Podcast: Download (Duration: 7:38 — 5.5MB)
PANALANGIN NG BAYAN
Ikatlong Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Sabado
Inihahatid sa atin ni Kristo ang mga salitang nagbibigay ng buhay na walang hanggan at tayo ay sumasampalataya. Bunga ng pananampalatayang ito, may pagtitiwala tayong magsumamo sa ating Ama sa Langit na dinggin ang mga panalangin ng pamayanang ito.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama, panatilihin Mo kaming tapat sa iyong Anak.
Ang mga pinuno ng Simbahan nawa’y sumunod sa Panginoon nang buong puso, isip, at lakas, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga pinuno ng mga bansang nagdaranas ng kaguluhan nawa’y walang patid na magsikap na makapaghatid ng kapayapaan at katarungan sa kanilang mga bansa, manalangin tayo sa Panginoon.
Atin nawang maunawaan na ibinibigay ng Diyos ang pinakadakilang katunayan ng kanyang pag-ibig sa nananatiling presensya ng Banal na Sakramento, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit at nagdurusa sa matagal nang karamdaman nawa’y magkaroon ng kapayapaan ng damdamin na dulot ng nagbibigay-ginhawang mga salita ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga namayapa nawa’y magtamasa ng walang hanggang kapayapaan kay Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama, nasa iyong Anak ang mga salita ng buhay; wala kaming patutunguhan kundi sa kanya. Iniaalay namin ang aming mga panalangin sa ngalan niya na nabubuhay at naghahari magpasawalang hanggan. Amen.
Pages: 1 2
« Biyernes, Abril 19, 2024
Linggo, Abril 21, 2024 »
{ 3 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Matapos ang ilang araw ng pagninilay tungkol sa Diskurso ng Tinapay ng Buhay ayon sa ika-6 na kabanata ng Mabuting Balita ni San Juan, dito natatapos ang teleseryeng ito. Malungkot man ang nangyari sa huli, mayroong nagbigay-liwanag sa buong teleserye. Nakita natin ang taong dating humanga kay Kristo dahil sa tinapay na bumusog sa kanila ay hindi inakala na si Hesus na Tinapay ng Buhay ang ibibigay sa kanila para nilang kainin. Parang niliteral nila ang mga salita ng Panginoon, kaya’t sila’y nag-aaway at nagdududa sa kanya. At hindi lang sila, kundi iilan sa mga tagasunod ni Hesus ay biglang nagduda at nais sumuko dahil sa mga salita ni Hesus.
Hindi nila naunawaan na ang mga salita ng Panginoon ay nagbibigay-buhay sa pamamagitan ng Espiritu Santo. At alam ni Hesus na iilan sa kanila ay iiwanan siya, kaya ganun nga ang nangyari. Ngunit nanatili ang 12 Apostol, kaya tinanong din sila kung aalis sila. Alam din ni Kristo na maraming pagkakataong hindi nauunawaan ng mga Apostol ang kanyang mga salita. Subalit sa kabila ng malungkot na pangyayari, parang isang kislap na nagbigay-liwanag sa buong diskurso. Ito ang pagtatapat nang buong pananampalataya ni San Pedro na wala silang mapupuntahan kundi sa Panginoong nagpapahayag ng mga salitang nagbibigay-buhay. At dagdag pa ni Pedro ang pananalig at katiyakan na si Hesukristo ay Anak ng Kataas-taasang Diyos.
Ito siguro ang maaaring hamon sa atin sa pagtatapos ng ating pagninilay tungkol sa diskurso ng Tinapay ng Buhay, na ang pakikinig at pagsasabuhay sa Salita ng Diyos ay isang panawagan upang maging “tinapay” sa bawat taong nakikisalamuha natin. Katulad ni Hesus na nagtatag ng Eukaristiya upang palusugin tayo ng kanyang Salita at Katawan, tayo rin ay inaanyayahang maging saksi ng Mabuting Balita at ipadala ang diwa ng Pakikinabang sa ating kapwa, lalung-lalo na sa mga nangangailangan.
Magandang pagnilayan ang sagot ng mga alagad ng tanungin sila ni Hesus kung iiwan din sya nila. “Panginoon kanino po kami pupunta?”
Tama, kanino tayo pupunta? Sino ang susundin natin? Sino ang gagawin nating gabay? Kanino tayo magpapasalamat? Kanino tyo hihingi ng tawad? Kanino tayo hihiling????
Kaya’t walang ni isa mang maliit na dahilan para tyo ay tumalikod sa Diyos. Hindi natin kaya ang bihay na ito kung wala ang Diyos sa ating mga puso. At ano ang karapatan mong magduda pa sa Panginoon!????? Mayroon bang iba pa na kayang gumawa ng karagatan, araw, bituin, buwan, bilyong klase ng isda, hayop at halaman, ang hangin, at ikaw mismo!
Huwag nating tularan ang mga tumalikod sa Panginoon sa kwento mg ebanghelyo ngayon. Na dahil lamang sa hindi nila maunawaan ang Salita ng Diyos ay iniwan sya nila. Kailangan pa bang lagi silang pakitaan ng kababalaghan upang sumunod lamang sa kanya. Hinahanap hanap sya ng mga tao at sinusundan saan man magpunta ng dahil sa mga ginagawa nyang milagro. Pero kapag walang nakikita ay tumatabang ang pananampalataya.
Sinabi ni Hesus na mapalad ang mga sumasampalataya kahit hindi sya nakikita.
ANG MABUTING BALITA NG PANGINOON
ayon kay San Juan 6, 60-69
PAGNINILAY / ARAL ng Ebanghelyo
“Free will”.
Ang tao’y binigyan ng kakayahang at karapatang kumilos sa sariling pagpapasya.
Marami tayong pagpipiliian sa buhay, malalaki at maliliit, mabuti o masama.
Sa lahat ng aspeto ng ating buhay ay may pinakamainam.
Mahalagang aral ang natutunan natin kay Simon Pedro… na si Hesus ay “nagsasalita ng mga salitang nagbibigay ng buhay na walang hanggan”. Kaya’t si Hesus ang pinili niya.
Si Hesus ba ang ating pinipili?