Sabado, Hulyo 15, 2023

July 15, 2023

Paggunita kay San Buenaventura, obispo at pantas ng Simbahan

Genesis 49, 29-32; 50, 15-26a
Salmo 104, 1-2. 3-4. 6-7

Ang D’yos ang s’yang tumutulong
sa tanang napaaampon.

Mateo 10, 24-33


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Memorial of St. Bonaventure, Bishop and Doctor of the Church (White)

Mga Pagbasa mula sa
Sabado ng Ika-14 na Linggo sa Karaniwang Panahon (I)

UNANG PAGBASA
Genesis 49, 29-32; 50, 15-26a

Pagbasa mula sa aklat ng Genesis

Noong mga araw na iyon, sinabi ni Jacob sa kanyang mga anak, “Ngayo’y papanaw na ako upang mapisan sa mga kasamang namayapa na. Doon ninyo ako ililibing sa pinaglibingan sa aking mga magulang, sa yungib sa tapat ng bukid ni Efrong Heteo. Ang libingang iyo’y nasa silangan ng Mamre, sa may Canaan. Binili iyon ni Abraham at doon siya inilibing pati ang kanyang asawang si Sara. Doon din inilibing ang mag-asawang Isaac at Rebecca, at doon ko rin inilibing si Lea. Ang bukid at yungib na iyo’y binili nga sa mga Heteo.” Matapos masabi ang lahat ng ito, siya ay nalagutan ng hininga.

Mula nang mamatay ang kanilang ama, nag-alala na ang mga kapatid ni Jose. Sabi nila, “Paano kung galit pa sa atin si Jose at gantihan tayo sa kalupitang ginawa natin sa kanya?” Nagpasugo sila kay Jose at ipinasabi ang ganito: “Bago namatay ang ating ama, ipinagbilin niya na sabihin ito sa iyo: ‘Nakikiusap ako na patawarin mo na ang iyong mga kapatid sa ginawa nila sa iyo.’ Kaya naman ngayon, namamanhik kami sa iyo na patawarin mo na kaming alang-alang sa Diyos ng ating ama.” Napaiyak si Jose nang marinig ito.

Lumapit na lahat ang kanyang mga kapatid at yumuko sa harapan niya. “Kami’y mga alipin mo,” wika nila.

Ngunit sinabi ni Jose, “Huwag kayong matakot, hindi ko kayo paghihigantihan! Masama nga ang inyong ginawa sa akin, subalit ipinahintulot iyon ng Diyos para sa kabutihan, at dahil doo’y naligtas ang marami. Kaya, huwag na kayong mag-alala. Ako ang bahala sa inyo at sa inyong mga anak.” Pagkarinig nito, napanatag ang kanilang kalooban.

Nanatili nga si Jose sa Egipto kasama ang kanyang mga kapatid. Umabot siya sa sandaa’t sampung taon bago namatay. Inabot pa siya ng mga apo ni Efraim, gayun din ng mga apo niya kay Maquir na anak ni Manases. Ang mga ito’y kinalong pa niya nang isilang. Sinabi niya sa kanyang mga kapatid, “Malapit na akong mamatay, ngunit huwag kayong mag-alala. Iingatan kayo ng Diyos at ibabalik sa lupaing ipinangako niya kina Abraham, Isaac at Jacob.” Pagkatapos, ipinagbilin niya sa mga anak ni Israel ang gagawin sa kanyang bangkay. Wika niya, “Isumpa ninyo sa akin na pag kayo’y nilingap na ng Diyos at inialis sa lupaing ito, dadalhin ninyo ang aking mga buto.” Namatay nga si Jose sa gulang na sandaa’t sampung taon.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 104, 1-2. 3-4. 6-7

Ang D’yos ang s’yang tumutulong
sa tanang napaaampon.

Dapat na ang Diyos, itong Panginoon, ay pasalamatan,
ang kanyang ginawa sa lahat ng bansa’y dapat ipaalam.
Siya ay purihin, suubin ng awit, ating papurihan,
ang kahanga-hangang mga gawa niya’y dapat na isaysay.

Ang D’yos ang s’yang tumutulong
sa tanang napaaampon.

Tayo ay magalak yamang lahat tayo ay tunay na kanya,
ang kanyang pangalan, ang pangalang banal, napakadakila,
lahat ng may nais maglingkod sa Poon, dapat na magsaya.
Siya ay hanapin, at ang kanyang lakas ay siyang asahan,
siya ay hanapin upang mamalagi sa kanyang harapan.

Ang D’yos ang s’yang tumutulong
sa tanang napaaampon.

Ito’y nasaksihan ng mga alipi’t anak ni Abraham,
gayun din ang lahat na anak ni Jacob na kanyang hinirang.
Ang Panginoong Diyos ay ang Panginoon, siya ang ating Diyos,
sa kanyang paghatol ay ang nasasaklaw, buong sansinukob.

Ang D’yos ang s’yang tumutulong
sa tanang napaaampon.

ALELUYA
1 Pedro 4, 14

Aleluya! Aleluya!
Hirap kaisa ni Kristo
ay kapalarang totoo,
kaloob ng Espiritu.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 10, 24-33

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga apostol, “Walang alagad na higit kaysa kanyang guro, at walang aliping higit sa kanyang panginoon. Masiyahan ang alagad na matulad sa kanyang guro, at ang alipin na matulad sa kanyang panginoon. Kung ang puno ng sambahayan ay tinawag nilang Beelzebul, lalo na nilang aalimurahin ang kanyang mga kasambahay!

“Kaya huwag kayong matakot sa kanila. Walang natatago na di malalantad o nalilihim na di mabubunyag. Ang sinasabi ko sa inyo sa dilim, ulitin ninyo sa liwanag; at ang ibinulong sa inyo ay inyong ipagsigawan. Huwag ninyong katakutan ang pumapatay ng katawan ngunit hindi nakapapatay ng kaluluwa. Sa halip, ang katakutan ninyo’y ang nakapapatay ng kaluluwa at katawan sa impiyerno. Hindi ba ipinagbibili ang maya nang dalawa isang pera? Gayunman, kahit isa sa kanila’y hindi nahuhulog sa lupa kung hindi kalooban ng inyong Ama. Maging ang buhok ninyo’y bilang na lahat. Kaya, huwag kayong matakot; higit kayong mahalaga kaysa libu-libong maya.

“Ang sinumang kumilala sa akin sa harapan ng mga tao ay kikilanlin ko rin naman sa harapan ng aking Amang nasa langit. Ngunit ang magtatwa sa akin sa harapan ng mga tao ay itatatwa ko rin naman sa harapan ng aking Amang nasa langit.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 4 comments… read them below or add one }

Reynald Perez July 9, 2021 at 8:19 pm

PAGNINILAY: Patuloy na gumagabay ang Diyos sa kanyang bayan. Ito ang narinig natin sa Unang Pagbasa, sa kahuli-hulihang hininga ni Jacob, Jose, at ng mga iba pang 10 tribo ni Israel. Nabuhay sina Jose at ang kanyang mga kapatid sa Egipto, kasama ang mga lahi ng kanilang ama, na nagmula pa sa lipi nina Abraham at Isaac. At nang pumanaw ang dalawa, kapwang naghiling sa mga 10: si Jacob na ilibing sa yungib ng Makpelah, samantala si Jose ay idalhin ang buto nito sa kanilang paglalakbay tungo sa lupaing binubukalan ng gatas at pulot. Dito makikita natin ang tanda ng pangako ng Diyos, na hindi niya pababayaan ang kanyang bayang hinirang.

Tatlong beses sinabi ni Hesus sa Ebanghelyo na “Huwag kayong matakot.” Ito’y hindi lang pagdidiin, kundi isang paninigurado na hindi dapat sila matakot. Ang konteksto ng Ebanghelyo ngayon ay ang pagususgo ng Panginoon sa kanyang 12 Apostol sa mga nayon at bayan ng Israel upang ipangaral ang Mabuting Balita ng Paghahari ng Diyos at gumawa ng mga kababalaghan. At alam ni Hesus na may mga taong hindi tatanggap sa kanyang mga alagad. Kaya una niyang binilin sa kanila na ipagpag nila ang alikabok sa kanilang mga paa bilang patotoo para sa kanya. Ngayon ay nagbigay ng babala si Kristo tungkol sa banta ng tao laban sa mga saksi ng Mabuting Balita ng Diyos. Alam din niya na sa hantungan ng kanyang buhay, mararansan niya ang mga pang-uusig, pag-aalipusta, paguyuyurakan, at pag-iinsulto nang haharapin niya ang kanyang Pagpapakasakit. At batid rin ni Hesus na bagamat siya ay babalik sa Ama nating Diyos sa langit at isusugo niya ang kanyang mga Apostol at alagad upang ipagpatuloy ang misyon, sila rin ay hindi tatanggapin ng ibang tao at minsan nga ay kukutyain sila. Subalit pinapatibay ni Kristo ang kanilang katauhan sa pamamagitan ng pananamapalataya. Kaya hindi sila dapat matakot o mangamba, sapagkat kapiling nila ang Panginoon.

Kaya pala sa buong Kasulatan, ang katagang “Huwag kayong matakot” ay inuulit ng 365 beses. At dahil alam natin na mayroong 365 araw sa 1 taon, parang araw-araw sinasabi sa atin ng Panginoon na huwag tayong mangamba. Pagkagising natin sa umaga, iyan ay isang pang-araw-araw na biyaya mula sa kanya, na binibigyan tayo ng panibagong simula upang sa lahat ng ating gawain, mapaginhawa man o mapahirap, kapiling natin siya. At ang mahalaga ay patuloy tayo sa pagiging saksi niya sa pagpapalaganap ng pagmamahal at kabutihan sa bawat isa.

Reply

Sherwin D. Yanoria July 10, 2021 at 9:04 am

Nadidinig ba ng Diyos ang ating panalangin? Kadalasan tinatanong natin sa ating sarili kung nadidinig ba ng Diyos ang ating panalangin lalo na napakabibigat na ng ating problema. Kaya naman marami ang nawawalan ng pag-asa dahil parang walang nangyayari sa ating panalangin. Ngunit ibibigay sa atin ng Diyos ang ating mga kahilingan sa panahong di natin inaasahan. Mas maganda ang plano ng Diyos kaysa ating kagustuhan. Mahal na mahal tayo ng Diyos at alam ang ating pangangailangan. Hindi Niya tayo pababayaan.

Reply

Jose M. Javier July 15, 2023 at 5:05 am

Then he gave them these instructions: “I am about to be gathered to my people. Bury me with my fathers in the cave in the field of Ephron the Hittite, the cave in the field of Machpelah, near Mamre in Canaan, which Abraham bought along with the field as a burial place from Ephron the Hittite. Jacob gives both positive and negative predictions to each of his sons, in turn. Jacob then commands his sons to bury him in Canaan, then dies. The final chapter of Genesis describes the family’s mourning and Joseph’s death.
For today’s gospel
Do not be afraid”. This is an invitation we encounter so often in the Bible. God is reminding us all the time that we can face our difficult choices without fear, trusting in his aid and protection. We meet these words so often because we do need to hear them repeatedly in our lives.
A bove the teacher nor a slave above the master; it is enough for the disciple to be like the teacher and the slave like the master. If they have called the master of the house Beelzebul, how much more will they malign those of his household!

Reply

tammy amar July 15, 2023 at 8:47 am

patuloy lamang tayo maging matapang sa ating Sarili huwag tayo pananalig sa tukso labanan natin ang ating pagsubok sa buhay dahil mahalaga tayo sa piling nang ating Amang nasa langit kung anu pinaiingatan niya tayo at ginagabayan kaya ipamalas natin ang kabutihan para magkaroon tayo nang kaginhawahan sa ating kapwa

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: