Martes, Disyembre 19, 2023

December 19, 2023

PANALANGIN NG BAYAN
SIMBANG GABI -? Ikaapat na Araw
Patnubay sa Misa

Dahil pinagtibay ng Panginoon ang kagustuhan nating gumawa nang tama at mabuti, tayo’y dumulog ngayon at humiling sa kanya ng patnubay at gabay:

Panginoon, nananalig kami sa Iyo!

Para sa lahat ng nananampalataya sa buong mundo: Nawa’y tanggapin nila ang Salita ng Diyos at buong pagpapakumbabang isabuhay ito. Manalangin tayo!

Para sa Santo Papa at lahat ng ibang pinunong relihiyoso at sibil: Nawa’y maging inspirasyon sa lahat ang kanilang halimbawa ng katapatan at bukas-palad na paglilingkod sa kanilang nasasakupan. Manalangin tayo!

Para sa lahat ng magulang, guro, at katekista: Nawa’y makita nila sa lahat ng bata ang mahahalagang biyaya ng Diyos at palakihin at patnubayan sila alinsunod sa kalooban ng Diyos. Manalangin tayo!

Para sa mga matatanda sa ating pamayanan: Nawa’y patuloy silang maghandog ng katalinuhan at panalangin at kailanman ay di mag-alinlangan sa natatanging pagmamahal sa kanila ng Diyos. Manalangin tayo!

Para sa mga mag-asawang walang anak: Nawa’y isaalang-alang nila ang pangangailangan ng libu-libong mga sanggol na tinatanggihan ng kanilang mga magulang. Manalangin tayo!

Para sa mga may kapansanan pisikal o emosyonal, maging tampulan nawa sila ng atensyon at kalinga ng lipunan, manalangin tayo.

Panginoon, buksan Mo ang aming mga puso sa pagtanggap sa Iyong Salita nang buong pananalig, bukas-palad, at naniniwalang hangad Mo ang aming kabutihan at walang imposible sa Iyo. Isinasamo namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen!

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 3 comments… read them below or add one }

Reynald Perez December 13, 2020 at 5:55 pm

PAGNINILAY: Habang tayo’y naglalakbay sa daan ng Adbiyento tungo sa pagdiriwang ng Pagkatawang-tao ni Hesukristo sa Pasko ng Pagsilang, pinagninilayan natin ang mga pangyayari bago isilang ang ating Panginoon sa Bethlehem.

Ang Unang Pagbasa at Ebanghelyo ay dalawang pagbabalita sa iisang pangyayari, ang isang panganganak na sumisimbolo sa grasya ng Panginoon. Ang dalawang babae na mga asawa nina Manoa at Zacarias na si Elisabet ay kapwang baog, at ayon sa umiiral na kultura noon, ang pagiging baog ay tinuturing daw na disgrasya. Subalit mula sa 2 kwento, makikita natin na hindi nananatili ang isang disgrasyasa ganyan lamang, kundi ang grasya ng Panginoon ang magiging kapalit. At dito nga ibinalita ang magkahiwalay ngunit magkaugnay na pagsilang nina Samson at San Juan Bautista. Si Samson ay kilala sa kanyang kalakasan upang palayain ang Israel mula sa mga Filistia. At si San Juan Bautista naman ay kilala sa paghahanda ng daan para sa pagdating ng Panginoong Hesus.

Ang grasya ng Diyos ay kinakamit ng bawat isa upang siya’y mapalakas pa na magtiwala sa kanya. Kahit nga si Zacarias sa Ebanghelyo ay nagduda at nawalan ng tinig sa kanyang boses, ginawa niya ang plano ng Diyos na pangalanan sa isang tableta ang isinilang na sanggol na “Juan,” isang pangalang nangangahulugang, “Ang Panginoon ay mapagbiyaya.”

Kaya ngayong Pasko, nawa’y makilala natin nang buong pagtitiwala at katapatan ang mga pagpapala ng ating Panginoon sa pagsunod sa kanyang dakilang kalooban.

Reply

Jess C. Gregorio December 18, 2023 at 10:34 pm

Pagninilay ni Jess C. Gregorio:

Anuman raw ang ninanais nating biyaya na gustong matanggap, kung kalugod-lugod tayo sa paningin ng Diyos, hindi magtatapos ang ating buhay na hindi natin natatanggap iyun. Ito ay mangyayari gaano man kalaki ang dahilan kung bakit di na magkakagayun. Walang imposible sa Diyos. Maiksi lang ang ating paniniwala kung minsan. Tingnan natin si Elizabeth na baog at talaga namang di na magkaka anak. Bukod duon siya ay may idad na. Ngunit minabuti ng Panginoon biyayaan ng pinaka dakilang Propeta sa kasaysayan bilang anak niya- si Juan Bautista. Maging kalugod-lugod sa Paningin ng Diyos at ang lahat ng hihilingin natin ay ipagkakaloob nya.

Reply

Malou Castaneda December 19, 2023 at 9:16 am

PAGNINILAY
Si Kristo ang dahilan ng panahon…dahil tinuruan Niya tayong magbigay ng walang dahilan! Ito ang dakilang misteryo ng ating pananampalataya: ang mahalin ang isang tao ng walang dahilan. Gustung-gusto din ng Diyos ang mga sorpresa dahil mahilig Siyang magmahal. At ang pag-ibig ay laging may sorpresa. Ito ang nangyari kay Zacarias at kay Elizabeth. Hindi nila naisip na magkaroon ng isang sanggol sa kanilang katandaan!

Ngayon na ang oras para sorpresahin ang isang taong hindi tayo mahal, ang mga taong hindi umaasa sa atin. Sino to? Mag-isip ng matagal at mabuti. Kapamilya ba ito? Kamag-anak? Frenemy? in-law? Mga mahihirap na tao? Batang kalye? Mag-isip ng mahaba at malalim ngunit huwag mag-antala. Huwag hayaang mawala ang panibagong Araw ng Pasko. Huwag nating gawing nakakatamad ang Pasko sa pamamagitan ng pagbibigay ng may dahilan. Gawin itong kaakit-akit, kapana-panabik at nakakagulat sa pamamagitan ng pagbibigay ng walang dahilan.

Panginoong Hesus, gawing katulad Mo ang aming puso, handang magmahal, magsorpresa, magbigay ng hindi binibilang ang halaga at walang hinihintay na kapalit. Amen.
***

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: