Sabado, Mayo 18, 2024

May 18, 2024

Linggo ng Pentekostes
Pagmimisa sa Sabado ng Hapon

Genesis 11, 1-9
o kaya Exodo 19, 3-8a. 16-20b
o kaya Ezekiel 37, 1-14
o kaya Joel 3, 1-5
Salmo 103, 1-2a. 24 at 35k. 27-28. 29bk-30

Espiritu mo’y suguin,
Poon, tana’y ‘yong baguhin.

Roma 8, 22-27
Juan 7, 37-39


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Vigil of Pentecost (Red)

UNANG PAGBASA
Genesis 11, 1-9

Pagbasa mula sa aklat ng Genesis

Sa simula’y iisa ang wika ng lahat ng tao sa daigdig. Sa kanilang pagpapalipat-lipat, nagawi sila sa silangan, sa isang kapatagan sa Sinar. Dito sila huminto at namayan. Nagkaisa silang gumawa ng maraming tisa at lutuing mabuti para tumibay. Tisa ang ginagamit nilang bato at alkitran ang kanilang semento. Ang sabi nila, “Ngayo’y magtayo tayo ng isang lungsod na may toreng abot sa langit upang matanyag tayo at huwag nang magkawatak-watak.”

Bumaba ang Panginoon upang tingnan ang lungsod at ang toreng itinatayo ng mga tao. Sinabi niya, “Ngayon ay nagkakaisa silang lahat at iisa ang kanilang wika. Pasimula pa lamang ito ng kanilang mga binabalangkas; hindi magluluwat at gagawa sila ng anumang kanilang maibigan. Ang mabuti’y puntahan natin at guluhin ang kanilang wika upang huwag silang magkaunawaan.” At pinangalat ng Panginoon ang mga tao sa buong daigdig, kaya natigil ang pagtatayo ng lungsod. Babel ang itinawag nila sa lungsod na iyon, sapagkat doo’y ginulo ng Panginoon ang wika ng mga tao. At mula roon, pinapangalat nga niya ang mga tao sa buong daigdig.

Ang Salita ng Diyos.

o kaya:
Exodo 19, 3-8a. 16-20b

Pagbasa mula sa aklat ng Exodo

Noong mga araw na iyon, si Moises ay umakyat sa bundok upang makipag-usap sa Diyos. Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Ito ang sabihin mo sa buong angkan ni Jacob, sa buong Israel: ‘Nakita ninyo ang ginawa ko sa mga Egipcio. At tulad ng pangangalaga ng isang agila sa kanyang mga inakay, kayo’y aking kinupkop. Kung susundin ninyo ako at hindi kayo sisira sa pakikipagtipan ko sa inyo kayo ang magiging bayan kong hinirang. Ang buong daigdig ay akin ngunit kayo’y aking itatangi. Kayo’y gagawin kong bayan ng mga saserdote na maglilingkod sa akin, nakatalaga sa akin.’ Iyan ang sabihin mo sa mga Israelita.” Kaya tinipon ni Moises ang mga lider ng Israel at sinabi ang lahat ng iniutos sa kanya ng Panginoon. Sila nama’y parang iisang taong sumagot, “Susundin namin ang lahat ng iniutos ng Panginoon.”

Kinaumagahan ng ikatlong araw, nagkukulog sa bundok at sala-salabat ang kidlat. Ang bundok ay nabalot ng makapal na ulap at narinig ang isang malakas na tunog ng tambuli. Lahat ng tao sa buong kampamento ay nanginig sa takot. Pinangunahan ni Moises ang mga tao papunta sa paanan ng bundok upang humarap sa Diyos. Ang Bundok ng Sinai ay nababalot ng usok sapagkat bumaba ang Panginoon sa anyo ng apoy. Pumailanlang ang usak, tulad ng usok ng isang pugon, at ang mga tao’y pinagharian ng takot. Palakas nang palakas ang tunog ng tambuli. Nagsalita si Moises at sinagot siya ng Diyos sa pamamagitan ng kulog. Ang Panginoon ay bumaba sa tuktok ng Bundok ng Sinai at pinaakyat niya roon si Moises.

Ang Salita ng Diyos.

o kaya:
Ezekiel 37, 1-14

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Ezekiel

Noong mga araw na iyon, nadama ko ang kapangyarihan ng Panginoon at sa pamamagitan ng kanyang Espiritu ay dinala niya ako sa isang lambak na puno ng kalansay. Inilibot niya ako sa lugar na yaong puno ng mga kalansay na tuyung-tuyo na. Tinanong niya ako, “Tao, palagay mo ba ay maaari pang mabuhay ang mga kalansay na ito?”

Sumagot ako, “Kayo po lamang ang nakaaalam, Panginoon?”

Sinabi niya sa akin, “Magpahayag ka sa mga kalansay na ito. Sabihin mo: Mga tuyong kalansay, dinggin ninyo ang Salita ng Panginoon. Ito ang ipinasasabi niya: Bibigyan ko kayo ng hininga at kayo’y mabubuhay. Lalagyan ko kayo ng litid at laman, at babalutin ng balat. Bibigyan ko kayo ng hininga at kayo’y mabubuhay. Sa gayun, makikilala nilang ako ang Panginoon.”

Nagpahayag nga ako, tulad ng utos sa akin. Nang ako’y nagsasalita, nagkaroon ng malakas na ugong, at nabuo ang mga kalansay. Nakita kong sila’y nagkaroon ng litid at laman; nabalot sila ng balat ngunit hindi pa humihinga. Sinabi sa akin ng Panginoon, “Tao, tawagan mo ang hangin sa lahat ng dako. Sabihin mong ipinasasabi ko: Hangin, hingahan mo ang mga patay na ito upang sila’y mabuhay.” Nagpahayag nga ako at pumasok sa kanila ang hininga. Nabuhay nga sila at nang magtayuan, sila’y ubod ng dami, parang isang malaking hukbo.

Sinabi sa akin ng Panginoon, “Tao, ang bansang Israel ay tulad ng mga kalansay na ito. Sinasabi nila, ‘Tuyo na ang aming mga buto, wala na kaming pag-asa. Lubusan na kaming pinabayaan.’ Kaya nga, magpahayag ka. Sabihin mong ipinasasabi ko: Bayan ko, ibubukas ko ang inyong libingan. Ibabangon ko kayo at iuuwi sa inyong bayan. Kung maibukas ko na ang inyong libingan at maibangon ko kayo, makikilala ninyong ako ang Panginoon. Hihingahan ko kayo upang kayo’y mabuhay, at ibabalik ko kayo sa inyong sariling bayan. Sa gayon, malalaman ninyo na akong Panginoon ang nagsabi nito at aking gagawin.”

Ang Salita ng Diyos.

o kaya:
Joel 3, 1-5

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Joel

Ito ang sinasabi ng Panginoon:
“Ibubuhos ko ang aking Espiritu sa lahat ng tao:
isasaysay ang inyong mga anak ang aking mga salita;
sari-sari ang mapapanaginip ng matatandang lalaki
at makakakita ng mga pangitain ang inyong mga kabataang lalaki.
Sa panahong iyan, ibubuhos ko ang aking Espiritu
pati sa mga alipin, lalaki’t babae.
Magbibigay ako ng mga babala sa araw na yaon
at ito’y makikita sa langit at sa lupa:
Dadanak ang dugo, magkakaroon ng apoy at makapal na usok.
Magdidilim ang araw at ang buwan ay pupulang animo’y dugo
bago dumating ang nakatatakot na Araw ng Panginoon.
Ngunit lahat ng hihingi ng tulong sa Panginoon ay maliligtas.
Gaya ng kanyang sinabi, may mga taong makapangungubli
sa Bundok ng Sion at sa Jerusalem.
Yaong mga pipiliin ng Panginoon ay makaliligtas.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 103, 1-2a. 24 at 35k. 27-28. 29bk-30

Espiritu mo’y suguin,
Poon, tana’y ‘yong baguhin.

Pinupuri ka Poong Diyos, nitong aking kaluluwa,
O Panginoong aking Diyos, kay dakila mong talaga,
ang taglay mong kasuuta’y dakila ri’t marangal pa.
Nababatbat ka, Poong Diyos, ng liwanag na maganda.

Espiritu mo’y suguin,
Poon, tana’y ‘yong baguhin.

Sa daigdig, ikaw Poon, kay rami ng iyong likha.
Pagkat ikaw ay marunong kaya ito nagawa.
Sa dami ng nilikha mo’y nalaganapan ang lupa.
Purihin ang Panginoon. O purihin mo nga siya!

Espiritu mo’y suguin,
Poon, tana’y ‘yong baguhin.

Lahat sila’y umaasa, sa iyo ay nag-aabang;
umaasa sa pagkain na kanilang kailangan.
Ang anumang kaloob mo ay kanilang tinatanggap,
mayro’n silang kasiyahan pagkat bukas ang ‘yong palad.

Espiritu mo’y suguin,
Poon, tana’y ‘yong baguhin.

Natatakot mangamatay kung kitlin mo ang hininga;
mauuwi sa alabok, pagkat doon mula sila.
Taglay mo ang Espiritu upang buhay ay ibalik.
Bagumbuhay ay dulot mo sa nilikha sa daigdig.

Espiritu mo’y suguin,
Poon, tana’y ‘yong baguhin.

IKALAWANG PAGBASA
Roma 8, 22-27

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma

Mga kapatid: Alam natin na hanggang ngayon ang sangnilikha ay dumaraing sa paghihirap. Hindi lamang sila! Tayo mang tumanggap ng Espiritu bilang unang kaloob ng Diyos ay napapahimutok samantalang hinihintay natin ang pag-aampon sa atin ng Diyos, ang pagpapalaya sa ating mga katawan. Ligtas na tayo at inaasahan natin ang kaganapan nito. Ngunit ang pag-asa ay hindi pag-asa kapag nakikita na ang inaasahan. Sapagkat sino ang aasa sa nakikita na? Ngunit kung umaasa tayo sa hindi natin nakikita, ito’y hinihintay natin nang buong tiyaga.

Gayun din naman, tinutulungan tayo ng Espiritu sa ating kahinaan. Hindi tayo marunong manalangin nang wasto, kaya’t ang Espiritu ang lumuluhog para sa atin, sa paraang di magagawa ng pananalita. At nauunawaan ng Diyos na nakasasaliksik sa puso ng tao, ang ibig sabihin ng Espiritu, sapagkat ang Espiritu’y lumuluhog para sa mga banal, ayon sa kalooban ng Diyos.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA

Aleluya! Aleluya!
Espiritung aming Tanglaw,
kami’y iyong liwanagan
sa ningas ng pagmamahal.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Juan 7, 37-39

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Sa huli at pinakatanging araw ng pista, tumayo si Hesus at malakas na sinabi: “Ang nauuhaw ay lumapit sa akin at uminom. Ayon sa sinasabi ng Kasulatan, ‘Mula sa puso ng nananalig sa akin ay dadaloy ang tubig na nagbibigay-buhay.'” Tinutukoy niya ang Espiritung tatanggapin ng mga nananalig sa kanya. Nang panahong iyon ay hindi pa naipagkakaloob ang Espiritu Santo, sapagkat hindi pa nagaganap ang pagkamatay at muling pagkabuhay ni Hesus.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 2 comments… read them below or add one }

Reynald David Perez May 20, 2023 at 5:26 pm

PAGNINILAY: Ang hapong ito, pati na rin ang gabi, ay ang pinanabikan ng Inang Simbahan sa pagdiriwang ng pagbaba ng Espiritu Santo sa mga Apostol na kasama ang Mahal na Birheng Maria. Ang Bisperas ng Pentekostes ay nagpapaalala sa atin sa kwento ng kaligtasan kung paanong pinangako ng Diyos na ang tao ay maligtas sa kabila ng kanilang pagkakasala, pagkukulang, at labis na pagmamataas sa sarili. Kaya ito ang karansan ng mga taong gumawa ng Torreng Babel sa Unang Pagbasa mula sa Genesis: Nang dahil sa kanilang hangarin na makaakyat sa langit nang walang pagsisikap, pinalito ng Diyos ang kanilang mga dila, kaya hindi sila nagkaintindihan. Ngunit hindi pa rin pinabayaan ng Panginoon ang mga tao, sapagkat sa mga lumipas ng panahon, gumawa siya ng mga tanda at nagpadala ng mga matutuwid na tao, upang ituro sa tanan ang tipang nagpapakilala sa kanya bilang Diyos at sila bilang bayan niya.

Sa napakatakdang panahon, isinugo ng Diyos Ama si Hesus upang itupad ang plano ng kaligtasan sa pamamagitan ng kanyang Pagpapakasakit, Pagkamatay sa Krus, at Muling Pagkabuhay. At upang maunawaan at maisabuhay nito ng tanan, ipinangako niyang isugo ang Espiritu Santo. Kaya ang Ebanghelyo ngayon ay naglalarawan sa Espiritu bilang isang bukal na nagbibigay-buhay para sa mga sumasampalataya. Ang Espiritu rin ay ipinangako ni Hesus upang maging ating Patnubay na mas kilalanin pa ang Diyos at ang dakilang kalooban. Kaya ang pagdiriwang natin bukas ay nagpapalala sa dakilang pangyayaring iyon ng Pagbababa ng Espiritu Santo sa mga Apostoles. At ang kanilang katatagan sa pagpapahayag ng Mabuting Balita ang nag-udyat na mas lumago pa ang Simbahan, ayon sa pangako ni Hesus na hindi kailanma’y ito mananaig ng anumang masamang kapangyarihan, lalung-lalo na ng Diyablo. Kaya patuloy na nabubuhay ang Simbahan dahil sa Diyos na Santatlo: Ang Amang nagkakaloob ng nararapat sa sambayanan, ang Anak na nagturo at nagligtas para sa ating mabuting kapakanan, at ang Espiritu Santong patuloy na gumabay sa Sambayanan sa kanilang pagsisikap kilalanin ang Diyos na ito at sa kanilang paglilingkod sa kapwa.

Tayo ngayon ay nalalapit na sa pagwawakas ng Panahon ng Pasko ng Pagkabuhay. Papasok na tayo sa Karaniwang Panahon, na kung saan inaalala natin ang Pampublikong Ministeryo ng Panginoong Hesus. Bagamat hindi na narito si Hesus sa daigdig, patuloy siyang nananahan sa ating mga puso. At ito ang liwanag dulot ng Espiritu Santo, na hindi natin malilimot ang Panginoon sa ating buhay. Hayaan natin ang Espiritu na kumilos at gumabay sa atin upang maging makabuluhan ang ating buhay dito sa lupa, at makamtan nawa ang kaligayahan sa langit.

Reply

Joshua S. Valdoz May 18, 2024 at 5:16 pm

PAGNINILAY: Ang hapong ito, pati na rin ang gabi, ay ang pinanabikan ng Inang Simbahan sa pagdiriwang ng pagbaba ng Espiritu Santo sa mga Apostol na kasama ang Mahal na Birheng Maria. Ang Bisperas ng Pentekostes ay nagpapaalala sa atin sa kwento ng kaligtasan kung paanong pinangako ng Diyos na ang tao ay maligtas sa kabila ng kanilang pagkakasala, pagkukulang, at labis na pagmamataas sa sarili. Kaya ito ang karansan ng mga taong gumawa ng Torreng Babel sa Unang Pagbasa mula sa Genesis: Nang dahil sa kanilang hangarin na makaakyat sa langit nang walang pagsisikap, pinalito ng Diyos ang kanilang mga dila, kaya hindi sila nagkaintindihan. Ngunit hindi pa rin pinabayaan ng Panginoon ang mga tao, sapagkat sa mga lumipas ng panahon, gumawa siya ng mga tanda at nagpadala ng mga matutuwid na tao, upang ituro sa tanan ang tipang nagpapakilala sa kanya bilang Diyos at sila bilang bayan niya.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: