Sabado, Hunyo 1, 2024

June 1, 2024

Paggunita kay San Justino, martir

Judas 17, 20b-25
Salmo 62, 2. 3-4. 5-6

Aking kinasasabikan,
Panginoon, ikaw lamang.

Marcos 11, 27-33


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Memorial of St. Justin, Martyr (Red)

Mga Pagbasa mula sa
Sabado ng Ika-8 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

UNANG PAGBASA
Judas 17, 20b-25

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Judas

Mga pinakamamahal, lagi ninyong tandaan ang pangaral sa inyo ng mga apostol ng ating Panginoong Hesukristo. Manalangin kayo sa tulong ng Espiritu Santo. Manatili kayo sa pag-ibig ng Diyos habang naghihintay sa ating Panginoong Hesukristo, na magkakaloob sa inyo ng buhay na walang hanggan, dahil sa kanyang pagkahabag sa inyo.

Kahabagan ninyo’t tulungan ang mga nag-aalinlangan. Sagipin ninyo ang nasa apoy. Ang iba nama’y kahabagan ninyo. Ngunit mag-ingat kayo; kasuklaman ninyo pati ang mga damit nilang tigmak ng kahalayan.

Sa kanya na makapag-iingat sa inyo upang hindi kayo magkasala, at makapaghaharap sa inyo nang walang kapintasan at may malaking kagalakan sa kanyang kaluwalhatian – sa iisang Diyos na ating Tagapagligtas, sa pamamagitan ni Hesukristong Panginoon natin – sa kanya ang kapurihan, karangalan, kadakilaan at kapangyarihan, mula pa noong una, ngayon at magpakailan pa man! Amen.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 62, 2. 3-4. 5-6

Aking kinasasabikan,
Panginoon, ikaw lamang.

O Diyos, ikaw ang aking Diyos na lagi kong hinahanap;
ang uhaw kong kaluluwa’y tanging ikaw yaong hangad;
Para akong tuyong lupa na tubig ang siyang lunas.

Aking kinasasabikan,
Panginoon, ikaw lamang.

Bayaan mong sa santwaryo, sa lugar na dakong banal,
ikaw roo’y mamasdan ko, sa likas mong karangalan.
Ang wagas na pag-ibig mo’y mahigit pa kaysa buhay.
Kaya ako’y magpupuri’t ikaw ang pag-uukulan.

Aking kinasasabikan,
Panginoon, ikaw lamang.

Habang ako’y nabubuhay, ako’y magpapasalamat.
At ako ay dadalngin na kamay ko’y nakataas.
Itong aking kaluluwa’y kakaing may kasiyahan,
magagalak na umawit ng papuring iaalay.

Aking kinasasabikan,
Panginoon, ikaw lamang.

ALELUYA
Colosas 3, 16a. 17k

Aleluya! Aleluya!
Nawa sa inyo’y manahan
salita ni Kristong banal
upang s’ya’y pasalamatan.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Marcos 11, 27-33

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos

Noong panahong iyon, pumunta na naman si Hesus at ang mga alagad sa Jerusalem. Samantalang si Hesus ay naglalakad sa templo, nilapitan siya ng mga punong saserdote, ng mga eskriba, at ng matatanda ng bayan. Tinanong siya, “Ano ang karapatan mong gumawa ng mga bagay na ito? Sino ang nagbigay sa iyo ng karapatang ito?” Sumagot si Hesus, “Tatanungin ko rin kayo. Pag sinagot ninyo ako, saka ko naman sasabihin sa inyo kung ano ang karapatan kong gumawa ng mga bagay na ito. Kanino nagmula ang karapatan ni Juan upang magbinyag – sa Diyos ba o sa mga tao?” At sila’y nag-usap-usap: “Kung sabihin nating mula sa Diyos, itatanong naman niya sa atin, ‘Bakit hindi ninyo siya pinaniwalaan?’ Ngunit kung sabihin nating mula sa tao,” natatakot naman sila at baka kung ano ang gawin sa kanila ng mga tao, sapagkat kinikilala ng lahat na si Juan ay isang propeta. Kaya’t sumagot sila kay Hesus, “Hindi namin alam!” Sinabi ni Hesus sa kanila, “Hindi ko rin sasabihin sa inyo kung ano ang karapatan kong gumawa ng mga ginawa ko.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 3 comments… read them below or add one }

Reynald Perez May 28, 2024 at 12:30 pm

Ang ating Ebanghelyo ngayon ay ang muling pagtatagpo ni Hesus sa mga pinuno ng mga Hudyo na masyadong kritikal sa kanyang pagpaparangal at paggawa ng kababalaghan. Tinanong siya ng mga punong saserdote at matatanda ng bayan kung anong awtoridad ang nagbigay sa kanya upang gawin ang mga bagay na ito. Ngunit tugon ni Hesus ay isang hamon pabalik sa kanila: kung ang binyag ni San Juan Bautista ay mula sa langit o sa tao. At nag-isip-isip sila sapagkat alam nila na mas nanaig si Hesus. At kung sasabhin nila ang binyag ni Juan ay galing sa tao ay magagalit ang kanilang kapwang Hudyo, samantala kung sasabihin ay ito ay galing sa langit ay bakit hindi sila naniwala kay Juan Bautista at nagbalik-loob. Kaya ang tugon nila kay Hesus ay hindi rin nila alam kung saan ito nagmumula. At ganun rin ang tugon ng Panginoon na hindi niya masasabi sa kanila kung anong awtoridad ang nagbigay sa kanya, kahit alam niya na ang Diyos Ama ang nagbigay nito subalit may katigasan talaga ang mga pinunong ito na makinig sa kanyang mga pangangaral.

Hilingin natin sa Panginoon na kilalanin natin siya at maging kanyang mga saksi, ganun din ang pagkilala sa kanya sa pagbibigay-saksi ng ibang tao.

Reply

Malou Castaneda May 31, 2024 at 9:11 pm

PAGNINILAY
Ang awtoridad at karunungan ni Hesus. Alam Niya na ang mga pinuno ng relihiyon ay nagsisikap ng bitag sa Kanya sa kanilang tanong, ngunit hinarap Niya sila sa Kanyang sariling tanong. Ipinakikita nito ang Kanyang kakayahang makita ang kanilang mga motibo at tumugon sa paraang nagpapakita ng kanilang pagkukunwari.

Si Hesus ay hindi lamang isang makasaysayang tao o isang moral na guro, ngunit ang Anak ng Diyos na may pinakamataas na awtoridad. Hinahamon tayo nito na suriin ang sarili nating mga paniniwala at motibo, at alalahanin na si Hesus ang pinakamataas na awtoridad sa ating buhay. Sa pamamagitan ng panalangin at paghingi ng Kanyang patnubay, nakita natin Siya na gumawa ng mga himala at nagbibigay ng mga sagot sa ating mga tanong. Isang paalala na magtiwala sa Kanyang awtoridad at karunungan, kahit na hindi natin nauunawaan ang mga dahilan sa likod ng Kanyang mga aksyon. Isang hamon na suriin ang ating mga paniniwala at motibo, at magtiwala sa Kanyang pinakamataas na awtoridad sa ating buhay. Nawa’y patuloy nating hanapin ang patnubay at karunungan ni Hesus sa ating pang-araw-araw na buhay.

Panginoong Hesus, tulungan Mo kaming sumunod sa Iyong awtoridad sa lahat ng bagay ng pananampalataya at moralidad. Amen.
***

Reply

Celine loveko June 3, 2024 at 2:28 am

PINUPURI KA NAMIN PANGINOON JESUS KRISTO ALLELUIA! ALLELUIA!

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: