Miyerkules, Mayo 1, 2024

May 1, 2024

Paggunita kay San Jose, manggagawa

Genesis 1, 26 – 2, 3
o kaya Colosas 3, 14-15. 17. 23-24
Salmo 89, 2. 3-4. 12-13. 14 at 16

Poon kami’y pagpalain
at iyong pagtagumpayin.

Mateo 13, 54-58


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Memorial of Saint Joseph the Worker (White)

UNANG PAGBASA
Genesis 1, 26 – 2, 3

Pagbasa mula sa aklat ng Genesis

Sinabi ng Diyos: “Ngayon, lalangin natin ang tao. Ating gagawin siyang kalarawan natin. Siya ang mamamahala sa mga isda, mga ibon at lahat ng hayop, maging maamo o mailap, malaki o maliit.” Nilalang nga ng Diyos ang tao ayon sa kanyang larawan. Lumalang siya ng isang lalaki at isang babae, at sila’y pinagpala. Wika niya, “Magpakarami kayo at punuin ng inyong mga supling ang buong daigdig, at pamahalaan ito. Binibigyan ko kayo ng kapangyarihan sa mga isda, sa mga ibon, at sa lahat ng maiilap na hayop, maging malalaki o maliliit. Bibigyan ko rin kayo ng lahat ng uri ng butil at mga bungangkahoy na inyong makakain. Ang lahat ng halamang luntian ay ibibigay ko naman sa maiilap na hayop, malaki man o maliit, at sa lahat ng mga ibon.” At ito nga ang nangyari. Pinagmasdan ng Diyos ang lahat niyang ginawa, at lubos siyang nasiyahan. Dumaan ang gabi, at sumapit ang umaga – ito ang ika-anim na araw.

Gayun nilikha ng Diyos ang lupa, ang langit at lahat ng bagay na naroroon. Sa loob ng anim na araw, tinapos niyang likhain ang lahat ng ito, at siya’y nagpahinga sa ikapitong araw. Pinagpala niya ang ikapitong araw at itinangi, sapagkat sa araw na ito siya nagpahinga matapos likhain ang lahat.

Ang Salita ng Diyos.

o kaya:
Colosas 3, 14-15. 17. 23-24

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Colosas

Mga kapatid, higit sa lahat, mag-ibigan kayo pagkat ito ang buklod ng ganap na pagkakaisa. At paghariin ninyo sa inyong puso ang kapayapaang kaloob ni Kristo, sapagkat ito ang dahilan kaya kayo tinawag upang maging bahagi ng isang katawan. Magpasalamat kayong lagi. At anuman ang gagawin ninyo, maging sa salita o sa gawa, gawin ninyong lahat sa pangalan ng Panginoong Hesus, at sa pamamagitan niya’y magpasalamat kayo sa Diyos Ama.

Anuman ang inyong ginagawa, gawin ninyo nang magaan sa kalooban na waring hindi sa tao kayo naglilingkod kundi sa Panginoon. Alam naman ninyong gagantimpalaan kayo ng Panginoon; tatanggapin ninyo ang inilaan niya sa kanyang mga anak. Sapagkat si Kristo ang Panginoong pinaglilingkuran ninyo.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 89, 2. 3-4. 12-13. 14 at 16

Poon kami’y pagpalain
at iyong pagtagumpayin.

o kaya: Aleluya.

Wala pa ang mga bundok, hindi mo pa nilalalang
hindi mo pa nililikha itong buong daigdigan,
ikaw noon ay Diyos na, pagkat ika’y walang hanggan.

Poon kami’y pagpalain
at iyong pagtagumpayin.

Yaong taong nilikha mo’y bumabalik sa alabok,
sa lupa ay nagbabalik kapag iyong iniutos.
Ang sanlibong mga taon ay para bang isang araw,
sa mata mo, Panginoon, isang kisap-mata lamang;
isang saglit sa magdamag na ito ay dumaraan.

Poon kami’y pagpalain
at iyong pagtagumpayin.

Yamang itong buhay nami’y maikli lang na panahon.
Itanim sa isip namin upang kami ay dumunong.
Hanggang kailan pa ba, Poon, titiisin yaring lagay
nitong iyong mga lingkod, sa gitna ng kahirapan?

Poon kami’y pagpalain
at iyong pagtagumpayin.

Kung umaga’y ipadama yaong wagas mong pag-ibig,
at sa buong buhay nami’y may galak ang aming awit,
ipakita sa lingkod mo ang dakila mong gawain,
at sa sunod naming lahi, ipadama ay gayun din.

Poon kami’y pagpalain
at iyong pagtagumpayin.

ALELUYA
Salmo 67, 20

Aleluya! Aleluya!
Manunubos naming mahal,
salamat sa ‘yong patnubay
at paglingap araw-araw.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 13, 54-58

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, umuwi si Hesus sa kanyang bayan at nagturo sa kanilang sinagoga. Nagtaka ang mga nakarinig sa kanya. Sabi nila, “Saan kumuha ng karunungan ang taong ito? Paano siya nakagagawa ng kababalaghan? Hindi ba ito ang anak ng karpintero? Hindi ba si Maria ang kanyang ina, at sina Santiago, Jose, Simon, at Judas ang kanyang mga kapatid na lalaki? At dito nakatira ang kanyang mga kapatid na babae, hindi ba? Saan niya natutunan ang lahat ng ito?” At ayaw nilang kilanlin siya. Kaya’t sinabi ni Hesus sa kanila, “Ang propeta’y iginagalang kahit saan, liban sa kanyang sariling bayan at sa kanyang sariling sambahayan.” At dahil sa di nila pagsampalataya, hindi siya gumawa roon ng maraming kababalaghan.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 3 comments… read them below or add one }

Reynald Perez April 22, 2021 at 7:40 pm

PAGNINILAY: Ang pagsisimula sa Buwan ng Mayo ay isang espesyal na araw na dedikado sa mga manggagawa. Itong pagdiriwang na ito’y nagsimula noong taong 1889 sa hudyat ng Rebolusyong Industriyal upang bigyang karangalan at pahalagahan ang dignidad ng trabaho at ang mga karapatan at tungkulin ng mga manggagawa. Taong 1955 nang itatag ni Papa Pio XII ang pagdiriwang kay San Jose Manggagawa dahil si San Jose ay itinuring na Patron ng mga Manggagawa.

Makikita natin dito sa ating Ebanghelyo ngayon (Mateo 13:54-58). Si Hesus ay bumalik sa kanyang tinirahang bayan, ang Nazaret, upang mangaral ng Mabuting Balita, at nagturo siya sa isang sinagoga sa mismong Araw ng Pagmamahinga (Sabbath). Marami sa kanyang taongbayan ang namangha at nabigla, pero marami sa kanila’y nagtaka kung itong si Hesus ay talaga bang propeta sapagkat siya’y isang anak ng isang karpintero mula sa Galilea, si San Jose. Kaya sinabi ni Hesus ang malungkot na damdaming hindi siya’y tinatanggap ng kanyang mga kababayan. Ang mismong pagtatanggi sa Panginoong Hesukristo sa kanyang sariling bayan ay isang napalungkot na pangyayari, pero mas higit pa dun ang pagkukutyang dinanas niya no’ng siya’y nagpakasakit at naipako sa Krus. Subalit ang tinuturo niya sa atin ay pakikisa sa plano sa Diyos, kaya inihandog niya ang kanyang buhay upang tayo’y mailigtas at makibahagi sa hatid nitong mabuting balita. At nang ginagawa niya ang kanyang Ministeryong Pampubliko, siya’y nangaral at gumawa ng mga kababalaghan.

Sa kabila ng mga pag-asa siya’y isang dakilang mandirigmang magpapatalsik sa mga Romano, ang kanyang misyon bilang Mesiyas ay nakapababa ngunit nakatanyag, at hindi nasusukat sa pinagaasahan sa kanya ng karamihan. Ito’y namana niya sa pagtuturo ni San Jose sa simpleng pag-aanluwagi. Higit pa dun, naman niya ito mismong sa kanyang Ama, ang Panginoong Diyos, dahil nga narinig natin sa Unang Pagbasa ang Paglilikha sa Sangkatauhan at kung paanong nakita ng Diyos na mabuti ang kanyang nilalang. At ito’y isang hamon sa atin bilang mga manggagawa sa ubasan ng Panginoon.

Ang pagtratrabaho ay hindi lang nasasakop dito ang kompanya, opisina, gusali, gobyerno, ahensiya, kundi pati na rin ang ating munting pagtratrabaho sa pamilya, komunidad, paaralan, simbahan, atbp. Nawa’y tularan natin si San Jose na nagsaloob na gawin at sundin ang dakilang plano ng Diyos. At nawa’y tularan natin din ang Panginoong Hesukristo na gumawa nang mabuti upang ang ating pagtratrabaho ay isang pagbabahagi sa kanyang ginawang pagliligtas sa ating lahat.

Reply

Bella Lingao Caringal May 1, 2024 at 4:56 am

Tunay na napakasarap sa pakiramdam ang makapagtrabaho na may sinusunod kang aral at iyon ay ang aral ni Kristo na minana pa nya sa Kanyang Ama at ating ama sa langit. Dagdag pa doon ay ang aral na minana Nya sa kanyang amang nag -alaga sa Kanya, si San Jose. Sa ngayon ay wala akong hinahangad kundi makapaglingkod hindi lang sa pamilya, sa komunidad kundi higit sa lahat sa aming simbahan. Sana patuloy akong makapagbahagi ng aking kaalaman at pagmamahal sa aking mga ginagawa .Wala akong hiling kundi ang Sya ay mapapurihan at maging karapatdapat sa Kanyang mga pagpapala.

Reply

Joshua S. Valdoz May 1, 2024 at 6:45 am

REFLECTION: Tunay na napakasarap sa pakiramdam ang makapagtrabaho na may sinusunod kang aral at iyon ay ang aral ni Kristo na minana pa nya sa Kanyang Ama at ating ama sa langit. Dagdag pa doon ay ang aral na minana Nya sa kanyang amang nag -alaga sa Kanya, si San Jose. Sa ngayon ay wala akong hinahangad kundi makapaglingkod hindi lang sa pamilya, sa komunidad kundi higit sa lahat sa aming simbahan. Sana patuloy akong makapagbahagi ng aking kaalaman at pagmamahal sa aking mga ginagawa .Wala akong hiling kundi ang Sya ay mapapurihan at maging karapatdapat sa Kanyang mga pagpapala.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: