Lunes, Abril 1, 2024

April 1, 2024

Lunes sa Walong Araw na Pagdiriwang
ng Pasko ng Muling Pagkabuhay

Mga Gawa 2, 14. 22-33
Salmo 15, 1-2a at 5. 7-8. 9-10. 11

D’yos ko, ang aking dalangi’y
ako’y iyong tangkilikin.

Mateo 28, 8-15


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Monday within the Octave of Easter (White)

UNANG PAGBASA
Mga Gawa 2, 14. 22-33

Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol

Noong araw ng Pentekostes, tumayo si Pedro at ang labing-isang apostol, at nagsalita nang malakas, “Mga kababayan, at mga naninirahan sa Jerusalem: pakinggan ninyong mabuti ang aking sasabihin.

“Mga Israelita, pakinggan ninyo ito! Si Hesus na taga-Nazaret ay sinugo ng Diyos. Pinatutunayan ito ng mga himala, mga kababalaghan, at mga tandang ginawa ng Diyos sa pamamagitan niya. Alam ninyo ito sapagkat lahat ay naganap sa gitna ninyo. Ngunit ang taong ito na ibinigay sa inyo ayon sa pasiya at pagkaalam ng Diyos sa mula’t mula pa, ay ipinapako ninyo at ipinapatay sa mga makasalanan. Subalit siya’y muling binuhay ng Diyos at pinalaya sa kapangyarihan ng kamatayan. Hindi ito maaaring mamayani sa kanya, gaya ng sinabi ni David:

‘Nakita ko na laging nasa tabi ko ang Panginoon,
Siya’y kasama ko kaya’t hindi ako matitigatig.
Dahil dito, nagalak ang puso ko at umawit sa tuwa ang aking dila,
At ang katawan ko’y nahihimlay na may pag-asa.
Sapagkat ang kaluluwa ko’y di mo pababayaan sa daigdig ng mga patay,
At hindi mo itutulot na mabulok ang iyong Banal.
Ituro mo sa akin ang mga landasing patungo sa buhay,
Dahil sa ikaw ang kasama ko, ako’y mapupuspos ng kagalakan.’
“Mga kapatid, masasabi ko sa inyo nang tiyakan na ang patriyarkang si David ay namatay at inilibing; naririto ang kanyang libingan hanggang ngayon. Siya’y propeta at nalalaman niya ang pangako sa kanya ng Diyos: na magiging haring tulad niya ang isa sa kanyang mga inapo. Ang muling pagkabuhay ng Mesias ang nakita’t hinulaan ni David nang kanyang sabihin:

‘Hindi siya pinabayaan sa daigdig ng mga patay;
At hindi itinulot na mabulok ang kanyang katawan.’

Itong si Hesus ay muling binuhay ng Diyos, at saksi kaming lahat sa bagay na ito. Nang itaas siya sa kanan ng Diyos, tinanggap niya sa kanyang Ama ang ipinangakong Espiritu Santo at ito’y kanyang ipinagkaloob sa amin, tulad ng inyong nakikita at naririnig ngayon.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 15, 1-2a at 5. 7-8. 9-10. 11

D’yos ko, ang aking dalangi’y
ako’y iyong tangkilikin.

o kaya: Aleluya.

O Diyos, ako’y ingatan mo, ingatan ang iyong lingkod,
ang hangad ko ay maligtas kaya sa ‘yo dumudulog;
“Ika’y aking Panginoon,” ang wika ko sa aking Diyos,
“Kabutihang tinanggap ko, ay ikaw ang nagkaloob.”
Ikaw lamang, O Poon ko, ang lahat sa aking buhay,
ako’y iyong tinutugon sa lahat kong kailangan.

D’yos ko, ang aking dalangi’y
ako’y iyong tangkilikin.

Pinupuri ko ang Poon na sa akin ay patnubay.
Kahit gabi diwa niya ang sa aki’y umaakay.
Nababatid ko na siya’y kasama ko oras-oras.
sa piling n’ya kailanma’y hindi ako matitinag.

D’yos ko, ang aking dalangi’y
ako’y iyong tangkilikin.

Kaya’t ako’y nagdiriwang, ang diwa ko’y nagagalak,
ang lagi kong nadarama’y hindi ako matitinag.
Pagkat di mo tutulutang ang mahal mo ay malagak,
sa balon ng mga patay upang doon ay maagnas.

D’yos ko, ang aking dalangi’y
ako’y iyong tangkilikin.

Ituturo mo ang landas na buhay ang hahantungan,
sa piling mo’y madarama ang lubos na kagalakan;
ang tulong mo’y nagdudulot ng ligayang walang hanggan.

D’yos ko, ang aking dalangi’y
ako’y iyong tangkilikin.

ALELUYA
Salmo 117, 24

Aleluya! Aleluya!
Araw ngayong gawa ng D’yos,
magdiwang tayo nang lubos.
Purihin ang Manunubos.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 28, 8-15

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, dali-daling umalis ang mga babae ng libingan. Pinagharian sila ng magkahalong takot at galak. At patakbong nagpunta sa mga alagad upang ibalita ang nangyari.

Ngunit sinalubong sila ni Hesus at binati. At lumapit sila, niyakap ang kanyang paa at sinamba siya. Sinabi sa kanila ni Hesus, “Huwag kayong matakot! Humayo kayo at sabihin sa mga kapatid ko na pumunta sila sa Galilea, at makikita nila ako roon!”

Pagkaalis ng mga babae, pumunta naman sa lungsod ang ilan sa mga kawal na nagbabantay sa libingan at ibinalita sa mga punong saserdote ang lahat ng nangyari. Nagtipun-tipon ang mga ito at matapos makipagpulong sa matatanda ng bayan, sinuhulan nang malaki ang mga kawal. At inutusan sila na ganito ang ipinamalita, “Samantalang natutulog kami kagabi, naparito ang kanyang mga alagad at ninakaw ang kanyang bangkay.” Sinabi pa nila, “Huwag kayong mag-alaala, makarating man ito sa gobernador. Kami ang bahala!” Tinanggap ng mga bantay ang salapi at ginawa ang bilin sa kanila. Hanggang ngayon, ito pa rin ang sabi-sabi ng mga Judio.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 6 comments… read them below or add one }

Guilbert Poblite April 18, 2022 at 5:16 am

MAGNILAY: Ang makatagpo ang Panginoon ay laging may magkahalong galak at takot. Laging may galak dahil dulot niya ay pagmamahal at pagpapatawad. Bagong buhay at pag-asa ang hatid niya. Kagalakan din ang bunga na malaman ang katotohanan tungkol sa pagkilos niya sa buhay natin. Gayunpaman, lagi ring may takot dahil may kaakibat na bagong responsibilidad. Ang hamon niya ay pagtahak sa isang bagong direksyon ng buhay at iwan ang nakasanayang kasalukuyang pamumuhay. Nakakatakot din dahil marami ang ayaw ng pagbabago at dahil diyan magkakaroon tayo ng kaaway na magsisilbing banta sa atin. Pero ang Panginoon ang magiging lakas at tapang natin.
MANALANGIN: Panginoong muling nabuhay, yakapin ko nawa ang bagong hamon mo sa aking buhay nang may mas higit na galak kaysa takot.
GAWIN: Mas bigyang-daan ang galak kaysa takot sa pagdedesisyon para sa Panginoon.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño April 18, 2022 at 6:47 am

Ang mahal na araw at natapos na, at ipinagdiriwang naman natin ngayon ang Pasko ng Pagkabuhay. Ano nman ang mga aral at hamon ng ebanghelyo ngayon pagkatpos ng muling pagkabuhay ni Hesus?

Tularan natin ang mga babae na nanggaling sa libingan, hindi sila nag alinlangan at naniwala sila na muling nabuhay si Hesus. Takot at galak ang nadama nila ngunit walang pag aalinlangan ito ay bago pa man magpakita sa kanila si Hesus. Ito ang aral sa atin ng ebanghelyo ngayon, ang ibigay ang buong pagtitiwala sa Panginoon, ang tanggalin ang takot at pangamba dahil may Diyos tayong hindi tatalikod sa satin kung susundin natin ang kalooban nya.

Huwag nating tularan ang mga kawal at punong saserdote. Sa ating panahon ngayon ay marami ang ganito. Ang magsusuhol upang baliktarij ang mga tunay na pangyayari, ang mga tumatanggap ng suhol , ang mga bumabali ng balita para sa salapi. Ang ginawa ng mga kawal at punong saserdote ay maituturing na kauna unahanh FAKE NEWS.

Reply

Reynald Perez April 18, 2022 at 8:02 am

PAGNINILAY: Tayo ngayon ay nagagalak sapagkat tunay ngang Muling nabuhay ang ating Panginoon mula sa kamatayan. Nilupig niya ang kapwang kamataya’t kasalanan,at tayo’y biniyayaan niya ng panibagong buhay upang tayo’y maging marapat na mamuhay bilang mga anak ng Diyos. Ang lahat ng mga pagdurusa ni Hesus para sa ating kaligtasan ay naging tagumpay sapagkat tunay ngang nabuhay siya nang mag-uli ayon sa katuparan ng plano ng Ama.

Kaya nakita natin sa Ebanghelyo ang tuwa nina Maria Magdalena at isa pang Maria nang magpakita sa kanila ang Panginoong Muling Nabuhay. Ipinabilin ni Hesus sa kanila na sabihin sa mga 11 Apostol na buhay siya talaga at magkikita sila sa Galilea. Kaya ang biglang pag-aalis ng 2 kababaihan ay tanda ng kagalakan dahil sa magandang balita ng Muling Pagkabuhay. Subalit kung may mga taong natutuwa sa dakilang pangyayari kay Hesus, may mga taong hindi natutuwa alang-alang sa sariling karangalan. At ito yung ugaling ipinakita ng mga punong saserdote. Matatandaan sila’y nagpautos kay Poncio Pilato na magsugo ng mga 2 sundalo upang bantayan ang libingan ni Kristo. Subalit nagkaroon ng isang malalakas na lindol, at nagpakita ang isang anghel, kaya natakot ang mga guwardiya at napatihulog sa sahig na parang nahimatay at nakatulog. At ito yung ibinalita ng 2 sundalo sa mga punong saserdote. Subalit nais pabaliktaran ng mga grupo ang pangyayari: na upang pagtakpan daw ang pagnanakaw sa kanyang katawan, ibinalita ng mga Apostol na si Hesus ay muling nabuhay. At dahil parang tingin nila’y naaawa sila sa mga sundalo kung sila’y mananagot sa gobernador dahil sa pagbabale-wala ng trabaho, itong mga punong saserdote na ang bahalang gumimbala kay Pilato. Kaya’t binayaran nila ang mga sundalo ng malalaking halaga ng pera upang ipagkalat nila ang huwad na balita. At sinabi nga dito sa Ebanghelyo na itong maling kwento ay lumaganap sa mga Hudyo. Dahil ang tagapakinig ni San Mateo ay ang mga “Hudyong Kristiyano”, isiniwalat ng ebanghelistang ito na kahit hanggang ngayon, hindi naniniwala ang mga Hudyo ang pagka-Mesiyas ni Hesus.

Gaano mang maimpluwensiya ang mga punong saserdote na ipakalat ang huwad na kwentong ito para sa pansariling interes, hindi pa rin natinag ang kanilang kasamaan na ipahayag ang katotohanang tunay ngang nabuhay na mag-uli si Hesukristo. At narinig natin sa Unang Pagbasa ang pagpapahayag ni San Pedro sa harap ng napakaraming Hudyo matapos bumaba ang Espiritu Santo sa kanilang mga Apostol (Pentekostes). Ipinahayag ni San Pedro ang katotohanang si Hesus ay namatay sa Krus, ngunit muling nabuhay ayon sa plano ng Diyos para sa kaligtasan ng mga sumasampalataya at nagiging matapat sa kanya. At makikita natin ang kahalagahan nitong Aklat ng Gawa ng mga Apostol sa Panahon ng Pasko ng Pagkabuhay upang maipamalas ang kapangyarihan ng Muling Nabuhay ng Panginoon sa Simbahang kanyang itinatag.

Kaya sa ating panahon ngayon, huwag tayo’y mapaniwala agad sa mga pekeng salaysay at kasinungalingan na layuning siraan ang mga mabubuting tao sa ating paligid. Huwag po din tayo sumunod sa mga atake laban sa ating pananampalataya. Bagkus ay nawa’y manaig sa atin ang katotohanang dala ng Panginoong Muling Nabuhay. Nang sa gayon, tayo rin ay maging mga buhay na saksi na ipagdiwang at ipakita sa iba na siya’y nabubuhay palagi sa katuwiran at kabutihan ng ating mga kalooban.

Reply

Malou Castaneda March 31, 2024 at 10:01 pm

PAGNINILAY
Ang ‘Huwag matakot’ ay lumalabas ng 365 beses sa Bibliya. Lumalabaa na tayo ay paralisado ng napakaraming takot sa araw-araw ng taon: ang takot na tanggapin ang ating mga pagkakamali, ang katotohanan, ang takot sa pagkabigo, ang takot sa sakit, ang takot sa pagtanda, ang kamatayan, atbp… ang takot sa takot.

Kaya marami sa atin ang kailangang magsinungaling para maprotektahan ang sarili mula sa katotohanan. Ngunit ang katotohanan ay lumalabas sa huli. At kapag nangyari ito, ito ay nagpapatunay na mas makapangyarihan kaysa sa anumang kuwento na maaari nating gawin. Nawa’y mamuhay tayo ngayon sa muling pagkabuhay upang matamasa natin ang kabuuan nito sa kabilang buhay. Ang mamuhay sa muling pagkabuhay na buhay ay ang mamuhay sa isang buhay ng pag-ibig, kalayaan mula sa lahat ng takot at pagkabalisa, upang maglaan ng isang araw sa bawat pagkakataon na alam na ang Panginoon ay magtuturo sa atin ng daan; alam na hawak Niya ang bukas at hawak Niya ang ating mga kamay. Dahil kay Hesus, ang poot ay napagtagumpayan ng pag-ibig, kamatayan sa pamamagitan ng buhay. Alam natin na laging may bukas anuman ang mangyari sa atin.

Panginoong Muling Nabuhay, tulungan Mo kaming malampasan ang aming mga takot na ipalaganap ang Iyong Ebanghelyo. Amen.
***

Reply

Joshua S. Valdoz April 1, 2024 at 11:02 am

REFLECTION:
Ang ‘Huwag matakot’ ay lumalabas ng 365 beses sa Bibliya. Lumalabaa na tayo ay paralisado ng napakaraming takot sa araw-araw ng taon: ang takot na tanggapin ang ating mga pagkakamali, ang katotohanan, ang takot sa pagkabigo, ang takot sa sakit, ang takot sa pagtanda, ang kamatayan, atbp… ang takot sa takot.

Kaya marami sa atin ang kailangang magsinungaling para maprotektahan ang sarili mula sa katotohanan. Ngunit ang katotohanan ay lumalabas sa huli. At kapag nangyari ito, ito ay nagpapatunay na mas makapangyarihan kaysa sa anumang kuwento na maaari nating gawin. Nawa’y mamuhay tayo ngayon sa muling pagkabuhay upang matamasa natin ang kabuuan nito sa kabilang buhay. Ang mamuhay sa muling pagkabuhay na buhay ay ang mamuhay sa isang buhay ng pag-ibig, kalayaan mula sa lahat ng takot at pagkabalisa, upang maglaan ng isang araw sa bawat pagkakataon na alam na ang Panginoon ay magtuturo sa atin ng daan; alam na hawak Niya ang bukas at hawak Niya ang ating mga kamay. Dahil kay Hesus, ang poot ay napagtagumpayan ng pag-ibig, kamatayan sa pamamagitan ng buhay. Alam natin na laging may bukas anuman ang mangyari sa atin.

PRAYER: Panginoong Muling Nabuhay, tulungan Mo kaming malampasan ang aming mga takot na ipalaganap ang Iyong Ebanghelyo. Amen.
***

Reply

Rex Barbosa April 1, 2024 at 4:01 pm

ANG MABUTING BALITA NG PANGINOON
ayon kay San Mateo 28, 8-15

PAGNINILAY / ARAL ng Ebanghelyo

Aral : Alisin ang pag-aalinlangan at palitan ng lubusang pananampalataya!

Naruon pa rin ang pag-alinlangan maging sa mga tapat alagad ni Hesus.
Hindi sila makapaniwala na papayayin ang Anak ng Diyos.
At lalong hindi sila lubusang makapaniwala na muling nabuhay ang Panginoon.

Dahil hindi nila lubusang nauunawaan ang mga tinuran ni Kristo bago Siya mamatay. Kayat sila ay hindi handa sa kanyang pagkabuhay na mag-uli tulad ng ginawa nila sa kanyang kamatayan.

Ngunit ng masaksihan ang libingang walang laman ay sabay silang natakot at natuwa; nasaan ang bangkay o talagang bumangon ba Siya tulad ng Kanyang hinulaan;

Bagamat nagsalita na si Jesus sa kanila bago ang Kanyang kamatayan at pagkabuhay na mag-uli, HINDI SILA MAKAPANIWALA HANGGA’T HINDI NILA NAKIKITA ANG LIBINGANG WALANG LAMAN AT NAKILALA ANG NABUHAY NA MAG ULI NA PANGINOON.

HINDI BA KAPAREHO LANG TAYO NG MGA DISIPULO NA GUSTO NATING MAKITA ANG MGA “HIMALA” ATING BUHAY BAGO TAYO MANIWALA!

TAYO MAN HANGGANG NGAYON AY PARANG MGA UNANG DISIPULO
NI KRISTO; KULANG SA PANANAMPALATAYA, PARA TAYONG SI TOMAS NA NAG-AALINLANGAN; KAILANGAN MASAKSIHAN UPANG SUMAMPALATAYA.

Lubusan ba ang iyong pananamplataya?

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: