Podcast: Download (Duration: 7:08 — 5.1MB)
Huwebes sa Ika-7 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Mga Gawa 22, 30; 23, 6-11
Salmo 15, 1-2a at 5. 7-8. 9-10. 11
D’yos ako, ang aking dalangi’y
ako’y iyong tangkilikin.
Juan 17, 20-26
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Thursday of the Seventh Week of Easter (White)
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 22, 30; 23, 6-11
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol
Noong mga araw na iyon, ibig matiyak ng pinuno kung ano nga ang sakdal ng mga Judio laban kay Pablo, kaya’t pinagpulong niya kinabukasan ang mga punong saserdote at ang buong Sanedrin, saka kinalagan si Pablo, ipinanaog at iniharap sa kanila.
Alam ni Pablo na doo’y may mga Saduseo at Pariseo, kaya’t sinabi niya nang malakas, “Mga kapatid, ako’y Pariseo, anak ng mga Pariseo. Dahil sa pag-asa kong muling mabubuhay ang mga patay ako’y nililitis ngayon.” Matapos itong sabihin ni Pablo, nagtalu-talo ang mga Pariseo at ang mga Saduseo, at nahati ang kapulungan. Sapagkat ang sabi ng mga Saduseo, hindi muling mabubuhay ang mga patay at walang anghel o espiritu, subalit ang mga Pariseo nama’y naniniwala sa lahat ng ito. At lumakas ang kanilang sigawan. Tumindig ang ilan sa mga eskribang kapanig ng mga Pariseo at malakas na tumutol. “Wala kaming makitang pagkakasala ng taong ito. Ano kung may isang espiritu o isang anghel na nagsalita sa kanya?”
At nang maging mainitan na ang kanilang pagtatalo, natakot ang pinuno na baka lurayin nila si Pablo, kaya’t pinapanaog niya ang mga kawal, ipinakuha si Pablo at ipinapasok sa kuta.
Kinagabihan, tumayo ang Panginoon sa tabi ni Pablo at sinabi sa kanya, “Lakasan mo ang iyong loob! Nagpatotoo ka tungkol sa akin dito sa Jerusalem; ganyan din ang gawin mo sa Roma.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 15, 1-2a at 5. 7-8. 9-10. 11
D’yos ko, ang aking dalangi’y
ako’y iyong tangkilikin.
o kaya: Aleluya!
O Diyos, ako’y ingatan mo, ingatan ang iyong lingkod,
ang hangad ko ay maligtas kaya sa ‘yo dumudulog;
“Ika’y aking Panginoon,” ang wika ko sa aking Diyos,
“Kabutihang tinanggap ko, ay ikaw ang nagkaloob.”
Ikaw lamang, O Poon ko, ang lahat sa aking buhay,
ako’y iyong tinutugon sa lahat kong kailangan.
D’yos ko, ang aking dalangi’y
ako’y iyong tangkilikin.
Pinupuri ko ang Poon na sa akin ay patnubay.
Kahit gabi diwa niya ang sa aki’y umaakay.
Nababatid ko na siya’y kasama ko oras-oras.
Sa piling n’ya kailanma’y hindi ako matitinag.
D’yos ko, ang aking dalangi’y
ako’y iyong tangkilikin.
Kaya’t ako’y nagdiriwang, ang diwa ko’y nagagalak.
Ang lagi kong nadarama’y hindi ako matitinag.
Pagkat di mo tutulutang ang mahal mo ay malagak,
sa balon ng mga patay upang doon ay maagnas.
D’yos ko, ang aking dalangi’y
ako’y iyong tangkilikin.
Ituturo mo ang landas na buhay ang hahantungan,
sa piling mo’y madarama ang lubos na kagalakan;
Ang tulong mo’y nagdudulot ng ligayang walang hanggan.
D’yos ko, ang aking dalangi’y
ako’y iyong tangkilikin.
ALELUYA
Juan 17, 21
Aleluya! Aleluya!
Lahat nawa’y magkaisa
kay Kristo at sa D’yos Ama
nang tana’y sumampalataya.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 17, 20-26
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, tumingala si Hesus at nanalangin, “Amang banal, hindi lamang ang aking mga alagad ang idinadalangin ko, kundi pati ang mga mananalig sa akin dahil sa kanilang pahayag. Maging isa nawa silang lahat, Ama. Kung paanong ikaw ay nasa akin at ako’y nasa iyo, gayun din naman, maging isa sila sa atin upang maniwala ang sanlibutan na ikaw ang nagsugo sa akin. Ang karangalang ibinigay mo sa akin ay ibinigay ko sa kanila upang sila’y ganap na maging isa, gaya nating iisa: ako’y nasa kanila at ikaw ay nasa akin, upang lubusan silang maging isa. At sa gayun, makikilala ng sanlibutan na sinugo mo ako, at sila’y iniibig mo katulad ng pag-ibig mo sa akin.”
“Ama, nais kong makasama sa aking kinaroroonan ang mga ibinigay mo sa akin, upang mamasdan nila ang karangalang bigay mo sa akin, sapagkat inibig mo na ako bago pa nilikha ang sanlibutan. Makatarungang Ama, hindi ka nakikilala ng sanlibutan, ngunit nakikilala kita; at nalalaman ng mga ibinigay mo sa akin na ikaw ang nagsugo sa akin. Ipinakilala kita sa kanila, at ipakikilala pa, upang ang pag-ibig mo sa akin ay sumapuso nila at ako nama’y sumakanila.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Miyerkules, Mayo 15, 2024
Biyernes, Mayo 17, 2024 »
{ 1 comment… read it below or add one }
PAGNINILAY: Kung ating babalikan ang Ebanghelyo ngayon, ang pinakamagandang pahayag dito ni Hesus ay “Maging ISA nawa silang lahat” (Juan 17:21). Itong pahayag ang naging inspirasyon sa pagsulat ni Papa San Juan Pablo II sa kanyang ensiklikal na pinamagatang “Ut Unum Sint,” na ang layunin ay magkaisa ang lahat ng mga Kristiyano. Kaya pala ang taong 2020 ay itinalaga ng ating lokal na Simbahan bilang “Taon ng Ekumenismo, Diyalogo sa iba’t ibang Relihiyon, at Katutubong Mamamayan”. Tuwing ika-18 hanggang ika-25 ng Enero, itinalaga ng buong Simbahang Katolika bilang Linggo ng Panalangin para sa Pagkakaisa ng mga Kristiyano. At sa buong Simbahan din, patuloy ang mga gawain upang isulong ang kapayapaan at pagkakaisa sa pagitan ng lahat ng mga Kristiyano at iba pang kasapi ng ibang relihiyon. Ngunit kailangan nating iklaro ang ang layunin ito ay hindi upang mawalay sa katotohanang ang ating Simbahan ay ang tunay na itinatag si Hesukristo. Kundi ang nais nating gawin ay makipag-usap at makipag-ugnayan sa mga kapatid nating humiwalay sa Deposito ng Pananampalataya. Kahit mahirap ipanumbalik sila pauwiin sa pagiging Katoliko, ang dapat nating bigyang pansin ngayon ay ang pagkakaroon ng maayos ng relasyon sa kanila.
Sa kabila ng pagkakaiba ng mga paniniwala at tradisyon ng bawat denominasyon, mahalaga na ipakita natin bilang mga tunay na Katoliko sa ating mga kapatid ang pagkakilanlan ng Kristiyanismo: ang pag-ibig. At kung babalikan natin ang Ebanghelyo, ito yung panalangin ni Hesus sa Ama nating Diyos na tayo’y magkaisa upang tayo’y kanyang ingatan hanggang makamit natin ang kaligayahan ng buhay na walang hanggan. Bukod pa rito, ang paanalangin din ni Hesus ay ang pagkakilala ng buong sanlibutan sa Ama nating Diyos, katulad ng pagkilala niya sa Ama. Kaya ito ay hamon sa atin bilang mga Kristiyanong Katoliko, na sa ating pakikipag-isa sa ating kapwang Kristiyano, pa’no pa kaya ang ating pakikipagtungo sa ibang tao na may ibang paniniwala at relihiyon?