Sabado, Marso 30, 2024

March 30, 2024

Ang Magdamagang Pagdiriwang
sa Pasko ng Muling Pagkabuhay

Genesis 1, 1-2, 2
o kaya Genesis 1, 1. 26-31a
Salmo 103, 1-2a. 5-6. 10 at 12. 13-14. 24 at 354k

Espiritu mo’y suguin
Poon, tana’y ‘yong baguhin.

Genesis 22, 1-18
o kaya Genesis 22, 1-2. 9a. 10-13. 15-18
Salmo 15, 5 at 8. 9-10. 11

D’yos ko, ang aking dalangi’y
ako’y iyong tangkilikin.

Exodo 14, 15 – 15, 1
Exodo 15, 1-2. 3-4. 5-6. 17-18

Poon ay ating awitan
sa kinamtan n’yang tagumpay.

Isaias 54, 5-14
Salmo 29, 2 at 4. 5-6. 11 at 12a at 13b

Poong sa aki’y nagligtas,
ang dangal mo’y aking galak.

Isaias 55, 1-11
Isaias 12, 2-3. 4bkd. 5-6

May galak tayong sumalok
sa batis ng Manunubos.

Baruc 3, 9-15. 32 – 4, 4
Salmo 18, 8. 9. 10. 11

Panginoon, iyong taglay
ang Salitang bumubuhay.

Ezekiel 36, 16-17a. 18-28
Salmo 41, 3. 5bkd; Salmo 42, 3. 4

Parang usang nauuhaw
akong sabik sa Maykapal.

o kaya Salmo 50, 12-13. 14-15. 18-19

D’yos ko, sa aki’y likhain
tapat na puso’t loobin.

Roma 6, 3-11
Salmo 117, 1-2. 16ab-17. 22-23

Aleluya! Aleluya! Aleluya!

Marcos 16, 1-7


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Easter Vigil in the Holy Night of Easter (White)

UNANG PAGBASA
Genesis 1, 1-2. 2

Pagbasa mula sa aklat ng Genesis

Nang simulang likhain ng Diyos ang lupa at ang langit, ang lupa ay wala pang hugis o anyo. Dilim ang bumabalot sa kalaliman at umiihip ang malakas na hangin sa ibabaw ng tubig. Sinabi ng Diyos: “Magkaroon ng liwanag!” At nagkaroon nga. Nasiyahan ang Diyos nang ito’y mamasdan. Pinagbukod niya ang liwanag at ang dilim. Ang liwanag ay tinawag niyang Araw, at ang dilim naman ay tinawag niyang Gabi. Dumaan ang gabi, at sumapit ang umaga – iyon ang unang araw.

Sinabi ng Diyos: “Magkaroon ng kalawakang maghahati sa tubig upang ito’y magkahiwalay!” At nangyari ito. Ginawa ng Diyos ang kalawakan na pumagitan sa tubig na nasa itaas at nasa ibaba. Langit ang itinawag niya sa kalawakan. Dumaan ang gabi, at sumapit ang umaga – iyon ang ikalawang araw.

Sinabi ng Diyos: “Magsama sa isang dako ang tubig sa silong ng langit upang lumitaw ang lupa.” At ito’y nangyari. Ang lupa ay tinawag niyang Daigdig, at Karagatan naman ang nagsama-samang tubig. Nasiyahan siya nang ito’y mamasdan. Pagkatapos, sinabi ng Diyos: “Magkaroon sa lupa ng lahat ng uri ng halamang namumunga at nagbubutil!” At nangyari ito. Tumubo nga sa lupa ang gayong mga halaman. Nasiyahan siya sa kanyang ginawa nang ito’y mamasdan. Dumaan ang gabi, at sumapit ang umaga – iyon ang ikatlong araw.

Sinabi pa ng Diyos: “Magkaroon ng mga tanglaw sa langit para mabukod ang araw sa gabi. Ito ang magiging batayan sa bilang ng mga araw, taon at kapistahan. Mula sa langit, ang mga ito’y magsasabog ng liwanag sa daigdig.” At gayon nga ang nangyari. Nilikha ng Diyos ang dalawang malaking tanglaw: ang Araw, upang tumanglaw sa maghapon, at ang Buwan, upang magbigay liwanag kung gabi. Nilikha rin niya ang mga bituin. Inilagay niya sa langit ang mga tanglaw na ito upang magsabog ng liwanag sa daigdig, tumanglaw kung araw o gabi, at magbukod sa liwanag at dilim. Pinagmasdan ng Diyos ang kanyang ginawa at siya’y nasiyahan. Dumaan ang gabi, at sumapit ang umaga – iyon ang ika-apat na araw.

Sinabi ng Diyos: “Magkaroon sa tubig ng maraming bagay na may buhay, at magkaroon din ng mga ibon sa himpapawid.” Nilikha ng Diyos ang mga dambuhala sa dagat, at lahat ng bagay na nabubuhay sa tubig, at lahat ng uri ng ibon. Minasdan niya ang kanyang ginawa, at siya’y nasiyahan. Pinagpala niya ang mga ito at sinabi: “Magpakarami ang lahat ng bagay na nabubuhay sa tubig at punuin ang karagatan; magpakarami rin ang mga ibon at punuin ang daigdig.” Dumaan ang gabi, at sumapit ang umaga iyon ang ikalimang araw.

Sinabi ng Diyos: “Magkaroon ng lahat ng uri ng hayop sa lupa – maaamo, maiilap, malalaki at maliliit.” At gayon nga ang nangyari. Nilikha nga niya ang lahat ng ito, at siya’y lubos na nasiyahan nang mamasdan ang mga ito.

Pagkatapos likhain ang lahat ng ito, sinabi ng Diyos: “Ngayon, lalangin natin ang tao. Ating gagawin siyang kalarawan natin. Siya ang mamamahala sa mga isda, mga ibon at lahat ng hayop, maging maamo o mailap, malaki o maliit.” Nilalang nga ng Diyos ang tao ayon sa kanyang larawan. Lumalang siya ng isang lalaki at isang babae, at sila’y pinagpala. Wika niya, “Magpakarami kayo at punuin ng inyong mga supling ang buong daigdig, at pamahalaan ito. Binibigyan ko kayo ng kapangyarihan sa mga isda, sa mga ibon, at sa lahat ng maiilap na hayop, maging malalaki o maliliit. Bibigyan ko rin kayo ng lahat ng uri ng butil at mga bungangkahoy na inyong makakain. Ang lahat ng halamang luntian ay ibibigay ko naman sa maiilap na hayop, malaki man o maliit, at sa lahat ng mga ibon.” At ito nga ang nangyari. Pinagmasdan ng Diyos ang lahat niyang ginawa, at lubos siyang nasiyahan. Dumaan ang gabi, at sumapit ang umaga ito ang ika-anim na araw.

Gayon nilikha ng Diyos ang lupa, ang langit at lahat ng bagay na naroroon. Sa loob ng anim na araw, tinapos niyang likhain ang lahat ng ito, at siya’y nagpahinga sa ikapitong araw.

Ang Salita ng Diyos.

o kaya: Maikling Pagbasa
Genesis 1, 1. 26-31a

Pagbasa mula sa aklat ng Genesis

Nang simulang likhain ng Diyos ang lupa at ang langit, sinabi ng Diyos: “Ngayon, lalangin natin ang tao. Ating gagawin siyang kalarawan natin. Siya ang mamamahala sa mga isda, mga ibon at lahat ng hayop, maging maamo o mailap, malaki o maliit.” Nilalang nga ng Diyos ang tao ayon sa kanyang larawan. Lumalang siya ng isang lalaki at isang babae, at sila’y pinagpala. Wika niya, “Magpakarami kayo at punuin ng inyong mga supling ang buong daigdig, at pamahalaan ito. Binibigyan ko kayo ng kapangyarihan sa mga isda, sa mga ibon, at sa lahat ng maiilap na hayop, maging malalaki o maliliit. Bibigyan ko rin kayo ng lahat ng uri ng butil at mga bungangkahoy na inyong makakain. Ang lahat ng halamang luntian ay ibibigay ko naman sa maiilap na hayop, malaki man o maliit, at sa lahat ng mga ibon.” At ito nga ang nangyari. Pinagmasdan ng Diyos ang lahat niyang ginawa, at lubos siyang nasiyahan.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 103, 1-2a. 5-6. 10 at 12. 13-14. 24 at 35k

Espiritu mo’y suguin Poon,
tana’y ‘yong baguhin.

Pinupuri ka, Poong Diyos, nitong aking kaluluwa
ikaw Panginoong Diyos ko, kay dakila mong talaga!
Ang taglay mong kasuota’y dakila ri’t marangal pa.
Nababatbat ka, Poong Diyos, ng liwanag na kay ganda.

Espiritu mo’y suguin Poon,
tana’y ‘yong baguhin.

Ikaw na rin ang nagtayo ng saligan nitong lupa,
matatag na ginawa mo’t hindi ito mauuga.
Ang ibabaw ng saliga’y ginawa mong karagatan,
at tubig din ang bumalot sa lahat ng kabundukan.

Espiritu mo’y suguin Poon,
tana’y ‘yong baguhin.

Lumilikha ka ng ilog na patungong kapatagan,
sa gilid ng mga burol, umaagos na marahan.
Sa naroong kakahuya’y umaawit ng masaya,
mga ibo’y nagpupugad sa malabay nilang sanga.

Espiritu mo’y suguin Poon,
tana’y ‘yong baguhin.

Magmula sa kalangitan, mga bundok ay nadilig,
ibinuhos ang biyaya’t lumaganap sa daigdig.
Tumubo ang mga damong pagkain ng mga baka.
Nagkaroon ng halamang masaganang namumunga;
anupa’t ang mga tao’y may pagkaing nakukuha.

Espiritu mo’y suguin Poon,
tana’y ‘yong baguhin.

Sa daigdig, Panginoon, kay rami ng iyong likha
pagkat ikaw ay marunong kaya ito ay nagawa,
ang dami ng nilikha mong nakalaganap sa lupa
Panginoo’y purihin mo, purihin mo, kaluluwa!
Purihin ang Panginoon, o purihin mo nga siya!

Espiritu mo’y suguin Poon,
tana’y ‘yong baguhin.

o kaya
Salmo 32, 4-5. 6-7. 12-13. 20 at 22

Awa’t pag-ibig ng Diyos
sa sangkalupaa’y lubos.

Panginoo’y tapat sa kanyang salita,
at maaasahan ang kanyang ginawa.
Minamahal niya ang gawang matapat,
ang pag-ibig niya sa mundo’y laganap.

Awa’t pag-ibig ng Diyos
sa sangkalupaa’y lubos.

Sa utos ng Poon, nalikha ang langit,
ang araw, ang buwa’t talang maririkit:
sa iisang dako, tubig ay tinipon,
at sa kalaliman ay doon kinulong.

Awa’t pag-ibig ng Diyos
sa sangkalupaa’y lubos.

Mapalad ang bansang Panginoo’y Diyos,
mapalad ang bayang kanyang ibinukod.
Magmula sa langit, kanyang minamasdan
ang lahat ng tao na kanyang nilalang.

Awa’t pag-ibig ng Diyos
sa sangkalupaa’y lubos.

Ang ating pag-asa’y nasa Panginoon;
siya ang sanggalang natin at katulong.
Ipagkaloob mo na aming makamit,
O Poon, ang iyong wagas na pag-ibig,
yamang ang pag-asa’y sa ‘yo nasasalig!

Awa’t pag-ibig ng Diyos
sa sangkalupaa’y lubos.

IKALAWANG PAGBASA
Genesis 22, 1-18

Noong mga araw na iyon, sinubok ng Diyos si Abraham. Tinawag siya ng Diyos at tumugon naman siya.

Sinabi sa kanya, “Isama mo ang pinakamamahal mong anak na si Isaac, at magpunta kayo sa lupain ng Moria. Umakyat kayo sa bundok na ituturo ko sa iyo, at ihandog mo siya sa akin.”

Kinabukasan, maagang bumangon si Abraham, at sumakay sa asno, kasama si Isaac at ang dalawang aliping lalaki. May dala silang kahoy na panggatong. Matapos ang tatlong araw na paglalakbay, natanaw nila ang dakong kanilang patutunguhan. Kaya’t sinabi ni Abraham sa kanyang mga alipin, “Bantayan na ninyo rito ang asno at kami na lamang ni Isaac ang magtutuloy. Sasamba lamang kami sa dako roon, at babalikan namin kayo.”

Ipinapasan ni Abraham kay Isaac ang kahoy na panggatong, dala naman niya ang apoy at patalim, at magkasama silang lumakad. Tinawag ni Isaac ang pansin ng ama, “Ama!”

“Ano iyon, anak?” tugong patanong ni Abraham.

“Mayroon po tayong apoy at panggatong, ngunit nasaan ang korderong ihahandog?” tanong ni Isaac.

Sumagot si Abraham, “Anak ng Diyos ang magbibigay niyon sa atin.” Kaya’t nagpatuloy sila sa paglakad.

Pagsapit nila sa dakong itinuro ng Diyos, gumawa ng dambana si Abraham. Inayos niya sa ibabaw nito ang panggatong at inihiga si Isaac, matapos gapusin. Nang sasaksakin na niya ang bata, tinawag siya ng anghel ng Panginoon at mula sa langit ay sinabi: “Abraham! Abraham! Huwag mong patayin ang bata. Huwag mo siyang saktan! Naipakita mo nang handa kang sumunod sa Diyos, sapagkat hindi mo ipinagkait sa kanya ang kaisa-isa at pinakamamahal mong anak.”

Paglingon niya’y may nakita siyang isang lalaking tupa na ang mga sungay ay napasabit sa mga sanga ng kahoy. Ito ang kinuha ni Abraham at inihandog kapalit ng kanyang anak. Ang lugar na iyo’y tinawag ni Abraham na, “Ang Panginoon ang Nagkaloob.” At magpahanggang ngayon, sinasabi ng mga tao: “Sa bundok ng Panginoon ay may nakalaan.”

Mula sa langit, nagsalitang muli kay Abraham ang anghel ng Panginoon. Wika nito, “Akong Panginoon ang nangangako sa iyo: yamang hindi mo ipinagkait sa akin ang kaisa-isa mong anak, pagpapalain kita. Ang lahi mo’y magiging sindami ng bituin sa langit at ng buhangin sa dagat. Lulupigin nila ang mga lungsod ng kanilang mga kaaway. Sa pamamagitan ng iyong lahi, pagpapalain ang lahat ng bansa sa daigdig sapagkat ikaw ay tumalima sa akin.”

Ang Salita ng Diyos.

o kaya: Maikling Pagbasa
Genesis 22, 1-2. 9a, 10-13. 15-18

Pagbasa mula sa aklat ng Genesis

Noong mga araw na iyon: Sinubok ng Diyos si Abraham. Tinawag siya ng Diyos at tumugon naman siya.

Sinabi sa kanya, “Isama mo ang pinakamamahal mong anak na si Isaac, at magpunta kayo sa lupain ng Moria. Umakyat kayo sa bundok na ituturo ko sa iyo, at ihandog mo siya sa akin.”

Pagsapit nila sa dakong itinuro ng Diyos, gumawa ng dambana si Abraham. Inayos niya sa ibabaw nito ang panggatong. Nang sasaksakin na niya ang bata, tinawag siya ng anghel ng Panginoon at mula sa langit ay sinabi: “Abraham! Abraham! Huwag mong patayin ang bata. Huwag mo siyang saktan! Naipakita mo nang handa kang sumunod sa Diyos, sapagkat hindi mo ipinagkait sa kanya ang kaisa-isa at pinakamamahal mong anak.”

Paglingon niya’y may nakita siyang isang lalaking tupa na ang mga sungay ay napasabit sa mga sanga ng kahoy. Ito ang kinuha ni Abraham at inihandog kapalit ng kanyang anak.

Mula sa langit, nagsalitang muli kay Abraham ang anghel ng Panginoon. Wika nito, “Akong Panginoon ang nangangako sa iyo: yamang hindi mo ipinagkait sa akin ang kaisa-isa mong anak, pagpapalain kita. Ang lahi mo’y magiging sindami ng bituin sa langit at ng buhangin sa dagat. Lulupigin nila ang mga lungsod ng kanilang mga kaaway. Sa pamamagitan ng iyong lahi, pagpapalain ang lahat ng bansa sa daigdig sapagkat ikaw ay tumalima sa akin.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 15, 5 at 8. 9-10. 11

D’yos ko, ang aking dalangi’y
ako’y iyong tangkilikin.

Ikaw lamang, Panginoon, ang lahat sa aking buhay,
ako’y iyong tinutugon sa lahat kong kailangan:
ang biyayang kaloob mo ay kahanga-hangang tunay.
Nababatid ko na ika’y kasama ko oras-oras,
sa piling mo kailanma’y hindi ako matitinag.

D’yos ko, ang aking dalangi’y
ako’y iyong tangkilikin.

Kaya’t ako’y nagdiriwang, ang diwa ko’y nagagalak,
ang lagi kong nadarama’y hindi ako matitinag.
Pagkat di mo tutulutang ang mahal mo ay malagak,
sa balon ng mga patay upang doon ay maagnas.

D’yos ko, ang aking dalangi’y
ako’y iyong tangkilikin.

Ituturo mo ang landas na buhay ang hahantungan,
sa piling mo’y madarama ang lubos na kagalakan;
ang tulong mo’y nagdudulot ng ligayang walang hanggan.

D’yos ko, ang aking dalangi’y
ako’y iyong tangkilikin.

IKATLONG PAGBASA
Exodo 14, 15 – 15, 1

Pagbasa mula sa aklat ng Exodo

Noong mga araw na iyon: Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Bakit mo ako tinatawag? Palakarin mo ang mga Israelita. Itapat mo sa ibabaw ng dagat ang iyong tungkod; mahahati ang tubig at matutuyo ang lalakaran ninyo. Lalo kong pagmamatigasin ang mga Egipcio at pasusundan ko kayo sa kanila, ngunit doon sila lilipulin: ang mga Egipcio, ang mga kawal ng Faraon, pati ang kanilang mga karwahe. Ipakikita ko sa kanila ang aking kapangyarihan. Sa gayon, malalaman ng mga Egipciong iyan na ako ang Panginoon.”

Ang anghel ng Diyos na pumapatnubay sa paglalakbay ng mga Israelita ay nagpatihuli sa kanila, gayon din ang haliging ulap. Ang ulap ay lumagay sa pagitan ng mga Israelita at ng mga Egipcio at lumatag ang kadiliman. Dumating ang gabi at ang mga Egipcio ay di makalapit sa mga Israelita.

Itinapat ni Moises ang kanyang tungkod sa ibabaw ng dagat. Magdamag na pinaihip ng Panginoon ang isang malakas na hangin mula sa silangan at nahati ang tubig. Ang mga Israelita’y bumagtas sa dagat na ang nilakara’y tuyong lupa, sa pagitan ng animo’y pader na tubig. Hinabol sila ng mga Egipcio, ng mga kawal, karwahe at kabayuhan ng Faraon. Nang magbubukang-liwayway na, ang mga Egipcio’y ginulo ng Panginoon mula sa haliging apoy at ulap. Nalubog ang gulong ng mga karwahe at hindi na sila makatugis nang matulin. Kaya sinabi nila, “Umalis na tayo rito sapagkat ang Panginoon na ang kalaban natin.”

Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Itapat mo ang iyong tungkod sa ibabaw ng dagat at tatabunan ng tubig ang mga Egipcio pati ang kanilang karwahe.” Ganoon nga ang ginawa ni Moises, at pagbubukang-liwayway, nanumbalik sa dati ang dagat. Ang mga Egipcio’y nagsikap makatakas ngunit pinalakas ng Panginoon ang dating ng tubig kaya’t sila’y nalunod na lahat. Nang manauli ang dagat, natabunan ang mga karwahe’t kabayo ng Faraon, pati ng kanyang mga kawal at walang natira isa man. Ngunit ang mga Israelita’y nakatawid sa dagat, na tuyo ang dinaanan, sa pagitan ng animo’y pader na tubig.

Nang araw na yaon ang mga Israelita’y iniligtas ng Panginoon sa mga Egipcio; nakita nila ang bangkay ng mga Egipcio, nagkalat sa baybay-dagat. Dahil sa kapangyarihang ipinakita ng Panginoon laban sa mga Egipcio, nagkaroon sila ng takot sa kanya at sumampalataya sila sa kanya at sa alagad niyang si Moises.

Ito ang inawit ni Moises at ng mga Israelita para sa Panginoon.

“Ang Panginoo’y atin ngayong awitan
sa kanyang kinamtang Dakilang tagumpay;
ang mga kabayo’t kawal ng kaaway
sa pusod ng dagat, lahat natabunan.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Exodo 15, 1-2. 3-4. 5-6. 17-18

Poon ay ating awitan
sa kinamtan n’yang tagumpay.

Ang Panginoo’y atin ngayong awitan
sa kanyang kinamtang Dakilang tagumpay;
ang mga kabayo’t kawal ng kaaway
sa pusod ng dagat, lahat natabunan.
Ako’y pinalakas niya’t pinatatag,
Siya ang sa aki’y nagkupkop, nag-ingat,
Diyos ng magulang ko, aking manliligtas.

Poon ay ating awitan
sa kinamtan n’yang tagumpay.

Siya’y mandirigma na walang kapantay,
Panginoo’y kanyang pangalan.
Nang ang mga kawal ng Faraon
sa Dagat ng mga Tambo ay mangagsilusong,
ang lahat ng ito ay kanyang nilunod
pati na sasakya’y kanyang pinalubog.

Poon ay ating awitan
sa kinamtan n’yang tagumpay.

Sila’y natabunan ng alon sa dagat,
tulad nila’y batong lumubog kaagad.
Ang mga bisig mo ay walang katulad,
wala ngang katulad, walang kasinlakas,
sa isang hampas mo, kaaway nangalat,
nangadurog mandin sa ‘yong mga palad.

Poon ay ating awitan
sa kinamtan n’yang tagumpay.

Sila’y dadalhin mo sa pinili mong bundok.
Sa lugar na itinangi mo, para maging iyong lubos
at sa santwaryong natayo ayon sa iyong loob.
Ikaw, Poon, maghahari magpakailanman.

Poon ay ating awitan
sa kinamtan n’yang tagumpay.

IKAAPAT NA PAGBASA
Isaias 54, 5-14

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Ang iyong naging kasintaha’y
ang may likha sa iyo,
Siya ang Makapangyarihang Panginoon;
ililigtas ka ng Diyos ng Israel,
Siya ang hari ng lahat ng bansa.
Israel, ang katulad mo ay babaing bagong kasal,
iniwan ng asawa, batbat ng kalungkutan.
Ngunit tinawag kang muli ng Panginoon
sa kanyang piling at sinabi:
“Sandaling panahong kita’y iniwanan
ngunit dahil sa tapat kong pag-ibig,
muli kitang kukupkupin.
Sa tindi ng galit nilisan kita sandali,
ngunit habang panahon kong ipadarama sa iyo
ang tapat kong pagmamahal.”
Iyan ang sabi ng Panginoon na nagligtas sa iyo.
“Nang panahon ni Noe,
Ako ay sumumpang di na mauulit
na ang mundong ito’y gunawin sa tubig.
Gayun din sa ngayon,
iiwasan ko nang sa iyo’y magalit
at hindi na kita parurusahan uli.
Maguguho ang mga bundok at ang mga burol,
ngunit ang pag-ibig ko’y hindi maglalaho,
at mananatili ang kapayapaang aking pangako.”
Iyan ang sinasabi ng Diyos na Panginoon,
na nagmamahal sa iyo.
Sinabi ng Panginoon, “O Jerusalem,
nagdurusang lungsod
na walang umaliw sa kapighatian,
muling itatayo ang mga pundasyon mo,
ang gagamitin ko’y mamahaling bato.
Gagamiti’y rubi sa mga tore mo,
batong maningning ang iyong pintuan,
at sa mga pader ay mga hiyas na makinang.
Ako ang magtuturo sa iyong mga anak.
Sila’y magiging payapa at buhay ay uunlad.
Patatatagin ka ng katarungan at katuwiran,
magiging malayo sa mananakop at sa takot.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 29, 2 at 4. 5-6. 11 at 12a at 13b

Poong sa aki’y nagligtas,
ang dangal mo’y aking galak.

O Panginoon ko,
sa iyong ginawa, kita’y pinupuri’t ako’y iniligtas.
Kaya ang kaaway ay di na nakuhang matuwa’t magalak.
Mula sa libingang daigdig ng patay, hinango mo ako at muling binuhay;
ako, na kasama nilang napabaon sa kailaliman.

Poong sa aki’y nagligtas,
ang dangal mo’y aking galak.

Purihin ang Poon,
Siya ay awitan ng lahat ng tapat na mga hinirang.
Iyong gunitain ang mga ginawa ng Diyos na Banal,
ang kanyang ginawa ay alalahanin at pasalamatan!
Hindi nagtatagal yaong kanyang galit,
at ang kabutihan niya’y walang wakas.
Ang abang may hapis at tigmak sa luha sa buong magdamag,
sa bukang-liwayway ay wala nang lungkot, kapalit ay galak.

Poong sa aki’y nagligtas,
ang dangal mo’y aking galak.

Kaya’t ako’y dinggin,
Ikaw ay mahabag sa akin, O Poon, ako ay pakinggan,
mahabag ka, Poon! Ako ay dinggin mo at iyong tulungan.
Nadama ko’y galak nang iyong hubarin ang aking panluksa.
Sa pasasalamat sa iyo, O Poon, ay di magsasawa.

Poong sa aki’y nagligtas,
ang dangal mo’y aking galak.

IKALIMANG PAGBASA
Isaias 55, 1-11

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Sinabi ng Panginoon, “Narito ang tubig, mga nauuhaw.
Ang mga walang salapi ay
kumuha rito at bumili ng pagkain.
Halikayo at bumili ng alak at gatas,
bumili kayo, ngunit walang bayad.
Bakit ginugugol ang salapi
sa mga bagay na hindi nakabubusog?
Bakit inuubos ang pera
sa mga bagay na walang halaga?
Makinig kayo sa akin at sundin ang utos ko
at matitikman ninyo ang pinakamasarap na pagkain.
Pumarito kayo,
kayo ay lumapit at ako’y pakinggan,
makinig sa akin nang kayo’y mabuhay;
ako’y may gagawing walang hanggang tipan,
at ipalalasap sa inyo ang pagpapalang
ipinangako ko kay David.
Ginawa ko siyang hari
at puno ng mga bansa
at sa pamamagitan niya’y ipinamalas ang aking kapangyarihan.
Iyong tatawagin ang mga bansang hindi mo kilala,
mga bansang di ka kilala’y sa iyo pupunta,
dahilan sa Panginoon,
Banal ng Israel,
ang Diyos na nagpala’t sa iyo’y dumakila.”
Hanapin ang Panginoon
samantalang siya’y iyong makikita,
Siya ay tawagin habang malapit pa.

Ang mga gawain ng taong masama’y
dapat nang talikdan, at ang mga liko’y
dapat magbago na ng maling isipan;
sila’y manumbalik,
lumapit sa Panginoon upang kahabagan,
at mula sa Diyos,
matatamo nila ang kapatawaran,
ang wika ng Panginoon:
“Ang aking isipa’y di ninyo isipan,
at magkaiba ang ating daan.
Kung paanong ang langit
higit na mataas, mataas sa lupa,
ang daa’t isip ko’y
hindi maaabot ng inyong akala.
Ang ulan at niyebe
pag lagpak sa lupa’y di na nagbabalik,
aagos na ito sa balat ng lupa’t nagiging pandilig,
kaya may pagkai’t butil na panghasik.
Ganyan din ang aking mga salita,
magaganap nito ang lahat kong nasa.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Isaias 12, 2-3. 4bkd. 5-6

May galak tayong sumalok
sa batis ng Manunubos.

Ang Diyos ang siyang nagliligtas sa akin,
tiwalang-tiwala ako at wala munti mang pangamba.
Sapagkat ang Poon ang lahat sa akin,
siya ang aking awit, ang aking kaligtasan.
Malugod kayong sasalok ng tubig
sa batis ng kaligtasan.

May galak tayong sumalok
sa batis ng Manunubos.

Magpasalamat kayo sa Poon,
Siya ang inyong tawagan;
ipaalam ninyo sa mga bansa ang kanyang ginawa.
Ipahayag ninyo ang kadakilaan ng kanyang pangalan.

May galak tayong sumalok
sa batis ng Manunubos.

“Umawit kayo ng papuri sa Poon,
sapagkat kahanga-hanga ang kanyang mga ginawa,
ipahayag ninyo ito sa buong daigdig.
Mga anak ng Sion, umawit kayo nang buong galak,
sapagkat nasa piling ninyo ang dakila at
ang Banal ng Israel.”

May galak tayong sumalok
sa batis ng Manunubos.

IKA-ANIM NA PAGBASA
Baruc 3, 9-15. 32 – 4, 4

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Baruc

Dinggin mo, Israel, ang mga kautusang nagbibigay-buhay; makinig ka at nang ikaw ay matuto. Israel, bakit ka nasa lupain ng iyong mga kaaway? Bakit ka tumanda sa ibang lupain? Bakit itinakwil kang parang patay at ibinilang na sa mga patay? Ang dahilan ay sapagkat itinakwil mo ang bukal ng Karunungan. Kung lumakad ka lang sa landas ng Diyos, sana’y namumuhay kang matiwasay sa habang panahon. Hanapin mo ang bukal ng pang-unawa, lakas at kaalaman, at malalaman mo kung nasaan ang mahabang buhay, ang liwanag na sa iyo’y papatnubay, at ang kapayapaan.

May nakatuklas na ba kung saan nakatira ang Karunungan, o nakapasok sa kanyang taguan ng yaman?

Ang Diyos na nakaaalam ng lahat ng bagay ang tanging nakakikilala sa Karunungan. Natatarok din niya ito sa pamamagitan ng kanyang kaalaman. Siya ang lumikha at naglagay dito ng lahat ng uri ng mga hayop. Nag-utos siya at lumitaw ang liwanag; nanginginig ito sa takot kapag siya’y tumatawag. Tinawag din niya ang mga tala at madali silang nagsitugon: “Narito po kami.” Lumagay sila sa kani-kanilang lugar at masayang nagniningning para bigyang lugod ang lumikha sa kanila. Ito ang ating Diyos! Walang makapapantay sa kanya. Alam niya ang daan ng Karunungan, at ito’y ipinagkaloob niya sa lingkod niyang si Jacob, kay Israel na kanyang minamahal. Mula noon, nakita na sa daigdig ang Karunungan, at nanatili sa sangkatauhan.

Ang Karunungan ang siyang aklat ng mga utos ng Diyos, ang batas na mananatili magpakailanman. Ang manghawak dito’y mabubuhay, at ang tumalikod ay mamamatay. O bayang Israel, tanggapin ninyo ang Karunungan at lumakad kayo sa kanyang liwanag. Huwag ninyong ibigay sa ibang lahi ang inyong karangalan at mga karapatan. Mapalad tayo, mga Israelita, pagkat alam natin kung ano ang nakasisiya sa Diyos.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 18, 8. 9. 10. 11

Panginoon, iyong taglay
ang Salitang bumubuhay.

Ang batas ng Panginoon ay batas na walang kulang,
ito’y utos na ang dulot sa tao ay bagong buhay;
yaong kanyang mga batas ay mapagtitiwalaan,
nagbibigay ng talino sa pahat ang kaisipan.

Panginoon, iyong taglay
ang Salitang bumubuhay.

Ang tuntuning ibinigay ng Poon ay wastong utos,
liligaya ang sinuman kapag ito ang sinunod;
ito’y wagas at matuwid pagkat mula ito sa Diyos,
pang-unawa ng isipan yaong bungang idudulot.

Panginoon, iyong taglay
ang Salitang bumubuhay.

Yaong paggalang sa Poon ay marapat at mabuti,
isang banal na tungkulin na iiral na parati;
pati mga hatol niya’y matuwid na kahatulan,
kapag siya ang humatol, ang pasya ay pantay-pantay.

Panginoon, iyong taglay
ang Salitang bumubuhay.

Ito’y higit pa sa ginto, na maraming nagnanais,
higit pa sa gintong lantay na ang hangad ay makamit;
matamis pa kaysa pulot, sa pulot na sakdal tamis,
kahit anong pulot ito na dalisay at malinis.

Panginoon, iyong taglay
ang Salitang bumubuhay.

IKAPITONG PAGBASA
Ezekiel 36, 16-17a. 18-28

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Ezekiel

Sinabi sa akin ng Panginoon, “Tao, nang ang Israel ay unang tumira sa kanilang lupain, pinarumi nila ito sa kanilang kasamaan. At dahil sa dugong pinadanak nila sa lupain, at dahil sa kanilang mga diyus-diyosan, ibinuhos ko sa kanila ang aking matinding poot. Itinapon ko sila at ikinalat sa iba’t ibang panig ng daigdig. Ginawa ko sa kanila ang nararapat sa kanila. Ngunit sa mga lugar na kinatapunan nila, binigyang-daan nila ang mga tao upang hamakin ang aking pangalan. Sinabi ng mga tao sa kanila, ‘Hindi ba sila’y mga mamamayan ng Panginoon, bakit pinaalis sa kanilang bayan?’ Nabahala ako dahil sa banal kong pangalan na ipinahamak ng mga Israelita sa mga dakong kinapuntahan nila.

“Kaya sabihin mo sa Israel na ito ang ipinasasabi ko: Lahat ng ginagawa ko ay hindi dahil sa inyo, mga Israelita, kundi sa banal kong pangalan na inyong binigyan-daang hamakin sa mga lugar na pinagtapunan ko sa inyo. Ipakikita ko ang kabanalan ng dakila kong pangalan na nalapastangan sa harap ng mga bansa. Makikilala ng lahat na ako ang Panginoon kung maipakita ko na sa kanila ang aking kabanalan. Titipunin ko kayo mula sa iba’t ibang bansa upang ibalik sa inyong bayan. Wiwisikan ko kayo ng tubig na dalisay upang kayo’y luminis. Aalisin ko rin ang naging mantsa ninyo dahil sa inyong mga diyus-diyosan. Bibigyan ko kayo ng bagong puso at bagong espiritu. Ang masuwayin ninyong puso ay gagawin kong masunurin. Bibigyan ko kayo ng aking Espiritu upang makalakad kayo ayon sa aking mga tuntunin at masunod ninyong mabuti ang aking mga utos. Ititira ko kayo sa lupaing ibinibigay ko sa inyong mga ninuno. Kayo ay magiging bayan ko at ako ang inyong Diyos.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 41, 3. 5bkd; Salmo 42, 3. 4

Parang usang nauuhaw
akong sabik sa Maykapal.

Nananabik ako sa Diyos, Diyos na buhay, walang iba;
kailan kaya maaaring sa harap mo ay sumamba?

Parang usang nauuhaw
akong sabik sa Maykapal.

Papunta sa templo ng Diyos ako ang siyang nangunguna;
pinupuri namin ang Diyos, sa pag-awit na masaya!

Parang usang nauuhaw
akong sabik sa Maykapal.

Ang totoo’t ang liwanag, buhat sa’yo ay pakamtan,
upang sa Sion ay mabalik, sa bundok mong dakong banal
sa bundok mong pinagpala, at sa templo mong tirahan.

Parang usang nauuhaw
akong sabik sa Maykapal.

Sa dambana mo, O Diyos, ako naman ay dudulog,
yamang galak at ligaya ang sa aki’y iyong dulot;
sa saliw ng aking alpa’y magpupuri akong lubos
buong lugod na aawit ako sa Diyos na aking Diyos!

Parang usang nauuhaw
akong sabik sa Maykapal.

o kaya
Salmo 50, 12-13. 14-15. 18-19

D’yos ko, sa aki’y likhain
tapat na puso’t loobin.

Isang pusong tapat sa aki’y likhain,
bigyan mo, O Diyos, ng bagong damdamin.
Sa iyong harapa’y h’wag akong alisin;
ang Espiritu mo ang papaghariin.

D’yos ko, sa aki’y likhain
tapat na puso’t loobin.

Ang galak na dulot ng ‘yong pagliligtas,
ibalik at ako ay gawin mong tapat.
Kung magkagayon na, aking tuturuang
sa iyo lumapit ang makasalanan.

D’yos ko, sa aki’y likhain
tapat na puso’t loobin.

Hindi mo na nais ang mga panghandog;
sa haing sinunog di ka nalulugod.
Ang handog ko, O Diyos, na karapat-dapat
ay ang pakumbaba’t pusong mapagtapat.

SULAT
Roma 6, 3-11

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma

Mga kapatid:

Hindi ba ninyo nalalaman na tayong lahat na nabinyagan kay Kristo Hesus ay nabinyagan sa kanyang kamatayan? Samakatwid, tayo’y namatay at nalibing na kasama niya sa pamamagitan ng binyag upang kung paanong binuhay na muli si Kristo sa pamamagitan ng dakilang kapangyarihan ng Ama, tayo nama’y mabuhay sa isang bagong pamumuhay.

Sapagkat kung nakaisa tayo ni Kristo sa isang kamatayang tulad ng kanyang kamatayan, tiyak na makakaisa niya tayo sa isang muling pagkabuhay tulad ng kanyang pagkabuhay. Alam natin na ang dati nating pagkatao ay ipinakong kasama niya upang mamatay ang makasalanang katawan at nang hindi na tayo maalipin pa ng kasalanan. Sapagkat ang namatay na ay pinalaya mula sa kapangyarihan ng kasalanan. Ngunit tayo’y naniniwalang mabubuhay tayong kasama ni Kristo kung namatay tayong kasama niya. Alam nating si Kristo na muling binuhay ay hindi na muling mamamatay. Wala nang kapangyarihan sa kanya ang kamatayan. Nang siya’y mamatay, namatay siya nang minsanan para sa kasalanan, at ang buhay niya ngayo’y para sa Diyos. Kaya dapat ninyong ibilang ang inyong sarili na patay na sa kasalanan datapwa’t buhay naman para sa Diyos sa inyong pakikipag-isa kay Kristo Hesus.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 117, 1-2. 16ab-17. 22-23

Aleluya! Aleluya! Aleluya!

O pasalamatan
ang D’yos na Panginoon, pagkat siya’y mabuti;
ang kanyang pag-ibig
ay napakatatag at mananatili.
Ang taga-Israel,
bayaang sabihi’t kanilang ihayag,
“Ang pag-ibig ng Diyos, ay hindi kukupas.”

Aleluya! Aleluya! Aleluya!

Ang lakas ng Poon,
ang siyang nagdulot ng ating tagumpay
sa pakikibaka sa ating kaaway.
Aking sinasabing
di ako papanaw, mabubuhay ako
upang isalaysay
ang gawa ng Diyos na Panginoon ko.

Aleluya! Aleluya! Aleluya!

Ang batong natakwil
ng nangagtatayo ng tirahang-bahay,
sa lahat ng bato’y higit na mahusay.
Ang lahat ng ito
ang nagpamalas ay ang Panginoong Diyos.
Kung iyong mamasdan ay kalugud-lugod.

Aleluya! Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Marcos 16, 1-7

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos

Pagkaraan ng Araw ng Pamamahinga, si Maria Magdalena, si Mariang ina ni Santiago at si Salome ay bumili ng pabango upang ipahid sa bangkay ni Hesus. At nang Linggo ng umaga, pagsikat ng araw, sila’y nagpunta sa libingan. Nag-uusap-usap sila habang nasa daan: “Sino kaya ang ating mapakikiusapang magpagulong ng batong nakatakip sa pintuan ng libingan?” Napakalaki ng batong iyon kaya gayon ang sabi nila. Ngunit nang tanawin nila ang libingan, nakita nilang naigulong na ang bato. Pagpasok nila sa libingan, nakita nilang nakaupo sa gawing kanan ang isang binatang nararamtan ng mahaba at puting damit. At sila’y natakot. “Huwag kayong matakot,” sabi ng lalaki. “Hinahanap ninyo si Hesus, ang taga-Nazaret na ipinako sa krus. Wala na siya rito – siya’y muling nabuhay! Tingnan ninyo ang pinaglagyan sa kanya. Kaya, humayo kayo at sabihin ninyo sa mga alagad, lalo na kay Pedro, na mauuna siya sa inyo sa Galilea. Makikita ninyo siya roon, gaya ng sinabi niya sa inyo.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 5 comments… read them below or add one }

Reynald Perez March 16, 2021 at 12:33 pm

PAGNINILAY: Ngayon ay ating ipinagdiriwang ang dakilang gabi ng ating kaligtasan. Ito ay tinatawag ni San Agustin na “ina ng lahat ng mga bihilya”. Sa gabing ito ay ipinagdiriwang natin ang pinakadakilang kapistahan ng ating Simbahan: ang Pasko ng Muling Pagkabuhay. Kaya ang Magdamagang Pagdiriwang na ito bagamat mahaba ay napakagandang makiisa. Makikita natin sa simula ang presensiya ng kadiliman. Sa kadilimang iyon ay inaalala natin ang Kamatayan sa Krus at Paglibing ni Hesus. Subalit mayroong isang apoy at ang Paschal candle na nagsasabi sa atin na may sumikat na liwanag sa dilim. Kaya’t iyan ang nais ipahayag ng Exsultet na tunay ngang si Kristo ay nabuhay, at siya ang ating liwanag na nagdulot sa atin ng kaligtasan.

Ang mga mahahabang pagbasa at mga salmo ay nagsasalaysay sa kwento ng kaligtasan ng Diyos mula sa pagkalikha ng sangkatauhan hanggang sa Muling Pagkabuhay ng Panginoon. Ito’y isang paalala na katulad ni Hesus na tumawid mula sa kamatayan patungo sa buhay, tayo rin ay inaayahang tumawid mula sa kasalanan patungo sa grasya ng Diyos Ama. Kaya ang ikatlong bahagi ay paalala na tayo’y ginawang banal ng tubig ng binyag bilang kaisa ng Kamatayan at Pagkabuhay ni Kristo.

Sinasariwain natin muli ang ating mga pangako sa binyag upang talikdan natin ang mga gawaing masama at tangkilikin natin ang mga dakila at mabuting gawain ng Diyos. Dahil natupad nga ang ating kaligtasan sa pamamagitan ng Misteryong Paskwal, tayong lahat ay nakiisa sa piging ng kanyang Katawan at Dugo upang pagsaluhan ang kanyang “sacramental presence” na nawa’y manahan ang kanyang liwanag sa ating buhay.

Mga kapatid, ang kwento ng Misteryong Paskwal ni Hesus ay kwento rin ng ating buhay. Tunay ngang namatay ang Panginoon sa Krus upang tayo’y iligtas, subalit ang kanyang kamatayan ay nagsasabing hindi pa huli ang lahat. Ang kanyang sinapit na ito ay humantong sa kanyang Muling Pagkabuhay sa ikatlong araw, at siya’y nagtagumpay laban sa kasamaan at kamatayan. Dahil dito, tayo ay nagkaroon ng bagong buhay na nilikha tayo muli sa larawan at kaanyuan ng Ama. Kaya matapos nating gunitain ang mga Mahal na Araw, tayo ngayon ay pumapasok sa 50 araw ng Easter upang sariwain sa ating puso’t damdamin ang kanyang Pagkabuhay.

Nawa’y tunay na manahan siya sa ating mga buhay na dala ang balitang siya’y tunay na nagtagumpay at nagligtas sa ating lahat. Nawa’y maging matatag tayo sa ating pananampalataya sa kanya upang isabuhay natin si Kristo sa ating paggawa ng kabutihan at katuwiran sa kapwa.

MALIGAYANG PASKO NG PAGKABUHAY PO SA INYONG LAHAT! ????

Reply

Sherwin D. Yanoria April 3, 2021 at 7:37 am

Ang Panginoong Hesus ang tunay na Anak ng Diyos. Tulad ng Kanyang ipinangangaral, ang Kanyang muling pagkabuhay ay nangyari. Napagtagumpayan Niya ang kasalanan at kamatayan. Ang tagumpay Niya ay tagumpay ng sangkatauhan. Tunay na tayo’y natubos na sa pagkakasala, sa pamamagitan ng buhay ng ating Panginoong Hesukristo. Ganun Niya tayo kamahal. Kaya nga dapat namang suklian natin ng kabutihan ang ginawa Niya. Magbago na at umiwas sa mga kasalanan. Salamat po Panginoon sa inyong pagmamahal.

Reply

Ferdy Bartiong Pariño April 3, 2021 at 12:17 pm

Binabati ko ang lahat ng nagbalik loob sa Panginoon simula pa noong Ash Wednesday. Napagtagumpayan natin ang banal na Cuarenta diaz ng pakikidalamhati natin kay Hesus. Kahapon ay namatay si Kristo kasama ng ating mga kasalanan. Sa pagkakalibing kay Hesus isama natin ang lahat ng ating kasamaan na mabaon sa hukay at masayang salubungin ang muli nyang pagkabuhay, Samanatalahin natin ang muli niyang pagkabuhay na tayo ay magsisi na sa mga nagawang gawing mali at sikaping wag ng bumalik sa kadiliman. Magbunyi tayong lahat bukas sa Pasko ng Pagkabuhay! Bagong buhay, bagong pag asa kasama Sya.

Reply

Joshua S. Valdoz March 30, 2024 at 11:25 am

Binabati ko ang lahat ng nagbalik loob sa Panginoon simula pa noong Ash Wednesday. Napagtagumpayan natin ang banal na Cuarenta diaz ng pakikidalamhati natin kay Hesus. Kahapon ay namatay si Kristo kasama ng ating mga kasalanan. Sa pagkakalibing kay Hesus isama natin ang lahat ng ating kasamaan na mabaon sa hukay at masayang salubungin ang muli nyang pagkabuhay, Samanatalahin natin ang muli niyang pagkabuhay na tayo ay magsisi na sa mga nagawang gawing mali at sikaping wag ng bumalik sa kadiliman. Magbunyi tayong lahat bukas sa Pasko ng Pagkabuhay! Bagong buhay, bagong pag asa kasama Sya.

MALIGAYANG PASKO NG MULING PAGKABUHAY NI HESUS!!
********

Reply

Malou Castaneda March 30, 2024 at 6:03 pm

Para sa araw
Walang Salita. Ang Salita ng Diyos ay tahimik sa libingan.

“Ngayon ay naghahari ang isang malaking katahimikan sa lupa… sapagkat ang Hari ay natutulog. Ang lupa ay nanginginig at nananatili pa rin dahil ang Diyos ay nakatulog sa laman at ibinangon niya ang lahat ng natulog mula pa nang magsimula ang mundo.” (Katekismo #635)

Sa sinaunang Apostle’s Creed, sinasabi nila sa atin na si Kristo ay “napako sa krus, namatay, at inilibing. SIYA AY NANAOG SA MGA PATAY. Sa ikatlong araw ay muling nabuhay”.

Ipagdasal natin ngayon ang mga patay na naglalakad kasama natin, kabilang ang ating sarili, na maaaring nakakulong pa rin sa kultura ng kamatayan at kailangang maniwala at maligtas sa pamamagitan ng Ebanghelyo ng Buhay. Manalangin tayo kasama ni Inang Maria at ng mga Banal habang hinihintay natin ang maluwalhating muling pagkabuhay ng ating Tagapagligtas.

Pagpalain ng Diyos ang ating Banal na Sabado!
***

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: