Biyernes, Abril 19, 2024

April 19, 2024

PANALANGIN NG BAYAN
Ikatlong Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Biyernes

Ibinibigay sa atin ng Ama ang kanyang Anak bilang tunay na pagkain at tunay na inumin sa hapag na ito. Hilingin natin sa kanya ang lahat ng ating mga pangangailangan sa pamamagitan ni Kristo, ang pinagmumulan ng bagong buhay.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama, panatilihin Mo ang aming buhay
sa pamamagitan ng Eukaristiya.

Ang Simbahan nawa’y lumago sa pagpapahalaga sa Eukaristiya bilang Tinapay ng Buhay sa pamamagitan ng mas mataimtim na pagdiriwang ng Banal na Misa, manalangin tayo sa Panginoon.

Bilang isang pamayanan nawa’y hindi natin ipagwalang-bahala ang ating buhay-pananampalataya bagkus higit na manalig sa Diyos araw-araw kahit sa ating mga kahirapan at pagdurusa, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga pamilya, lalo na ang ating mga anak nawa’y lumago sa mga biyayang dulot ng patuloy na pagtanggap ng Eukaristiya, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga maysakit nawa’y palakasin ng kanilang pananampalataya sa pamamagitan ng pakikipag-isa ng kanilang mga paghihirap sa pagpapakasakit ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga mahal natin sa buhay na yumao nawa’y magkamit ng buhay na walang hanggan na ipinangako ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama naming nasa Langit, ibinigay mo sa amin ang Katawan at Dugo ng iyong Anak bilang pagkain at inumin sa aming paglalakbay. Marapatin mo na sa aming pakikipag-isa sa kanya, kami ring lahat ay magkaisa bilang mga bahagi ng kanyang Katawan. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 3 comments… read them below or add one }

Reynald Perez May 5, 2022 at 9:09 pm

PAGNINILAY: Kung tayo’y nakasubaybay sa ating teleserye tungkol sa Tinapay ng Buhay, makikita natin sa simula ay humanga ang mga tao kay Hesus dahil sa pagpaparami ng isda at tinapay na nagpabusog sa kanilang pagkagutom. Nang mahanap nila siya sa Capernaum, sinabi sa kanila ni Hesus na dapat sila’y sumikap sa pagkaing nagbibigay-buhay sa pamamagitan ng pananamapalataya sa kanya. At nang tanungin sila kung anong tanda ang ipapakita niya sa kanila, sinabi ni Hesus na magbibigay siya ng tinapay. At nang hilingin nila na bigyan sila palagi ng pisikal na tinapay upang hindi na sila kailangang magsumikap, idineklara ni Hesus ang kanyang sarili bilang Tinapay ng Buhay.

Sa kabila ng kanilang pagkahanga sa kanila ay nagkaroon sila ng pagduda tungkol sa mga pahayag nito ni Kristo. Kaya pinalawak pa ni Kristo ang kanyang diskurso tungkol sa kanyang sarili bilang Tinapay, at kung sino mang kumakain nitong tinapay na kanyang laman ay ang magkakaroon ng buhay na walang hanggan. Kaya ngayon, biglang umungol ang mga tao at nagtatalu-talo sa kanilang sarili kung paano kaya maibibigay ni Hesus ang kanyang laman para kainin nila. Akala nila na dapat nilang kainin ang kanyang pisikal na katawan, na kung baga parang ang tingin nila na dapat sila’y maging mga kanibal. Ngunit hindi nila labis na naunawaan ang pahayag ng Panginoon. Ang nais lamang sabihin ng Panginoon ay ang pakikibahagi sa kanyang Laman at Dugo. Tunay nga ang kanyang Laman ay tunay na pagkain, at ang kanyang Dugo ay tunay na inumin.

Sa madaling salita, ang nais ni Hesus ay tayo ay makisalo sa kanyang buhay sa pamamagitan ng ating pananampalataya. At itong Ebanghelyong ito ay binibigyang-bisa ang Sakramento ng Banal na Eukaristiya. Tuwing ipinagdiriwang natin ang Banal na Misa, nakikibahagi tayo sa buhay na ibinigay sa atin ni Kristo sa pamamagitan ng kanyang Pagpapakasakit, Pagkamatay, at Muling Pagkabuhay. Ang pagkatatag sa Eukaristiya noong gabi ng Huling Hapunan ay isang paggunita natin sa halimbawa at gawain ng ating Panginoon. Kaya nga ang tinapay at alak ay nagiging kanyang totoong Katawan at Dugo. Hindi lang ito mga simbolismo na itinuturo ng ilang ating mga humiwalay na kapatid sa pananampalataya.

Tayong mga Katoliko ay sumasampalataya na si Hesus ay kapiling natin, lalung-lalo na sa Sakramento ng Eukaristiya. At nais niyang palusugin tayo sa pamamagitan ng kanyang Salita at Katawan upang maging makabuluhan ang ating buhay-espirituwal. At ang hamon ng bawat Misa ay ang pagkahayo sa ating mga personal na buhay upang ipadama sa iba ang presensiya ng Diyos sa pamamagitan ng mga mabubuting salita at gawain. At nakita natin sa katauhan ni San Pablo sa Unang Pagbasa mula sa isang tapag-usig ay naging isang malakas na saksi ni Kristo upang ipahayag at bigyan-saksi ang Mabuting Balita. At ito yung naririnig natin sa mga sulat ng Apostol na nawa’y magkaroon tayo ng mabuting relasyon sa ating sarili, sa ating kapwa, at higit sa lahat sa ating Panginoong Diyos. Ito’y mga paraan upang maging “Eucharistic” ang ating buhay: a life blessed, broken, and shared.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño May 6, 2022 at 9:00 am

Ang ebanghelyo ngayon ay paanyaya na lagi nating sasariwain ang tinapay at alak na ibinhagi ni Hesus sa Huling Hapunan. Ito ay sumisimbolo sa kanyang sariling katawan at dugo. Sinasariwa natin ito tuwing tayo ay dadalo sa banal na pagdiriwang ng misa. Ang hostia ay hindi pampaswerte, kapt tinanggap natin ito ay naniniwala tayo na iyon ay katawan ni Hesus. At kapag tumanggap tayo nito ay pinapatuloy natin si Hesus sa ating puso. Kaya nga binabanggit sa misa ang mga katagang ito bago natin tanggapin ang banal na komunyon “ Panginoon hindi ako karapat dapat na magpa-tuloy sa iyo ngunit sa isang salita mo lamang ay gagaling na ako”.

Paanyaya ito na maglaan tayo ng oras para sa Diyos, para magsimba, magpaslamat, magsisi at humingi mg kapatawaran at humiling ng nais. At isapuso ang pagtanggap ng banal na komunyon na pinapapasok natin si Hesus sa atin upang maghari sa ating mga puso’t damdamin.

Sa Unang Pagbasa naman ay tularan nating ang pagbabagong buhay ni Saulo. Talikuran na natin ang kasamaan at magpatotoo tayo kay Kristo.

Reply

Malou Castaneda April 18, 2024 at 11:17 am

PAGNINILAY
Madalas nating marinig ang mga nagmamahalan na nagsasabing ‘Mahal na mahal kita kaya kitang kainin’ o ‘ang presensya mo ay pagkain at inumin para sa akin’. Si Hesus ay hindi nagtataguyod ng kanibalismo ng higit pa sa mga magkasintahan. Sa Ebanghelyo ngayon ay totoong nasasabi na ‘Ang pag-ibig ko sa iyo ay tunay at hindi lamang salita’. Talagang maaari nating dalhin ang pag-ibig na ito sa ating mga puso at mapangalagaan Niya. Siya talaga ang pagkain para sa ating pagkatao. Nagiging bahagi tayo ni Hesus kapag kinakain natin ang Kanyang katawan at inumin ang Kanyang dugo – isang malinaw na paraan ng pagbibigay sa atin ng Kanyang sarili. Kapag tinanggap natin Siya sa ganitong paraan tayo ay dinadala sa isang malalim na pagkakaisa sa Kanya, upang tayo ay magkabahagi sa buhay ni Hesus at sa buhay ng Diyos. Nawa’y magkaroon tayo ng mas matibay na pananampalataya upang maniwala sa hindi natin maintindihan, tulad ng isang bata na nagtitiwala sa isang magulang, ng hindi kailangang malaman kung bakit.

Panginoong muling nabuhay, pakainin Mo kami sa Iyong hapag ng buhay na walang hanggan. Amen.
***

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: