Podcast: Download (Duration: 6:35 — 4.7MB)
Ikaanim na Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (B)
Mga Gawa 10, 25-26. 34-35. 44-48
Salmo 97, 1. 2-3ab. 3kd-4
Panginoong nagliligtas
sa tanang bansa’y nahayag.
1 Juan 4, 7-10
Juan 15, 9-17
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Sixth Sunday of Easter (White)
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 10, 25-26. 34-35. 44-48
Pagbasa mula sa mga Gawa ng mga Apostol
Sinalubong ni Cornelio si Pedro at nagpatirapa sa harapan nito at sumamba. Ngunit sinabi ni Pedro, “Tumindig kayo. Ako’y tao ring tulad ninyo. Ngayon ko lubusang natanto na walang itinatangi ang Diyos. Nalulugod siya sa sinumang may takot sa kanya at gumagawa ng matuwid, kahit saang bansa.”
Nagsasalita pa si Pedro nang bumaba ang Espiritu Santo sa mga nakikinig ng salita. Namangha ang mga mananampalatayang Judio na kasama ni Pedro, sapagkat ang mga ito ay pinagkalooban din ng Espiritu Santo. Narinig nila ang mga Hentil na nagsasalita sa iba’t ibang wika at nagpupuri sa Diyos. Kaya’t sinabi ni Pedro, “Tulad natin, sila’y pinagkalooban din ng Espiritu Santo. Sino pa ang makahahadlang na binyagan sila sa tubig?” At iniutos niyang binyagan sila sa pangalan ni Hesukristo. Pagkatapos, hiniling nila kay Pedro na manatili roon ilang araw.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 97, 1. 2-3ab. 3kd-4
Panginoong nagliligtas
sa tanang bansa’y nahayag.
o kaya: Aleluya!
Umawit ng bagong awit at sa Poon ay ialay,
pagkat yaong ginawa n’ya ay kahanga-hangang tunay!
Sa sariling lakas niya at taglay na kabanalan,
walang hirap na natamo yaong hangad na tagumpay.
Panginoong nagliligtas
sa tanang bansa’y nahayag.
Ang tagumpay niyang ito’y siya na rin ang naghayag,
sa harap ng mga bansa’y nahayag ang pagliligtas
Ang pangako sa Israel lubos niyang tinutupad.
Panginoong nagliligtas
sa tanang bansa’y nahayag.
Tapat siya sa kanila at ang pag-ibig ay wagas.
Ang tagumpay ng ating Diyos kahit saan ay namalas!
Magkaingay na may galak, yaong lahat sa daigdig;
ang Poon ay buong galak na purihin sa pag-awit!
Panginoong nagliligtas
sa tanang bansa’y nahayag.
IKALAWANG PAGBASA
1 Juan 4, 7-10
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Juan
Mga pinakamamahal: Mag-ibigan tayo sapagkat mula sa Diyos ang pag-ibig. Ang bawat umiibig ay anak ng Diyos, at kumikilala sa Diyos. Ang hindi umiibig ay hindi kumikilala sa Diyos, sapagkat ang Diyos ay pag-ibig. Inihayag ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin nang suguin niya ang kanyang bugtong na Anak upang magkaroon tayo ng buhay sa pamamagitan niya. Ito ang pag-ibig: hindi sa inibig natin ang Diyos kundi tayo ang inibig niya at sinugo ang kanyang Anak upang maging handog sa ikapagpapatawad ng ating mga kasalanan.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Juan 14, 23
Aleluya! Aleluya!
Ang sa aki’y nagmamahal,
tutupad sa aking aral,
Ama’t ako’y mananahan.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 15, 9-17
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon: Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Kung paanong iniibig ako ng Ama, gayon din naman, iniibig ko kayo; manatili kayo sa aking pag-ibig. Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos, mananatili kayo sa aking pag-ibig; tulad ko, tinutupad ko ang mga utos ng aking Ama at ako’y nananatili sa kanyang pag-ibig.
“Sinabi ko sa inyo ang mga bagay na ito upang makahati kayo sa kagalakan ko at malubos ang inyong kagalakan. Ito ang aking utos: mag-ibigan kayo gaya ng pag-ibig ko sa inyo. Walang pag-ibig na hihigit pa sa pag-ibig ng isang taong nag-aalay ng kanyang buhay para sa kanyang mga kaibigan. Kayo’y mga kaibigan ko kung tinutupad ninyo ang mga utos ko. Hindi ko na kayo inaaring alipin, sapagkat hindi alam ng alipin ang ginagawa ng kanyang panginoon. Sa halip, inaari ko kayong mga kaibigan, sapagkat sinabi ko sa inyo ang lahat ng narinig ko sa aking Ama. Hindi kayo ang pumili sa akin; ako ang pumili at humirang sa inyo upang kayo’y humayo at mamunga, at manatili ang inyong bunga. Sa gayon, ang anumang hingin ninyo sa Ama sa aking pangalan ay ipagkakaloob sa inyo. Ito ang inuutos ko sa inyo: mag-ibigan kayo.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Sabado, Mayo 4, 2024
Lunes, Mayo 6, 2024 »
{ 5 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Tayo ngayon ay nasa Ika-6 na Linggo ng Panahon ng Muling Pagkabuhay ng Panginoon. At ito ang Linggo bago ang Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat sa Langit ng Panginoon. Kaya patuloy nating pinagninilayan ang mga huling habilin ni Hesus bago ang kanyang paglisan pabalik sa Langit, upang maging kapiling ng Ama at ipaghandaan niya ang isang lugar diyan para balang araw ang sambayanan ng Diyos ay makapiling niya, ng Ama, at ng lahat ng mga matutuwid na nauna. Kaya itong mga diskurso ni Hesus sa Huling Hapunan, bagamat sa kasaysayan ay nangyari bago ang Pagpapasakit at Pagkamatay, ay pinili ng Simbahan na tapatan sa mga huling bahagi ng Panahon ng Pagkabuhay upang ipahatid sa atin ang mensahe na sa kabila ng lungkot na pamamaalam ni Hesus, ang kanyang Muling Pagkabuhay ay nagdadala sa atin ng kagalakan dahil tayo’y nakakatiyak na matutupad ang kanyang mga habilin, lalung-lalo na ang kanyang pangako ng buhay na walang hanggan sa kalangitan.
Ang Ebanghelyo ngayon ay ang kasunod na diskurso ni Hesus matapos idineklara niya ang kanyang sarili pilang puno ng ubas, at tayo bilang mga sanga ay dapat magkaroon ng ugnayan sa kanya. Ngayong araw na ito, itinuro ni Hesus ang kapangyarihan ng pag-ibig. Ang pag-ibig ni Hesus ay ang pag-ibig ng Diyos Amang nagsugo sa kanya bilang ipinangakong Tagapagligtas, na tubusin ang buong sangkatauhan mula sa kasalanan. Kaya ang dakilang pag-ibig na ito ay hindi lang “eros” na nagpapakita ng damdamin na kagustuhan sa isang tao. Ni hindi rin lang ito “storge” na nakasentro sa mga pamilya at mga kamag-anak. Ni hindi rin lang ito “philia” na nakabatay sa mga pagkalapit ng mga kaibigan at kabarkda. Subalit higit pa sa 3 uri na ito, ang pag-ibig ng Diyos ay AGAPE, na hindi maisusukat o maibibilang ninuman. Bagamat ang tao ay nagkasala, ibinuhos pa rin ng Diyos Ama ang kanyang pag-ibig, lalung-lalo na sa pagsusugo ng kanyang Anak.
At inihahabilin ni Hesus sa atin ngayon ang kanyang utos sa mga alagad: magmahal katulad ng pagmamahal ng Ama sa kanya at sa buong mundo. Kaya ang dakilang pag-ibig ng Diyos na “agape” ay mas pinapahalagahan sa pag-aalay ng buhay ng isa para sa iba. Kaya ito’y sumasalamin sa naging hantungan ni Hesus nang ialay niya ang kanyang buhay sa Krus para sa ating kaligtasan, alang-alang sa ibinuhos na pag-ibig ng Ama na naglikha sa tao kahit nagkasala. Ito ang isinaad ni San Juan sa Ikalawang Pagbasa na lubos tayong minahal ng Diyos tayo, at ibinigay si Hesus para sa pagtubos sa atin mula sa ating mga kasalanan. Siya’y muling nabuhay bilang tagumpay ng pag-ibig na yaon, na ibahagi sa iba upang mapuno ng kagalakan at pag-asa dahil sa Muling Pagkabuhay ni Kristo. At ito ang ipinahayag ni San Pedro sa sambahayan ni Cornelio sa Unang Pagbasa, ukol sa kanyang pagkasaksi sa mensahe ng Diyos na hindi tumatangi sa tao para sa pangako ng kaligtasan, maging Hudyo man siya o Hentil. Kaya ang bawat taong ibinigay ng misyon ay hinirang upang mamunga nang masagana ang pag-ibig ng Diyos Ama sa patuloy na paglaganap ng Kaharian ng Diyos.
Mga kapatid, sa panahon ngayon, ang tao ay patuloy na naghahanap ng paraan upang magmahal. Maraming mga relasyon siguro ang naglaho at hindi nagtagal. Subalit hindi kailanma’y nagsawa ang Diyos na magmahal, kahit sa punto na isinakripisyo ni Kristo ang kanyang sarili para sa kaganapan ng dakilang pag-ibig. Pa’no pa kaya tayong mga karaniwang tao na patuloy na naghahanap ng pag-ibig? Patuloy tayong magmahal upang ipakita sa lahat ng tao ang Panginoong patuloy na nagmamahal sa atin sa kabila ng ating abang katauhan, upang makilala ng lahat ang ating pagkakilanlan bilang mga Kristiyano.
Ang pag-ibig ng Diyos ay para sa lahat. Ang ating simbahan ay puno ng mga makasalanan, kaya naman ipinakikita Niya ang Kanyang umaapaw na pag-ibig. Hindi perfekto ang mga kaanib ng ating relihiyon. Kaya nga si Hesus ang pumupuno ng ating pagkukulang sa pamamagitan ng kanyang pag-ibig. Kaya nga si Hesus ay nakahandang magpatawad sa ating mga kasalanan gaano man ito kalaki o kaliit. Ang mahalaga tayo ay magbagong buhay upang tayo’y makabilang sa pinaghaharian ng Diyos. Kaya nga sana ay mapatawad natin ang mga taong nagkasala sa atin at matutunan nating mahalin ang ating mga kaaway.
Oo mahirap pero kaya. Ang pagsunod sa utos ng Diyos. Ito ang hinihiling ni Hesus mismo sa atin, dahil ang tumutupad sa utos nya ay nanantili sa Kanya. Dito lang natin mararamdaman ang tunay na kaligayahan at peace of mind. Pag wala kang iniisip, sinsabi at ginagawang masama sa iyong kapwa, panatag ang iyong kalooban, at duon tayo makakahati sa kaluwalhatian ng Diyos. Umpisahan mo kapatid sa pagpapatawad sa nagkasala sayo, dun pa lamang ay makakaramdam ka ng kakaibang kaligayahan na pra bang nabawasan ka ng dinadala,, pangalawa pag aralan mong mahalin at mahabag sa ibang tao, hindi lamang sa pamilya mo. Pangatlo ay sikaping hindi makgawa sa mga ipinagbabawal ni Hesus sa sampung utos. Bilang gantimpala ay hilumiling ka sa Ama sa ngalan ni Hesus at siguradong siguradong ipagkakaloob sa iyo. Mag ibigan tayo, umpisahan mo ngayon, maigsi lang buhay pero hindi pa huli ang lahat.
Sa mga pagbasa hanggang sa Mabuting Balita sa Ikaanim na Linggo ng Pasko ng mulling Pagkabuhay pinatutungkulan nito ay pagibig. Sa mga karanasan nating mga tao natural sa ating nagmamahal na tuwing tayo ay may planong pansamantang mawawala tayo ay maraming habilin o paalala sa ating maiiwanan. Sa Linggong ito bago ang Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat ni Hesus sa Langit ay may mga habilin siya sa kanyang mga alagad at ang pinakamahalaga nito ay ang pag-ibig na katulad ng pag-ibig niya sa Ama, na ipinakita’t ipinadama naman niya sa atin ganun din naman ang paalala Niya sa lahat na ipakita’t ipadama din sa ating kapwa bilang mga saksi at sa biyayang ng pag-ibig na ating natanggap. Kaya naman sa mga Ebanghelyo sa mga nakalipas na mga araw narinig natin ang paulit-ulit na sinasabi ng Panginoong Hesus ang manatili sa kanya bilang “Puno ng Ubas” at sa pag-ibig niya.
Bilang mga saksi, katulad ng mga unang alagad bilang pagpapatuloy sa iniwang pagmimisyon ng Panginoong Hesus tayong mga pananampalatayang Kristiyano ay may mga atas na ipalaganap ang mga nakatala sa Banal na Kasulatan na ipinangaral ni Hesus sa kanyang mahigit na tatlong taon na pagmiministeryo. Ang misteryo ng Paskuwa na patuloy nating sinasariwa taon taon at ang banal na Eukaristiya ang mga ito ay ang rurok na dapat paghugutan ng pagasa sa tuwing tayo may hilahil, napapagod, nasasaktan, o ang buhay ay nalalagay sa panganib sa pagsasagawa ng pagmimisyon. Ang lahat ng mga ito ay maisasagawa sa ngalan ng pag-ibig dahil walang imposible as Diyos kung mananatili ang malalim na uganayan sa AMA sa langit. Pwede natin ito simulan sa maliit na hakbang sa sa patuloy na paghingi ng patnubay at gabay ng Espiritu ng Diyos.
REFLECTION: Ang pag-ibig ng Diyos ay para sa lahat. Ang ating simbahan ay puno ng mga makasalanan, kaya naman ipinakikita Niya ang Kanyang umaapaw na pag-ibig. Hindi perfekto ang mga kaanib ng ating relihiyon. Kaya nga si Hesus ang pumupuno ng ating pagkukulang sa pamamagitan ng kanyang pag-ibig. Kaya nga si Hesus ay nakahandang magpatawad sa ating mga kasalanan gaano man ito kalaki o kaliit. Ang mahalaga tayo ay magbagong buhay upang tayo’y makabilang sa pinaghaharian ng Diyos. Kaya nga sana ay mapatawad natin ang mga taong nagkasala sa atin at matutunan nating mahalin ang ating mga kaaway.