Podcast: Download (Duration: 6:54 — 4.9MB)
Ikaapat na Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (B)
Mga Gawa 4, 8-12
Salmo 117, 1 at 8-9. 21-23. 26 at 28kd at 29
Batong dating tinanggiha’y
siya pang naging saligan.
1 Juan 3, 1-2
Juan 10, 11-18
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Fourth Sunday of Easter (White)
Good Shepherd Sunday
World Day of Prayer for Vocations
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 4, 8-12
Pagbasa mula sa mga Gawa ng mga Apostol
Noong mga araw na iyon: Nagsalita si Pedro, na puspos ng Espiritu Santo: “Mga pinuno at matatanda ng bayan, kung sinisiyasat ninyo kami ngayon tungkol sa kabutihang ginawa namin sa lumpong ito at kung paano siya gumaling, talastasin ninyong lahat at ng buong Israel na ang taong ito’y nakatindig sa inyong harapan at lubusang gumaling dahil sa kapangyarihan ng pangalan ni Hesukristong taga-Nazaret. Siya’y inyong ipinako sa krus, ngunit muling binuhay ng Diyos. Ang Hesus na ito
‘Ang batong itinakwil ninyong mga tagapagtayo ng bahay
ang siyang naging batong panulukan.’
Kay Hesukristo lamang matatagpuan ang kaligtasan, sapagkat sa silong ng langit, ang kanyang pangalan lamang ang ibinigay ng Diyos sa ikaliligtas ng tao.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 117, 1 at 8-9. 21-23. 26 at 28kd at 29
Batong dating tinanggiha’y
siya pang naging saligan.
o kaya: Aleluya!
O pasalamatan
ang Diyos na Panginoon, pagkat siya’y mabuti;
ang kanyang pag-ibig
ay napakatatag at mananatili.
Mabuting di hamak
na doon sa Poon magtiwala ako,
kaysa panaligan yaong mga tao.
Higit ngang mabuting
ang pagtitiwala sa Poo’y ibigay,
kaysa pamunuan ang ating asahan.
Batong dating tinanggiha’y
siya pang naging saligan.
Aking pinupuri
Ikaw, Panginoon, yamang pinakinggan,
dininig mo ako’t pinapagtagumpay.
Ang batong natakwil
ng nangagtatayo ng tirahang-bahay,
sa lahat ng bato’y higit na mahusay.
Ang lahat ng ito
ang nagpamalas ay ang Panginoong Diyos
kung iyong mamasdan ay kalugud-lugod!
Batong dating tinanggiha’y
siya pang naging saligan.
Ang pumaparito
sa ngalan ng Poon ay pagpapalain;
magmula sa templo
mga pagpapala’y kanyang tatanggapin!
Ikaw ay aking Diyos,
kaya naman ako’y nagpapasalamat;
ang pagkadakila mo ay ihahayag.
O pasalamatan
ang D’yos na Poon, pagkat siya’y mabuti;
ang kanyang pag-ibig
ay napakatatag at mananatili.
Batong dating tinanggiha’y
siya pang naging saligan.
IKALAWANG PAGBASA
1 Juan 3, 1-2
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Juan
Mga pinakamamahal:
Isipin ninyo kung gaano kalaki ang pag-ibig sa atin ng Ama! Tinatawag niya tayong mga anak ng Diyos – at iyan ang totoo. Ito ang dahilan kung bakit hindi tayo nakikilala ng mga makasanlibutan; hindi nila kinikilala ang Diyos. Mga minamahal, sa ngayon, tayo’y mga anak ng Diyos, ngunit hindi pa nahahayag ang magiging kalagayan natin. Gayunman, alam nating sa pagparitong muli ni Kristo, tayo’y matutulad sa kanya, sapagkat makikita natin siya sa kanyang likas na kalagayan.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Juan 10, 14
Aleluya! Aleluya!
Ako’y pastol na butihin
kilala ko’ng tupang akin;
ako’y kilala nila rin.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 10, 11-18
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon: Sinabi ni Hesus: “Ako ang mabuting pastol. Iniaalay ng mabuting pastol ang kanyang buhay para sa mga tupa. Ang upahan ay tumatakas, kapag nakikitang dumarating ang asong-gubat. Iniiwan niya ang mga tupa, palibhasa’y hindi siya pastol at hindi kanya ang mga tupa. Kaya’t sinisila ng asong-gubat ang mga ito, at pinangangalat. Tumatakas siya palibhasa’y upahan lamang at walang malasakit sa mga tupa. Ako ang mabuting pastol. Kung paanong nakikilala ako ng Ama at siya’y nakikilala ko, gayon din naman, nakikilala ko ang aking mga tupa at ako nama’y nakikilala nila. At iniaalay ko ang aking buhay para sa mga tupa. Mayroon akong ibang tupa na wala sa kulungang ito. Kinakailangang sila’y alagaan ko rin; pakikinggan nila ang aking tinig. Sa gayo’y magiging isa ang kawan at isa ang pastol.
“Dahil dito’y minamahal ako ng Ama, sapagkat iniaalay ko ang aking buhay, upang ito’y kunin kong muli. Walang makakukuha nito sa akin; kusa ko itong ibinibigay. Mayroon akong kapangyarihang ibigay ito at kunin uli. Ito ang utos na tinanggap ko sa aking Ama.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Sabado, Abril 20, 2024
Lunes, Abril 22, 2024 »
{ 6 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Ngayong kalagitnaan ng Panahon ng Pasko ng Muling Pagkabuhay, ating pagnilayan ngayon ang Muling Nabuhay na Panginoon, ang Mabuting Pastol ng mga buhay at kaluluwa. Nang siya’y ipinanganak sa Bethlehem, dinaluhan Siya ng mga pastol, at sila’y napaluhod nang makita nila ang Tagapagligtas na nakahimlay sa sabsaban. Sa pangyayaring iyon, si Hesus ay ang Mabuting Pastol na umaakay sa kanyang mga kawan. Inialay niya ang buhay niya sa kanila para sila’y mabuhay. Kahit sabihin natin na ang kwento ng pagtubos ay para sa lahat, hindi lahat ay naniwala sa Bugtong na Anak ng Diyos. Kaya ang mga naniwala sa kanya ay naligtas na, at sila’y tinatawag ngayon na mga Kristiyano, ang kanyang mga kawan. Tayo rin ay ang kanyang mga kawan, kung dininig natin ang kanyang tinig.
Bago pa man dumating si Kristo sa sanlibutan, pinili na ng Panginoong Diyos ng mga pinuno na magmumuno sa Israel. Hindi sila’y perpekto at makapangyarihan, ngunit mayroon silang mapagkumbaba na puso para dinggin ang tinig ng Diyos. Si Noe ay isang lasengero. Si Abraham ay tinawag na iwan ang kanyang mga are-arian. Si Esau ay minahal ni Isaac, ngunit ang pagtuturing ni Rebekah kay Jacob ay ganun rin ang paraan ng Diyos. Kaya pinaglaruan ni Jacob ang kanyang kapatid sa pamamagitan ng pagkuha ng pwesto bilang panganay. Si Moises ay natagpuang nakalutang sa ilog, at siya’y ipinalaki ng anak ng Faraon. Si Haring David ay isang pastol. Ngunit nang siya ay namumuno sa bayan, nakiapid siya sa asawa ng isa sa mga kawal. Sa halip ng mga ito, tinuturing pa rin sila ng Diyos dahil sila’y pinili na maging mga pinuno ng Israel, at turuan ang mga tao ng kanyang mga utos.
At sa pagdating ng panahon, naparito ang ating Panginoong Hesukristo para ipakita sa atin ang daang tungo sa Ama. Bilang kanyang mga kawan, dapat tayo’y mamuhay nang mabubuti, at gumawa ng mga mabubuting gawa. Sa ating paglalakbay sa daan ng Pasko ng Muling Pagkabuhay, nawa’y maging mga pastol tayo sa ating mga kapwa, at turuan sila ng tamang pamumuhay sa pamamagitan ng paglilingkod sa kanila.
Kaya mo bang ibuwis ang iyong buhay alang-alang sa Diyos? Minsan sa ating buhay, ang ginagawa nating mabuti ay minamasama ng ibang tao. Pag gumawa ka ng masama mali ka, paggumawa ka ng mabuti, mali ka pa rin, ano ba talaga? Ito ang nangyari sa buhay ng ating Panginoong Hesus, gumagawa siya ng mabuti, ngunit hindi ito tinatangkilik ng mga eskriba at pariseo. Minasama pa nila ito. Kaya nga kung ikaw ay panig sa liwanag, hindi ka talaga maiiintindihan ng taga sanlibutan. Ang ating Panginoong Hesus ay puno ng pag-ibig ang puso. Ito ay para sa lahat, masama man at mabuting tao. Binibigyan niya ang mga masasama upang magbago. Kaya nga si Hesus ay namatay dahil sa ating mga kasalanan. Nawa’y matularan natin si Hesus na umiibig sa kapwa ng walang pagtatangi.
Alam mo ba kung gano kamahal ni Hesus? iiwanan nya ang 99 na tupa para hanapin at maibalik ang isang tupang nawawala. Kapatid lahat tayo ay nagkakasala, pero wag kang magkalunod sa kasalanan, wag mong isipin walang Diyos kapag may nangyaring di maganda sayo. Kapg ikaw ay lugmok sa problema, mas dapat kang tumakbo kay Hesus dahil sya lamang, sya lamang kapatid ang dapat mong takbuhan. Walang hindi maipangyayari ang Diyos pag kanyang inibig, ang kailangan lamang ay ikaw ay manalig, maniwala at ibigay sa kanya ang lahat. Habang humihiling at nananalangin sabayan mo ito ng pagbabago at pagwaksi ng kasamaan, Mahalin natin ang Diyos pero dapt din tayong matakot sa Diyos.
PAGNINILAY
Ang araw ng Linggo ay nagpapaalala sa atin na hindi tayo lalapit sa Diyos lamang – ang ating pagsamba ay naglalapit sa atin sa komunidad at nagpapakilala sa atin bilang mga tupa ng Mabuting Pastol. Ang pagiging isang ‘tupa’ ay hindi para hamakin, ngunit upang iligtas tayo mula sa labis na pag-iisip sa ating sarili. Sabi ni St Mother Teresa ‘Paano mo mamahalin ang iba kung lagi mo silang hinuhusgahan’? Tinatawag tayo ni Hesus sa pagpapakumbaba at pagtitiwala, binabalaan tayo laban sa mga gumagawa lamang para sa kung ano ang kanilang nakukuha at nagbababala laban sa anumang maaaring umagaw o maghiwalay sa atin. Ang pastol ay pinananatili ang mga tupa sa paningin, isinasangalan sila at nakikita sila sa ibayo pa . Hinihiling natin sa Diyos ang kababaang-loob na kailangan natin, upang pakinggan natin ang tinig ng Mabuting Pastol, na nagpapahintulot sa Kanya na pamunuan tayo at nagtitiwala na pinangungunahan din Niya ang iba – kahit na sa mga paraang hindi natin nauunawaan.
Panginoon na nabuhay na mag-uli, tulungan Mo kaming sumunod sa Iyo habang ginagabayan Mo kami sa araw-araw.
***
REFLECTION: Magandang Araw po, At Happy Good Shepherd Sunday po sa inyong lahat! Kaya mo bang ibuwis ang iyong buhay alang-alang sa Diyos? Minsan sa ating buhay, ang ginagawa nating mabuti ay minamasama ng ibang tao. Pag gumawa ka ng masama mali ka, paggumawa ka ng mabuti, mali ka pa rin, ano ba talaga? Ito ang nangyari sa buhay ng ating Panginoong Hesus, gumagawa siya ng mabuti, ngunit hindi ito tinatangkilik ng mga eskriba at pariseo. Minasama pa nila ito. Kaya nga kung ikaw ay panig sa liwanag, hindi ka talaga maiiintindihan ng taga sanlibutan. Ang ating Panginoong Hesus ay puno ng pag-ibig ang puso. Ito ay para sa lahat, masama man at mabuting tao. Binibigyan niya ang mga masasama upang magbago. Kaya nga si Hesus ay namatay dahil sa ating mga kasalanan. Nawa’y matularan natin si Hesus na umiibig sa kapwa ng walang pagtatangi.
ANG MABUTING BALITA NG PANGINOON
ayon kay San Juan 10, 11-18
PAGNINILAY / ARAL ng Ebanghelyo
A lesson on “The Good Shepherd & Ecumenism”
“Ako ang mabuting pastol. Iniaalay ng mabuting pastol
ang kanyang buhay para sa mga tupa.
Nakikilala ko ang aking mga tupa at ako nama’y nakikilala nila”.
Kilalanin at tularan natin si Hesus
na nakikila ang mga kapatid sa pananampalataya
at nawa’y maialay natin ng buong puso ang pagmamahal sa kapwa
di man natin sila kayang alayan ng ating buhay.
“Mayroon akong ibang tupa na wala sa kulungang ito.
Kinakailangang sila’y alagaan ko rin;
Pakikinggan nila ang aking tinig.
Sa gayo’y magiging isa ang kawan at isa ang pastol”.
Ito’y pakikipag-isa sa sama-samang pananalangin at pakikipag-isa sa paglilingkod Kristiano sa kapwa mananampalataya kay Hesu-kristo bilang Diyos at Tagapagligtas.
Ikaw ba tulad ni Kristo na handang ialay ang iyong buhay para sa kapwa at mahal mo rin ba ang ibang mga kapatid na tagasunod ni Kisto?