Lunes, Nobyembre 14, 2022

November 14, 2022

PANALANGIN NG BAYAN
Ika-33 Linggo sa Karaniwang Panahon
Lunes

Hilingin natin sa Diyos Ama na buksan ang ating mga mata upang malinaw nating makita ang kanyang daan at sundan siya nang buong puso.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, sinagan mo kami ng iyong liwanag.

Ang mga pinuno ng Simbahan, sa pamamagitan ng kanilang huwarang pamumuhay, nawa’y maipakita sa atin ang daan patungo sa Kaharian ng Diyos Amang nasa Langit, manalangin tayo sa Panginoon.

Sa pamamagitan ng ating paggawa ng kabutihan, nawa’y palagi nating bigyan-pansin ang mga hinatulan, tinanggihan, at hindi minamahal sa ating lipunan, manalangin tayo sa Panginoon.

Katulad ng bulag ng Jerico tayo nawa’y magkaroon ng matatag na pananalig sa nakapagpapagaling na presensya ni Jesus at sundan siya sa daan ng buhay, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga maysakit at mga nagdurusa sa kalabuan ng paningin o pagiging bulag nawa’y makatagpo ng kagalingan at kasiyahan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga yumao nawa’y tumanggap ng walang hanggang kapayapaan at liwanag sa kaluwalhatian ng Kaharian ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama naming nasa Langit, punuin mo kami ng iyong pagmamahal at pawiin mo ang kadiliman sa aming buhay upang mabuhay kami sa liwanag ni Kristo, ang iyong Anak na nabubuhay at naghahari kasama mo ngayon at magpakailanman. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 5 comments… read them below or add one }

Reynald Perez November 18, 2018 at 11:21 pm

Pagninilay: Ang ating Unang Pagbasa ay hango sa huling aklat ng Bibliya, ang Pahayag. Ito ay sinulat ni San Juan Apostol kasunod ng di umano’y mga pangitain na kanyang nasaksihan. Nagsisimula ang aklat sa mga pangitain tungkol sa mga kaganapan sa kinabukasan, kaya hinimok ng Apostol ang mga taga-Efeso na maging matatag sa pananampalataya at tapat sa bawat mensahe ng Panginoon. Ang ating Ebanghelyo naman ay narinig natin kamakailan noong Ika-30 Linggo sa Karaniwang Panahon (Oktubre 28, 2018). Ito ay isang pagpapagaling ni Hesus sa isang bulag na lalaki. Bagamat hindi ipinangalan ni San Lucas ang lalaking iyon, alam po natin na ang lalaking bulag ayon kay San Marcos ay walang iba kundi si Bartimeo. Siya’y nagkaupo sa tabi ng daan habang naglilimos. Nang marinig niya na si Hesus ay lumagpas na sa lugar na kanyang pinaroroonan, bigla siyang sumigaw na kaawaan siya ng Anak ni David. Kahit siya’y pinagsabihan na tumahimik, siya’y patuloy sa panawagan ng awa hanggang sa inutos ni Hesus na ilapit si Bartimeo. At nang buong pag-asa’t pananampalataya sinabi ng lalaki na nais niyang makakita, binigyan muli siya ng paninigin at nagpuri ito sa Panginoon. Ang pagtatagpo ni Hesus kay Bartimaeo ay isang hakbang sa ating buhay upang tayo’y maging mulat hindi lang sa pisikal na paraan, kundi higit pa riyan sa espirituwal na paraan. Maraming bagay ang nagpapabulag sa tao dahil sa tuksong pang-akit katulad ng karangyaan, kayabangan, kasakiman, atpb. Minsan dahil sa masyadong mataas ng ating paningin sa ating sarili, nabubulag tayo agad sa mga pangangailangan ng ibang tao. Nawa’y tularan natin si Bartimeo sa pagkakaroon ng buong pananampalataya sa Panginoon na mangyari ang mga bagay na kinakailangan natin sa esprituwal na paglalakbay. At nawa’t tularan natin si Hesus sa pagkakaroon ng pagmamahal sa ibang tao sa pamamagitan ng paggawa ng kabutihan.

Reply

Carla Chariz Duncil November 14, 2022 at 6:41 am

Purihin at pasalamatan ang Panginoon!

Reply

Cristy Guarin November 19, 2018 at 6:43 am

Panginoon tulad mo nawa’y hindi ako maging bingi sa panawagan ng ibang nangangailangan. Hindi lamang sa materyal na bagay bagkus ay makinig sa mga pagkakataong naghahanap sila ng taong handang making at dumamay sa kanilang pinagdadaanan. Huwag nawa akong unahan ng panghuhusga at baliwalain ang kanilang pagsamo na pakingan at damayan.

Reply

Melba G. De Asis November 19, 2018 at 11:32 am

Panginoon, nawa’y hangarin kong makita ang higit at totoong pangangailangan ng aking kapwa. Hiling ko po at dalangin ay pagkalooban Mo po ako ng kagalingan sa pisikal na karamdaman ng aking mga mata at patuloy na ako’y makakita ng liwanag. Inaangkin ko po ang aking paggaling ng may lubos na pagtitiwala sa Iyong kapangyarihan at sa mga biyayang patuloy na nakalaan para sa amin. Amen!

Reply

Guendolyn Chiong November 14, 2022 at 10:45 pm

Salamat sa Diyos!

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: