Linggo, Hulyo 9, 2023

July 9, 2023

Ika-14 na Linggo sa Karaniwang Panahon (A)

Zacarias 9, 9-10
Salmo 144, 1-2. 8-9. 10-11. 13kd-14

Diyos ko at aking Hari,
pupurihin kitang lagi.

Roma 8, 9. 11-13
Mateo 11, 25-30


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Fourteenth Sunday in Ordinary Time (Green)

UNANG PAGBASA
Zacarias 9, 9-10

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Zacarias

Ito ang sinasabi ng Panginoon:
“Sion, magalak ka at magdiwang!
Umawit ka nang malakas, O Jerusalem!
Pagkat ang hari mo ay dumarating na,
mapagwagi at mapagtagumpay.
Mapagpakumbaba siya
at nakasakay sa isang bisirong asno.
Ipaaalis niya ang mga karwahe sa Efraim,
gayun din ang mga kabayong pandigma ng Jerusalem.
Babaliin niya ang mga panudla ng mandirigma
at paiiralin ang pagkakasundo ng lahat ng bansa;
ang hangganan ng kaharian niya’y dagat magkabila,
mula sa Eufrates hanggang dulo ng daigdig.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 144, 1-2. 8-9. 10-11. 13kd-14

Diyos ko at aking Hari,
pupurihin kitang lagi.

o kaya: Aleluya.

Ang kadakilaan ng Diyos ko at Hari, aking ihahayag,
di ko titigilan magpakailanman ang magpasalamat,
aking pupurihi’t pasasalamatan siya araw-araw,
di ako titigil ng pasasalamat magpakailanman.

Diyos ko at aking Hari,
pupurihin kitang lagi.

Ang Panginoong D’yos ay puspos ng pag-ibig at lipos ng habag,
banayad magalit, ang pag-ibig niya’y hindi kumukupas.
Siya ay mabuti at kahit kanino’y hindi nagtatangi;
sa kanyang nilikha, ang pagtingin niya ay mamamalagi.

Diyos ko at aking Hari,
pupurihin kitang lagi.

Magpupuring lahat sa iyo, O Poon, ang iyong nilalang;
lahat mong nilikha ay pupurihin ka’t pasasalamatan.
Babanggitin nilang tunay na dakila ang ‘yong kaharian,
at ibabalitang tunay kang dakila’t makapangyarihan.

Diyos ko at aking Hari,
pupurihin kitang lagi.

Di ka bibiguin sa mga pangako
pagkat ang Diyos ay tapat,
ang kanyang ginawa kahit ano ito ay mabuting lahat.
Siya’y tumutulong sa lahat ng tao
na may suliranin;
yaong inaapi’y inaalis niya sa pagkagupiling.

Diyos ko at aking Hari,
pupurihin kitang lagi.

IKALAWANG PAGBASA
Roma 8, 9. 11-13

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo
sa mga taga-Roma

Mga kapatid:
Hindi na kayo namumuhay ayon sa laman kundi ayon sa Espiritu, kung talagang nananahan sa inyo ang Espiritu ng Diyos. Kung ang Espiritu ni Kristo’y wala sa isang tao, hindi siya kay Kristo. Kung nananahan sa inyo ang Espiritu ng Diyos na siyang muling bumuhay kay Hesukristo, ang Diyos ding iyan ang magbibigay ng buhay sa inyong mga katawang mamamatay, sa pamamagitan ng kanyang Espiritung nananahan sa inyo.

Mga kapatid, hindi na tayo alipin ng likas na hilig ng laman, kaya hindi na tayo dapat mamuhay ayon sa laman. Sapagkat mamamatay kayo kung namumuhay kayo ayon sa laman ngunit kung pinapatay ninyo sa pamamagitan ng Espiritu Santo ang mga gawa ng laman, mabubuhay kayo.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Mateo 11, 25

Aleluya! Aleluya!
Papuri sa Diyos Ama
pagkat ipinahayag n’ya
Hari s’ya ng mga aba.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 11, 25-30

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus, “Pinasasalamatan kita, Ama, Panginoon ng langit at lupa, sapagkat inilihim mo ang mga bagay na ito sa marurunong at matatalino at inihayag sa mga may kaloobang tulad ng sa bata. Oo, Ama, sapagkat gayun ang ikinalulugod mo.

“Ibinigay sa akin ng aking Ama ang lahat ng bagay. Walang nakakikilala sa Anak kundi ang Ama, at walang nakakikilala sa Ama kundi ang Anak at yaong marapating pagpahayagan ng Anak.

“Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na napapagal at nabibigatan sa inyong pasanin, at kayo’y pagpapahingahin ko. Pasanin ninyo ang aking pamatok, at mag-aral kayo sa akin; ako’y maamo at mababang-loob at makasusumpong kayo ng kapahingahan para sa inyong kaluluwa. Sapagkat maginhawang dalhin ang aking pamatok, at magaan ang pasaning ibibigay ko sa inyo.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 7 comments… read them below or add one }

Reynald Perez June 30, 2020 at 2:11 am

Pagninilay: Sino kaya sa atin ang hindi napapagod kahit minsan? Sa totoong buhay, lahat tayo ay napapagod dahil sa marami nating ginagawa araw-araw. Marami tayong pinapasan na mga bigat, kahit ito’y maliit o malaki. At alam nating lahat tayo’y kailangang guminhawa. Kaya si Hesus sa Ebanghelyo ang nagbigay ng solusyon upang tayo’y guminhawa mula sa ating mga pagod: ang kanyang sarili.

Sa unang bahagi ng Ebanghelyo, pinasalamatan niya ang Diyos Ama dahil sa ipinahayag na mga misteryo sa mga mapagpakumbaba at mga may kabutihang-loob na katulad ng mga bata. Unawaain po natin na hindi pinapababa ng Panginoon ang mga marurunong at matatalino, sapagkat alam na nila ang tungkol sa Paghahari ng Diyos dahil sa kanilang pag-aaral at pagsisikap. Ngayon naman ito’y ipinapakilala sa mga taong hindi masyadong dakila at kilala, o sa madaling salita, mga taong may kababaang-loob. Ang mga misteryo rin ay ipinahahayag sa mga taong nais makilala pa ang Diyos. Ito’y sapagkat si Kristo bilang Anak ng Diyos ang unang nakilala sa kanyang Ama dahil siya’y nagmula sa kanya. Kaya ipinakikilala niya ang kanyang sarili bilang hinahayag na mukha ng Diyos.

Sa ikalawang bahagi, dito natin maririnig ang kaginhawaang dala ng ating Panginoong Hesukristo. Ang kanyang paanyaya ay lumapit sa kanya. Lahat tayo ay may kanya-kanyang bigat na dinadala araw-araw. Ang kanyang bilin ay dalhin natin ang kanyang pasan at matuto sa kanya na maamo at mababang-loob. Ito yung pamatok na sinasabi ng Panginoon na dapat nating buhatin. Sa Judaismo, ang pamatok ito ay ang pagtalima ng bawat Hudyong nananampalataya sa dakilang kalooban ng Diyos. Kaya makikita natin na walang sinumang masasabi na hindi siya dumadanas na mga problema. Kahit sa mga maliit na karanasan, may mga pagkakataon dumadanas ang mga pagsubok sa ating buhay. Kaya ang pagpasan ng pamatok ni Kristo ay nangangahulugang harapin natin ang bawat problema at pagsubok nang may pagtiiis at pananampalataya. Ang pahinga na kanyang bigay ay hindi talagang walang ginagawa, kundi mayroong pagninilay mula sa ating kalooban. Sa bawat pagtapos ng araw at pagsimula ng panibagong araw, magadang pagnilayan natin anong nangyari sa atin at kung ano kaya ang sinasabi ng Panginoon sa bawat karanasan natin araw-araw. Ito yung maginhawang pamatok at ang magaang pasan na bigay ni Hesus sa atin. Kaya ang pagnanais na maging maginahawa at madali ang buhay ay kinakailangan ng sakripisyo at pananampalataya na may magagandang gawain.

Reply

M.U. Francisco July 4, 2020 at 9:39 pm

Sa ika-14 na Linggo sa Karaniwang Panahon, Pinapakita sa atin ang relasyon at misteryo ng Diyos Ama at Diyos Anak. Hindi man natin sila nakikita at nahahawakan ng pisikal ako ay naniniwala at namamalampalataya na sila ay totoo at kumikilos sa aking buhay.
Patuloy tayong hinihikayat Ng ating Panginoon na lumapit sa kanya at ipanalangin ang lahat-lahat ng ating mga mabibigat na nararammdaman, mga problema, at mga pagsubok na ating hinaharap sa ating buhay.
Naalala ko noong ako’y nagkaroon ng pananakit Ng sikmura (Ulcer) na dala ng stress nung College at mga bisyong natutunan sa aking mga mabisyong kaibigan. Hirap na hirap akong tanggapin kung bakit ako nagkasakit ng ganun kasabay Ng pagrerebelde ko sa aking magulang na ikinatakot Kung malaman nila. Ganun pa man pagkatapos Ng isang Linggo Hindi ko na nakayanan mag-isa kaya humingi ako Ng kapatawaran sa aking mga magulang at humingi ako Ng tulong Kung papaano mapapagaling Ang sakit Ng aking sikmura at stress. Sa pamamagitan Ng paglapit sa Doctor at pagsunod sa mga gamot nakatulong Ng Malaki Ang paglapit ko sa Panginoon sa pamamagitan Ng dasal at pagtanggap na ako’y mahina, makasalanan, at dapat bumalik sa kabutihan. Pagkatapos Ng ilang buwan ako’y nagpatuloy sa panibagong buhay at natutong tumigil na sa pagrerebelde dahil hangad Lang Ng magulang Ang lahat Ng kabutihan Ng Anak, at Ang bisyo ay walang magagawang kabutihan sa ating buhay. Ang ating Panginoon ay nag-aantay Lang sa atin. Tayo’y lumapit at makipag-usap Kung ano Ang NASA ating isip at saloobin. Amen.

Reply

Mel Mendoza July 5, 2023 at 8:53 pm

Ang nilalaman ng ating mga pagbasa sa Linggong ito ay nabubuod ng mga salitang “tayong lahat ay nabubuhay para sa Diyos”. Ang unang dapat pagnilayan ay tanggapin si Hesus bilang hari ng ating buhay. Sa pagyakap na Siya nga ang hari ng ating mga buhay dapat matularan natin kung paano Niya pinairal ang pagibig sa uri ng kanyang pamumuno na kung saan naipakita ng Panginoon ang kababaan ng loob, at ang pagka-masunurin Niya sa kanyang Amang nasa langit. Dapat maipakita sa kapwa ang paghaharing ito sa pamamagitan ng pagmamahal, pagbabahagi at paglilingkod. Pangalawa, tayo ay pinalaya at binuhay ng Panginoong Hesus buhat sa pagka-alipin sa kasalanan. Nang mamatay si Hesus ng dahil sa pagtubos sa atin dapat namatay din tayong kasabay Niya at muling nagkaroon ng panibagong buhay at pagasa sa muling Niyang pagkabuhay. Nararapat lamang na tayo ay mamuhay sa Espiritu ng Diyos upang patayin nito ang makamundong mga pagnanasa na nasa ating mga espiritu. Kung tayo ay nasa Espiritu na ng Diyos kusa mawawala sa atin ang pita ng laman na naguudyok sa atin na gumawa ng masama. Ang panghuli, sa bigat ng ating mga pasanin at mga pagsubok sa araw araw dapat tanggapin natin ang pamatok ng Diyos at magaral sa kanya upang ang lahat ng atin mga pasanin ay gumaan. Kadalasan ang mga lahat ng mga nagpapabigat sa ating buhay ay bunga ito ng mga kasalanan o mga desisyon sa buhay na hindi naayon sa panukala ng Diyos. Itong mga pasanin na mga ito ay maaring espirituwal, pinans’yal, emotional ang lahat ng mga ito ay mabibigat at gagaan lamang ang mga ito kung matututo tayong magpakumbaba sa Diyos at aminin ang ating mga kahinaan at tuluyang talikdan ang mga kasalanan na nagpapabigat sa ating mga buhay.

Reply

Bro. NSP July 7, 2023 at 10:25 am

Nakakapagod din palang sabihin sa sarili mo na “kaya ko ‘to” when deep inside, you just wanna give up. Yung kahit anong cheer up mo sa sarili mo, pagod ka na talaga physically, mentally and emotionally. Kakascroll ko sa facebook, ito ang nakita ko at totoo nga naman noh? Kung minsan kahit anong push or cheer natin sa sarili natin, nakakapagod pala, nakakapagod na.

Ang ebanghelyo sa linggong ito ay nagpapaalala sa atin na ayos lang pala mapagod. Na sa bawat ating pagkapagod, hindi nga pala ang sarili natin ang makakapagpush at makakapag cheer up sa atin. Ipinapaalala satin ng PAGKAPAGOD na kinakailangan natin ng mapagpapahingahan, masasandalan, mapagsasabihan at magsisilbi nating tahanan.

Sinabi ni Hesus, “Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na napapagal at nabibigatan sa inyong pasanin, at kayo’y pagpapahingahin ko.”

Pagod ka na ba? Lumapit ka sa kanya at pagpapahingahin ka nya. Sobrang bigat na ba? Lumapit ka sa kanya at tutulungan ka nya. Sobrang sakit na ba? Lumapit ka sa kanya at sasamahan ka nya. Hindi mo na kaya? Lumapit ka sa kanya at bibigyan ka nya ng pag-asa.

Hindi naman nating kinakailangang laging piliin na mag-isa. Hinihintay lamang tayo ni Hesus na lumapit sa kanya, hinding hindi ka mabibigo, hinding hindi ka tatanggihan.

Siya ang pahinga sa bawat pagkapagod at sya yung tahanan sa bawat ating pagluha.

(Pagninilay sa ika-14 na Linggo sa Karaniwang Panahon | Taon A – Mateo 11, 25-30)

Reply

Jose M. Reyes July 8, 2023 at 8:33 am

Maganda ang paliwanag at mga halimbawa.

Reply

Jose M. Javier July 9, 2023 at 4:03 am

Sa unang pagbasa, nagdiwang Ang tao sa pagdating ng Hari, kung ano Ang katangian na Hari ay malaki ang nagiging epekto into sa buong sinasakupan, kung ang Hari ay matuwid gayundin Ang impluwensya sa kaharian. Tulad Kay na sinugo ng Diyos Ama nagdiriwang tayo sa kanyang pagdating ng buong pusong pagmamahal. Same with the second reading God raised Jesus from the dead, and if God’s Spirit is living in you, he will also give life to your bodies that die. God is the One who raised Christ from the dead, and he will give life through his Spirit that lives in you. Kaya nga pinagpapala ng Panginoon Ang mga taong marunong tumanggap ng mga pagsubok at paghihirap para Kay Jesus ng may pusong pagpapakumbaba.

Reply

tammy amar July 9, 2023 at 8:18 am

kung sa kanta nga walang sinumang ang nabubuhay para sa sarili lamang walang sinumang ang namamatay para sa sarili lamang tayong lahat ay may pananagutan sa isat isa tayong ay pinili nang diyos para ibigin niya ito patotoo kung gaano kalaki ang pagmamahal sa atin nang Panginoon Hesus dahil kahit anung hampas pagmamalupit natin noong ipako siya sa krus kapayapaan pa rin ang kanyang batid kaya pahalagahan natin at ingatan dahil siya lamang buhay na nagbibigay sa oras nang ating kahinaan at kaginhawahan dahil sino man ang manalig sa kanya ay hindi mamamatay bagkus may buhay na walang hanggan.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: