Lunes, Hunyo 3, 2024

June 3, 2024

Paggunita kina San Carlos Luwanga at mga kasama, mga martir

2 Pedro 1, 2-7
Salmo 90, 1-2. 14-15ab. 15k-16

D’yos kong tapat at totoo,
ikaw lang ang pag-asa ko.

Marcos 12, 1-12


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Memorial of St. Charles Lwanga and Companions, Martyrs (Red)

Mga Pagbasa mula sa
Lunes ng Ika-9 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

UNANG PAGBASA
2 Pedro 1, 2-7

Pagbasa mula sa Ikalawang sulat ni Apostol San Pedro

Mga pinakamamahal, mapuspos nawa kayo ng pagpapala at kapayapaan ng Diyos, dahil sa inyong pagkakilala sa kanya at sa ating Panginoong Hesus.

Tinanggap natin sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan ang lahat ng bagay na magtuturo sa atin upang mamuhay nang tapat sa Diyos. Ito’y dahil sa ating pagkakilala kay Hesus, na siya ring tumawag sa atin upang bahaginan ng kanyang karangalan at kapangyarihan. Sa pamamagitan nito, nangako siya ng mga bagay na mahalaga upang makaiwas kayo sa mapanirang simbuyo ng kahalayang umiiral sa mundong ito, at makahati sa kanyang kalikasan bilang Diyos. Dahil dito, sikapin ninyong idagdag sa inyong pananampalataya ang kabutihang-asal; sa kabutihang-asal, ang kaalaman; sa kaalaman, ang pagsupil sa sarili; sa pag-supil sa sarili, ang katatagan; sa katatagan, ang kabanalan; sa kabanalan, ang pagmamalasakit sa kapatid; at sa pagmamalasakit, ang pag-ibig.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 90, 1-2. 14-15ab. 15k-16

D’yos kong tapat at totoo,
ikaw lang ang pag-asa ko.

Siyang naghahangad ng pagkupkop ng Kataas-taasan,
at nanatili sa kalinga niyong Makapangyarihan;
makapagsasabi sa kanyang Panginoon:
“Muog ka’t tahanan,
ikaw ang aking Diyos, ang Diyos na
tangi kong pinagtiwalaan.”

D’yos kong tapat at totoo,
ikaw lang ang pag-asa ko.

Ang sabi ng Diyos, “Aking ililigtas ang tapat sa akin,
at iingatan ko ang sinumang taong ako’y kikilanlin.
Pag sila’y tumawag; laging handa ako na sila’y pakinggan,
aking sasamahan at kung may hilahil ay sasaklolohan.

D’yos kong tapat at totoo,
ikaw lang ang pag-asa ko.

Aking ililigtas at ang bawat isa ay pararangalan.
Sila’y bibigyan ko’t gagantimpalaan ng mahabang buhay,
at nakatitiyak na ang tatamuhin nila’y kaligtasan!

D’yos kong tapat at totoo,
ikaw lang ang pag-asa ko.

ALELUYA
Pahayag 1, 5ab

Aleluya! Aleluya!
Si Hesukristo ay tapat,
saksi at buhay ng lahat;
tayo’y kanyang iniligtas.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Marcos 12, 1-12

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos

Noong panahong iyon, nagsimulang magsalita si Hesus sa mga punong saserdote, mga eskriba, at matatanda ng bayan sa pamamagitan ng mga talinghaga. Sinabi niya, “May isang taong nagtanim ng ubas sa kanyang bukid, at binakuran niya ito. Humukay siya ng pisaan ng ubas, at nagtayo ng isang mataas na bantayan. Pagkatapos, iniwan niya ang ubasan sa mga kasama, at siya’y nagtungo sa ibang lupain. Nang dumating ang panahon ng pitasan, pinapunta niya ang isa niyang utusan upang kunin sa mga kasama ang kanyang kaparte. Ngunit sinunggaban ng mga kasama ang utusan, binugbog, at pinauwing walang dala. Ang may-ari’y nagpapunta uli ng ibang utusan, ngunit kanilang pinukpok ito sa ulo, at dinusta. Nag-utos na naman siya sa isa pa, ngunit pinatay nila ang utusang iyon. Gayun din ang ginawa nila sa marami pang iba: may binugbog at may pinatay. Iisa na lang ang natitira na maaaring papuntahin sa kanila – ang kanyang minamahal na anak. Ito ang kahuli-hulihang pinapunta niya. ‘Igagalang nila ang aking anak,’ wika niya sa sarili. Ngunit ang mga kasama’y nag-usap-usap, ‘Ito ang tagapagmana. Halikayo, patayin natin at nang mapasaatin ang kanyang mamanahin.’’ Kanilang sinunggaban siya, pinatay at itinapon sa labas ng ubasan.
“Ano ngayon ang gagawin ng may-ari ng ubasan? Paroroon siya at papatayin ang mga kasamang iyon, at ang ubasa’y ibibigay sa iba. Hindi pa ba ninyo nababasa ang nasasaad sa Kasulatan?
‘Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ng bahay
Ang siyang naging batong panulukan.
Ginawa ito ng Panginoon,
At ito’y kahanga-hanga!’”

Tinangka ng mga pinuno ng mga Judio na dakpin si Hesus, sapagkat nahalata nilang sila ang pinatatamaan sa talinghagang iyon. Ngunit takot naman sila sa mga tao; kaya’t hindi nila siya inano at sila’y umalis.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 3 comments… read them below or add one }

Reynald Perez May 29, 2020 at 2:29 pm

Pagninilay: Ngayon ay sinisimulan natin ang Karaniwang Panahon, matapos ang pagdiriwang ng Kuwaresma at Pasko ng Pagkabuhay. Kaya ang ating pinagninilayan ay ang Pampubilkong Ministeryo ng ating Panginoong Hesukristo. Ang ating Ebanghelyo ay isa sa mga talingahaga ni Hesus: ang Ubasan at sa mga Kasama. Sa kasaysayan ng Kasulatan, ang ubasan ay sumasagisag sa bayang Israel. Sa ika-5 kabanta ng aklat ni Propeta Isaias, isinasaad dito ang ubasang ibinigay ng Diyos sa kanyang bayang Israel. Kaya siya ang may-ari sa talinhaga, at ang Israel ay ang mga kasama (tenants). Ang mga lingkod ng may-ari sa kwento ay ang mga propetang isinugo ng Diyos. At narinig natin sa buong salaysay ng parabula na isinugo ng may-ari ang mga lingkod upang makakuha ng ani mula sa ubasan. Subalit ang mga lingkod na ito ay pinahahamak, pinagtatabuyan, at pinapatay ng mga kasama dahil sa pansariling interes ng mga nagbabantay. Kaya ito yung nangyari sa bayang Israel nang naging makasarili ang tao at sinuway ang Diyos, at pinag-uusig at pinagpapatay ang mga propeta ng Panginoon. At babalik sa talinghaga, isinugo ng may-ari ang kanyang anak na sana ito ay respetuhin ng mga nang-uupahan sa ubasan. Ito yung pagsusugo ng ating Diyos Ama sa kanyang Anak, ang Panginoong Hesukristo. At katulad ng sa parabula, si Hesus ay pinagpapatay ng mga pinuno ng mga Hudyo nang manaig ang kanilang hiling kay Pilato na ipako siya sa krus. Ngunit nagtatapos ang talinghaga nang paalisin ng may-ari ang mga kasama, at ipinamana ang ubasan sa mga bagong mang-uupa at mangangalaga nito. At binanggit din sa Ebanghelyo ang pahayag ng Salmo na ang itinakwil ng bato ay naging saligan. Ito ay tumutukoy sa Muling Pagkabuhay ng ating Panginoong Hesukristo, na siyang naging saligan ng Simbahan, kung saan tayo ay napapabilang nito. Kaya bilang mga mananampalataya, tayo ay may tungkuling tuparin ang ating misyon dito sa daigdig. Tayo ay ipinagkakatiwalaan ng Panginoon na gawing makabuluhan ang ating pamumuhay. Kaya ang may-ari ng ating buhay ay ang Diyos, at hinihiram lang natin ang ating sarili dahil ang ating pagtutunguhan ay ang kaligayan ng buhay na walang hanggan sa kalangitan. Sa gitna ng pagkakasala, paglalapastangan, at pagsusuway ng daigdig sa dakilang kalooban ng ating Ama, nawa tayo ay maging tapat sa kanya at tuparin ang kanyang mga utos bilang ating misyon dito sa daigdig, nang sa gayon ay mamunga ang ating mabubuting gawain at sundan ng iba ang ating halimbawa.

Reply

Malou Castaneda June 2, 2024 at 9:07 pm

PAGNINILAY
Isinalaysay ni Hesus ang isang talinghaga tungkol sa isang may-ari ng lupa na nagtanim ng ubasan, ipinapaupa ito sa mga nangungupahan, at pagkatapos ay nagpadala ng mga alipin upang mangolekta ng bunga. Gayunpaman, minaltrato at pinapatay ng mga nangungupahan ang mga alipin, maging ang anak ng may-ari ng lupa.

Ito ay isang paalala ng kahalagahan ng pagkilala at paggalang sa awtoridad ng Diyos sa ating buhay. Maaaring naranasan na natin ang mga kahihinatnan ng hindi paggalang sa awtoridad ng Diyos. Nang sinubukan nating kontrolin at gawin ang mga bagay sa sarili nating paraan, naharap tayo sa mga hamon at pakikibaka na maiiwasan sana kung nagtiwala tayo sa plano ng Diyos para sa atin. Tayo ay mga katiwala lamang ng mga kaloob at pagpapala na ibinigay sa atin ng Diyos at dapat nating kilalanin na ang lahat ng mayroon tayo ay pag-aari ng Diyos. Tayo ay tinawag na maging tapat at masunurin sa paggamit ng mga kaloob na ito para sa Kanyang kaluwalhatian. Ito rin ay babala laban sa pagmamataas, kasakiman, at pagsuway. Tayo ay mananagot sa kung paano tayo tumugon sa tawag ng Diyos. Suriin natin ang ating sariling puso. Iginagalang ba natin ang Diyos sa ating buhay, o tinatanggihan ba natin ang Kanyang awtoridad?

Panginoong Hesus, magsikap nawa kaming maging tapat na mga lingkod, na nagbubunga para sa kaharian ng Diyos, at laging alalahanin ang Iyong dakilang sakripisyo para sa amin. Amen.
***

Reply

Celine loveko June 3, 2024 at 8:18 pm

PINUPURI KA NAMIN PANGINOON JESUS KRISTO ALLELUIA! ALLELUIA!

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: