Biyernes, Abril 12, 2024

April 12, 2024

Biyernes sa Ika-2 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

Mga Gawa 5, 34-42
Salmo 26, 1. 4. 13-14

Ang tanging aking mithii’y
Panginoo’y makapiling.

Juan 6, 1-15


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Friday of the Second Week of Easter (White)

Mga Pagbasa mula sa
Biyernes sa Ika-2 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

UNANG PAGBASA
Mga Gawa 5, 34-42

Pagbasa mula sa Mga Gawa ng mga Apostol

Noong mga araw na iyon, tumindig ang isang Pariseong nagngangalang Gamaliel, tagapagturo ng Kautusan, at iginagalang ng buong bayan. Iniutos niyang ilabas muna ang mga apostol, saka nagsalita:

“Mga kababayan, isipin ninyong mabuti ang gagawin sa mga taong ito. Hindi pa nagtatagal na lumitaw si Teudas na nagpanggap na isang dakilang pinuno, at nakaakit ng may apatnaraang tagasunod. Ngunit nang mapatay siya, nagkawatak-watak ang mga tauhan niya at nauwi sa wala ang kilusan. Pagkatapos, lumitaw naman si Judas na taga-Galilea noong panahon ng pagpapatala at nakaakit din ng maraming tauhan. Nang mapatay siya, nagkawatak-watak din ang mga tagasunod niya. Kaya’t sinasabi ko sa inyo: huwag ninyong pakialaman ang mga taong ito; hayaan ninyo sila. Kung ang kanilang panukala o pagpupunyaging ito’y mula sa tao, ito’y mabibigo. Ngunit kung mula sa Diyos, hindi ninyo ito masasansala at lilitaw pang lumalaban kayo sa Diyos! Napahinuhod sila sa payo ni Gamaliel. Pinapasok na muli ang mga apostol, at pagkatapos ipapalo at pagbawalang mangaral sa pangalan ni Hesus, sila’y pinalaya. Galak na galak na umalis ang mga apostol sa harap ng Sanedrin sapagkat minarapat ng Diyos na sila’y malagay sa kahihiyan alang-alang sa pangalan ni Hesus. At araw-araw, nagpupunta sila sa templo at sa mga tahanan, at doo’y nagtuturo at nangangaral tungkol kay Hesus, ang Kristo.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 26, 1. 4. 13-14

Ang tanging aking mithii’y
Panginoo’y makapiling.

o kaya: Aleluya!

Tanglaw ko’y ang Poon, aking kaligtasan,
kaya walang takot ako kaninuman;
sa mga panganib kanyang iingatan,
kaya naman ako’y walang agam-agam.

Ang tanging aking mithii’y
Panginoo’y makapiling.

Isang bagay lamang ang aking mithiin,
isang bagay itong sa Poon hiniling:
ang ako’y lumagi sa banal na templo
upang kagandahan niya’y mamasdan ko
at yaong patnubay niya ay matamo.

Ang tanging aking mithii’y
Panginoo’y makapiling.

Ako’y nananalig na bago mamatay
masasaksihan ko ang ‘yong kabutihan
na igagawad mo sa mga hinirang.
Sa Panginoong Diyos tayo’y magtiwala!
Ating patatagin ang paniniwala;
tayo ay umasa sa kanyang kalinga!

Ang tanging aking mithii’y
Panginoo’y makapiling.

ALELUYA
Mateo 4, 4b

Aleluya! Aleluya!
Ang tao ay nabubuhay
sa Salita ng Maykapal
na pagkaing kanyang bigay.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Juan 6, 1-15

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Noong panahong iyon, tumawid si Hesus sa ibayo ng Lawa ng Galilea, na tinatawag ding Lawa ng Tiberias. Sinundan siya ng napakaraming tao sapagkat nakita nila ang mga kababalaghang ginawa niya sa pagpapagaling sa mga maysakit. Umahon si Hesus sa burol kasama ang kanyang mga alagad at naupo roon. Malapit na noon ang Pista ng Paskuwa ng mga Judio. Tumanaw si Hesus, at nakita niyang dumarating ang napakaraming tao. Tinanong siya ni Felipe, “Saan tayo bibili ng tinapay upang makakain ang mga taong ito?” Sinabi niya ito para subukin si Felipe, sapagkat alam ni Hesus ang kanyang gagawin. Sumagot si Felipe, “Kahit na po halagang dalawandaang denaryong tinapay ang bilhin ay di sasapat para makakain nang tigkakaunti ang mga tao.” Sinabi ng isa sa kanyang mga alagad, si Andres na kapatid ni Simon Pedro, “Mayroon po ritong isang batang lalaki na may dalang limang tinapay na sebada at dalawang isda. Ngunit gaano na ito sa ganyang karaming tao?” “Paupuin ninyo sila,” wika ni Hesus. Madamo sa lugar na yaon. Umupo ang lahat – humigit-kumulang sa limang libo ang mga lalaki. Kinuha ni Hesus ang tinapay at matapos magpasalamat sa Diyos ay ipinamahagi sa mga tao; gayun din ang ginawa niya sa isda. Binigyan ang lahat hangga’t sa gusto nila. At nang makakain na sila, sinabi niya sa mga alagad, “Tipunin ninyo ang lumabis para hindi masayang.” Gayun nga ang ginawa nila, at nakapuno sila ng labindalawang bakol.

Nang makita ng mga tao ang kababalaghang ginawa ni Hesus, sinabi nila, “Tunay na ito ang Propetang paririto sa sanlibutan!” Nahalata ni Hesus na lalapit ang mga tao at pilit siyang kukunin upang gawing hari, kaya muli siyang umalis na mag-isa patungo sa kaburulan.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 7 comments… read them below or add one }

ruel arcega April 5, 2022 at 7:05 am

Tayo ay nasa ikalawang linggo ng pasko ng Pagkabuhay , biyernes, at patutloy nating pinaglilinayan ang pagkabuhay ni Hesus, na ito rin ay ipagkaka;oob sa ting lahat. Ang buhay na walang hanggang ay ibinigay sa atin ni Hesus. Sa ebanghelyo narinig natin mula kay San Juan ay isang pangyayari kung saan si Hesus ay gumawa ng himala ng magpakain ng higit na limang-libong lalaki. Na sinabi ni Felipe saan tayo kukuha ng pagkain para pakainin ang ganitong maraming katao. At Mayroon doon isang bata roon na may dalang limang tinapay at dalawang isda. Nagbahagi ang bata upang simulan ang pagpapakain. Ang kumain ay para mabuhay. Pero narito si Hesus na nagbibigay ng pagkain na nagbibigay buhay.Ito’y ating tanggapin upang magbigay ng buhay. At upang katulad ng isang bata na matuturin tayo mabigay ng pagkain sa mga nagugutom para mabuhay na ibigay natin si Hesus sa ating kapwa.

Reply

Reynald Perez April 28, 2022 at 1:25 pm

PAGNINILAY: Ang Misteryong Paskwal ni Hesukristo ay ginugunita ng bawat Kristiyano sa pamamagitan ng Sakramento ng Banal na Eukaristiya. Tuwing ipinagdiriwang natin ang Banal na Misa, inaalala natin ang pagbabahagi ni Hesus ng biyaya ng buhay sa pamamagitan ng kanyang Pagpapakasakit, Pagkamatay, at Muling Pagkabuhay. At ang Kababalaghan ng Pagpapakain ng maraming tao ay ang paglalarawan sa Eukaristiya.

Makikita natin sa Ebanghelyo ang paghintulad ng kwentong ito sa ating Misa. Alam natin na ang Misa ay binubuo ng 2 bahagi: (1) ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, at (2) ang Pagdiriwang ng Huling Hapunan. Si Hesus ay nagturo sa mga tao tungkol sa Paghahari ng Diyos Ama (Pagpapahayag ng Salita ng Diyos). At dahil sa kanyang awa sa napakaraming tao, pinakain niya sila ng 5 tinapay at 2 isdang naging posible upang ipakain ang higit na 5,000 tao (Pagdiriwang ng Huling Hapunan). Kaya itong kababalaghan ay nagbibigay kahulugan sa ating pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya.

Sa bawat Misa, tayo ay pinapalusog ni Kristo sa pamamagitan ng kanyang Salita at ng kanyang Katawan. At tinuturo rin sa atin ng himala ay ang pagiging “pang-Eukaristiya” tungo sa mga nilalang ng Diyos Ama: pagiging mapagpala (blessed), pinaghati-hatian (broken), at mapagbigay (shared). Sinasabi ng ilang eksperto sa Bibliya na nangyari ang pagpapakain sa napakaraming tao dahil sa pagbabahagi. At inilahad nga ni San Juan ang isang batang lalaki na nagbahagi ng kanyang 5 tinapay at 2 isda, na akala noon ni San Andres ay imposibleng pagkasyahin ng napakaraming tao. Ngunit maaari rin nating sabihin na dahil sa pasasalamat ni Hesus sa Ama dahil sa tinapay at isda, siguro pinarami nga ng Diyos dahil sa pagiging bukas palad ng mga tao.

Kaya nawa sa ating buhay, kung nais natin maranasan ang mga kababalaghan ng Panginoon, nawa’y magkaroon tayo ng debosyon na makiisa sa Eukaristiya upang pasiglahin tayo sa ambo ng Salita at altar ng Katawan. At nawa ang bawat Misa sa atin ay magsilbing inspirasyon at misyon upang tayo pa ay maging mapagbigay at bukas palad tungo sa pangangailangan ng bawat nilalang ng Maykapal.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño April 29, 2022 at 9:11 am

Ano nag mga aral at hamon sa atin ngvmga pagbasa ngayon?

Sa Unang Pagbasa ay ang hamon sa atin na makiisa tayo sa pagpapalganap ng Salita ng Diyos. Hindi nman kailangan maging apostol o pari para tayo ay makibahagi sa tungkuling ito. Gamitin natin ang tulong ng teknolohiya, nariyan ang social media na ang halos lahat ngayon ay nakatutok at gumugugol ng maraming oras. Maging maganda tayong halimbawa sa pagsasagawa nito upang hindi tayo matawag na mga mapag imbabaw.

Ang aral naman ng ebanghelyo ay pagpapa-alala sa atin na walang imposible sa Diyos. Pagpapakain ng limang libo sa pamamagitan ng limang tinapay at dalwang isda. Sadyang walang hindi mapangyayari si Hesus.

Humiling ka lamang at ikaw ay pakikinggan, kumatok ka at ikaw pagbubuksan. Ganuon si Hesus, maaawain, hindi madamot at sobra sobra pa ang ibibigay sayo kung ikaw lamang ay sasampalataya at susunod sa kalooban nya.

Reply

Joshua S. Valdoz April 12, 2024 at 5:08 am

REFLECTION: Tayo ay nasa ikalawang linggo ng pasko ng Pagkabuhay , biyernes, at patutloy nating pinaglilinayan ang pagkabuhay ni Hesus, na ito rin ay ipagkaka;oob sa ting lahat. Ang buhay na walang hanggang ay ibinigay sa atin ni Hesus. Sa ebanghelyo narinig natin mula kay San Juan ay isang pangyayari kung saan si Hesus ay gumawa ng himala ng magpakain ng higit na limang-libong lalaki. Na sinabi ni Felipe saan tayo kukuha ng pagkain para pakainin ang ganitong maraming katao. At Mayroon doon isang bata roon na may dalang limang tinapay at dalawang isda. Nagbahagi ang bata upang simulan ang pagpapakain. Ang kumain ay para mabuhay. Pero narito si Hesus na nagbibigay ng pagkain na nagbibigay buhay.Ito’y ating tanggapin upang magbigay ng buhay. At upang katulad ng isang bata na matuturin tayo mabigay ng pagkain sa mga nagugutom para mabuhay na ibigay natin si Hesus sa ating kapwa.

Reply

Joshua S. Valdoz April 12, 2024 at 5:09 am

Tayo ay nasa ikalawang linggo ng pasko ng Pagkabuhay , biyernes, at patuloy nating pinaglilinayan ang pagkabuhay ni Hesus, na ito rin ay ipagkaka;oob sa ting lahat. Ang buhay na walang hanggang ay ibinigay sa atin ni Hesus. Sa ebanghelyo narinig natin mula kay San Juan ay isang pangyayari kung saan si Hesus ay gumawa ng himala ng magpakain ng higit na limang-libong lalaki. Na sinabi ni Felipe saan tayo kukuha ng pagkain para pakainin ang ganitong maraming katao. At Mayroon doon isang bata roon na may dalang limang tinapay at dalawang isda. Nagbahagi ang bata upang simulan ang pagpapakain. Ang kumain ay para mabuhay. Pero narito si Hesus na nagbibigay ng pagkain na nagbibigay buhay.Ito’y ating tanggapin upang magbigay ng buhay. At upang katulad ng isang bata na matuturin tayo mabigay ng pagkain sa mga nagugutom para mabuhay na ibigay natin si Hesus sa ating kapwa.

Reply

Bro guibz April 12, 2024 at 6:11 am

MAGNILAY: Kusang dumarami, kumakalat at lumalaki ang pagmamahal. Kahit isang munting pagpapakita ng malasakit at pagdamay ay potensyal na makahawa at makaakit ng marami na gawin din ito. May isa lang na magsimula ay tiyak na may susunod. Ang malasakit ni Hesus sa mga taong nagugutom ay gumising sa damdamin ng mga alagad na mag-isip ng paraan upang matugunan ang kanilang pangangailangan. Kahit nakakalula ang dami ng tao hinamon sila ni Hesus na kumilos kahit sa tingin nila napakaliit ang puwede nilang gawin. Kumilos tayo gaano man kaliit sa simula. Kusa ngang dumarami, kumakalat at lumalaki ang pag-ibig sa tulong ng grasya ng Diyos.

MANALANGIN: Panginoon, paramihin mo ang kaunting puwede naming gawin upang makatulong.

GAWIN: Iwasang makadagdag pa sa problema ng mundo dahil wala kang ginagawa.

Reply

Malou Castaneda April 12, 2024 at 6:33 am

PAGNINILAY
Maliit ay palaging marami kapag ito ay inilagay sa mga kamay ni Hesus. Hindi natin malulutas ang malalaking problema ng kagutuman sa mundo ngayon ngunit tiyak na magagawa natin ang ating maliit na bahagi.

Inaasahan ng Diyos na tayo ay tutulong sa isa’t isa, at ibahagi ang anumang maliit na mayroon tayo. Sinabi ni Santa Teresa ng Calcutta tungkol kay Hesus, “Ginagamit Niya tayo upang maging Kanyang pag-ibig at habag sa mundo sa kabila ng ating mga kahinaan at karupukan.” Kapag binuksan natin ang ating puso at tumulong ng may habag at pagmamahal sa mga nakakasalamuha natin araw-araw; at lalo na sa mga mahihirap, maliliit, at mga nangangailangan ng ating tulong, tayo rin ay nakikipagkita kay Hesus. Maaari ba tayong maghukay sa sarili nating basket at tingnan kung ano ang maaari nating ialay kay Hesus upang dumami?

Panginoong Hesus, idinadalangin namin ang lakas ng loob na kailangan naming ipagsapalaran ang pagbibigay kahit gaano kaliit ang mayroon kami. Amen.
***

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: