Huwebes, Mayo 2, 2024

May 2, 2024

PANALANGIN NG BAYAN
Ikalimang Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Huwebes

Sinabi ni Kristo, “Kung mamamalagi kayo sa akin at mamamalagi sa inyo ang mga pananalita ko, hingin ninyo ang anumang loobin n’yo at magkakagayon sa inyo.” Manalangin tayo nang may pagtitiwala dahil sa mga salita niyang nakapagpapasigla ng loob.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, sumasampalataya kami sa Iyo.

Ang ating Simbahan nawa’y maging isang tunay na pamayanang namumunga ng pag-ibig at kapayapaan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga hindi sumasampalataya nawa’y makakilala sa Diyos sa pamamagitan ng pag-iibigan ng mga Kristiyano, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga mag-asawa nawa’y maging tapat sa kanilang pag-ibig sa isa’t isa na nagpapatunay sa kanilang pananampalataya bilang Kristiyano, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga maysakit nawa’y maging matatag sa kanilang pananampalataya at manatiling kaisa ni Jesus kahit sa kanilang pagdurusa, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga lumisan na sa buhay na ito nawa’y magdiwang nang walang katapusan sa tahanan ng Diyos sa Langit, manalangin tayo sa Panginoon.

Diyos na aming Ama, dinggin mo ang aming mga panalangin at puspusin mo ang aming mga puso ng iyong pag-ibig upang makapamuhay kami sa paraang kalugud-lugod sa iyo. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 2 comments… read them below or add one }

Reynald Perez May 18, 2022 at 7:46 pm

PAGNINILAY: Ang Muling Pagkabuhay ni Hesus ay nagdulot sa atin ng katuparan ng pag-ibig ng Diyos para sa sanlibutan. Makikita natin sa Ebanghelyo ang habilin ni Hesus na magmahalan katulad ng pagmamahal ng Diyos Ama sa kanya at katulad ng pagmamahal niya sa mga alagad. Sinasabi natin na ang pinakamahalagang kabutihan ay ang pag-ibig, at dapat nating unawaan na ito ang ating pagkakilanlan bilang mga Kristiyano. Ang pag-ibig ng Diyos ay dakila at walang katapusan kahit sa kabila ng ating mga pagkakasala at pagkukulang sa buhay. Kaya ibinigay sa atin si Hesus upang tayo’y iligtas mula sa kasalanan at gawin pang mas matapat na anak ng Kataas-taasang Diyos.

Makikita natin sa Unang Pagbasa ang pagbubukas ng mga grasya ng Panginoon para sa lahat ng tao. Noon ay umiiral ang isang kontrobersiyal na debate sa pagitan ng mga mananampalataya kung ang mga Hentil ba ay kinakailangang magpatuli bago maging Kristiyano. Itong rito ay pinipilit ng mga Hudyo lalung-lalo ng mga pinuno ng Judaismo dahil sa pananaw na ang kanilang mga kaugalian lamang ang makakapagligtas ng tao. Subalit tumindig sina San Pedro at Santiago at ipinahayag na ang Diyos ay bukas ang loob na tanggapin ang sinumang tao, kahit sila’y Hudyo o Hentil. Ang mga Hudyo ay pinanatili ang rituwal na pagtutuli, subalit ang mga Hentil ay hindi na kinailangang dumaan sa prosesong iyan. Ang naging aral ng Unang Konseho ng Jerusalem ay ang pagpapadama ng pag-ibig ng Panginoon sa lahat ng tao na ipamalas ang pagmamahal na iyan na higit pa sa mga mahigpit na kaugalian.

Kung mahal natin ang Diyos Ama pati si Hesukristo, nawa’y ipakita natin ang pagmamahalan sa isa’t isa. Ang pag-ibig ay ang buod ng mga aral ni Kristo at pati na rin ang buong Bibliya.

Reply

Malou Castaneda May 2, 2024 at 6:41 am

PAGNINILAY
Ang utos na ibinigay sa atin ni Hesus: “magmahalan kayo gaya ng pagmamahal ko sa inyo.” Mahal tayo ni Hesus ng walang kondisyon; ngunit ang desisyon na tanggapin o tanggihan ang Kanyang pag-ibig ay ganap na ating desisyon. Maaari nating piliin na huwag manatili sa Kanyang pag-ibig sa pamamagitan ng ating pagtanggi na mahalin ang iba. Mahirap matutong mahalin ang isang tao ng walang hinihintay na kapalit. Sa parehong paraan, para sa isang komunidad na maging isang mapagmahal na komunidad ay mas mahirap. Ang mga kapangyarihan ng kasalanan, na nakapaloob sa mga komunidad ng tao – sa pamamagitan ng kanilang personal na kawalan ng kapanatagan, inggit, hindi malusog na mga kumpetisyon at poot ay maaaring magtago, nakatago ngunit makapangyarihan. Ang gawain ay nangangailangan ng katapatan at katapangan. Sa pamamagitan lamang ng pananatili sa pag-ibig ni Hesus, sa pamamagitan ng pagtitiwala at pagsuko sa Kanyang pag-ibig, maaari tayong umasa na magmahal ng walang kundisyon. Ang ating pananatili kay Hesus ay palaging isang gawaing isinasagawa. Manatili nawa tayo sa pag-ibig ng Diyos at sundin ang Kanyang mga utos. Nawa’y magkaroon tayo ng lakas na sundin ang Kanyang utos ng pag-ibig ng walang anumang diskriminasyon. At kung mayroon tayong maging paborito, hayaan itong ang mahihirap at maliliit na
mga tao, mga walang karapatan o pangalan, na mabigyan natin sila ng daan sa katarungan at kagalakan.

Panginoong nabuhay na mag-uli, turuan Mo kaming masayang sumunod sa Iyong mga utos. Amen.
***

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: