Podcast: Download (5.7MB)
Dakilang Kapistahan ng Kabanal-banalang Katawan at Dugo ng Panginoon (B)
Exodo 24, 3-8
Salmo 115, 12-13. 15 at 16bk. 17-18
Sa Panginoong tumubos
kalis ng inumi’y handog.
Hebreo 9, 11-15
Marcos 14, 12-16. 22-26
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Solemnity of the Most Holy Body and Blood of Christ (Corpus Christi) (White)
UNANG PAGBASA
Exodo 24, 3-8
Pagbasa mula sa aklat ng Exodo
Noong mga araw na iyon, lahat ng iniutos ng Panginoon ay sinabi ni Moises sa mga Israelita. Ang mga ito nama’y parang iisang taong sumagot, “Lahat ng iniuutos ng Panginoon ay susundin namin.” Isinulat ni Moises ang lahat ng utos ng Panginoon. Kinabukasan, maagang-maaga siyang nagtayo ng altar sa paanan ng bundok. Nagtayo rin siya ng labindalawang bato, na kumakatawan sa labindalawang lipi ni Israel. Pagkatapos, inutusan niya ang ilang kabataang lalaki na magdala sa altar ng mga handog na susunugin. Sila rin ang inutusan niyang pumatay ng mga hayop na gagamiting handog sa pakikipagtipan sa Panginoon. Ang kalahati ng dugo ng pinatay na hayop ay inilagay niya sa malalaking mangkok at ang kalahati’y ibinuhos niya sa altar. Kinuha niya ang aklat ng tipan at binasa nang malakas. Sabay-sabay namang tumugon ang mga Israelita, “Susundin namin ang lahat ng utos ng Panginoon.”
Pagkatapos, kinuha ni Moises ang mga mangkok ng dugo at winisikan ang mga tao. Sinabi niya, “Ang dugong ito ang siyang katibayan ng pakikipagtipang ginawa sa inyo ng Panginoon sa pagbibigay sa inyo ng kautusang ito.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 115, 12-13. 15 at 16bk. 17-18
Sa Panginoong tumubos
kalis ng inumi’y handog.
o kaya: Aleluya!
Sa Diyos ko’t Panginoon, ano’ng aking ihahandog
sa lahat ng kabutihan na sa akin ay kaloob?
Ang handog ko sa dambana, ay inumin na masarap,
bilang aking pagkilala sa ginawang pagliligtas.
Sa Panginoong tumubos
kalis ng inumi’y handog.
Masakit sa kalooban ng Poon kung may papanaw,
kahit ito ay iisa, labis siyang magdaramdam,
katulad ng aking ina, maglilingkod akong lubos
yamang ako’y iniligtas, kinalinga at tinubos.
Sa Panginoong tumubos
kalis ng inumi’y handog.
Ako ngayo’y maghahandog ng haing pasasalamat,
ang handog kong panalangi’y sa iyo ko ilalagak.
Sa templo sa Jerusalem, ay doon ko ibibigay
ang anumang pangako kong sa iyo ay binitiwan.
Sa Panginoong tumubos
kalis ng inumi’y handog.
IKALAWANG PAGBASA
Hebreo 9, 11-15
Pagbasa mula sa sulat ng Mga Hebreo
Mga kapatid, dumating na si Kristo, ang Dakilang Saserdote ng bagong tipan. Siya’y naglilingkod doon sa sambahang lalong dakila at walang katulad, hindi ginawa ng tao, alalaong baga’y wala sa sanlibutang ito. Minsan lamang pumasok si Kristo sa Dakong Kabanal-banalan, at iyo’y sapat na. Hindi dugo ng mga kambing at bisirong baka ang kanyang dalang handog, kundi ang sariling dugo, sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan natin. Ang dugo ng mga kambing at mga toro at ang abo ng dumalagang baka ay iwiniwisik sa mga taong itinuturing na marumi. Sa gayun, sila’y nagiging malinis ayon sa Kautusan. Ngunit higit na di hamak ang magagawa ng dugo ni Kristo. Sa pamamagitan ng walang hanggang Espiritu ay inialay niya sa Diyos ang kanyang sarili na walang kapintasan. Ang kanyang dugo ang lumilinis sa ating puso’t isip upang talikdan na natin ang mga gawang walang kabuluhan at paglingkuran ang Diyos na buhay.
Ang Salita ng Diyos.
AWIT TUNGKOL SA MABUTING BALITA
Purihin mo, Lungsod ng D’yos,
ang Pastol na Manunubos,
ang Panginoong si Hesus.
Sa abot ng kakayanan
ng lahat ng kanyang hirang,
siya’y dapat papurihan.
Ang sarili niya’y handog
upang lahat ay matubos
at mapalakas nang lubos.
Kasalo’y mga alagad
ng Panginoong Mesiyas
na hai’y buhay sa lahat.
Siya’y dapat na handugan
ng papuri at parangal
ng lahat ng kanyang hirang.
Ngayo’y ating gunitain
ang Huling Hapunang bilin
ng Panginoon sa atin.
Dito naganap ang tipan
na bago at walang hanggan
sa kaligtasan ng tanan.
Ang kasunduang matanda
humantong sa pasinaya
ng hain n’yang inihanda.
Tanang ginanap ni Hesus
ay habilin niyang utos
na ipagdiwang nang lubos.
Ang handog niyang pagkain
at alay niyang inumi’y
laman niya’t dugong hain.
Kanyang turong iniaral
na ang alak at tinapay
ay dugo niya’t katawan.
Manalig tayong matapat
kahit hindi namamalas
ang pagbabagong naganap.
Pagkain ay pinalitan
ni Kristo ng kanyang laman
upang tayo’y makinabang.
Napalitan ang inumin
sa dugo na inihain
ni Hesus para sa atin.
Ating pinagsasaluha’y
si Hesus na Poong mahal,
walang bawas, walang kulang.
Kahit marami o isa
ang tumatanggap sa kanya’y
laging sapat, laging kasya.
Ang may sala’y lapastangan
ngunit ang butihi’y banal
pagdulog sa pakinabang.
Masuwayi’y magdurusa,
mabubuhay ang magtika
nang si Kristo’y matanggap n’ya.
Hinati-hating tinapay
para sa nakikinabang
ay laman ni Kristong buhay
na sa ati’y kanyang alay.
Sa lahat ng tumatanggap
paghahati’y ginaganap
ngunit buo, walang bawas
ang Katawan ng Mesiyas.
Pagkaing mula sa langit
ngayo’y hain sa daigdig.
Handog na kaibig-ibig
kailanma’y di masasaid.
Paghahai’y inilahad
nang ialay si Isaac,
ang korderong nagliligtas,
ang manna ng nagsilikas.
Pastol naming mapagmahal,
kami’y iyong kaawaan,
gawing dapat makinabang
sa pagkaing iyong alay
hanggang langit ay makamtan.
Magagawa mo ang lahat
upang tanan ay maligtas,
akayin mo sa ‘yong hapag
lahat kaming ‘yong alagad
sa buhay mong walang wakas.
ALELUYA
Juan 6, 51
Aleluya! Aleluya!
Pagkaing dulot ay buhay
Si Hesus na Poong mahal,
Buhay natin s’ya kailanman.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 14, 12-16. 22-26
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Unang araw ng Pista ng Tinapay na Walang Lebadura, araw ng pagpatay ng kordero para sa Paskuwa. Tinanong si Hesus ng kanyang mga alagad, “Saan po ninyo ibig na ipaghanda namin kayo ng Hapunang Pampaskuwa?” Inutusan niya ang dalawa sa kanyang mga alagad, “Pumunta kayo sa bayan. May masasalubong kayong isang lalaki na may dalang isang bangang tubig. Sundan ninyo siya sa bahay na kanyang papasukan at sabihin ninyo sa may-ari, ‘Ipinatatanong po ng Guro kung saang silid siya maaaring kumain ng Hapunang Pampaskuwa, kasalo ng kanyang mga alagad.’ At ituturo niya sa inyo ang isang malaking silid sa itaas na mayroon nang kagamitan. Doon kayo maghanda para sa atin.” Nagtungo sa bayan ang mga alagad at natagpuan nga nila roon ang lahat, gaya ng sinabi niya sa kanila. At inihanda nila ang Hapunang Pampaskuwa.
Samantalang sila’y kumakain, dumampot ng tinapay si Hesus, at matapos magpasalamat sa Diyos ay kanyang pinaghati-hati at ibinigay sa mga alagad. “Kunin ninyo; ito ang aking katawan,” wika niya. Hinawakan niya ang kalis, at matapos magpasalamat ay ibinigay sa kanila; at uminom silang lahat. Sinabi niya, “Ito ang aking dugo ng tipan, ang dugong mabubuhos dahil sa marami. Sinasabi ko sa inyo, hindi na ako iinom ng alak na mula sa ubas hanggang sa araw na inumin ko ang bagong alak sa kaharian ng Diyos.” Umawit sila ng isang imno, at pagkatapos nagtungo sa Bundok ng mga Olibo.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Sabado, Hunyo 1, 2024
Lunes, Hunyo 3, 2024 »
{ 5 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Ang Pista ng Paskuwa ay isa sa mga mahahalagang pagdiriwang ng mga Hudyo tuwing ika-14 ng Abril. Ito ay pasasalamat sa Diyos inilikas sila mula sa pagkaalipin sa Egipto. Kaya iniutos ng Panginoon na ipagdiwang nila ang Pistang ito. Tuwing Paskuwa, humuhuli sila ng mga tupa para patayin, at pagkatapos, gagamitin ang dugo para pinturahan ang mga doorstep. Kaya noong panahong iyon, ang Anghel ng Kamatayan ay dumaan sa kanilang bahay, at pinatay ang mga sanggol ng mga taga-Egipto. Ito ang nag-udyok kay Faraon Ramses II na palayain ang mga Israelita, ngunit gusto niya bawiin sila. Kaya sumugod siya kasama ang maraming kawal. Dahil dito, iniutos ng Diyos ni Moses na pahatian ang Pulang Dagat. Nang magawa ito, lumakad sila sa tuyong lupain hanggang sa dulo ng dagat. At ganun din ang mga kawal, ngunit hindi sila naligtas sapagkat isinara na ang mga tubig, at sila’y nalunod. Kaya nagpuri sina Moises at ng mga Israelita sa dakilang gawain ng Panginoong Diyos.
Sa ating pagdiriwang ngayon ng Kapistahan ng Corpus et Sanguis Christi, ang ating Mabuting Balita ngayon (Marcos 14:12-16, 22-26) ay tumutukoy sa Huling Hapunan, na kung saan itinatag ng ating Panginoong Hesukristo ang Bagong Paskuwa, ang Sakramento ng Banal na Eukaristiya. Iniutos niya na ipagdiwang ang Sakramento ito bilang paggunita sa Misteryong Paskwal, ang kanyang Pagpapaksakit, Pagkamatay, at Muling Pagkabuhay. Tuwing ipinagdiriwang natin ang Banal na Sakripisyo ng Misa, inaalala natin ang misteryo ng pag-ibig ng Diyos para sa atin. Kaya ang tinapay at alak ay hindi lang mga simbolo mismo, kundi ito ang presensya ng Katawan at Dugo ni Kristo. Ang layunin ng Eukaristiya na tayo’y ipalusog ni Hesus ng kanyang Salita at Katawan, kaya nga meron tayong Pagpapahayag ng Salita ng Diyos at Pagdiriwang ng Huling Hapunan. Kaya ang hamon sa atin ay isabuhay ang Sakramentong ito sa ating araw-araw na pamumuhay.
Sa ating paglakbay sa daang ito, isabuhay natin ang Eukaristiya sa pamamagitan ng pagpapahayag ng mga magagandang aral nito.
Kumain ka na ba? Ang ating pisikal na katawan ay nanganga-ilangan ng pagkain upang maging malusog at masigla. Ganun din naman ang ating kaluluwa. Ngunit espesyal ang pangkaluluwa, ito ay mga panalangin, sakramento at higit sa lahat ang ating Panginoong Hesus mismo. Siya ang kordero ng Diyos na naghandog ng buhay para sa katubusan ng mga kasalanan. Napakagandang isipin, na si Hesus na mismo ang tinatanggap natin sa Banal na Eukaristiya. Kaya nga naway maging makabuluhan ang pagtanggap natin sa kanya sa pamamagitan ng pagsunod sa utos ng Diyos.
Kapag tayo ay nangungumunyon sa banal na misa, pinapatuloy natin si Kristo mismo sa ating katawan. Ito ay hindi pampaswerte o basta lamang makumpleto ang mga ritual sa simbahan. Bago ibigay ng pari o lay minister ang ostya, binabanggit ang “katawan ni Kristo” sasagot nman ng tayo ng Amen na ibig sabihin ay tayo amg aagree o naniniwala . Paglabas mo ng simbahan nasasayo si Kristo, kasama mong palagi, kaya sa bawat iisipin mo, sasabihin mo at gagawin mo ay pakatandaan na si Hesus ay kasama mo upang mahiya o magsumikap tayong wag gumawa ng masama. Kaya ugaliin natin ang pagdalo mg misa maging face to face o live sa internet dahil pinapatuloy natin si Kristo sa atin at bitbit natin ang mabuting balita na narinig o nabasa sa ebanghelyo at ito ang gagamitin nating gabay sa buhay.
1. Ang Paghahanda para sa Paskuwa (Marcos 14:12-16):
Sa unang bahagi ng ating pagbasa, makikita natin na inutusan ni Hesus ang Kanyang mga alagad na maghanda para sa Paskuwa. Tinanong ng mga alagad, “Saan po ninyo ibig na kami’y maghanda upang kayo’y makakain ng kordero ng Paskuwa?” Sumagot si Hesus ng tiyak na mga tagubilin, na magpadala ng dalawang alagad sa lungsod upang makatagpo ng isang lalaking may dalang isang bangang tubig. Sila ay susunod sa kanya sa isang bahay at sasabihin sa may-ari, “Saan po naroroon ang silid panauhin, kung saan makakain ko ang Paskuwa kasama ang aking mga alagad?”
Pagninilay:
Ang tagpong ito ay nagpapaalala sa atin ng kahalagahan ng paghahanda sa ating espirituwal na buhay. Kung paanong sinunod ng mga alagad ang mga tagubilin ni Hesus upang maghanda para sa Paskuwa, tayo rin ay tinatawag na ihanda ang ating mga puso at isipan upang tanggapin si Hesus. Ang paghahanda ay nangangailangan ng pagka-matiyaga, pagsunod, at pagtitiwala sa plano ng Diyos. Sa tuwing tayo’y lumalapit sa Eukaristiya, atin sanang pagnilayan kung paano natin inihahanda ang ating sarili upang makatagpo si Kristo. Tayo ba’y lumalapit nang may paggalang at kahandaan, o atin bang binabalewala ang banal na hapunang ito?
2. Ang Pagtatatag ng Eukaristiya (Marcos 14:22-26):
Sa panahon ng Paskuwa, kinuha ni Hesus ang tinapay, nagpasalamat, pinagputul-putol ito, at ibinigay sa Kanyang mga alagad, na sinasabi, “Kunin ninyo; ito ang aking katawan.” Pagkatapos, kinuha Niya ang kalis, nagpasalamat, at ibinigay sa kanila, at sila’y uminom mula dito. Sinabi Niya, “Ito ang aking dugo ng tipan, na nabubuhos para sa marami.”
Pagninilay:
Dito, binago ni Hesus ang Hapunan ng Paskuwa sa isang bago at natatanging paraan—ang Eukaristiya. Ang tinapay at alak ay naging Kanyang katawan at dugo, na nagpapahiwatig ng bagong tipan sa pagitan ng Diyos at ng sangkatauhan. Ang gawaing ito ni Hesus ay ang sukdulang pagpapahayag ng Kanyang pag-ibig at sakripisyo. Ito ay isang handog ng Kanyang sarili sa atin, isang pinagmumulan ng espirituwal na pagpapakain at isang paraan ng malalim na pakikipag-isa sa Kanya.
Ang Eukaristiya ay higit pa sa isang ritwal; ito ay isang malalim na pakikipagtagpo sa buhay na Kristo. Sa tuwing tayo’y nakikibahagi sa Eukaristiya, tayo ay pinaaalalahanan ng sakripisyo ni Hesus at tayo ay inaanyayahang makibahagi sa Kanyang buhay. Ito ay tumatawag sa atin sa pagkakaisa, hindi lamang kay Kristo kundi pati na rin sa isa’t isa, sapagkat tayo ay bumubuo ng isang katawan sa Kanya. Lumapit tayo sa Eukaristiya nang may pasasalamat at malalim na paggalang, kinikilala ito bilang tunay na presensya ni Kristo sa ating kalagitnaan.
3. Ang Bagong Tipan:
Sinabi ni Hesus na ang Kanyang dugo ay “nabubuhos para sa marami,” na nagpapahiwatig ng wika ng sakripisyo mula sa Lumang Tipan ngunit tumutukoy sa isang bago at walang hanggang tipan. Ang bagong tipan na ito ay hindi batay sa paulit-ulit na paghahandog ng mga hayop kundi sa minsan at magpakailanmang sakripisyo ni Hesus mismo.
Pagninilay:
Ang bagong tipan na itinatag ni Hesus ay nagdadala sa atin sa isang direktang at personal na relasyon sa Diyos. Ito ay nag-aalok sa atin ng kapatawaran, pagtubos, at ang pangako ng buhay na walang hanggan. Ang tipan na ito ay patunay ng hindi nagmamaliw na pag-ibig at awa ng Diyos. Sa ating pakikibahagi sa Eukaristiya, tayo ay pinaaalalahanan ng ating pangako na mamuhay ayon sa tipang ito, tinatanggap ang grasya at pag-ibig na ibinibigay sa atin at ipinapasa ito sa iba.
Pangwakas:
Habang tayo’y nagninilay sa bahaging ito, ating isaisip ang ating paghahanda sa ating espirituwal na paglalakbay, ang kahalagahan ng Eukaristiya bilang tunay na presensya ni Kristo, at ang bagong tipan na tumatawag sa atin na mamuhay sa pag-ibig at pagkakaisa. Nawa ang ating pakikibahagi sa Eukaristiya ay magpalalim ng ating relasyon kay Hesus at magbago ng ating buhay upang maging katulad Niya—punong-puno ng sakripisyo, paglilingkod, at pag-ibig sa isa’t isa.
PINUPURI KA NAMIN PANGINOON JESUS KRISTO ALLELUIA! ALLELUIA!