Podcast: Download (Duration: 6:08 — 8.0MB)
Paggunita sa Mahal na Birheng Maria, Ina ng Sambayanan
Genesis 3, 9-15. 20
o kaya Mga Gawa 1, 12-14
Salmo 87, 1-2. 3. at 5, 6-7.
o kaya Judith 13:18bkde. 19
Dinggin ang ulat sa inyong mabuting bagay,
O lungsod ng Diyos.
o kaya
Pinupuri kang lubusan
ng lahat sa ating bayan.
Juan 19, 25-34
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Memorial of the Blessed Virgin Mary, Mother of the Church (White)
UNANG PAGBASA
Genesis 3, 9-15. 20
Pagbasa mula sa aklat ng Genesis
Pagkakain ni Adan sa bunga ng puno, tinawag siya ng Panginoon at tinanong,
“Saan ka naroon?”
“Natakot po ako nang marinig ko kayong nasa hardin; nagtago po ako sapagkat ako’y hubad,” tugon ng lalaki.
“Sinong may sabi sa iyong hubad ka?” tanong ng Diyos. “Bakit kumain ka ba ng bungang ipinagbabawal ko?”
“Kasi, pinakain po ako ng babaing ibinigay ninyo sa akin,” tugon ng lalaki.
“Bakit mo naman ginawa iyon?” tanong ng Diyos sa babae.
“Mangyari po’y nilinlang ako ng ahas, kaya ako natuksong kumain,” tugon naman niya.
At sinabi ng Panginoon sa ahas:
“Sa iyong ginawa’y may parusang dapat,
na tanging ikaw lang yaong magdaranas;
ikaw ay gagapang, ang hatol kong gawad,
at alikabok ang pagkaing dapat.
Kayo ng babae’y laging mag-aaway, binhi mo’t binhi niya’y laging maglalaban.
Ito ang dudurog ng ulo mong iyan, at ang sakong niya’y ikaw ang tutuklaw.”
Eva ang itinawag ni Adan sa kanyang asawa, sapagkat ito ang ina ng sangkatauhan.
Ang Salita ng Diyos.
o kaya:
Mga Gawa 1, 12-14
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol
Pagkaakyat ni Hesus sa langit, ang mga apostol ay nagbalik sa Jerusalem buhat sa Bundok ng mga Olibo, na halos isang kilometro ang layo. Ang mga ito’y sina Pedro, Juan, Santiago, Andres, Felipe, Tomas, Bartolome, Mateo, Santiago na anak ni Alfeo, si Simon, ang Makabayan, at si Judas na anak ni Santiago. Pagdating sa kanilang tinutuluyan sa lungsod, nagtuloy sila sa silid sa itaas. Lagi silang nagsasama-sama sa pananalangin, kasama ang mga babae at si Mariang ina ni Hesus, gayun din ang mga kapatid ni Hesus.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 87, 1-2. 3. at 5, 6-7.
Dinggin ang ulat sa inyong mabuting bagay,
O lungsod ng Diyos.
Sa Bundok ng Sion,
itinayo ng Diyos ang banal na lungsod,
ang lungsod na ito’y higit niyang mahal
sa alinmang bayan ng angkan ni Jacob.
Dinggin ang ulat sa inyong mabuting bagay,
O lungsod ng Diyos.
Kaya’t iyong dinggin ang ulat sa iyong mabubuting bagay,
O lungsod ng Diyos.
At tungkol sa Sion, yaong sasabihin’y,
“Ang lahat ng bansa ay masasakupan,
siya’y palalakasin at patatatagin ng Kataas-taasan.”
Dinggin ang ulat sa inyong mabuting bagay,
O lungsod ng Diyos.
Ang Poon ay gagawa,
ng isang talaan ng lahat ng taong doo’y mamamayan,
ang lahat ng ito ay magsisiawit at pawang sasayaw.
Dinggin ang ulat sa inyong mabuting bagay,
O lungsod ng Diyos.
o kaya:
Judith 13:18bkde. 19
Pinupuri kang lubusan
ng lahat sa ating bayan.
Anak, sumasaiyo ang pagpapala ng Diyos na Kataas-taasan.
Higit kang pinagpala kaysa lahat ng babae sa lupa.
Purihin ang Panginoon, ang Diyos na lumalang sa langit at lupa.
Pinupuri kang lubusan
ng lahat sa ating bayan.
Ang pananalig sa Diyos na nag-udyok sa iyo
ay hindi na mapaparam sa isip ng mga tao
habang ginugunita nila ang kapangyarihan ng Diyos.
Pinupuri kang lubusan
ng lahat sa ating bayan.
ALELUYA
Aleluya, Aleluya!
Birheng Mariang mapalad,
dapat magpuri ang lahat
sa iyo at sa ‘yong Anak.
Aleluya, Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 19, 25-34
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon: Nakatayo sa tabi ng krus ni Hesus ang kanyang ina at ang kapatid na babae nitong si Maria, na asawa ni Cleopas. Naroon din si Maria Magdalena. Nang makita ni Hesus ang kanyang ina, at ang minamahal niyang alagad sa tabi nito, kanyang sinabi, “Ginang, narito ang iyong anak!” At sinabi sa alagad, “Narito ang iyong ina!” Mula noon, siya’y pinatira ng alagad na ito sa kanyang bahay.
Alam ni Hesus na naganap na ang lahat ng bagay; at bilang katuparan ng Kasulatan ay sinabi niya, “Nauuhaw ako!” May isang mangkok doon na puno ng maasim na alak. Itinubog nila rito ang isang espongha, ikinabit sa sanga ng isopo at idiniit sa kanyang bibig. Nang masipsip ni Hesus ang alak ay kanyang sinabi, “Naganap na!” Iniyukayok niya ang kanyang ulo at nalagot ang kanyang hininga.
Noo’y Araw ng Paghahanda, at ayaw ng mga Judio na manatili sa krus ang mga bangkay sa Araw ng Pamamahinga sapagkat dakila raw ang araw ng Pamamahingang ito. Kaya’t hiniling nila kay Pilato na ipabali nito ang mga binti ng mga ipinako sa krus, at alisin doon ang mga bangkay. Naparoon nga ang mga kawal at binali ang mga binti ng dalawang ipinakong kasabay ni Hesus. Ngunit pagdating nila kay Hesus at makitang patay na siya, hindi na nila binali ang kanyang binti. Subalit inulos ng sibat ng isa sa mga kawal ang tagiliran ni Hesus, at biglang dumaloy ang dugo at tubig.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Linggo, Mayo 19, 2024
Martes, Mayo 21, 2024 »
{ 5 comments… read them below or add one }
Isang kapistahan ng pag-alala sa ating Ina na si Maria, ina ng Simbahan. kahapon ay ipinagdiwang natin ang araw ng Pagbaba ng Banal na Espiritu Santo. At sa pagbaba sa mga unang apostol kasama si Maria. Dahil ng si Hesus ay nasa krus, inahabilin niya ito kay Juan at si Maria, kanyang Ina ay ibinigay niya si Juan , ngunit kasama nito ang buong apostol. At buong apostol ay sumasagisag ng unang simbahan na itinalaga ni Hesus. Kaya ang araw na ito pinaparanaglan natin si Maria bilang ating Ina ng simbahan nang ating pananampalataya na marami itinuturo sa atin kung paano mahalin ang Diyos at isaabuhay ang ating pananampalataya sa pagsunog sa kalooban ng Diyos. Na sinabi ni Marai , , kao’y alipin ng Panginoon. Bilang isang mabuting Ina siya malapit sa puso ni Hesus. Dahil siya’y naging ina ni Hesus dito sa Lupa. at kahit sa langit, nasiyang lumisang sa Mundo ginawa siyang Reyna ng langit. Oh aming Ina ng Simbahan patuloy mo kaming gabayan at alalayan bilang iyong mga anak. At inagtan sa oras ng aming Kamatayan, dahil ika’y puno ng biyaya ng Diyos , Amen
PAGNINILAY: Natapos na natin ang Panahon ng Pasko ng Muling Pagkabuhay, at sinisimulan natin muli ang mahabang Karaniwang Panahon. At alinsunod sa utos ng ating Santo Papa Francisco, ang Lunes pagkatapos ng Pentekostes ay ipinagdiriwang na pag-aalala sa Birheng Maria bilang Ina ng Simbahan. Ang Pentekostes ay ang araw ng kapanganakan ng ating Simbahan, kung saan inaalala natin ang pagbaba ng Espiritu Santo sa mga Apostol, na siyang naging hudyat na misyon ng Simbahan. Kaya itong araw na ito ay espesyal para sa ating Mahal na Ina sapagkat siya’y kasama ng mga Apostol nang bumaba ang Espiritu Santo sa anyo ng dilang apoy nang sa puntong iyon ay sinumulan na ang Simbahan. Ito’y yung narinig natin sa isang opsyon ng Unang Pagbasa, na kasama ng mga Apostol na nananabuk sa pagdating ng Espiritu Santo, naroon si Inang Mariang kasama nila. Ito rin ay tanda na si Maria bilang Ina ng Simbahan ay Ina nating lahat. Narinig natin sa Ebanghelyo kung paanong ipinasya ni Kristong ipinako sa krus sa pamamagitan ni San Juan ang kanyang Ina, na tayo’y maging mga anak niya. At ganyan nga ang turing sa atin ng ating Mahal na Inang Maria. Nang ibinalita sa kanya ng anghel na ipaglilihi niya ang Anak ng Kataas-taasan, naging mapagkumbaba at masunurin sa dakilang plano ng Diyos. Kaya siya’y itinuturing na “bagong Eva”. Sapagkat kung sa Unang Pagbasa mula sa Genesis ay si Eva ay nagkasala sa pamamagitan ng pagsusuway sa kalooban ng Diyos, si Maria naman ay naging masunurin sa pagsasailalim sa plano ng Maykapal. Ang narinig natin sa pagbasa mula sa Genesis ay ang magandang propesiya na kung tawagin ay “protoevangelium,” na nangangahulugang “unang mabuting balita”. Sapagkat ang pagiging kaaway ng ahas at babae ay sumisimbolo ng pagiging tunggali ng kasamaan at kabutihan. Iwawaksi ng binhi ng kabutihan ang kasamaang ipinasa ng ating unang magulang na sina Adan at Eba. Kaya itong Unang Pagbasa natin ngayon ay ipinapahayag tuwing Disyembre 8, na kung saan tayo’y naniniwala na ang Mahal na Birheng Maria ay ipinatili ng Panginoong Diyos na ilihi na walang pintas ng kasalanan [Immaculada Konsepsiyon]. Ito’y nangyari upang magkaroon ng marapat na tahanang isisilang ang Anak ng Ama na si Hesukristo. Kaya si Maria bilang Ina ng Simbahan ay nagpapaalala sa atin na patuloy ang magandang plano ng Diyos na dapat nating kilalanin at ipahayag. At narapat lang natin igalang ang ating Mahal na Ina sapagkat mismong si Hesus ang nagsabi nito bago pa siya’y mamatay sa Krus at mabuhay na mag-uli. Kaya kung tayong mga Katoliko ay may malakas na debosyon kay Maria, nawa’y tularan natin ang kanyang halimbawa ng pananampalatayang ipinapasa-Diyos ang lahat ng desisyon at bagay ng ating sanlibutan. At nawa’y tayo rin ay makiisa sa magandang plano ng Maykapal sa paggawa ng kabutihan at pagsunod sa tamang utos.
Oo si Maria ay hindi Diyos, sya ay katulqd din ng mga Santo na namamagitan sa atin at kay Hesus. Nanalangin para sa atin, sapagkat sya ay kasama ni Hesus sa langit. Pinagpala sa babaeng lahat, dinala nya sa kanyang sinapupunan at pinasuso ang ating Panginoon. Nararapat natin syang purihin at pasalamatan. Hindi tayo nagdarasal sa Mahal na Ina, humihingi tayo ng tulong sa kanya na ipinalangin tayo sa kanyang bugtong na anak na ating Diyos. Ang mahal na birhen ay mahabagin ding katulad ni Hesus. Hilingin natin kay Maria na patuloy tayong ipinalangin na maligtas sa anumang kapahamakan. Ugaliin natin ang pagdarasal ng rosaryo.
PAGNINILAY
Habang si Hesus ay nakapako sa krus, nagdurusa at naghihirsp, ang Mahal na Birhen Maria ay nakatayo sa tabi Niya, isang saksi sa Kanyang sakripisyo at pagmamahal sa sangkatauhan. Sa kabila ng kanyang sariling sakit at kalungkutan, si Maria ay nananatiling matatag sa kanyang pananampalataya at debosyon sa kanyang Anak.
Ipinagkatiwala ni Hesus ang pangangalaga ng Kanyang ina sa minamahal na alagad, na sumisimbolo sa kahalagahan ng paggalang at pangangalaga sa mga miyembro ng pamilya, lalo na sa oras ng pangangailangan at pagdurusa. Ito ay isang paalala ng kahalagahan ng paggalang at pagrespeto sa Birheng Maria, hindi lamang bilang ina ni Hesus, kundi bilang isang modelo ng pananampalataya, lakas, at debosyon. Ang presensya ni Maria sa paanan ng krus ay isang makapangyarihang halimbawa ng pagmamahal at sakripisyo, at nagsisilbing inspirasyon upang sundin ang kanyang mga yapak. Alalahanin natin ang kahalagahan ng pagpaparangal kay Birheng Maria, at sikaping tularan ang kanyang pananampalataya at debosyon sa ating sariling buhay.
Mama Mary, patuloy mo kaming bigyang inspirasyon sa pamamagitan ng iyong mainit na pagmamahal at liwanag na mahalin ang mga taong ipinagkatiwala sa amin. Amen.
***
ANG MABUTING BALITA NG PANGINOON
ayon kay San Juan 21, 15-19
PAGNINILAY / ARAL ng Ebanghelyo
Ang Ebanghelyo ngayon ay nagpapatunay
at nagpapakita ng nakapagliligtas na pagkilos
at ang tunay na pagmamahal sa sangkatauhan
ang Diyos.
Ayaw niyang iwan tayo na “ulila”.
Kaya’t tayo’y inihabilin niya sa Ama.
Iniwan niya ang Banal na Espiritu upang tayo’y gabayan.
At si Maria upang ating maging Ina.
Ipinapakita rin kung ano ang malalim na kahulugan
ng Krus ni Hesus sa ating buhay. Ang Krus na ito ang simbolo
ng tunay na Pagmamahal ng Panginoon sa Sangkatuhan.
Ano ang Krus ni Hesus sa aking Buhay?