Lunes, Abril 29, 2024

April 29, 2024

Paggunita kay Santa Catalina de Siena, dalaga at pantas ng Simbahan

Mga Gawa 14, 5-18
Salmo 113 B, 1-2. 3-4. 15-16

Dapat nating papurihan
ang pangalan ng Maykapal.

Juan 14, 21-26


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Memorial of St. Catherine of Siena, Virgin and Doctor of the Church (White)

Mga Pagbasa mula sa
Lunes sa Ika-5 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

UNANG PAGBASA
Mga Gawa 14, 5-18

Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol

Noong mga araw na iyon, kumilos agad ang mga Hentil at ang mga Judio, kasama ng kanilang mga pinuno, laban sa mga apostol; binalak nilang lapastanganin at batuhin sila. Subalit nang malaman ito ng mga apostol sila’y tumakas patungo sa Listra at Derbe, mga lungsod ng Licaonia, at sa lupaing nasa palibot. At doon nila ipinangaral ang Mabuting Balita.

Sa Listra, may isang lalaking di makalakad, sapagkat siya’y lumpo mula sa pagkabata. Nakaupo siya’t nakikinig sa pangangaral ni Pablo. Nang makita ni Pablo na ang lumpo’y may pananampalataya upang mapagaling, tinitigan niya ito, at malakas na sinabi, “Tumayo ka nang tuwid!” At lumukso ang lalaki at nagpalakad-lakad. Nang makita ng taong-bayan ang ginawa ni Pablo, sumigaw sila sa wikang Licaonia, “Nanaog sa atin ang mga diyos sa anyong tao!” Tinawag nilang Zeus si Bernabe, at Hermes naman si Pablo, sapagkat siya ang tagapagsalita. Nasa pagpasok ng lungsod ang templo ni Zeus. Nang marinig ng saserdote nito ang nangyari, nagdala siya sa pintong lungsod ng mga torong may kuwintas na bulaklak upang ihandog niya at ng taong bayan sa mga apostol. Nang malaman ito nina Bernabe at Pablo, hinapak nila ang kanilang mga damit at patakbong pumagitna sa mga tao. Sumigaw sila, “Mga ginoo, huwag ninyong gawin iyan. Mga tao rin kaming tulad ninyo! Ipinangaral namin sa inyo ang Mabuting Balita upang talikdan ninyo ang mga bagay na ito na walang kabuluhan, at manumbalik kayo sa tunay na Diyos na siyang gumawa ng langit, ng lupa, at ng lahat ng naroroon. Nang nakalipas na mga panahon, hinayaan niyang sundin ng lahat ng bansa ang kani-kanilang kagustuhan. Gayunma’y nagbigay siya ng sapat na katibayan upang makilala ninyo siya sa pamamagitan ng kabutihang ginagawa niya sa inyo: binibigyan niya kayo ng ulan mula sa langit at ng masaganang ani sa takdang panahon. Binubusog niya kayo ng pagkain at pinuspos ng kagalakan ang inyong mga puso.” Sa kabila ng mga pananalitang ito, nahirapan pa rin sila ng pagpigil sa mga tao sa paghahandog sa kanila.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 113 B, 1-2. 3-4. 15-16

Dapat nating papurihan
ang pangalan ng Maykapal.

o kaya: Aleluya.

Tanging sa ‘yo lamang, Poon, ang dakilang karangalan,
hindi namin maaangkin, pagkat ito’y iyo lamang;
dahilan sa ika’y tapat at wagas ang pagmamahal.
Ganito ang laging tanong sa amin ng mga bansa:
“Nasaan ba ang inyong Diyos?” ang palaging winiwika.

Dapat nating papurihan
ang pangalan ng Maykapal.

Ang Diyos nami’y nasa langit, naroon ang Diyos namin,
at ang kanyang ginagawa ay kung ano ang ibigin.
Ginawa sa ginto’t pilak ang kanilang mga diyos,
sa kanila’y mga kamay nitong tao ang nag-ayos.

Dapat nating papurihan
ang pangalan ng Maykapal.

Pagpalain sana kayo, pagpalain kayong lubos,
pagpalain ng lumikha ng langit at sansinukob.
Panginoon ang may-ari ng buong sangkalangitan,
samantalang ang daigdig ay sa tao ibinigay.

Dapat nating papurihan
ang pangalan ng Maykapal.

ALELUYA
Juan 14, 26

Aleluya! Aleluya!
Espiritu’y magtuturo
ng aral at pagkukuro
ni Hesus na ating Guro.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Juan 14, 21-26

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Ang tumatanggap sa mga utos ko at tumutupad nito ang siyang umiibig sa akin. Ang umiibig sa akin ay iibigin ng aking Ama; iibigin ko rin siya, at ako’y lubusang magpapakilala sa kanya.” Tinanong siya ni Judas, hindi ang Iscariote, “Panginoon,” bakit po sa amin lamang kayo magpapakilala nang lubusan at hindi sa sanlibutan?” Sumagot si Hesus, “Ang umiibig sa akin ay tutupad ng aking salita; iibigin siya ng aking Ama, at kami’y sasakanya at mananahan sa kanya. Ang hindi umiibig sa akin ay hindi tumutupad sa aking mga Salita. Hindi akin ang salitang narinig ninyo, kundi sa Amang nagsugo sa akin.

“Sinabi ko sa inyo ang mga bagay na ito samantalang kasama pa ninyo ako. Ngunit ang Patnubay, ang Espiritu Santo na susuguin ng Ama sa pangalan ko, ang siyang magtuturo sa inyo ng lahat ng bagay at magpapaalaala ng lahat ng sinabi ko sa inyo.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 4 comments… read them below or add one }

Reynald Perez May 15, 2022 at 4:33 pm

PAGNINILAY: Habang tayo ay naghahanda para sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat sa Langit ng Panginoon, ang mga Ebanghelyo ay nagsasalaysay sa mga huling habilin ni Kristo sa kanyang mga alagad. Ngayon ay inaanyayahan niya ang mga Apostol ang pagtanggap sa kanya ay ipapakita ng Diyos ang kanyang pag-ibig. Ngunit tinanong ni San Judas Tadeo kung bakit hindi para sa lahat ang pag-ibig ng Diyos. Tugon ni Hesus ang sinumang tumatanggap sa kanyang salita ay ipapakita ang pagmamahal ng Ama. Alam ni Hesus na ang planong pangkaligtasan ay para sa lahat ng tao, ngunit iilan lang ang mayroong pananampalataya sa kanya. Siguro itong mga hinirang ay unang tinanggap ang pagpapala ng Mabuting Balita upang mas ipalaganap ang pangalan ni Kristo sa ibang mga tao, lalung-lalo na sa mga Hentil. At ang tanda ng misyon ng Simbahan ay ang Patnubay, ang Espiritu Santo, na gumagabay sa ating pagpapalaganap at pagbibigay-saksi sa Mabuting Balita. Ang Espiritu ang magiging lakas natin upang mas maging matapat pa tayo sa pagtupad ng ating misyon bilang mga Kristiyano.

Ganun ang nangyari kina San Pablo at San Bernabe nang ipinadala nila ang Mabuting Balita sa mga bayan ng Licaonia at Lystra, nang ipnagaral nila ang kaligtasan ng Diyos na natupad kay Hesukristo at ang paggawa ng mga mabubuting bagay, katulad ng pagpapagaling sa isang lalaking hindi makalakad. Ito’y nangyari upang mas kilalanin pa ng tao ang Diyos at sila’y sumampalataya sa kanya. Alam natin na ang kaligtasan at pagmamahal ng Maykapal ay para sa lahat, subalit hindi lahat ay nakikilala siya.

Kaya ang hamon sa atin ay maging mga saksi ng kanyang pagmamahal nang may buong pagtanggap sa kanyang Salita na si Hesus. At nawa’y maging puspos tayo ng Espiritu Santo upang makiisa tayo sa misyon ng Simbahan para sa kaligtasan ng mga kaluluwa.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño May 16, 2022 at 9:22 am

Ano ang aral at hamon ng ebanghelyo ngayon?

Marahil marami sa atin ang nagbabasa o nakikinig ng Mabuting Balita pero tinutupad ba natin ito? Sa misa tuwing tayo ay dumadalo ay naririnig natin ang Salita ng Diyos at ang paliwanag ng kaparian sa pamamagitan ng Homiliya. At kung mapapansin nyo ay inuulit ulit din ang mga ebanghelyo. Paulit ulit pero tayo ba ay natututo? Isansabuhay ba natin ang mga aral ni Hesus? Ginagawa ba natin itong gabay sa pang araw araw na buhay o paglabas ng simbahan ay wala na agad?

Ito ang sinasabi ni Hesus sa ebanghelyo ngayon, “Ang umiibig sa akin ay tumutupad sa aking Salita, at mananahan kami ng Ama sa kanya.

Kaya’t wag nating gawing “useless” ang ating pananampalataya, huwag tayong maging mga hangal, huwag tayong maging ipokriti, at huwag tayong maging mga mapag imbabaw. Isapuso natin ang Salita ng Diyos, sapagkat ang Diyos lamang ang ating tanging pag-asa sa buhay na ito.

Reply

Rosalinda M. Jubilado May 16, 2022 at 10:29 am

Sa Ebanghelyong ito ipinapakita sa atin ng Panginoong Jesus na Siya ay tunay na sumasaatin. Imagine na pinaliit ng Panginoon ang Kanyang Sarili sa anyong maliit na tinapay at kung tanggapin natin Siya ng buong pananalig at pananampalataya sa Banal na Misa, Siya ay kaisa natin Sa Katawan, Kaluluwa, Espiritu. We are so much blessed in our time. Na anumang kalagayan natin nababatid niya, nadarama ang lahat lahat sa atin sapagkat Siya ay sumasaatin. Ang gagawin lang ay buong puso buong kaluluwa natin ito panaligan paniwalaan paninindigan ng walang pagdududa. Ika nga never ever give space to doubt in your heart and you will really experience the Glory of God.

Tinawag na ako ng Panginoon sa Kanyang Fellowship sa El Shaddai wala pa akong anak. That was 36 years ago. God is so good sapagkat lahat ng aking natutunan ay aking isini share sa aking mga anak. We have Fellowship everyday. At araw araw ko silang kinukuwentuhan ng mga kwento sa Biblia. Aside from that we practice what we preach by observing our actions our lips. Salamat sa Diyos sila lumaki na masunurin, matapat, humble, loving at higit sa lahat nagmamahal sa Diyos. Dala nila sa puso nila ang Salita ng Diyos kaya ako na magulang ay panatag na patuloy silang ginagabayan ng Espiritu na kaloob sa atin niJesus.
Ang latest na himala sa akin ng Panginoon ay nadama ko ang Kanyang Presensiya sa paninindigan ko sa Kanyang Salita noong ako ay tinamaan ng covid. Di pa ako vaccinated.
I practice all the teachings of God.
1. Huag matakot.
2.Do not ever give space ang doubt sa puso mo.
3. All healing of mankind physically, spiritually ay mula sa Diyos.
4.His Words is active and alive.
5.That our God is with us, within us because we received Him in the Holy Eucharist.
Napakahalaga sa Panginoon ang lahat ng ito upang maranasan natin sa araw araw ang himala Niya.
God is so good.
I prayed to and talked to God heartfully,sabi ko sa Kanya…
Ayaw ko magpa hospital sapagkat delikado dun.
Ibig ko Ikaw Lord ang magpagaling sa akin personally.
Iaalay ko ang suffering na ito for others sake.
Ako na lang po at walang mahawa sa aking pamilya. Wala po nahawa diko nag isolate.
Ako po ay nakadama ng panghihina, walang lakas, parang nauupos na kandila ang pakiramdam ko,
God protected my breathing pero wala akong panlasa at pang amoy.
Hindi ako makapanalangin dahil naiiba ang pakiramdam ko.As if dumaan ako sa purification.
Sa puso at isipin ko ang tanging laman ay ang Panginoon.
Tumagal ito ng 10 days na umabot ng 49 ang lagnat ko.
On the 10th day biglang nawala at nag flash sa paningin ko ang ibat ibang mukha ni Jesus sa Cross. Kahit ipikit idilat ko mata ko ay nakikita ko ito.
Sa Diyos ang Papuri, Kaluwalhatian, Karangalan magpakailanman. Amem.

Reply

Joshua S. Valdoz April 29, 2024 at 8:29 am

REFLECTION: Ano ang aral at hamon ng ebanghelyo ngayon?

Marahil marami sa atin ang nagbabasa o nakikinig ng Mabuting Balita pero tinutupad ba natin ito? Sa misa tuwing tayo ay dumadalo ay naririnig natin ang Salita ng Diyos at ang paliwanag ng kaparian sa pamamagitan ng Homiliya. At kung mapapansin nyo ay inuulit ulit din ang mga ebanghelyo. Paulit ulit pero tayo ba ay natututo? Isansabuhay ba natin ang mga aral ni Hesus? Ginagawa ba natin itong gabay sa pang araw araw na buhay o paglabas ng simbahan ay wala na agad?

Ito ang sinasabi ni Hesus sa ebanghelyo ngayon, “Ang umiibig sa akin ay tumutupad sa aking Salita, at mananahan kami ng Ama sa kanya.

Kaya’t wag nating gawing “useless” ang ating pananampalataya, huwag tayong maging mga hangal, huwag tayong maging ipokriti, at huwag tayong maging mga mapag imbabaw. Isapuso natin ang Salita ng Diyos, sapagkat ang Diyos lamang ang ating tanging pag-asa sa buhay na ito.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: