Huwebes, Hunyo 6, 2024

June 6, 2024

Huwebes ng Ika-9 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

o kaya Paggunita kay San Norberto, obispo

2 Timoteo 2, 8-15
Salmo 24, 4bk-5ab. 8-9. 10 at 14

Poon, ang iyong landasi’y
iyong ituro sa akin.

Marcos 12, 28b-34


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

UNANG PAGBASA
2 Timoteo 2, 8-15

Pagbasa mula sa ikalawang sulat ni Apostol San Pablo kay Timoteo

Pinakamamahal, alalahanin mo si Hesukristo, ang nagmula sa angkan ni David at ang muling nabuhay. Ito ang Mabuting Balitang ipinangangaral ko, ang dahilan ng aking pagdurusa hanggang sa magapos na tulad ng isang salarin. Ngunit hindi maigagapos ang salita ng Diyos. Pinagtitiisan ko ang lahat ng bagay alang-alang sa mga hinirang ng Diyos upang magtamo rin sila ng kaligtasan mula kay Kristo Hesus, at ng walang hanggang kaluwalhatian. Narito ang kasabihang mapananaligan:

“Kapag tayo’y namatay na kalakip ni Hesukristo,
walang salang mabubuhay na kasama niya tayo;
kung tayo man ay magtiis ng hirap sa mundong ito,
maghahari naman tayong kapiling ng ating Kristo;
kapag siya’y itinakwil sa harapan ng mga tao
pagdating ng takdang araw, itatakwil niya tayo.
Kung tayo ma’y hindi tapat, si Kristo ay tapat pa rin
sapagkat ang sa kanya ay hindi niya itatakwil”

Ipaalaala mo sa kanila ang mga bagay na ito at pagbilinan mo sila, sa ngalan ng Diyos, na huwag magtalu-talo nang walang kabuluhan. Walang ibubungang mabuti ang ganitong pagtatalo, manapa’y kapahamakan ng nakikinig. Pagsikapan mong maging karapat-dapat sa Diyos, manggagawang walang dapat ikahiya at tapat na nagtuturo ng katotohanan.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 24, 4bk-5ab. 8-9. 10 at 14

Poon, ang iyong landasi’y
iyong ituro sa akin.

Ang kalooban mo’y ituro, O Diyos,
ituro mo sana sa aba mong lingkod;
ayon sa matuwid, ako ay turuan,
ituro mo, Poon, ang katotohanan;
tagapagligtas ko na inaasahan.

Poon, ang iyong landasi’y
iyong ituro sa akin.

Mabuti ang Poon at makatarungan,
sa mga salari’y guro at patnubay;
sa mababang-loob siya yaong gabay,
at nagtuturo ng kanyang kalooban.

Poon, ang iyong landasi’y
iyong ituro sa akin.

Tapat ang pag-ibig, siya’ng umaakay
sa tumatalima sa utos at tipan.
Sa tumatalima, siya’y kaibigan,
at tagapagturo ng banal na tipan n’yang banal.

Poon, ang iyong landasi’y
iyong ituro sa akin.

ALELUYA
2 Timoteo 1, 10

Aleluya! Aleluya!
Si Kristo ay nagtagumpay
nalupig ang kamatayan
nagningning ang pagkabuhay.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Marcos 12, 28b-34

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos

Noong panahong iyon, isa sa mga eskriba ay lumapit kay Hesus at nagtanong, “Alin pong utos ang pinakamahalaga?” Sumagot si Hesus, “Ito ang pinakamahalagang utos, ‘Pakinggan mo, Israel! Ang Panginoon na ating Diyos – siya lamang ang Panginoon. Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, nang buong pag-iisip, at nang buong lakas,’ Ito naman ang pangalawa, ‘Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili’ Wala nang ibang utos na hihigit pa sa mga ito.” “Tama po, Guro!” wika ng eskriba. “Totoo ang sinabi ninyo. Iisa ang Diyos at wala nang iba liban sa kanya. At ang umibig sa kanya nang buong puso, buong pag-iisip, at buong lakas, at ang umibig sa kapwa gaya ng kanyang sarili ay higit na mahalaga kaysa magdala ng lahat ng handog na susunugin, at iba pang mga hain.” Nakita ni Hesus na matalino ang kanyang sagot, kaya’t sinabi niya, “Malapit ka nang mapabilang sa mga pinaghaharian ng Diyos.” At wala nang nangahas magtanong kay Hesus mula noon.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 2 comments… read them below or add one }

Reynald Perez June 1, 2020 at 9:38 pm

Pagninilay: Ang pinakabuod ng Bibliya mula Genesis hanggang Pahayag ay pag-ibig sapagkat ang ating Diyos ay pag-ibig. Tayong lahat ay patuloy na minamahal ng Panginoon, at ito’y isang paanyaya na tayo rin ay ipahalaga ang pag-ibig na iyon. Ang pangaral ni Moises sa Deuteronomio 6:4-6 ay tinatawag sa wikang Hebreo na “Shema, Israel”. Makikita natin ang paanyaya ng propeta sa mga Israelita na dinggin siya sapagkat dala niya ang ang isang mahalagang mensahe mula sa Panginoon. Una niyang sinabi na matakot sila sa Panginoon sa pagsunod sa mga dakilang utos at kalooban. At dito sinabi naman ni Moises na mahalin nila ang Diyos nang buong puso, isip, kaluluwa, at lakas. Kaya ito’y paulit na ipinahayag ni Hesus sa Ebanghelyo nang tanungin siya ng isang eskriba kung ano ang pinakamahalagang utos sa lahat. Sa dami ng mga batas ng Hudyo, na ang eksaktong bilang ay 613, tila nga ba’y nakalimutan na nila ang pinakaimportante sa mga utos na ibinigay sa kanila. Dito sinipi ni Hesus ang “Shema” tungkol sa pagmamahal sa Diyos, at ang Levitico 19:18 naman tungkol sa pagmamahal sa kapwa. At sinigurado niya na wala pang utos na higit sa dalawang ito. Kaya nga ang pagmamahal sa Diyos at kapwa ay ang pinakabuod ng Sampung Utos/Dekalogo, na para kay Hesus, kung bawal sa atin ang paglabag sa mga utos na iyon, ang kabutihan at kagandang-loob ay siyang dapat maging inspirasyon natin ng pagmamahal sa Panginoon at sa ating kapwa-tao. Ang pagmamahal sa Diyos ay ang pagkilala sa kanya bilang pinakasanggalang ng ating buhay na sa kabila ng mga napupunong bagay ng mundo, siya pa rin ang tunay na nagbibiyaya at naggabay sa ating buhay. Kaya nga tayo’y nagtitipon sa simbahan tuwing Linggo at minsan bumibisita upang manalangin kahit 5 minuto upang makipag-usap tayo sa kanya at mabatid ang kanyang dakilang kalooban. Minsan binabasa natin ang Bibliya lalung-lalo ang Ebanghelyo sa bawat araw upang makilala ang mensahe niya para matuon ang ating buhay-pananampalataya sa kanya. At ang pagmamahal sa kapwa ay tinawag sa Ingles na “humanitarian”. Makikita dito ang ating pag-iintindi sa bawat pangangailangan ng isa. Kaya ginagawa natin ang tama hindi lang para tulungan sila, kundi pati na rin makita nila ang kahalagahan ng paggawa ng tama. Ganun rin ang paggawa ng kabutihan sa kanila upang tayo’y maging mabuting huwaran sa kanila na palaging maging matulungin sa ibang tao. Kaya nga ang ating pagkakilanlan bilang mga Kristiyano ay nakasentro sa pag-ibig. At nawa ipakita natin ang pag-ibig ng Diyos na para sa lahat sa pamamagitan ng pag-ibig sa kanya at sa ating kapwa-tao upang maghari ang kabutihan at kagandang-loob sa buong mundo.

Reply

Len June 4, 2020 at 3:05 pm

Paano nga ba mahalin ang Dyos? Ang pag-ibig ay biyayang nagmumula sa Dyos dahil D’yos ay Pag-ibig. Ngunit paano? Sabi nga ni Hesus, “Ito ang pinakamahalagang utos, ‘Pakinggan mo, Israel! Ang Panginoon na ating Diyos – siya lamang ang Panginoon. Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, nang buong pag-iisip, at nang buong lakas.’ Ito ay sa pamamagitan ng panalangin, ang totoong pakikipag usap sa Diyos. Kapag kinakausap mo Sya iniisip mo Sya. Kapag iniisip mo Sya gumagamit ka ng lakas, puso, at pati kaluluwa. Ngunit hindi ito madali. Kinakailangan natin maging tahimik ang isip natin mula sa makamundong ito, makita ang ating pagkakamali , at kausapin Sya. Humingi tayo ng tulong kay Maria upang gabayan tayo sa pakikipag usap sa Kanyang Anak. Amen.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: