Podcast: Download (Duration: 9:16 — 6.5MB)
Miyerkules sa Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay
Mga Gawa 3, 1-10
Salmo 104, 1-2. 3-4. 6-7. 8-9
D’yos ay dapat parangalan
ng banal n’yang sambayanan.
Lucas 24, 13-35
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Wednesday within the Octave of Easter (White)
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 3, 1-10
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol
Minsan, ikatlo ng hapon, oras ng pananalangin, nagpunta sina Pedro at Juan sa templo. Sa malapit sa tinatawag na Pintuang Maganda ay may isang lalaking ipinanganak na lumpo. Dinadala siya roon araw-araw upang magpalimos. Nang makita niya sina Pedro at Juan na papasok sa templo, siya’y nanghingi ng limos. Tinitigan siya ng dalawa, at sinabihan ni Pedro, “Tumingin ka sa amin!” Tumingin nga siya sa pag-asang siya’y lilimusan. Ngunit sinabi ni Pedro, “Wala akong pilak o ginto, subalit may iba akong ibibigay sa iyo: sa ngalan ni Hesukristong taga-Nazaret, lumakad ka.” Hinawakan niya sa kanang kamay ang lumpo at itinindig. Pagdaka’y lumakas ang mga paa at bukung-bukong ng lalaki; ito’y napalukso at nagsimulang lumakad. Paluksu-lukso siyang pumasok sa templo, kasama nila, at masayang nagpupuri sa Diyos. Nakita ng lahat na siya’y lumalakad at nagpupuri sa Diyos. Nanggilalas sila nang makilala nilang siya ang pulubing dati’y nakaupo sa Pintuang Maganda ng templo.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 104, 1-2. 3-4. 6-7. 8-9
D’yos ay dapat parangalan
ng banal n’yang sambayanan.
o kaya: Aleluya!
Dapat na ang Diyos, itong Panginoon, ay pasalamatan,
ang kanyang ginawa sa lahat ng bansa’y dapat ipaalam.
Siya ay purihin, suubin ng awit, ating papurihan,
ang kahanga-hangang mga gawa niya’y dapat na isaysay.
D’yos ay dapat parangalan
ng banal n’yang sambayanan.
Tayo ay magalak yamang lahat tayo ay tunay na kanya,
ang kanyang pangalan, ang pangalang banal, napakadakila,
lahat ng may nais maglingkod sa Poon, dapat na magsaya.
Siya ay hanapin, at ang kanyang lakas ay siyang asahan,
siya ay hanapin upang mamalagi sa kanyang harapan.
D’yos ay dapat parangalan
ng banal n’yang sambayanan.
Ito’y nasaksihan ng mga alipi’t anak ni Abraham,
gayun din ang lahat na anak ni Jacob na kanyang hinirang.
Ang Panginoong Diyos ay ang Panginoon, siya ang ating Diyos,
sa kanyang paghatol ay ang nasasaklaw, buong sansinukob.
D’yos ay dapat parangalan
ng banal n’yang sambayanan.
Ang tipang pangako’y laging nasa isip niya kailanman,
ang mga pangakong kanyang binitiwan sa lahat ng angkan.
Ang tipan ng Diyos ay unang ginawa niya kay Abraham,
at may pangako ring ginawa kay Isaac na lingkod na mahal.
D’yos ay dapat parangalan
ng banal n’yang sambayanan.
ALELUYA
Salmo 117, 24
Aleluya! Aleluya!
Araw ngayong gawa ng D’yos,
magdiwang tayo nang lubos.
Purihin ang Manunubos.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 24, 13-35
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Nang araw ding iyon, ang dalawa sa mga alagad ay patungo sa isang nayong tinatawag na Emaus, may labing-isang kilometro ang layo sa Jerusalem. Pinag-uusapan nila ang mga pangyayari. Samantalang nag-uusap sila at nagtatanungan, lumapit si Hesus at nakisabay sa kanila. Siya’y nakita nila, ngunit hindi nakilala agad. Tinanong sila ni Hesus, “Ano ba ang pinag-uusapan ninyo?” At tumigil silang nalulumbay. Sinabi ng isa na ang ngala’y Cleopas, “Kayo lamang po yata ang dayuhan sa Jerusalem na hindi nakaaalam sa mga bagay na katatapos pa lamang nangyari roon.” “Anong mga bagay?” tanong niya. At sumagot sila, “Tungkol kay Hesus na taga-Nazaret, isang propetang makapangyarihan sa gawa at salita, maging sa harapan ng Diyos at ng mga tao. Isinakdal siya ng aming mga punong saserdote at mga pinuno upang mahatulang mamatay, at siya ay ipinako sa krus. Siya pa naman ang inaasahan naming magpapalaya sa Israel. Hindi lamang iyan. Ikatlong araw na ngayon mula nang mangyari ito; nabigla kami sa ibinalita ng ilan sa mga babaing kasamahan namin. Maagang-maaga raw silang nagpunta sa libingan, at di nila natagpuan ang kanyang bangkay. Nagbalik sila at ang sabi’y nakakita raw sila ng isang pangitain – mga anghel na nagsabing buhay si Hesus. Pumunta rin sa libingan ang ilan sa mga kasama namin at gayun nga ang natagpuan nila, ngunit hindi nila nakita si Hesus.”
Sinabi sa kanila ni Hesus, “Kay hahangal ninyo! Ano’t hindi ninyo mapaniwalaan ang lahat ng sinabi ng mga propeta? Hindi ba’t ang Mesiyas ay kailangang magbata ng lahat ng ito bago niya kamtan ang kanyang marangal na katayuan?” At ipinaliwanag sa kanila ni Hesus ang lahat ng nasasaad sa Kasulatan tungkol sa kanyang sarili, simula sa mga aklat ni Moises hanggang sa sinulat ng mga propeta.
Malapit na sila sa nayong kanilang patutunguhan, at si Hesus ay waring magpapatuloy pa ng lakad. Ngunit siya’y pinakapigil-pigil nila. “Tumuloy na po kayo rito sa amin,” anila, “sapagkat palubog na ang araw at dumidilim na.” Kaya’t sumama nga siya sa kanila. Nang siya’y kasalo na nila sa hapag, dumampot siya ng tinapay at nagpasalamat sa Diyos, saka pinaghati-hati at ibinigay sa kanila. Nabuksan ang kanilang paningin at nakilala nila si Hesus, subalit ito’y biglang nawala. At nawika nila, “Kaya pala gayun ang pakiramdam natin habang tayo’y kinakausap sa daan at ipinapaliwanag sa atin ang mga Kasulatan!”
Noon di’y tumindig sila at nagbalik sa Jerusalem. Naratnan nilang nagkakatipon ang Labing-isa at ang ibang mga kasama nila na nag-uusap-usap, “Muli ngang nabuhay ang Panginoon! Napakita kay Simon!” At isinalaysay naman ng dalawa ang nangyari sa daan, at kung paano nila siyang nakilala nang paghati-hatiin niya ang tinapay.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Martes, Abril 2, 2024
Huwebes, Abril 4, 2024 »
{ 6 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Patuloy tayong nagagalak sa Muling Pagkabuhay ng ating Panginoong Hesukristo. At ang kagalakang iyon ay isang patunay na si Hesus ay palaging kapiling natin.
Ito ang nangyari sa ating Ebanghelyo nang nakasabay ng 2 tagasunod ni Hesus ang isang estranghero. Sila’y naglalakad papunta sa nayon ng Emaus, na may distansyang 7 milya (11 kilometro) mula Jerusalem. Hindi nila nabatid na ang kasama nila ay si Hesus dahil hindi nila namumukhaan ang tao. Sila’y paalis ng Jerusalem dahil sa lungkot ng damdamin at pagkabigo ng kanilang mga inaasahan tungkol sa Mesiyas. Katulad ng marami sa mga alagad ni Kristo, noong una sila’y naniniwala na ang Mesiyas ang lulupig sa mga mapuwersang hakbang ng mga Romano. Dito’y pinaunawa ng estrangherong kasama nila na ang Kristo ay naparito upang magdusa para sa kasalanan ng tao at luwalhatiin para sa kaloob ng panibagong buhay.
At isinalaysay nga niya sa 2 alagad isinulat ng Kasulatan tungkol kay Kristo hanggang sumapit ang takipsilim. Kaya inaanyayahan ang lalaki ng 2 na manatili sa kanilang tahanan. At nang gabing iyon, kinuha ni Hesus ang tinapay, pinaghahati iyon, at ibinigay kina Clopas at ang kasamahan nito. Nang masaksihan nila ang pangyayaring ito, namulat ang kanilang mga mata at isipan nang sa huli’y nakilala na nila kung sino ang lalaking kasama nila. At bago pa man sila magsalita, biglang nawala si Hesus sa kanilang piling. Subalit ang mahalaga ay yung pag-alab ng kanilang mga puso dahil sa pagpapaliwanag ni Kristo tungkol sa kanya, na ayon kina Moises at ng mga propeta sa Banal na Kasulatan. At nang hatiin niya ang tinapay sa harapan nila, dito nila’y naunaawaan ang plano ng Diyos para sa sangkatauhan.
Dito makikita natin sa kwentong ito ang isang pagtatagpo sa Panginoong Muling Nabuhay sa pamamagitan ng pag-uunawa ng kaisipan at pag-aalab ng puso. Itong karanasan ng 2 alagad sa Emaus ay ang ating karanasan din tuwing tayo’y nagdiriwang ng Sakramento ng Banal na Eukaristiya. Dalawang bahagi ang Misa: ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos [Liturgy of the Word] at ang Pagdiriwang ng Huling Hapunan [Liturgy of the Eucharist]. Katulad ng 2 alagad, si Hesus ay kapiling natin at nais tayong mabusog sa pamamagitan ng kanyang Salita at ng kanyang Katawan. Ito yung “sacramental presence” na kung malugod natin siyang tatanggapin sa bawat Eukaristiya, tayo ay makakamit balang araw ng buhay na walang hanggan. At ito’y mangyayari kung makabuluhan ang ating pagtatagpo sa kanya. Bawat karanasan natin sa Muling Nabuhay na Panginoon ay isang panawagang maging mga mabubuting saksi niya.
Katulad nina San Pedro at San Juan sa Unang Pagbasa na nagpagaling ng isang pilay na tao sa Templo, nawa sa ating pagdadala ng Diyos sa iba ay maging isang magandang pagkakataon upang tayo ay maging maawain at mabuti tungo sa kanilang mga pangangailangan, maging ito man ay pisikal, espirituwal, mental o emosyonal. Nawa’y ipagdiwang natin ang Muling Pagkabuhay ni Hesukristo sa pamamagitan ng pagiging “Eucharistic” tungo sa ibang tao: pinagpala, pinaghati-hati, at pinagbabahagian.
Sa ating ebanghelyo ngayon ay kasama ng dalawang alagad si Hesus habang sila’y naglalakbay na puno ng kalungkutan. Ganun si Hesus lagi syang kasama natin anumang oras, oras ng kasiyahan o oras ng kapighatian. Wala ng sasarap pa sa pakiramdam na lagi natin kasama si Hesus. Wala tyong katatakutang balakid na parating, wala tayong pangamba, may peace of mind tayo, at walang makahaharang sa ating daraanan sapagkat ang pinakamakapangyarihan ang kasama natin. Gayunpaman, dapat din nating sundin ang kalooban nya, kasama natin si Hesus sa laht ng oras kaya’t mahiya kang gumawa ng kahalayan, kamunduhan at iba pang kasalanan sa kapwa.
PAGNINILAY:
Sa tuwing tayo ay nagsasama-sama sa Pangalan ng ating Panginoong Hesus na Muling Nabuhay, nararanasan natin ang Kanyang presensya sa atin. Ito ay pagkatapos ay maaari nating abutin ang iba at bigyan sila ng isang regalo, hindi ng ginto o pilak, ngunit ng pagpapagaling sa pamamagitan ng Kanyang Pangalan. Ang pagpapagaling na ating ipinaabot ay maaaring hindi kasing-dramatiko ng pagpapagaling ng isang lumpo. Maaaring kasing simple ng ating pagngiti na maaaring magbigay ng saya. Kailangan din nating malaman na hindi ang ating sarili ang gumagawa ng anumang “lunas”. Nariyan tayo para “magmalasakit” sa iba at hayaan nilang maranasan ang presensya ng ating Panginoong Hesus na Siyang nagpapagaling. Ang mga dakilang bagay ay maaari at mangyayari kung patuloy tayong mananatiling nakatuon sa ating Panginoon na Nabuhay na Mag-uli at sa pagpapahayag ng Kanyang Sarili sa Salita at sa paghahati ng tinapay. Magagawa nating abutin ang iba dahil si Hesus ang ating “Kasama”.
Panginoong nabuhay na mag-uli, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Iyong Banal na Espiritu, patuloy na pag-alabin ang aming mga puso ng apoy ng Iyong pag-ibig. Amen.
***
MAGNILAY: Paano mo gustong maalala ka sakaling wala ka na sa mundo? Anong gawain ang gusto mong maalala ka lalo ng mga taong mahalaga sa iyo?
Naaalala si Hesus ng kanyang mga alagad sa kanyang paghahati ng tinapay. Kaya sa Emaus nabuksan ang mata ng mga alagad na siya pala ang kasa-kasama nila sa paglalakad nang maghati na siya ng tinapay. Sa paghahati ng tinapay nalaman nilang siya’y muling nabuhay!
Maraming paghahati ng tinapay ang ginawa ni Hesus pero ang pinaka hindi malilimutan ay sa Huling Hapunan. Ito ay bisperas ng kanyang sakripisyo sa krus. Dito niya sinabi na ang tinapay na hinati ay kanyang katawan na ihahandog para sa lahat. Ang paghahati ng tinapay ay naging alaala ng kanyang pag-aalay ng sarili sa krus.
Sa Banal na Misa naghahati tayo ng tinapay. Inaalaala natin ang kanyang sakripisyo na tumubos sa atin sa kasalanan ayon na rin sa kanyang utos. Sa Banal na Misa hindi lang natin inaalaala ang sakripisyo niya sa krus kundi nagiging ngayon muli ang isang magandang alaala ng kanyang dakilang pag-ibig.
MANALANGIN: Panginoong muling nabuhay, harinawang maalala ako ng lahat sa pagtulad ko sa iyong halimbawa ng pagsasakripisyo para sa iba.
GAWIN: Mag-iwan ka ng magagandang alaala ng iyong pagmamahal.
REFLECTION: Sa ating ebanghelyo ngayon ay kasama ng dalawang alagad si Hesus habang sila’y naglalakbay na puno ng kalungkutan. Ganun si Hesus lagi syang kasama natin anumang oras, oras ng kasiyahan o oras ng kapighatian. Wala ng sasarap pa sa pakiramdam na lagi natin kasama si Hesus. Wala tyong katatakutang balakid na parating, wala tayong pangamba, may peace of mind tayo, at walang makahaharang sa ating daraanan sapagkat ang pinakamakapangyarihan ang kasama natin. Gayunpaman, dapat din nating sundin ang kalooban nya, kasama natin si Hesus sa laht ng oras kaya’t mahiya kang gumawa ng kahalayan, kamunduhan at iba pang kasalanan sa kapwa.
ANG MABUTING BALITA NG PANGINOON
ayon kay San Lucas 24, 13-35
PAGNINILAY / ARAL ng Ebanghelyo
Tulad ng paulit-ulit na tinuran kailangan ba ng pagpatunay (proof) ng mga himala upang makikilala natin ang Panginoon?
Sa mga himala lang ba at sa mga pangyayari sa ating buhay nakikita ang Panginoon?
Si Hesus ay buhay sa lahat ng bagay, sa lahat ng panyayari, sa lahat ng tao,
sa lahat ng kanyang nilikha … Siya’y naruon kasakasama natin.
Buhayin natin ang Panginoon sa ating puso.