Podcast: Download (Duration: 7:32 — 5.3MB)
Biyernes sa Walong Araw na Pagdiriwang
ng Pasko ng Muling Pagkabuhay
Mga Gawa 4, 1-12
Salmo 117, 1-2 at 4. 22-24. 25-27a
Batong dating tinanggiha’y
siya pang naging saligan.
Juan 21, 1-14
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Friday within the Octave of Easter (White)
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 4, 1-12
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol
Noong mga araw na iyon, nagsasalita pa sina Pedro at Juan tungkol sa kanilang pinagaling nang dumating ang mga saserdote, ang kapitan ng mga bantay sa templo, at ang mga Saduseo. Galit na galit sila sa dalawang apostol sapagkat ipinapahayag nila sa mga tao na si Hesus ay muling nabuhay at ito ang katunayan na muling mabubuhay ang mga patay. Kaya’t dinakip nila ang dalawa ngunit ikinulong muna hanggang kinabukasan sapagkat gabi na noon. Gayunman, marami sa nakarinig ng kanilang pangangaral ang sumampalataya kay Hesus, at umabot sa limang libo ang bilang ng mga lalaki. Kinabukasan, nagkatipon sa Jerusalem ang mga pinuno, ang matatanda ng bayan, at ang mga eskriba. Kasama nila si Anas na pinakapunong saserdote, si Caifas, si Juan, si Alejandro at ang buong angkan ng pinakapunong saserdote. Pinaharap nila ang mga apostol at tinanong, “Sa anong kapangyarihan o kaninong pangalan ninyo ginagawa ang bagay na ito?” Sumagot si Pedro, na puspos ng Espiritu Santo: “Mga pinuno, at matatanda ng bayan, kung sinisiyasat ninyo kami ngayon tungkol sa kabutihang ginawa namin sa lumpong ito at kung paano siya gumaling, talastasin ninyo lahat at ng buong Israel na ang taong ito’y nakatindig sa inyong harapan at lubusang gumaling dahil sa kapangyarihan ng pangalan ni Hesukristong taga-Nazaret. Siya’y inyong ipinako sa krus, ngunit muling binuhay ng Diyos. Ang Hesus na ito ang batong itinakwil ninyong mga tagapagtayo ng bahay ang siyang naging batong panulukan.
Kay Hesukristo lamang matatagpuan ang kaligtasan, sapagkat sa silong ng langit, ang kayang pangalan lamang ang ibinigay ng Diyos sa ikaliligtas ng tao.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 117, 1-2 at 4. 22-24. 25-27a
Batong dating tinanggiha’y
siya pang naging saligan.
o kaya: Aleluya!
O pasalamatan
ang Panginoong Diyos, pagkat siya’y mabuti;
ang kanyang pag-ibig
ay napakatatag at mananatili.
Ang taga-Israel,
bayaang sabihi’t kanilang ihayag,
“Ang pag-ibig ng Diyos, ay hindi kukupas.”
Lahat ng may takot
sa Panginoong Diyos, dapat magpahayag,
“Ang pag-ibig niya’y hindi magwawakas.”
Batong dating tinanggiha’y
siya pang naging saligan.
Ang batong natakwil
ng nangagtatayo ng tirahang-bahay,
sa lahat ng bato’y higit na mahusay.
Ang lahat ng ito
ang nagpamalas ay ang Panginoong Diyos,
kung iyong mamasdan ay kalugud-lugod!
O kahanga-hanga
ang araw na itong ang Diyos ang nagbigay,
tayo ay magalak, ating ipagdiwang!
Batong dating tinanggiha’y
siya pang naging saligan.
Kami ay iligtas,
tubusin mo, Poon, kami ay iligtas,
at pagtagumpayin sa layuni’t hangad.
Ang pumaparito
sa ngalan ng Poon ay pagpapalain;
magmula sa templo,
mga pagpapala’y kanyang tatanggapin!
ang Poon ang Diyos.
Batong dating tinanggiha’y
siya pang naging saligan.
ALELUYA
Salmo 117, 24
Aleluya! Aleluya!
Araw ngayong gawa ng D’yos,
magdiwang tayo nang lubos.
Purihin ang Manunubos.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 21, 1-14
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, muling napakita si Hesus sa mga alagad sa tabi ng Lawa ng Tiberias. Ganito ang pangyayari. Magkakasama sina Simon Pedro, Tomas na tinaguriang kambal, Natanael na taga-Cana, Galilea, ang mga anak ni Zebedeo, at dalawang alagad. Sinabi sa kanila ni Simon Pedro, “Mangingisda ako.” “Sasama kami,” wika nila. Umalis sila at lumulan sa bangka, subalit walang nahuli nang gabing iyon. Nang magbubukang-liwayway na, tumayo si Hesus sa pampang, subalit hindi siya nakilala ng mga alagad. Sinabi niya, “Mga anak, mayroon ba kayong huli?” “Wala po,” tugon nila. “Ihulog ninyo ang lambat sa gawing kanan ng bangka at makahuhuli kayo,” sabi ni Hesus. Inihulog nga nila ang lambat at hindi nila ito mahila sa dami ng huli. Sinabi kay Pedro ng alagad na minamahal ni Hesus, “Ang Panginoon iyon!” Nang marinig ito ni Simon Pedro, siya’y nagsuot ng damit sapagkat hubad siya at tumalon sa tubig. Ang kasama niyang mga alagad ay sumapit sa pampang, sakay ng munting bangka, hila-hila ang lambat na puno ng isda. Hindi sila gaanong kalayuan sa pampang – mga siyamnapung metro lamang. Pag-ahon nila sa pampang ay nakakita sila roon ng mga baga na may isdang nakaihaw, at ilang tinapay. “Magdala kayo rito ng ilang isdang nahuli ninyo,” sabi ni Hesus. Kaya’t sumampa sa bangka si Simon Pedro at hinila sa pampang ang lambat na puno ng malalaking isda – sandaan at limampu’t tatlong lahat. Hindi napunit ang lambat, kahit gaano karami ang isda. “Halikayo at mag-almusal tayo,” sabi ni Hesus. Isa man sa mga alagad ay walang nangahas magtanong sa kanya kung sino siya, sapagkat alam nila na siya ang Panginoon. Lumapit si Hesus, kinuha ang tinapay at ibinigay sa kanila, gayundin ang isda.
Ito ang ikatlong pagpapakita ni Hesus sa mga alagad pagkatapos na siya’y muling mabuhay.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Huwebes, Abril 4, 2024
Sabado, Abril 6, 2024 »
{ 5 comments… read them below or add one }
Ang Panginoong Hesus ay ang Diyos na buhay, ng ikatlong araw matapos Siya ay ipako sa Krus, Siya ay muling nabuhay. Nawa’y Ikaw Panginoon ang manguna at gumabay sa aming buhay hanggang sa huling sandali namin dito sa mundo. Patawad po sa mga kasalanang paulit ulit naming ginagawa, at nawa’y palagi naming hangarin ang gumawa ng mabuti sa aming kapwa na ikalulugod Mo. Amen…
PAGNINILAY: Patuloy nating isinasadiwa ang kaligayahan ng Muling Pagkabuhay ng ating Panginoong Hesukristo. Nakita natin sa Ebanghelyo kung paanong nagpakita ang Panginoong Muling Nabuhay sa 7 sa kanyang mga Apostol sa Lawa ng Tiberias. Maari nating isipin kung bakit kaya sila’y nagbalik sa kanilang nakagawiang hanapbuhay: ang pangingisda. Dito maaalala natin ang mensahe ni Hesus na ipinadala ng anghel sa mga kababaihan katulad ni Sta. Maria Magdalena sa libingan niya, na ipinadala naman sa mga Apostol, na makikita nila siya sa Galilea na siya rin ay makakatagpo sa kanila roon. At alam natin na sila’y tinawag sa Galilea na sumunod at maging mga Apostol ni Kristo. Bagamat si Hesus ay nagpakita sa kanila sa lugar kung saan siya’y naghapunan noong gabi ng kanyang Pagpapakasakit (Jerusalem), ang mga Apostol ay nagsibalik sa kanilang hanapbuhay na pangingisda. At sabi nga sa Ebanghelyo ay buong mag-araw ay wala silang nahuli ni isang katiting ng isda hanggang sa sumikat ang araw. At sa sandaling iyon ay nagpakita ang Panginoon sa may dalampasigan at nag-uutos na ihagis nila ang kanilang lambat sa kanang banda ng bangka. Nang sinunod nila ang utos na ito, hindi nagkukulang sa 153 isda ang hinuli nila (153 na sumisimbolo sa mga iba’t ibang uri ng hayop. Ang “153” ay sinasabi ring mensahe na: “Ako ang Diyos.”
Kaya siguro nabatid ni San Juan ang pangyayaring ito at sinabi kay San Pedro na, “Dominus est!” Ito yung kagalakang naranasan ni Simon Pedro, kaya siya’y tumalon sa liwa at biglang lumangoy patungo sa baybaying naroon ang Panginoon, at sumunod sa bangka ang mga iba pang alagad. At dito makikita natin ang isang almusal sa pamamagitan ni Hesus at ang kanyang mga alagad. Paalala ng pagtitipon nila ay ang kagalakan na si Hesus ay tunay nga nabuhay at binuhay ang kanilang mga damdamin dahil sa napakalaking huli ng mga isda. At ang huling iyan ay sumisimbolo sa tawag ng mga Apostol na maging mga “mamalakaya sa mga tao” na kanilang tutuparin kapag ang Panginoon ay umakyat sa kalangitan at bumaba sa kanila ang Espiritu Santo.
At narinig natin sa Unang Pagbasa kung paanong naging matatag sina San Pedro at San Juan sa harap ng Sanhedrin na ipahayag si Hesus bilang Panginoon. Bagamat alam nila na ang mga pinuno ng mga Hudyo ay pumatay sa Panginoon at may bantang ipagpatay rin sila, sila’y naging matapat sa kanilang tungkulin na patuloy ang pagpapahayag at pagbibigay-saksi sa Mabuting Balita alang-alang sa pagtataguyod sa Simbahang itinayo ng ating Panginoong Hesukristo. Kaya ang misyon ng mga Apostol ay hindi na puno ng takot, kundi ito’y nagliliyab ng pag-ibig upang ang mga tao ay makilala pa ang Diyos Ama sa pamamagitan ng Diyos Anak na si Hesus.
Kaya ang Diyos ay palaging mapaunawa sa ating kinalalagyan. Ang kailangan lang natin ay kilalanin siya sa mga sitwasyong ating ninanaranas ngayon at ibahagi ang kanyang presensiya sa ibang tao.
Pangatlong pagpapakita ni Hesus sa mga alagad.
Pagkamatay ng kanilang minamahal na guro ay bumalik si Simon Pedro sa kanyang dating hanapbuhay na pangingisda kasama ang iba pang alagad. At ito ang naging tagpo ng pangatlong pagpakita ni Hesus sa kanila. Hindi masama ang pangingisda subalit hindi iyon ang gusto ni Hesus na gawin ng mga alagad. Hindi mamalakaya ng isda ngunit ang mamalakaya ng tao. Ang magpalaganap ng Mabuting Balita at magpahayag ng mga turo at aral ni Hesus.
Tayong mga karaniwang tao kahit hindi mga apostol o pari ay may tungkulin ding magpalaganap ng mga Salita ng Diyos at Mabuting Balita. Magpatotoo tayo sa mga kagandahang loob ni Hesus mg tayo ay magbalik loob sa kanya. Ibahagi natin ang ating mga karanasan ng tayo ay magkaroon ng relasyon kay Hesus. Ipagbatid alam natin sa ating pamilya, kamag anak, kaibigan o sa mga estranghero na nakakasalamuha natin na may gantimpala naghihintay sa taong nagpapakabuti. Tumulong tayo sa pagpapa-alam sa kapwa natin na hindi pa huli ang lahat sa taong makasalanan. Kinalulugdan ni Hesus ang makasalanang tao na nagbabago at nagsusumikap na matalikuran na ang kasamaan.
Matatandaan na iniwan ng Mabuting Pastol ang 99 na tupa para lamang hanapin ang isang nawawala at naliligaw ng landas. At ng ito’y kanyang masumpungan ay nagdiwang sya. Ganoon ang Diyos sa atin, hinahanap nya tayo at kailangan ay hanapin din natin sya sa ating mga puso.
REFLECTION: Pangatlong pagpapakita ni Hesus sa mga alagad.
Pagkamatay ng kanilang minamahal na guro ay bumalik si Simon Pedro sa kanyang dating hanapbuhay na pangingisda kasama ang iba pang alagad. At ito ang naging tagpo ng pangatlong pagpakita ni Hesus sa kanila. Hindi masama ang pangingisda subalit hindi iyon ang gusto ni Hesus na gawin ng mga alagad. Hindi mamalakaya ng isda ngunit ang mamalakaya ng tao. Ang magpalaganap ng Mabuting Balita at magpahayag ng mga turo at aral ni Hesus.
Tayong mga karaniwang tao kahit hindi mga apostol o pari ay may tungkulin ding magpalaganap ng mga Salita ng Diyos at Mabuting Balita. Magpatotoo tayo sa mga kagandahang loob ni Hesus mg tayo ay magbalik loob sa kanya. Ibahagi natin ang ating mga karanasan ng tayo ay magkaroon ng relasyon kay Hesus. Ipagbatid alam natin sa ating pamilya, kamag anak, kaibigan o sa mga estranghero na nakakasalamuha natin na may gantimpala naghihintay sa taong nagpapakabuti. Tumulong tayo sa pagpapa-alam sa kapwa natin na hindi pa huli ang lahat sa taong makasalanan. Kinalulugdan ni Hesus ang makasalanang tao na nagbabago at nagsusumikap na matalikuran na ang kasamaan.
Matatandaan na iniwan ng Mabuting Pastol ang 99 na tupa para lamang hanapin ang isang nawawala at naliligaw ng landas. At ng ito’y kanyang masumpungan ay nagdiwang siya. Ganoon ang Diyos sa atin, hinahanap nya tayo at kailangan ay hanapin din natin sya sa ating mga puso.
MAGNILAY: Natikman ng mga alagad kung gaano kahirap ang maging saksi o tagapagpatotoo sa isang katotohanan. Sila mismo ay napagalitan ni Hesus dahil ayaw nilang paniwalaan ang mga nakasaksi sa kanyang pagkabuhay. Hindi na lang iisa ang nagpapatotoo pero ayaw pa rin nilang maniwala. Ngayon ay sinusugo sila bilang mga saksi at tagapagpatotoo ng Panginoon. Dadanasin nila ang hindi paniwalaan. Hahanap sila ng paraan upang paniwalaan. Kailangan nilang patunayan ang kanilang sinseridad. Tayo’y mga tagapagpatotoo ng Panginoon sa ating makabagong panahon. Hamon sa ating patunayan ang ating kredibilidad. Kung hindi ay walang maniniwala sa atin.
MANALANGIN: Panginoong muling nabuhay, tulungan mo kaming maging mga kapani-paniwala mong mga saksi.
GAWIN: Huwag kang maging pipitsugin at ipokritong saksi ng Panginoon. Patunayan mo sa gawa ang iyong sinasabi. Radikal mong isabuhay ang pinapangaral mo.