Podcast: Download (Duration: 6:24 — 6.3MB)
Ika-18 ng Disyembre
(Simbang Gabi)
Jeremias 23, 5-8
Salmo 71, 2. 12-13. 18-19
Mabubuhay s’yang marangal
at sasagana kailanman.
Mateo 1, 18-24
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
18th of December (Aguinaldo Mass) (White)
UNANG PAGBASA
Jeremias 23, 5-8
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
“Nalalapit na ang araw,” sabi ng Panginoon, “na pasisibulin ko mula sa lahi ni David ang isang sangang matuwid, isang hari na buong karunungang maghahari. Paiiralin niya sa buong lupain ang batas at katarungan. Magiging matiwasay ang Juda sa panahon ng kanyang pamamahala, at ang Israel ay mapayapang mamumuhay. Ito ang pangalang itatawag sa kanya: ‘Ang Panginoon ay Matuwid.’”
Sinasabi ng Panginoon, “Darating nga ang panahon na ang mga tao’y di na manunumpa nang ganito: ‘Nariya’t buhay ang Panginoong nagpalaya sa Israel mula sa Egipto.’ Sa halip, sasabihin nila, ‘Saksi ko ang Panginoon na nagpalaya sa mga Israelita mula sa lupain sa hilaga at sa lahat ng lupaing pinagtapunan ko sa kanila. Babalik sila sa sariling lupa at doon muling mamumuhay.’”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 71, 2; 12-13. 18-19
Mabubuhay s’yang marangal
at sasagana kailanman.
Turuan mo yaong haring humatol ng katuwiran,
sa taglay mong katarungan, O Diyos, siya’y bahaginan;
upang siya’y maging tapat mamahala sa ‘yong bayan,
at pati sa mahihirap maging tapat siyang tunay.
Mabubuhay s’yang marangal
at sasagana kailanman.
Kanya namang ililigtas ang sinumang tumatawag,
lalo yaong nalimot nang mga taong mahihirap;
sa ganitong mga tao siya’y lubhang nahahabag;
sa kanila tumutulong, upang sila ay maligtas.
Mabubuhay s’yang marangal
at sasagana kailanman.
Ang Poong Diyos ng Israel, purihin ng taong madla;
ang kahanga-hangang bagay tanging siya ang may gawa.
Ang dakilang ngalan niya ay purihin kailanman,
at siya ay dakilain nitong buong sanlibutan! Amen! Amen!
Mabubuhay s’yang marangal
at sasagana kailanman.
ALELUYA
Aleluya! Aleluya!
Namumuno ng Israel,
nagbigay-utos sa amin,
halina’t kami’y sagipin.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 1, 18-24
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Ganito ang pagkapanganak kay Hesukristo. Si Maria na kanyang ina at si Jose ay nakatakda nang pakasal. Ngunit bago sila nakasal, si Maria’y natagpuang nagdadalang-tao. Ito’y sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Isang taong matuwid itong si Jose na kanyang magiging asawa, ngunit ayaw niyang mapahiya si Maria, kaya ipinasiya niyang hiwalayan ito nang lihim. Samantalang iniisip ni Jose ito, napakita sa kanya sa panaginip ang isang anghel ng Panginoon. Sabi nito sa kanya, “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na tuluyang pakasalan si Maria, sapagkat siya’y naglihi sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Manganganak siya ng isang lalaki at ito’y pangangalanan mong Hesus, sapagkat siya ang magliligtas sa kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan.”
Nangyari ang lahat ng ito upang matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta:
“Maglilihi ang isang dalaga at manganganak ng isang lalaki,
At tatawagin itong “Emmanuel,”
ang kahuluga’y “Kasama natin ang Diyos”.
Nang magising si Jose, sinunod niya ang utos ng anghel ng Panginoon; pinakasalan niya si Maria. Ngunit hindi ginalaw ni Jose si Maria hanggang sa maipanganak nito ang isang sanggol na lalaki na pinangalanan niyang Hesus.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Linggo, Disyembre 17, 2023
Martes, Disyembre 19, 2023 »
{ 4 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Ang ating paghahanda para sa Pagdiriwang ng Kapaskuhan ay nakikita sa pagdaraos ng siyam na araw na pagnonobena katulad ng siyam na buwan ng panalangin ng Birheng Maria para sa pagsilang ng kanyang Anak na Tagapagligtas ng mundo.
Sa Ikatlong Araw ng pagnonobena, tunghayan po natin ang katauhan ni San Jose na asawa ng Mahal na Birhen at inatasang maging ama ni Hesukristo dito sa sangkalupaan. Ngunit bago pa mang mangyari ito, narinig natin sa Ebanghelyo ang kanyang sinaunang kabuhayan bilang isang karpintero at isang matuwid na lalaki. Sa kanyang katuwiran ay makikita ang pagpapasya ng kanyang mga plano sa Diyos. At nakita niya dito ang planong magpakasal kay Maria. Subalit nang malaman niya na siya’y buntis at dahil pumapasok sa isip niya na hindi pa niya kaya ang tungkulin na maging ama, dito siya’y nagdalawang-isip. Alam niya ang kautusan noon na kapag natagpuan ang mga babaeng hindi pa kasal na buntis, sila’y babatuhin kasama na ang mga kinasasangkot na mga kasintahan.
Kaya ayaw ni Jose na mapahiya at mapahamak si Maria, kaya nagpasya na lang siya na iwanan ito sa tahimik na paraan. Ngunit nagbago ang kanyang isip nang dumating ang isang anghel ng Panginoon sa kanyang panaginip. Dito ipinahayag ng anghel kay Jose ang mabuting balita tungkol sa pagdating ng Emanuel, ang Diyos na sumasaatin, na siyang isisilang ng Birheng Mahal upang iligtas ng Mesiyas na ito ang sangkatuhan mula sa pagkakasala. Kaya nang magising si Jose, agad niyang tinupad ang planong Diyos sa pagpapakasal kay Maria at pagiging ama ni Hesukristo dito sa lupa.
Makikita natin sa buhay ni San Jose ang kahalagahan ng pagiging matuwid hindi lang para hindi hayaaang mapahamak ang ibang tao, kundi upang makilala niya ang tunay na plano ng Panginoon. Sa kanyang pananaginip, ipinasya niya sa tulog kung paano niya idadala ang orihinal na plano na tahimik na iwanan si Maria. Ngunit n’ung hinayaan niyang pumasok ang Diyos sa kanyang plano, diyan pinakita niya na tunay siyang matuwid.
Sabi nga sa Salmo na ang mga matuwid na nabubuhay nang mangaral ay sasagana kailanman. Bagamit walang linyang binabanggit ang sinabi ni San Jose, pinahalagahan niya ang aksyon na sundin ang kalooban ng Ama. Kaya sa ating buhay lalung-lalo tuwing Pasko, tularan natin si San Jose sa pagtutupad ng dakilang plano ng Panginoong Diyos.
Ikatlong araw ng misa de gallo, at palapit na ng palapit ang pagdiriwang ng kapanganakan ng ating Poong Hesus.
Nasaan ka na sa mga panahong ito kapatid? Anong paghahanda na ang iyong nagawa, meron ka na bang liko liko na naituwid?, meron ka na bang napatag na bako bako?
Ano ang iyong naging plano para sa pagbabago ngayong Adviento, nabawasan mana lamang ba ang paggawa mo ng kasalanan. Ngayon suriin natin ang ating mga sarili, Ako ba ay nagnanasa sa mga nakikita ko na hindi naman akin? Ako ba ay nangangalunya o nakikiapid? Ako ba ay tumutulong o naglilimos o nagbibigay sa mga walang wala? Ako ba ay nagpatawad na ng nagkasala sa aking mga kapatid, kaibigan, kaaway at kapwa? Ako ba y nadaraya pa rin? Ako ba ay trismosa at gumagawa ng kwento at naninirang puri? Ako ba ay walang takot sa Diyos at pinipili kong gawin ang utos o tukso ng demonyo?
Magnilay tayo mga kapatid, hindi pa huli ang lahat, magsisi na tayo sa mga gawang mali sapagkat ito ay may kaparusahan at may dalang kapahamakan at kalungkutan, ihingi natin ng tawad ang gawaing taliwas sa kautusan, at magsikap na tayong matalikuran ang paggawa nito muli. Mahabagin si Hesus at kinalulugdan nya ang nagbabago at nagbabalik loob sa kanya.
Maligayang Pasko
Pagninilay ni Jess C. Gregorio:
May mga nangyayari sa buhay natin ang hindi natin maipaliwanag. Gaya ng pagdadalang tao ni Maria sa Banal na Espiritu. Mga kababalaghan na kung wala tayo sa Panginoon ay talagang hindi natin maiintindihan. Pero kumikilos ang Diyos at nangungusap sa atin sa napakaraming paraan. Hindi lang natin pansin kasi nilunod na tayo ng iba’t-ibang ingay ng lipunan. Sa tagal ko nang nakikinig ng kuwentong ito kada pasko, tila bagang hindi tumanim sa isip ko na ang buhay ay isang malaking misteryo. Ngunit mula bata magpahanggang ngayon ay pilit ko pa rin ipinapaliwanag sa aking munting kaalaman lahat na nangyayari sa kapaligiran, magalit kung hindi naaayon sa aking kagustuhan, at sisihin ang diyos sa kanyang kabingihan. Gaya marahil ni Jose, na hindi mapakali, hindi makatulog sa pag-iisip kung ano ang nangyayari. Gaya ni Maria na tila tinakluban ng tabing ang kanyang pagkatao, kinukutya, minamarites, pinaparatangang sinungaling, at haliparot sa mga sinasabing mahirap paniwalaan, ang gawi at plano ng Diyos at tila baga kahibangan. Pero kung gaano kalayo ang langit sa lupa sadyang ganuon ang isip at gawi ng Panginoon. Alam niya ang kaunting kapasidad ng tao para makuha lahat ng mahalaga. Kaya may mga anghel na gumagala at sa mga simple at walang ingay na gawa, nanamagitan upang ipabatid na huwag mag alala at magpatuloy lamang. Hindi ba na ganun rin tayo sa oras ng ating mga pangamba? Ang iba ay kinikitil na ang kanilang buhay at nagsasabi, “Hindi ko na kaya!” Kung ating pagmumuni-munian at bigyan ng kaunting pananampalatayo, ang isang di maintindihang tadhana gaya ng nangyari kay Jose at Maria, malamang ay makakita at makarinig rin tayo ng mga anghel sa paligid na magsasabing magpatuloy ka lamang. Hindi ka pababayaan ng Diyos. May planong maganda at malaki para sa iyo na ngayon ay di mo pa alam. Ang buhay ay isang malaking misteryo. Ang sinasabi ng nilalang ay karaniwang tiwalas sa isip ng naglalang. Isuot natin ang mga sandalyas ni Jose at Maria sa mga oras na nawawala tayo sa ating sarili. Sa mga sandaling iyun matatagpuan natin ang ating Diyos.
PAGNINILAY:
Ang pinakamahirap na paglalakbay na dapat lakbayin ng Panginoon ay mula sa Langit hanggang sa ating puso. Naging matagumpay siya sa pagpasok sa puso ni Jose sa pamamagitan ng isang panaginip. Pumasok siya sa puso ni Maria mula sa isang anghel. At ngayon nais ng Panginoon na pumasok sa ating buhay.
Ang Ebanghelyo ay nagpapaalala sa atin kung ano ang ibig sabihin ng huwag husgahan ang iba. May karapatan si Jose na ilantad si Maria, ngunit hindi niya ginawa. Ang pagmamahal niya sa kanya ay hindi maglalantad sa kanya sa kahihiyan sa publiko. Hindi ito nangangahulugan ng pagtatakip ng kasalanan o pakikipagsabwatan sa masama. Nangangahulugan lamang ito na ipaubaya sa Panginoon ang huling paghatol. Inosente si Maria. Ang opsyon ni Jose ay isang modelo para sa atin. Ang paghatol ng tao ay maaaring maging katakot-takot. Tanging ang Panginoon, na nakakaalam ng mga lihim na puso ng mga tao, ang makapagbibigay ng tamang paghatol.
Ang Panginoon ay sabik na naghihintay ng isang silid sa ating puso. Nawa’y ibigay natin sa Panginoon ang Kanyang pinaka nais: isang lugar na pahingahan, isang lugar upang makapagtrabaho, isang lugar upang maging banal. Lahat ng bagay, lahat ng paghihirap, lahat ng pagsubok at paghihirap, lahat ng hindi pagkakaunawaan ay makakatagpo ng masayang wakas kapag pinahintulutan natin ang Panginoon na dumating at manatili sa atin.
San Jose, tulungan mo kaming tularan ang iyong halimbawa ng mapagpakumbabang pagsunod.? Amen.
***