Podcast: Download (8.8MB)
Martes ng Ika-9 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
2 Pedro 3, 12-15a. 17-18
Salmo 89, 2. 3-4. 10. 14 at 16
Poon, amin kang tahanan noon,
ngayon at kailanman.
Marcos 12, 13-17
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Tuesday of the Ninth Week in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
2 Pedro 3, 12-15a. 17-18
Pagbasa mula sa ikalawang sulat ni Apostol San Pedro
Mga pinakamamahal, samantalang hinihintay ninyo ang Araw ng Diyos, magsikap kayong mabuti upang madali ang pagdating ng Araw na iyon – araw ng pagkatupok ng kalangitan at pagkatunaw sa matinding init ng mga bagay na naroon. Ngunit ayon sa pangako ng Diyos, naghihintay tayo ng mga bagong langit at ng bagong lupa na pinaghaharian ng katarungan.
Kaya nga, mga minamahal, samantalang kayo’y naghihintay, sikapin ninyong mamuhay na payapa, walang dungis at kapintasan. Alalahanin ninyong kaya nagtitimpi ang Panginoon ay upang bigyan kayo ng pagkakataong maligtas.
Ngayong ito’y alam na ninyo, mga kapatid, dapat kayong mag-ingat upang huwag kayong mailigaw ng mga taong walang matuwid na patakaran. Sa gayun, hindi kayo matitinag sa inyong mabuting kalagayan. Ayon sa kagandahang-loob ng Diyos, magpatuloy kayo sa paglago sa kabutihan at sa pagkakilala sa ating Panginoon at Tagapagligtas na si Hesukristo. Sa kanya ang kapurihan, ngayon at magpakailanman! Amen.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 89, 2. 3-4. 10. 14 at 16
Poon, amin kang tahanan noon,
ngayon at kailanman.
Wala pa ang mga bundok, hindi mo pa nilalalang,
hindi mo pa nililikha itong buong daigdigan,
ikaw noon ay Diyos na, pagkat ika’y walang hanggan.
Poon, amin kang tahanan noon,
ngayon at kailanman.
Yaong taong nilikha mo’y bumalik sa alabok,
sa lupa ay nagbabalik kapag iyong iniutos.
Ang sanlibong mga taon ay para bang isang araw,
sa mata mo, Panginoon, isang kisapmata lamang;
isang saglit sa magdamag na ito ay dumaraan.
Poon, amin kang tahanan noon,
ngayon at kailanman.
Buhay nami’y umaabot ng pitumpung taong singkad,
minsan nama’y umaabot na walumpu, kung malakas.
Yaong buong buhay nami’y sakbibi ng dusa’t hirap,
pumapanaw pagkatapos, dito sa sangmaliwanag.
Poon, amin kang tahanan noon,
ngayon at kailanman.
Kung umaga’y ipadama yaong wagas mong pag-ibig,
at sa buong buhay nami’y may galak ang aming awit.
Ipakita sa lingkod mo ang dakila mong gawain,
at sa sunod naming lahi, ipadama ay gayun din.
Poon, amin kang tahanan noon,
ngayon at kailanman.
ALELUYA
Efeso 1, 17-18
Aleluya! Aleluya!
D’yos Ama ni Hesukristo,
kami ay liwanagan mo
at tutugon kami sa ‘yo.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 12, 13-17
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, ilang Pariseo at ilang kampon ni Herodes ang pinapunta kay Hesus upang siluin siya sa kanyang pananalita. Lumapit sila sa kanya at ang sabi, “Guro, nalalaman po naming kayo’y tapat at walang pinangingimian, sapagkat pareho ang pagtingin ninyo sa lahat ng tao. At itinuturo ninyo kung ano ang kalooban ng Diyos sa mga tao. Naaayon po ba sa Kautusan ang pagbabayad ng buwis sa Cesar? Dapat ba kaming bumuwis o hindi?” Ngunit batid ni Hesus na sila’y nagkukunwari, kaya’t sinabi niya sa kanila, “Bakit ba ibig ninyo akong siluin? Bigyan ninyo ako ng isang denaryo. Titingnan ko.” At kanilang binigyan siya. “Kaninong larawan at pangalan ang nakaukit dito?” tanong ni Hesus. “Sa Cesar po,” tugon nila. Sinabi ni Hesus, “Ibigay ninyo sa Cesar ang sa Cesar, at sa Diyos ang sa Diyos.” At sila’y namangha sa kanya.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Lunes, Hunyo 3, 2024
Miyerkules, Hunyo 5, 2024 »
{ 3 comments… read them below or add one }
Pagninilay: Ang Unang Pagbasa natin ngayon ay ang paalala ni San Pedro sa mga taong labis na nanabik sa muling pagpaparito ng ating Panginoong Hesukristo. Hindi dapat tayo’y nakatulala na parang may awtomatikong pangyayari, kundi dapat tayo’y maging handa sa oras na yaon na babalik muli si Kristo upang ipasa ang paghuhukom ng nangabubuhay at nangamatay na tao. At dito ipinapaalala ng Apostol ang pamumuhay nang nararapat sa pamamagitan ng pagkakaroon ng walang dungis at kapintasan sa ating budhi at pagiging mayapa ang ating puso’t isipan. At dapat marunong tayo’y mag-ingat mula sa anumang kapahamakang mawawalay ang ating relasyon sa Diyos. Kaya ang kasalanan ay nagpuputol sa ating pakikipag-ugnayan sa Panginoon. Sa halip ay dapat tayong maging mabuti at matapat sa dakilang kalooban ng Diyos nating Ama.
Ang ating Ebanghelyo ay ang ating tungkulin bilang mamamayan ng mundo at mamamayan ng Diyos. Palaging naririnig natin ang umiiral na batas na kung tawagin ay “Pagkahiwalay ng Simbahan at Estado”. Ngunit ang pagkaintindi ng iilan ay parang wala raw koneksiyon ang pananampalataya sa takbo ng pamahalaan. Subalit bilang mga totoong tao, tayo ay binigyan ng tungkuling moral upang alamin ang mabuti sa masasama. At tayo rin ay tinawag na ipamalas ang ating tugon sa pagiging mamamayan ng mundo at mamamayan ng Diyos. Narinig natin ang pagsubok ng mga Pariseo at kampo ni Herodes kay Hesus kung dapat nga ba’y magbayad sila ng buwis sa Emperador. Ngunit alam na ni Hesus ang kanilang pagkabitag sa kanya bilang mga oportunista: Kung sasabihin niya ay “Oo”, pagbibintangan siya ng mga Hudyo bilang traydor dahil kumampi siya sa sistema ng Roma. Ngunit kung sabihin naman niya ay “Hindi”, paghahanapan siya ng butas ng mga Pariseo at kampon ni Herodes upang isumbong sa Romano para sa parusang ipapatong sa kanya. Kaya ang ginawa ng Panginoon ay humingi siya ng isang denarii, at ipinakita niya sa kanila ang mukha na nasang salapi. Nang sagutin nila nang tama na ang nasa mukha ay si Cesar, nagbigay siya ng hamon na ibigay nila kay Cesar kung ano ang kay Cesar, at ibigay naman nila sa Diyos kung ano man ay para sa Diyos. Makikita natin dito ang ating tungkulin bilang tao na nasa ilalim tayo ng isang mundo at isang langit. Isang mundo sapagkat saan man tayo’y magpunta, lalung-lalo na karamihan sa atin ay nakatira sa Pilipinas, dapat tayo sumunod sa batas na pinaiiral ng bawat pamahalaan. Isang langit sapagkat tayo’y mga Kristiyanong Katoliko na bininyagan at kinumpilang upang tuparin natin ang ating misyon bilang mga saksi ni Kristo na ipahayag ang kanyang Mabuting Balita. Ang mahalaga rito ay kung paano natin ipinapadama sa bawat tao ang kabutihan at pagmamahal, nang sa gayon ay ipakita rin nila sa iba ang ganyang magandang halimbawa upang magkaroon ng pagkakaisa, kapayapaan, katarungan, katuwiran, at pagmamahal sa ating kapaligiran.
Bilang mamamayang Pilipino masasabi po ba natin na tayo ay mga law abiding citizens? Marami po ba sa mga batas ng ating pamahalaan ay nakakatulong upang maisulong ang kaunlaran, kapayapaan, at katarungan? Ang batas ay ginawa para mapabuti ang isang bansa at ang uri ng pamumuhay nating mamayan sa ilalim ng isang mabuting pamahalaan, at ito ang pinaka-unang layunin ng batas. Sa Mabuting Balita, bunsod sa mapanglinlang na katanungan kay Hesus ng mga ilang Pariseong mga kampon ni Herodes tungkol sa batas, ang kasagutan nito ay paalala ng Panginoong Hesus na maging tapat sa batas at ibigay ang nararapat sa pamahalaan at ito ay hindi nalilimitahan lamang sa pagbubuwis kundi sa pangkalahatan na kaayusan ng lipunan. Walang matatawag na maliit na hakbang kung ang tinatahak nito ay nababase sa panukala ng Diyos. Ang Pariseo ay kilala bilang eskolar at dalubhasa ng batas pero sila ay mas kilala din bilang mga numero unong kritiko ng Panginoong Hesus.
Para sa akin ang unang mahalagang aral ng Ebanghelyo, ay ang motibo ng isang tao sa kanyang ginagawa. Maaring matalino ang isang tao pero kung ang iniisip ay ang sariling kapakanan lamang na makakapinsala naman sa iba ito ay walang kabuluhan. Since time immemorial ay narinig na natin ang paghihiwalay dapat ng Estado at ng Simbahan pero kung pareho pinairal ang panukalang batas na wala ang presensya ng Banal na Espiritu parehas ito nagiging mahina at kapwang nawawalan ng kabuluhan ang mga magaganda sana layunin ng mga batas. At ang panghuli, kung puso ang pinairal ni Hesus sa kanyang pamumuno ng Siya ay nakimayan sa atin, puso din dapat ang siyang pinairal sa pagpapanukala at pagpapatupad ng batas at hindi basta utak lang na katulad ng ginagawa ng mga Pariseo na ang mga batas nila ay hindi nakakatulong bagkus nakakabigat pa sa kalagayan ng tao. Malinaw naman ang argumento na ginamit ni Hesus tungkol sa pagkakahulugan ng batas. Hindi Niya sinasaklawan ang ninanais ng namamahala ng isang bansa sa katunayan nagbigay siya ng paalala kung ano ang nararapat na gawin ng mga tao.
Sinasabi ni Apostol San Pedro, na mag-ingat tayo na huwag mailigaw ng mga taong walang ginawang matutuwid na patakaran ng sa gayu’y upang hindi matinag sa mabuting kalagayan. Kung ano ang pinaniniwalaan nating tamang mga Kautusan at naging maayos, mapayapa ang buhay dapat mapanatili ito sa atin sa habang panahon. Alalahanin na ang isang daang taon ay maikukumpara sa isang saglit lamang kaya habang may panahon ipagpatuloy ang paglago ng ating kabutihan at sundin ang batas ng Diyos dito palang sa lupa.
PAGNINILAY
“Ibigay kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar, at sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.” Bagama’t dapat nating gampanan ang ating mga obligasyon sa lipunan at pamahalaan, dapat din nating unahin ang ating relasyon sa Diyos higit sa lahat. Kapag hindi natin sinunod ang gobyerno, may mga kahihinatnan, tulad ng pagkakulong, atbp. Kapag hindi natin sinusunod ang Panginoon ay mayroon ding kahihinatnan, impiyerno at pagkastigo. Sinasabi sa atin ni Hesus na mayroon tayong obligasyon na igalang ang pamamahala ng pamahalaan, ngunit mayroon tayong mas mataas na obligasyon na italaga ang ating buhay sa Panginoon at sundin Siya at ang Kanyang Salita. Ang pagsuko sa gobyerno ay ating tungkulin sa lupa. Ang pagsuko sa Panginoon ay ating tungkuling walang hanggan. Kapag ang dalawang kapangyarihan may salungatan, dapat unahin ang ating tungkulin sa Diyos!
Panginoon, tulungan Mo kaming huwag ikompromiso ang aming mga paniniwala kapag kami ay hinahamon. Bigyan Mo kami ng karunungan upang mabatid ang katotohanan. Amen.
***