Podcast: Download (Duration: 7:20 — 5.2MB)
Lunes ng Ika-14 na Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
Genesis 28, 10-22a
Salmo 90, 1-2. 3-4. 14-15ab
D’yos kong tapat at totoo,
ikaw lang ang pag-asa ko.
Mateo 9, 18-26
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Monday of the Fourteenth Week in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
Genesis 28, 10-22a
Pagbasa mula sa aklat ng Genesis
Noong mga araw na iyon, umalis si Jacob sa Beer-seba at nagpunta sa Haran. Inabot siya nang paglubog ng araw sa isang lugar at minabuti niyang doon na magpalipas ng gabi. Isang bato ang inunan niya sa kanyang pagtulog. Nang gabing yaon, siya’y nanaginip. May nakita siyang hagdan na abot sa langit at nagmamanhik manaog doon ang mga anghel. Walang anu-ano’y nakita niya ang Panginoon sa tabi niya. Wika sa kanya, “Ako ang Panginoon, ang Diyos ni Abraham at ni Isaac. Ang lupang ito na iyong hinihigan ay ibibigay ko sa iyo at sa iyong lahi. Darami sila na parang alikabok sa lupa at malalaganapan nila ang apat na sulok ng daigdig. Sa pamamagitan mo at ng iyong lahi, pagpapalain ang lahat ng bansa. Tandaan mo, susubaybayan kita at ipagtatanggol saan ka man magpunta, at ibabalik kita sa lupaing ito. Hindi kita hihiwalayan hanggang sa matupad ang lahat ng sinabi ko sa iyo.”
Nagising si Jacob at ang sabi, “Hindi ko alam na narito pala ang Panginoon! Nakapangingilabot ang lugar na ito; ito ang bahay ng Diyos at pintuan ng kalangitan.”
Maagang gumising si Jacob nang umagang iyon. Kinuha niya ang inunang bato at itinayo bilang isang alaala. Binusan niya ito ng langis at itinalaga sa Diyos. Tinawag niyang Betel ang lugar na yaon na dati’y tinatawag na Luz. Nangako si Jacob nang ganito: “O Diyos, kung ako’y sasamahan ninyo at iingatan sa paglalakbay na ito, pakakani’t pararamtan, at makababalik na muli sa bahay ng aking ama, kayo po ang magiging Diyos ko. Sasambahin kayo sa lugar na ito na pinagtayuan ko ng bataong alaalang ito, at iaalay ko sa inyo ang ikapu ng anumang ipinagkakaloob ninyo sa akin.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 90, 1-2. 3-4. 14-15ab
D’yos kong tapat at totoo,
ikaw lang ang pag-asa ko.
Siyang naghahangad ng pagkupkop ng Kataas-taasan,
at nananatili sa kalinga niyong Makapangyarihan;
makapagsasabi sa kanyang Panginoon:
“Muog ko’t tahanan, Ikaw ang aking Diyos,
ang Diyos na tangi kong pinagtiwalaan.”
D’yos kong tapat at totoo,
ikaw lang ang pag-asa ko.
Ika’y ililigtas niya sa panganib, sa umang na bitag,
at kahit ano mang mabigat na salot di ka magdaranas.
Lulukuban niya sa lilim ng kanyang malabay na pakpak,
sa kalinga niya ay natitiyak mo na ikaw ay ligtas;
iingatan niya’t ipagsasanggalang, pagkat siya’y tapat.
D’yos kong tapat at totoo,
ikaw lang ang pag-asa ko.
Ang sabi ng Diyos, “Aking ililigtas ang tapat sa akin,
at iingatan ko ang sinumang taong ako’y kikilanlin.
Pag sila’y tumawag, laging handa ako na sila’y pakinggan,
aking sasamahan at kung may hilahil ay sasaklolohan.
D’yos kong tapat at totoo,
ikaw lang ang pag-asa ko.
ALELUYA
2 Timoteo 1, 10
Aleluya! Aleluya!
Si Kristo ay nagtagumpay
nalupig ang kamatayan
nagningning ang pagkabuhay.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 9, 18-26
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, samantalang nagsasalita si Hesus, may dumating na isang pinuno ng mga Judio. Lumuhod ito sa harapan niya at ang sabi, “Kamamatay lang po ng aking anak na babae; ngunit sumama lamang kayo sa akin at ipatong ang inyong kamay sa kanya ay mabubuhay siya.” Tumindig si Hesus at sumama sa kanya, gayun din ang kanyang mga alagad.
Sumunod din ang isang babaing may labindalawang taon nang dinudugo. Lumapit ito sa likuran ni Hesus at hinipo ang laylayan ng kanyang damit. Sapagkat sinabi niya sa sarili, “Mahipo ko lang ang kanyang damit ay gagaling na ako.” Bumaling si Hesus at pagkakita sa kanya’y sinabi, “Anak, lakasan mo ang iyong loob! Pinagaling ka ng iyong pananalig.” Noon di’y gumaling ang babae.
Nang dumating si Hesus sa bahay ng pinuno, nakita niya ang mga manunugtog ng plauta at ang maraming taong nagkakaingay. Sinabi niya, “Magsilabas kayo! Hindi patay ang bata; natutulog lang!” At siya’y pinagtawanan nila. Ngunit nang mapalabas na ang mga tao, pumasok siya, hinawakan sa kamay ang bata at ito’y nagbangon. At ang balita tungkol sa pangyayaring ito ay kumalat sa buong lupaing iyon.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Linggo, Hulyo 9, 2023
Martes, Hulyo 11, 2023 »
{ 5 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Ang Unang Pagbasa ay ang pagpapatuloy ng plano ng Diyos para itayo ang kanyang bayan. Pagkatapos ang kwento nina Abraham at Isaac, ating tutunghayan ngayong linggo ang kwento ni Jacob, ang bunsong anak nina Isaac at Rebekka. Matatandaan natin na si Esau ang panganay, kaya’t ikinalulugod ni Isaac ito. Ngunit ikinalulugod naman ni Rebekka si Jacob. At alam natin na niloko ni Jacob ang kanyang kuya nang hilingin nito na ibigay sa kanya ang karapatan, at siya pa ang nakatanggap ng pagbabasbas mula kay Isaac. Nagalit si Esau, at nagtangkang patayin ang kanyang bunsong kapatid sa ginawang panloloko sa kanya. Kaya’t ipinalam ni Rebekka kay Jacob ang balak ni Esau, at binilin na lumayo, maglakbay, at tumuloy sa bahay ng kapatid nitong si Laban. Maaaring magtataka tayo na alam nating niloko ni Jacob si Esau, subalit parang sinasabi na “kalooban ng Diyos” na binigay ni Isaac ang mana ng dakilang pagpapala sa bunsong anak. Kaya matutunghayan natin ang pagsubok ng pananampalataya ni Jacob sa Panginoon.
Natunghayan natin ngayon ang pagpapalipas ng gabi ni Jacob sa bayan ng Haran. Diyan siya natulog, at nang gabing iyon ay nanaginip ng isang hagdan papuntang langit. At nakita niya ang Panginoong nagsasabing kung paanong kinalulugdan nito ang kanyang lolo at ama, ganun din ang pangako na itataguyod at pagpapalain ang mga lahi ni Jacob. At nang magising si Jacob ng umagang iyon, natunghayan niya na nagpakita sa kanya ang Panginoon. Kaya’t tinawag niya ang lugar na iyon na “Betel,” sapagkat diyan nanirahan ang Diyos. At ipinangako ni Jacob na magiging matapat siya sa Diyos at sasamahan niya ito sa pagsunod sa dakilang kalooban, katulad ng ginawa nina Abraham at Isaac.
Ang Ebanghelyo ngayon ay narinig na natin noong Hunyo 27 (Ika-13 Linggo sa Karaniwang Panahon), subalit ang pagkakaiba ay ang nagsasalaysay ngayon ay si San Mateo. Natunghayan natin ang 2 kababalaghan ni Hesus na katumbas ng iisang tema: pananampalataya. Narinig natin kung paanong namatay ang 12 taong gulang na anak ng isang opisyales ng sinagoga na si Jairo at ang babaeng dumudugo ng 12 taon. Ang simbolo ng bilang na 12 sa Banal na Kasulatan ay kaganapan. Parang nagkataon na makalipas ang 12 taon, pinaggaling ni Hesus ang babaeng sumusunod sa kasagsagan ng mga tao at hinawakan ang kanyang damit. At narinig naman natin ang pagbubuhay ni Hesus sa 12 taong gulang na anak ni Jairo. Subalit ang nais ituro ng Ebanghelyo ngayon ay pananampalataya.
Kahit anumang sakit na ating nararamdaman o kaya pagsubok na ating pinagdadaanan, patuloy tayong manalig sa kanya. At makikita natin mula sa kamay ng Panginoong nagpapagaling ang malasakit. Kaya nawa’y magkaroon tayo ng habag at malasakit sa ating kapwa, lalung-lalo na sa mga nangangailangan.
Ikaw ba ay may pagdududa pa rin sa Diyos? Sa ganitong uri ng panahon ang pandemya, madami ang tinatanong ang Diyos at humihingi ng tanda kung talagang Siya ang Diyos. Sa totoo lang walang impossible sa Diyos. Lahat ng ating nararanasan ay alam ng Diyos. Hindi Siya bulag, pipi, at bingi. Nasa tamang panahon lang palagi ang kanyang pagtulong sa atin. Di lang siguro natin namamalayan na ang mga taong tumutulong sa atin ay mga instrumento ng Diyos. Kaya nga naway huwag tayong mawalan ng pag-asa, lahat ng problema ay may katugunan sa Diyos.
Dalawang milagro sa isang ebangheyo, pero iisa ang nais ipabatid satin ni Hesus. Ang magpapagaling sayo ay ang pananampalataya mo. Gaano man kaliit o kalala ang iyong sakit maging cancer pa ito, papgalingin ka ni Hesus kung nararamdaman nya ang iyong malalim na pananalig sa Kanya, yung tipong sya na lamang ang inaasahan mo, Pero habang iniintay mo ang ang tugon ni Hesus sa iyong hinihiling na paggaling, sundin mo nman ang loob nya. Gumawa ka naman ng kabutihan sa iyong kapwa at iwaksi na ang kadiliman at siguradong pagagalingin ka ng iyong pananampalataya. Ito ay hindi lamang patungkol sa sakit o karamdaman, lahat ng iyong dalangin ay samahan mo ng pagbibigay ng buong tiwala kay Hesus at pananalig. Sapagkat kapag ikaw ay nanalangin at meron pa ding pangamba o pagkabalisa nangangahulugan na hindi buo ang tiwala mo sa Diyos. Kaya mga kapatid ang aral ng ebanghelyo ngayon ay MANALANGIN, GUMAWA NG MABUTI AT MANALIG.
The LORD will be His God, and this is what Jacob will confess as he approaches his own death. Jacob also vows to give to God a tenth of all he will receive from God. This statement at the end of verse 22 is significant because in it Jacob confesses that what he will receive will be a gift from God. For our gospel today, Jesus is ready to any kind of service to people pinuntahan pa Niya ang bahay ni Jairus. Ang kailangan sa ating panahon huwag tayong bibitiw jay Jesus bagkus ay lalo pa natin palalimin at patatagin Ang ating pananampalataya bec. Jesus is our stairway to heaven at ipinakita Niya na pasanin Niya ang lahat ng pangangailangan natin.
ang pagmamahal sa atin nang Panginoon Hesus ay walang katumbas marami siyang pinagaling binuhay at bibigyan nang pag asa tayo rin maraming mga pagsubok dumarating sa ating buhay labanan lng natin huwag tayo mawalan nang pag asa dahil balang araw matagumpayan natin ito hanggan sa bandang huli.