Lunes, Hulyo 24, 2023

July 24, 2023

PANALANGIN NG BAYAN
Ika-16 na Linggo sa Karaniwang Panahon
Lunes

Natuklasan ni Jonas na walang makatatakas sa Panginoon. Idalangin natin sa Diyos Ama na bigyan tayo ng biyayang makapagbagumbuhay at matatag na manalig kay Kristo na tumatawag sa atin sa pagbabalik-loob.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Diyos ng mga propeta, bigyan Mo kami ng kapangyarihan.

Ang Simbahan nawa’y ipahayag nang walang kapaguran ang mensahe ng Diyos ng pagbabalik-loob sa mga naghahanap sa Panginoon nang may malinis na puso, manalangin tayo sa Panginoon.

Tulad ng mga mamamayan ng Nineve, nawa’y ating itakwil ang masamang pag-uugali at humarap tayo sa Diyos nang may mababang kalooban at nagsisising espiritu, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga pamilya at mga komunidad nawa’y maghangad ng kapayapaan, pagkakaisa, at pagkakasundo, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga maysakit nawa’y makatagpo ng kasiguruhan at pag-ibig mula sa mga nag-aaruga sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga tapat na yumao nawa’y makatagpo ng walang hanggang kapayapaan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama ng lahat, ibinigay mo sa amin ang tanda ni Jonas upang masalamin ang pagdating ng iyong Anak. Pinakaaasam mo mula pa noong una ang kanyang Muling Pagkabuhay. Isama mo kami sa kanya magpakailanman. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 2 comments… read them below or add one }

Reynald Perez July 18, 2021 at 10:53 pm

PAGNINILAY: Ang Unang Pagbasa ay ang patuloy na kwento ng paglilikas ng mga Israelita mula sa pagkaalipin sa Egipto. Natagpuan ng mga Egipcio ang mga Israelita na nagkakampo sa baybayin ng Pulang Dagat. Kaya’t nakumbinse nila ang Faraon na bawiin sila para sa mas malakas at mas maunlad na Egipto. Samantala natagpuan ng kampo ng Israel ang pagdating ng 600 karwahe na sakay ng mga kawal ng mga Egipcio kasama ng Faraon, at parating sa kanila. At nagduda ang mga Israelita na kung sana lang nanatili sila sa Egipto imbes na sila ay mamatay sa may gitna ng dalampasigan. Ngunit hinikayat sila ni Moises na lakasin nila ang kanilang loob. At sinabi ng Panginoong Diyos na ipapakita niya sa harapan ng bayang Israel ang kanyang kapangyarihan laban sa kaaway.

At alam natin na ang mga Israelita’y tatawid ng Pulang Dagat na hinati ng Diyos sa pamamagitan ng kamay ni Moises, at pinalunod niya ang mga Egipcio at si Faraon bilang tagumpay niya na nailikas ang kanyang bayang hinirang at pinangakuhan noong panahong pa ni Abraham. Sa kabila ng mga pangamba sa buhay, tanging pag-ibig at katapatan ang mananaig dahil sa Panginoong Diyos na matuwid at mabuti sa atin.

Ang Ebanghelyo ay isang pagtatagpo ng Panginoong Hesukristo sa mga eskriba at Pariseo. Alam natin na kritikal ang 2 grupong ito sa Panginoon sapagkat hindi sila naniniwala na si Hesus ay ang Anak ng Diyos. Kaya lumapit sila sa kanya upang humiling ng isang tanda, at tugon naman ng Panginoon na ang kanilang lahing masama at di tapat sa Diyos ang humihingi ng tanda para lang subukin siya at hanapin siya ng butas. Ang tanging tanda na ibibigay ni Hesus ay ang tanda ni Propeta Jonas, ang taong kinain ng isang malalaking isda at nanatili sa loob ng tiyan nito ng 3 araw. Dito inahintulad ang pagkamatay sa Krus ng Anak ng Tao at paglilibing sa loob ng 3 araw. At ito’y magiging tagumpay ni Hesus nang siya’y muling mabuhay mula sa kamatayan. Makalipas ang 40 araw, umakyat si Hesus sa langit nang may dalang paalala na siya’y muling babalik. Kaya ang kanyang muling pagpaparito ay higit sa pangangaral ni Jonas sa Nineve at ang pagbisita ng Reyna ng Timog kay Haring Solomon.

Tuwing ipinagdiriwang natin ang Banal na Misa, ipinahahayag natin ang Kamatayan at Muling Pagkabuhay ng ating Panginoong Hesukristo, at pinanabikan natin ang kanyang muling Pagdating sa wakas ng panahon. Kaya ang ating tugon ay kung kilala na natin ang Diyos sa pamamagitan ng ating pananampalataya, hindi na natin kailangan pa ng iba pang tanda. Tayo ngayon mismo ay maging tanda ng kanyang pag-ibig, kapayapaan, katarungan, at awa sa ating kapwa. Nawa’y tularan natin ang kanyang Anak na si Hesukristo.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño July 19, 2021 at 9:44 am

Mapalad ang nanalig sa Diyos kahit hindi sya nakikita o mga kababalaghan nya. Pinapaalala ng ebanghelyo ang kautusang wag mong subukin ang Diyos mo. Sa buhay natin, relasyon sa Diyos at buong pananalig ang kailangan natin upang mamuhay tayo ng masaya, payapa at masagana. Kahit isang saglit ay wag mong pagduduhan ang Diyos, wag kang maghingi ng mga senyales galing sa kanya para paniwalaan mo sya. Sapagkat kung gayon, hindi buo ang paniniwala mo sa kanya at ikaw may pagdududa. Kapag tayo ay nananlangin, alisin na natin ang pangamba, sapagkat pag ikaw ay nangamba pa hindi buo ang tiwala mo sa kanya. Kung tayo ay walang pananalig kay Hesus ay katulad din tayo ng mga eskriba at pariseo.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: