa planong pangkaligtasan sa pamamagitan ng Misteryong Paskwal, ang kanyang Pagpapakasakit, Pagkamatay, at Muling Pagkabuhay. Bago nangyari ito, nagpatotoo siya na tayo’y magkaroon ng koneksyon sa ating Panginoon. Sa bawat pagkakataon at sitwasyon ay kailangan ating kumapit at manatili sa kanya, ang Salita ng Diyos, upang mamunga tayo ng masaganang ani ng kabutihan.

Kaya sa karasanan ni San Pablo sa Unang Pagbasa, siya’y naengayong mapabilang sa mga tagasunod at mananampalataya ni Kristo, nang siya’y pinakilala ni San Bernabe sa mga Apostol sa Jerusalem. Mula sa pagiging dating tagapag-usig ng Simbahan hanggang sa kanyang pagtutuos sa Muling Nabuhay sa Panginoon sa daang papuntang Damasco, siya’y naging isang Apostol na ipinahayag ang Mabuting Balita hindi lang sa mga Hudyo, kundi pati na rin sa mga Hentil.

At itong pananatili sa Panginoon ay kailangang mamunga sa ating pakikipagrelasyon sa ating kapwa. Ito ang paanayaya ni Apostol San Juan na ang sting pagkakilanlan bilang mga Kristiyano ay dahil sa pag-ibig. Hinihikayat tayo na magmahal hindi lang sa salita at pagsasalaysay ng bibig at kaisipan, kundi mula sa pagpapanig sa katotohanang hatid ni Kristo at paggawa ng kabutihan. Ang ganitong ekspresyon ng pagmamahal ay nagpapatunay na nanatili ang Panginoon sa atin, at ang Espiritu Santo ang gumagabay at patuloy na gagabay sa atin na gawin at sundin ang kanyang kalooban.

Kaya nawa’y maging matatag ang ating pananamapalataya sa pananatili sa Panginoon at pagmamalas ng kanyang pag-ibig sa ating kapwa at sa ibang tao.

Reply

Sherwin D. Yanoria May 2, 2021 at 5:43 am

Bali wala ang salita kung kulang sa gawa. Masarap pakinggan ngunit maging sila ay di kayang gawin ang sinasabi. Magaling magpayo sa iba ngunit ang buhay niya ay mas masahol pa sa kanyang pinapayuhan. Ang salita ng Diyos ay iba. Ito ay makapangyarihan at buhay. Kailangan nating manampalataya sa Diyos at isabuhay ang Kanyang utos. Maging ito man ang maging kapalit ng ating buhay. Mananatili tayo sa kanya kung ito ang ating gagawin. Ang nagmamahal sa Kanyang salita, nagpapahalaga at nagsasabuhay ay anak ng Diyos.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño May 2, 2021 at 10:50 am

Tanggalin mo ang isda sa tubig at ito ay mamamatay, bunutin mo ang isang halaman mula sa lupa at ito ay mamamatay, putulin mo ang sanga sa isang puno at ito ay mawawalan ng buhay, ang sanga ay matutuyo, maagnas o masusunog kapag iginatong. Ganun din tayo mga kapatid, kapag ang sarili natin ay ihiniwalay natin sa Diyos mawawalan tayo ng direksyon sa buhay. Kailangan natin magkaroon ng koneksyon o relasyon sa Diyos upang patuloy mabuhay ang ating pisikal at espiritwal at hindi tuluyang masunog sa impyerno. Kaya’t lahat ng iisipin, sasalitain at gagawin ay dapat na naaayon sa kalooban ng Diyos upang tayong mga sanga ay hindi mapahiwalay sa puno, si Hesus.

Reply

aileen marcelo May 2, 2021 at 11:44 am

salamat Panginoon sa lahat lahat…manatili nawa kami sa iyong mga salita na siyang tunay na nagbibigay buhay sa amin.

Reply

Aldo April 26, 2024 at 9:34 am

Ang 5 linggo ng mulling pagkabuhay ay tungkol sa Tunay na puno ng ubas! Isang paalala para sa ating na si Hesus ang Tunay na puno ng ubas at tayo ang mga sanga at inaalagaan tayo ng taga pag ngasiwa ng ubusan ang Ama . Iba mag ngalaga tagapag alaga unang ang nais ay magbunga ng sagana at masarap ! Kaya nais ipahiwatig na ang masarap na bunga at lalabasa sa sanga na nagkaugnay sa puno na inilagaan , at mapaparanglan ang nag alaga at mapaptunayan alagad dahil nag nagbunga ng masarap . Nais lang bigyan at paalalahanan tayo na lagi tayo nak?isa kay Hesus at magpunga para makilala ang Ama.

Reply

Joshua S. Valdoz April 27, 2024 at 3:28 pm

REFLECTION: Bali wala ang salita kung kulang sa gawa. Masarap pakinggan ngunit maging sila ay di kayang gawin ang sinasabi. Magaling magpayo sa iba ngunit ang buhay niya ay mas masahol pa sa kanyang pinapayuhan. Ang salita ng Diyos ay iba. Ito ay makapangyarihan at buhay. Kailangan nating manampalataya sa Diyos at isabuhay ang Kanyang utos. Maging ito man ang maging kapalit ng ating buhay. Mananatili tayo sa kanya kung ito ang ating gagawin. Ang nagmamahal sa Kanyang salita, nagpapahalaga at nagsasabuhay ay anak ng Diyos.

Reply

Malou Castaneda April 27, 2024 at 10:59 pm

PAGNINILAY:
Tayo ang mga sanga na tinawag upang mamunga. Hindi tayo mamumunga ng marami maliban kung tayo ay pinuputulan upang mamunga ng mas buong paglaki at magbunga ng masaganang bunga. Kailangan natin ang ilan sa ating lumang sarili na putulin at mabago upang makatanggap tayo ng higit na pagpapakain mula sa Puno ng ubas at makagawa ng pinakamayamang ani na posible. Nakita natin ang koneksyon sa nangyari sa ating mundo dahil sa pandemya sa nakalipas na ilang taon. Ang krisis ay dapat na naging dahilan upang pag-isipan natin kung aling mga aspeto ng ating buhay ang talagang hindi nagdadala ng magandang paglago. Hindi ito nangangahulugan na ang mga nagtamo ng Covid virus ay masama, o hindi mabunga. Ito ay upang sabihin kung anong mga saloobin at kilos sa ating personal na buhay ang kailangang putulin, upang tayo ay magbunga ng higit pa. Lahat tayo ay may mga aktibidad at saloobin na hindi nagtataguyod ng positibong paglago. Kailangang tanggalin ang mga iyon upang lalo tayong maging mabunga sa ating pagsunod sa ating Panginoong Hesus.

Panginoong muling nabuhay, patuloy na alagaan kami upang kami ay magbunga ng mabuti. Amen.
***

Reply

Rex Barbosa April 28, 2024 at 3:45 pm

ANG MABUTING BALITA NG PANGINOON
ayon kay San Juan 15, 1-8

PAGNINILAY / ARAL ng Ebanghelyo

Hindi ba kayo nagtataka?
Buong buhay ninyo nakakapit kayo sa Diyos
Bakit may mga sandali parang ang layo ng Diyos?
May mga pangyayaring parang pinabayaan tayo ng Diyos?
Parang kahit anong hingi natin para sa ating ikabubuti, hindi Niya ibinibigay?
BAKIT ????
Maaaring paraan ito ng Diyos!
Sabi ni Hesus…
“Pinuputol Niya (ng AMA) ang bawat sangang hindi namumunga;
at kanya namang pinuputulan
at nililinis ang bawat sangang namumunga
upang lalong dumami ang bunga”.
Maaring pamamaraan ito ng Diyos
upang tayo’y mamunga nang sagana.
Kaya’t tayo’y manatili sa Kanya.

Desperado ka ba? Nawawalan ka ba ng pag-asa?
Kapit lang kapatid… kapit!

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: