Linggo, Marso 31, 2024

March 31, 2024

Araw ng Pasko ng Muling Pagkabuhay

Mga Gawa 10, 34a. 37-43
Salmo 117, 1-2. 16ab-17. 22-23

Araw ngayon ng Maykapal
magalak tayo’t magdiwang.

Colosas 3, 1-4
o kaya 1 Corinto 5, 6b-8
Juan 20, 1-9
o kaya Lucas 24, 13-35


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Easter Sunday of the Lord’s Resurrection (White)

UNANG PAGBASA
Mga Gawa 10, 34a. 37-43

Pagbasa mula sa mga Gawa ng mga Apostol

Noong mga araw na iyon, nagsalita si Pedro, “Alam ninyo ang nangyari sa buong Judea na nagsimula sa Galilea nang mangaral si Juan tungkol sa binyag. Ang sinasabi ko’y tungkol kay Hesus na taga-Nazaret. Ipinagkaloob sa kanya ng Diyos ang Espiritu Santo at ang kapangyarihan bilang katunayan na siya nga ang Hinirang. Sapagkat sumasakanya ang Diyos, saanman siya pumaroon ay gumagawa siya ng kabutihan at nagpapagaling sa lahat ng pinahihirapan ng diyablo. Saksi kami sa lahat ng ginawa niya sa lupain ng mga Judio at sa Jerusalem. Gayunman, siya’y ipinako nila sa krus. Ngunit muli siyang binuhay ng Diyos sa ikatlong araw. Napakita siya, hindi sa lahat ng tao kundi sa amin lamang na noon pang una’y pinili na ng Diyos bilang mga saksi. Kami ang nakasama niyang kumain at uminom pagkatapos na siya’y muling mabuhay. Inatasan niya kaming mangaral sa mga tao at magpatotoo na siya ang itinalaga ng Diyos na maging Hukom ng mga buhay at mga patay. Siya ang tinutukoy ng mga propeta nang kanilang ipahayag na bawat mananalig sa kanya ay tatanggap ng kapatawaran sa kanilang mga kasalanan, sa pamamagitan ng kanyang pangalan.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 117, 1-2. 16ab-17. 22-23

Araw ngayon ng Maykapal
magalak tayo’t magdiwang.

o kaya: Aleluya!

O pasalamatan
ang Panginoong Diyos,
pagkat siya’y mabuti;
ang kanyang pag-ibig
ay napakatatag at mananatili.
Ang taga-Israel,
bayaang sabihi’t kanilang ihayag,
“Ang pag-ibig ng Diyos, ay hindi kukupas.”

Araw ngayon ng Maykapal
magalak tayo’t magdiwang.

Ang lakas ng Poon,
ang siyang nagdulot ng ating tagumpay
sa pakikibaka sa ating kaaway.
Aking sinasabing
di ako papanaw, mabubuhay ako
upang isalaysay
ang gawa ng Diyos na Panginoon ko.

Araw ngayon ng Maykapal
magalak tayo’t magdiwang.

Ang batong natakwil
ng nangagtatayo ng tirahang-bahay,
sa lahat ng bato’y higit na mahusay.
Ang lahat ng ito
ang nagpamalas ay ang Panginoong Diyos.
Kung iyong mamasdan ay kalugud-lugod.

Araw ngayon ng Maykapal
magalak tayo’t magdiwang.

IKALAWANG PAGBASA
Colosas 3, 1-4

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Colosas

Mga kapatid:

Binuhay kayong muli, kasama ni Kristo, kaya’t ang pagsumakitan ninyo ay ang mga bagay na nasa langit na kinaroroonan ni Kristo na nakaupo sa kanan ng Diyos. Isaisip ninyo ang mga bagay na panlangit, hindi ang mga bagay na panlupa, sapagkat namatay na kayo at ang tunay na buhay ninyo’y natatago sa Diyos, kasama ni Kristo. Si Kristo ang tunay na buhay ninyo, at pag siya’y nahayag, mahahayag din kayong kasama niya at makakahati sa kanyang karangalan.

Ang Salita ng Diyos.

o kaya:
1 Corinto 5, 6b-8

Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto

Mga kapatid:

Hindi ba ninyo alam ang kasabihang, “Napaaalsa ng kaunting lebadura ang buong masa?” Alisin ninyo ang lumang lebadura, ang kasalanan, upang kayo’y maging malinis. Sa gayon, matutulad kayo sa isang bagong masa na walang lebadura – at ganyan nga kayo. Sapagkat naihandog na ang ating Korderong Pampaskuwa – si Kristo. Kaya’t ipagdiwang natin ang Paskuwa, ngunit hindi sa pamamagitan ng tinapay na may lumang lebadura ng kasamaan at kahalayan, kundi sa pamamagitan ng tinapay na walang lebadura, sagisag ng kalinisan at katapatan.

Ang Salita ng Diyos.

AWIT TUNGKOL SA MABUTING BALITA

Purihin si Hesukristo
hain para sa tao.

Nagligtas na Kordero
nang makasundo tayo
ng Amang Lumikha nitong mundo.

Buhay at kamatayan
kapwa nagtunggalian
at ang nagtagumpay
“Pagkabuhay.”

Ano ba Maria,
ang ‘yong mga nakita?

Puntod ni Kristong nabuhay,
liwanag niya’t kaningningan.

Anghel na malinaw,
kumot at kasuotan.

Buhay si Kristong pag-asa
pupunta s’ya sa Galilea.

Kami’y sumasampalatayang
buhay kang talaga,
Hari ng ligaya,
magbasbas ka.

ALELUYA
1 Corinto 5, 7b-8a

Aleluya! Aleluya!
Si Kristo’y inihain na
pamaskong maamong tupa.
Magsalo tayo sa kanya!
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Juan 20, 1-9

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Madilim-dilim pa nang araw ng Linggo, naparoon na si Maria Magdalena sa libingan. Naratnan niyang naalis na ang batong panakip sa pinto ng libingan. Dahil dito, patakbo siyang pumunta kay Simon Pedro at sa alagad na mahal ni Hesus, at sinabi sa kanila, “Kinuha sa libingan ang Panginoon at hindi namin alam kung saan dinala!” Kaya’t si Pedro at ang nasabing alagad ay nagpunta sa libingan. Kapwa sila tumakbo ngunit si Pedro’y naunahan ng kasamang alagad. Yumuko ito at sumilip sa loob. Nakita niyang nakalagay ang mga kayong lino, ngunit hindi siya pumasok. Kasunod niyang dumating si Simon Pedro at tuloy-tuloy itong pumasok sa libingan. Nakita niya ang mga kayong lino, at ang panyong ibinalot sa ulo. Hindi ito kasama ng mga kayong lino, kundi hiwalay na nakatiklop sa isang tabi. Pumasok din ang alagad na naunang dumating; nakita niya ito at siya’y naniwala. Hindi pa nila nauunawaan ang nasasaad sa Kasulatan, na kailangang muling mabuhay si Hesus.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

o kaya:
Sa pagmimisa sa hapon, maipapahayag ito.

Lucas 24, 13-35

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Nang Linggo ding iyon, ang dalawa sa mga alagad ay patungo sa isang nayong tinatawag na Emaus, may labing-isang kilometro ang layo sa Jerusalem. Pinag-uusapan nila ang mga pangyayari. Samantalang nag-uusap sila at nagtatanungan, lumapit si Hesus at nakisabay sa kanila. Siya’y nakita nila, ngunit hindi nakilala agad. Tinanong sila ni Hesus, “Ano ba ang pinag-uusapan ninyo?” At tumigil silang nalulumbay. Sinabi ng isa na ang ngala’y Cleopas, “Kayo lamang po yata ang dayuhan sa Jerusalem na hindi nakaaalam sa mga bagay na katatapos pa lamang nangyari roon.” “Anong mga bagay?” tanong niya. At sumagot sila, “Tungkol kay Hesus na taga-Nazaret, isang propetang makapangyarihan sa gawa at salita, maging sa harapan ng Diyos at ng mga tao. Isinakdal siya ng aming mga punong saserdote at mga pinuno upang mahatulang mamatay, at siya ay ipinako sa krus. Siya pa naman ang inaasahan naming magpapalaya sa Israel. Hindi lamang iyan. Ikatlong araw na ngayon mula nang mangyari ito; nabigla kami sa ibinalita ng ilan sa mga babaing kasamahan namin. Maagang-maaga raw silang nagpunta sa libingan, at di nila natagpuan ang kanyang bangkay. Nagbalik sila at ang sabi’y nakakita raw sila ng isang pangitain – mga anghel na nagsabing buhay si Hesus. Pumunta rin sa libingan ang ilan sa mga kasama namin at gayon nga ang natagpuan nila, ngunit hindi nila nakita si Hesus.”

Sinabi sa kanila ni Hesus, “Kay hahangal ninyo! Ano’t hindi ninyo mapaniwalaan ang lahat ng sinabi ng mga propeta? Hindi ba’t ang Mesiyas ay kailangang magbata ng lahat ng ito bago niya kamtan ang kanyang marangal na katayuan?” At ipinaliwanag sa kanila ni Hesus ang lahat ng nasasaad sa Kasulatan tungkol sa kanyang sarili, simula sa mga aklat ni Moises hanggang sa sinulat ng mga propeta.

Malapit na sila sa nayong kanilang patutunguhan, at si Hesus ay waring magpapatuloy pa ng lakad. Ngunit siya’y pinakapigil-pigil nila. “Tumuloy na po kayo rito sa amin,” anila, “sapagkat palubog na ang araw at dumidilim na.” Kaya’t sumama nga siya sa kanila. Nang siya’y kasalo na nila sa hapag, dumampot siya ng tinapay at nagpasalamat sa Diyos, saka pinaghati-hati at ibinigay sa kanila. Nabuksan ang kanilang paningin at nakilala nila si Hesus, subalit ito’y biglang nawala. At nawika nila, “Kaya pala gayon ang pakiramdam natin habang tayo’y kinakausap sa daan at ipinapaliwanag sa atin ang mga Kasulatan!”

Noon di’y tumindig sila at nagbalik sa Jerusalem. Naratnan nilang nagkakatipon ang Labing-isa at ang ibang mga kasama nila na nag-uusap-usap, “Muli ngang nabuhay ang Panginoon! Napakita kay Simon!” At isinalaysay naman ng dalawa ang nangyari sa daan, at kung paano nila siyang nakilala nang paghati-hatiin niya ang tinapay.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 5 comments… read them below or add one }

Reynald Perez April 5, 2020 at 4:00 pm

Pagninilay: Sa pelikulang nangangalang “The Croods,” makikita natin ang isang pamilya ng mga nakatira sa kuweba. Humahanap sila ng mga pagkain at inuman para makapagligtas. Habang lumilipas ang panahon, unti-unting nagkakaroon ng mga pagbabago sa mundo dahil sa mga iba’t ibang klima at panahon. Kapag ganito ang mga pangyayari, tumatago ang pamilya sa kanilang kuweba. Ang padre de pamilya na nangangalang Grug ay laging strikto sa pangangalaga sa kanila. Subalit ang kanyang anak na babae na ngangalang Eep ay biglang sumunod sa liwanag, kung saan nakasalubong ito sa isang lalaking nangangalang Guy. Sumusunod si Eep sa lalaki, kasama ang kanyang pamilya para makahanap ang lugar ng paraiso. Naiingit si Grug kay Guy, kaya tinatago niya ang kanyang pamilya sa isang kuweba tuwing may paparating na panganib. Ngunit sa bandang huli, naunawaan ng ama na dapat sundan ang liwanag at huwag tumago sa kadiliman. Natapos ang pelikulang ito nang makarating sila sa isla ng paraiso. Mga kapatid, katulad ba tayo ni Grug na laging tumatago sa kadiliman para makapagligtas, hanggang maunawaan natin ang pagsusunod sa kaliwanagan? Katulad ba tayo ni Eep na sundan ang liwanag para makamtan ang magagandang kinabukasan? Katulad ba tayo ni Guy na gumgabay ang ating mga kapwa patungo sa isang masaganang lupain? Ngayong pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Muling Pagkabuhay ng Panginoon, makikita natin kung paanong muling nabuhay ang ating Panginoong Hesus mula sa kamatayan. Ang kanyang Misteryong Paskwal ay parang pagtatalo ayon sa kanyang mga kaaway, ngunit ito ay isang tagumpay. Namatay si Hesus sa krus para iligtas tayo sa kasalanan, at nabuhay siya na mag-uli at tinalo ang kasalanan at kamatayan. Dahil siya’y muling nabuhay, binigyan niya tayo ng bagong buhay, bagong kapanganakan, at bagong pag-asa. Totoong naparito siya para sa lahat, ngunit yung mga naniwala at sumunod sa kanya, katulad ng kanyang mga Apostol, ay nailigtas niya at nakikibahagi sa dakilang pag-ibig ng Ama. Mahigit na 500 tao ang nakakita sa kanya na muling nabuhay. Pagkatapos ng Pagbaba ng Espiritu Santo, biglang ipinahayag ni San Pedro at ng mga Apostol na hindi patay si Kristo, ngunit buhay. Ang Kristong nabuhay ang siyang nagpakumberto kay San Pablo mula sa manguusig ng Simbahan hanggang sa pagiging Apostol ng mga Hentil. Lahat ng mga taong nagtanggap at naniwala kay Hesus bilang Anak ng Diyos ay nagsama-sama sa isang malaking grupong ngayong tinatawag na mga Kristiyano. Sa kanyang Misteryong Paskwal, si Hesus ay nagdaan mula sa Kamatayan hanggang sa kanyang Muling Pagkabuhay. Kaya tayo rin ay tinaguriang “Easter people,” na dumadaan mula sa kasalanan hanggang sa pagpapala ng Diyos. Sa ating paglakbay sa daan ng Pasko ng Muling Pagkabuhay, ipahayag natin ang Mabuting Balita ng nabuhay na Panginoon, at isabuhay ito araw-araw sa paninirahan natin sa kanyang kaliwanagan.
MALIGAYANG PASKO NG PAGKABUHAY PO SA INYONG LAHAT! ?

Reply

Whildey Adrian March 26, 2024 at 10:46 am

AMEN, GOD BLESS US ALL??

Reply

Malou Castaneda March 30, 2024 at 10:55 pm

PAGNINILAY
Patuloy tayong namamangha sa paraan ng paggawa ng Diyos. Walang mangyayari kung hindi pinahihintulutan ng Diyos. Walang swerte. Hindi tayo pinalad na magkaroon ng buhay. Ito ay niloob ng Diyos – ang Diyos ay patuloy na naglalaan para sa atin. Magagawa pa nga ng Diyos na maging mga pagpapala ang pinakamasamang sitwasyon. Ano ang maaaring mas masahol pa kaysa sa pagkamatay ng Anak ng Diyos sa krus? Gayunpaman, mula sa libingan kung saan inilagay ang ipinako na si Hesus, ang bagong buhay ay dumating. Si Hesus ay buhay sa Kanyang niluwalhating katawan. Dinaig Niya hindi lamang ang kasalanan at kamatayan, ginawa Niyang posible para sa atin na magkaroon ng panibagong relasyon sa Diyos na lumikha sa atin. At ang bagong relasyon na ito ay walang hanggan. Nawa’y patuloy nating maranasan kung ano ang kahulugan ng relasyon sa Diyos habang ipinagdiriwang natin ang bagong buhay na nagmumula sa Panginoong Hesus na Muling Nabuhay.

Patuloy tayong magsaya at magdiwang. Si Hesus ay buhay! Naligtas tayo!! Aleluya!!!

Panginoong muling nabuhay, salamat sa pagdala ng Iyong liwanag sa kadiliman ng aming mundo. Amen.
***

Reply

Joshua S. Valdoz March 31, 2024 at 10:07 am

REFLECTION: Patuloy tayong namamangha sa paraan ng paggawa ng Diyos. Walang mangyayari kung hindi pinahihintulutan ng Diyos. Walang swerte. Hindi tayo pinalad na magkaroon ng buhay. Ito ay niloob ng Diyos – ang Diyos ay patuloy na naglalaan para sa atin. Magagawa pa nga ng Diyos na maging mga pagpapala ang pinakamasamang sitwasyon. Ano ang maaaring mas masahol pa kaysa sa pagkamatay ng Anak ng Diyos sa krus? Gayunpaman, mula sa libingan kung saan inilagay ang ipinako na si Hesus, ang bagong buhay ay dumating. Si Hesus ay buhay sa Kanyang niluwalhating katawan. Dinaig Niya hindi lamang ang kasalanan at kamatayan, ginawa Niyang posible para sa atin na magkaroon ng panibagong relasyon sa Diyos na lumikha sa atin. At ang bagong relasyon na ito ay walang hanggan. Nawa’y patuloy nating maranasan kung ano ang kahulugan ng relasyon sa Diyos habang ipinagdiriwang natin ang bagong buhay na nagmumula sa Panginoong Hesus na Muling Nabuhay.

Patuloy tayong magsaya at magdiwang. Si Hesus ay buhay! Naligtas tayo!! Aleluya!!!

PRAYER: Panginoong muling nabuhay, salamat sa pagdala ng Iyong liwanag sa kadiliman ng aming mundo. Amen

Reply

Rex Barbosa March 31, 2024 at 3:42 pm

ANG MABUTING BALITA NG PANGINOON
ayon kay San Juan 20, 1-9

PAGNINILAY / ARAL ng Ebanghelyo

Pagnilayan natin
na kung sa ikatlong araw
hindi muling nabuhay
na mag-uli ang ating Panginoon
ang ating pananampalataya ay walang kabuluhan.
Sa Kanyang muling pagkabuhay
ang ating hapis ay naging tuwa,
ang kadiliman ay nagkaruon ng liwanag
at binigyan ng pag-asa ang nawawalan ng pag-asa.
Ipinagbubunyi natin ang buhay laban sa kamatayan
dahil binigyan tayo ng bagong buhay
sa Kanyang muling pagkabuhay.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: