Miyerkules, Hunyo 5, 2024

June 5, 2024

Paggunita kay San Bonifacio, obispo at martir

2 Timoteo 1, 1-3. 6-12
Salmo 122, 1-2a. 2bkd

Ang mata ko’y nakatuon
sa ‘yo lamang, Panginoon.

Marcos 12, 18-27


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Memorial of St. Boniface, Bishop and Martyr (Red)

Mga Pagbasa mula sa
Miyerkules ng Ika-9 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

UNANG PAGBASA
2 Timoteo 1, 1-3. 6-12

Ang simula ng Ikalawang sulat ni Apostol San Pablo kay Timoteo

Mula kay Pablo na niloob ng Diyos na maging apostol ni Kristo Hesus upang mangaral tungkol sa buhay na ipinangakong kakamtan natin kay Kristo Hesus.

Kay Timoteo na minamahal kong anak:

Sumaiyo nawa ang pagpapala, ang habag, at ang kapayapaan mula sa Diyos Ama at kay Kristo Hesus na ating Panginoon.

Nagpapasalamat ako sa Diyos na pinaglingkuran ko nang tapat – tulad ng ginawa ng aking mga ninuno – tuwing aalalahanin kita sa aking mga panalangin araw-gabi. Dahil dito, ipinaaalaala ko sa iyo na maging masigasig ka sa pagtupad sa tungkuling tinanggap mo sa Diyos nang ipatong ko ang aking mga kamay sa ulo mo. Sapagkat hindi espiritu ng kaduwagan ang ibinigay sa atin ng Diyos kundi Espiritu ng kapangyarihan, pag-ibig, at pagpipigil sa sarili.

Kaya’t huwag mong ikahiya ang pagpapatotoo tungkol sa Panginoon o ang aking pagkabilanggo dahil sa kanya. Sa halip, makihati ka sa kahirapan dahil sa Mabuting Balita, sa tulong ng Diyos na nagligtas at tumawag sa atin upang tayo’y maging kanyang bayan. Ito’y ginawa niya sa pamamagitan ni Kristo Hesus, hindi dahil sa ating mga gawa kundi ayon sa kanyang layunin at kagandahang-loob na inilaan sa atin bago pa magsimula ang panahon. Ngunit nahayag lamang ito nang dumating si Kristo Hesus na ating Tagapagligtas. Nilupig niya ang kamatayan at inihayag ang buhay na walang haggan sa pamamagitan ng Mabuting Balita.

Ako’y ginawang apostol at guro upang ipahayag ang Mabuting Balitang ito, at iyan ang dahilan kaya ako nagdurusa nang ganito. Gayunma’y hindi ko ikinahihiya ang nangyayaring ito sa akin, sapagkat lubos kong nakikilala ang aking pinananaligan at natitiyak kong maiingatan niya hanggang sa huling araw ang ipinagkatiwala ko sa kanya.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 122, 1-2a. 2bkd

Ang mata ko’y nakatuon
sa ‘yo lamang, Panginoon.

Ang aking pangmasid doon nakapukol,
sa luklukang trono mo, O Panginoon.
Tulad ko’y aliping ang inaasahan
ay ang amo niya para matulungan.

Ang mata ko’y nakatuon
sa ‘yo lamang, Panginoon.

Kaya walang humpay ang aming tiwala,
hanggang ikaw, Poon, sa ami’y maawa.

Ang mata ko’y nakatuon
sa ‘yo lamang, Panginoon.

ALELUYA
Juan 11, 25a. 26

Aleluya! Aleluya!
Pagkabuhay ako’t buhay;
ako’y inyong panaligan
nang di mamatay kailanman.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Marcos 12, 18-27

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos

Noong panahong iyon, may ilang Saduseo na lumapit kay Hesus. Ang Saduseo ay naninindigan na hindi muling bubuhayin ang mga patay. “Guro,” anila “naglagda po si Moises ng ganitong batas para sa amin: ‘Kung mamatay ang isang lalaki at maiwang walang anak ang kanyang asawa, ang kapatid na lalaki’y dapat pakasal sa balo upang magkaanak sila para sa namatay.’ May pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay, at namatay na walang anak. Napakasal sa balo ang pangalawa, at namatay na wala ring anak. Gayun din ang nangyari sa pangatlo at sa mga sumusunod pa: isa-isang napangasawa ng babae ang pitong magkakapatid, at sila’y namatay na walang anak. Sa kahuli-huliha’y namatay rin ang babae. Ngayon, sino po sa pito ang kikilalanin niyang asawa sa muling pagkabuhay, yamang napangasawa niya silang lahat?” Sumagot si Hesus, “Maling-mali kayo. Alam ninyo kung bakit? Hindi ninyo nababatid ang mga Kasulatan ni ang kapangyarihan ng Diyos. Sapagkat sa muling pagkabuhay, ang mga tao’y hindi na mag-aasawa; sila’y magiging tulad ng mga anghel sa langit. Tungkol naman sa muling pagkabuhay – hindi pa ba ninyo nababasa sa aklat ni Moises ang tungkol sa nagliliyab na mababang punongkahoy? Ganito ang nasusulat na sinabi ng Diyos kay Moises. ‘Ako ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac at ang Diyos ni Jacob.’ Ngunit ang Diyos ay hindi Diyos ng mga patay, kundi ng mga buhay. Maling-mali kayo!”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 4 comments… read them below or add one }

Reynald Perez June 1, 2020 at 9:22 pm

Pagninilay: Sinisimulan ng Unang Pagbasa ang ikalawang sulat ni Apostol San Pablo kay Timoteo. Sa bawat sulat ng Apostol, ang kanyang panimulang diskurso ay pagbati ng kapayapaan sa ngalan ng ating Panginoong Hesukristo. At sa kanyang pagtatalumpati sa mga Kristiyanong komunidad sa Efeso, na kung saan si San Timoteo ang unang obispo roon, nagpasalamat si San Pablo sa kanyang paglilingkod sa pagpapalaganap ng pananampalataya. Kaya hinikayat niya ang komunidad ni San Timoteo na makihati at makibahagi sila sa pagsisikap na ipalaganap ng Mabuting Balita. Ito yung kalooban ng Panginoong Diyos na kailangan nilang pagdaanan para sa mas ikakararangal na kaluwalhatian. At sa kanilang misyon, ipinaalala sa kanila ni Pablo na huwag silang mahiya sa kanilang tungkulin, katulad ng kanyang katapatan bilang Apostol.

Ang Ebanghelyo ay ang pagtatanong ng mga Saduseo kay Hesus. Ang mga Saduseo ay isang grupo ng Judaismo na hindi naniniwala na mayroong pagkabuhay na mag-uli. Kaya nabanggit nila kay Hesus ang isang sitwasyon kung saan 7 magkapatid na lalaki ay nagpakasal sa iisang babae matapos mamatay ang isa, ngunit hindi nagkaanak. Kaya pagdatng ng “pagkabuhay na mag-uli”, kanino raw sa 7 magkapatid ang kikilaning asawa. Tugon ni Hesus na hindi kailanma’y sila’y kasal habambuhay kapag nasa kabilang buhay na. Kaya ang pagsasama ng babae at lalaki bilang mag-asawa ay hanggang sa mundo nito lamang. Subalit sa kabilang buhay, lahat ng tao ay magiging pantay na tatawaging anak ng Kataas-taasang Diyos. Ito’y patunay na mayroon talagang pag-asang naghihintay sa pamamagitan ng biyaya ng buhay na walang hanggan. At ito’y patotoo na ang Panginoon ay Diyos ng buhay, hindi ng patay, sapagkat ang lahat sa kanya ay tunay na buhay. Kaya nga n’ung si Hesus ay namatay sa Krus at inilibing, siya’y nabuhay na mag-uli upang ipamalas sa atin na wala nang kamandag ang kamatayan na manatiling tapos ang ating buhay. Kaya huwag po tayong matakot sa kamatayan sapagkat lahat tayo ay papanaw sa daigdig na ito. Subalit lahat tayo ay muling mabubuhay at kakamtan ang kaligayan ng buhay na walang hanggan sa kalangitan. Kaya nawa maging makabuluhan ang ating buhay dito sa lupa upang patuloy natin ang pagpapalaganap ng Paghahari ng Panginoon na nasa Langit.

Reply

Malou Castaneda June 4, 2024 at 6:18 pm

PAGNINILAY
“Siya ay hindi Diyos ng mga patay, ngunit ng mga buhay”. Ang mga Saduceo, na hindi naniniwala sa muling pagkabuhay, ay nagtanong kay Hesus tungkol sa kasal sa kabilang buhay. Ipinaliwanag ni Hesus na ang buhay pagkatapos ng pagkabuhay-muli ay ibang-iba sa buhay sa lupa. Sa muling pagkabuhay, ang mga tao ay magiging tulad ng mga anghel at hindi mag-aasawa o ipapakasal. Ipinaalala Niya sa kanila ang kapangyarihan ng Diyos, Na siyang Diyos ng mga buhay, hindi ng mga patay. Ito ang kahalagahan ng pananampalataya sa muling pagkabuhay, ang kapangyarihan ng Diyos na mapagtagumpayan ang kamatayan at ang pag-asa at pangako ng buhay na walang hanggan na dumarating sa pamamagitan ng ating paniniwala kay Hesucristo. Hinahamon tayo nito na mag-isip ng higit sa ating makalupang pang-unawa at magtiwala sa kapangyarihan ng Diyos na magdudulot ng bagong buhay sa muling pagkabuhay.

Gaano kalalim ang ating pananampalataya sa pagkabuhay-muli? Naniniwala ba tayo sa makapangyarihang lakas ng Diyos? O tayo rin ay natitisod at nag-aalangan at umaasa sa pangangatwiran? Nawa’y bigyan tayo ng Diyos ng biyaya upang maunawaan at magkaroon ng matibay na pananampalataya sa muling pagkabuhay at buhay na walang hanggan.

Panginoong Hesus, salamat sa pagpapahintulot Mo sa amin na makibahagi sa kawalang-hanggan sa Iyo. Amen.
***

Reply

Rex Barbosa June 5, 2024 at 11:54 am

Ang Mabuting Balita ayon kay San Marcos 12, 18-27

Pagninilay / Aral

Muling nagpahiwatig ang Panginoon ng kamalian ng mga Saduceo sa pagbibigay ng maling kahulugan (interpretasyon) sa nasusulat.
Ito’y aral sa atin ngayon na dahan-dahan tayo sa pansariling pakahulugan sa nasusulat sa Banal na Aklat. Tayong mga Katoliko ay may sangay ng simbahan sa tamang interpretasyon sa nasusulat. Ito ang Magisterium of the Catholic Church guided by the Holy Spirit.
Ngunit hindi tayo kailanman pinagbabawalang magnilay sa mga Salita ng Diyos ayon sa sariling pangyayari sa ating buhay.

Reply

JUDE June 5, 2024 at 11:12 pm

Pagninilay
Sa Unang Pagbasa, pinahahayag na wag natin ikahiya ang ating pananampalatayang Kristiyano. Manadingan tayo bilang katoliko sa ating pananampalataya. Bilang kristiyano Katoliko ipaglaban natin ang kahalagahan ng Kasal. Nakakalungkot na maraming katoliko na pabor pa sa Divorce bill. Ayaw ng Diyos ang mag asawa naghi hiwalay. Dapat manindigan tayo sa ating faith dahil eto sumpa ng mga may asawa sa harap ng Altar sa Diyos na mamahalin ng kanyang asawa “till death do us part.” Kung gusto natin mabilang sa pag hahari ng Diyos, dito palang sa lupa sikapin ang sundin ang kalooban ng Diyos. Hindi kalooban ng Diyos ikaw mapahamak o masaktan. May mga Santo na nakaranas din pananakit tulad ni St.Monica. Sa walang sawa ng panalangin nya nagbago din kanyang asawa.

Sa Banal na Ebanghelyo, tayo lahat tinatawag maging banal para mabilang tayo sa kaharian Diyos. Sikapin natin makasunod sa kaooban ng Diyos dahil ang Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac at Diyos ni Jacob ay Buhay at hindi patay. Dapat i fired up natin ang faith and love natin sa Diyos dahil ang DIYOS NATIN AY DIYOS PARA SA MGA BUHAY, HINDI PARA SA PATAY ANG PANANAMPALATAYA.

Amen!

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: