Lunes, Oktubre 30, 2023

October 30, 2023

PANALANGIN NG BAYAN
Ika-30 Linggo sa Karaniwang Panahon
Lunes

Higit nating nauunawaan ang ating pangangailangan sa Diyos habang mas nakikilala natin siya nang lubos. Mulat sa ating kakulangan, manalangin tayo sa ating pangangailangan sa Diyos Ama.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Palayain mo kami sa aming mga kahinaan, O Panginoon.

Ang mga pinuno ng Simbahan nawa’y ibahagi nang buo ang kanilang buhay sa paglilingkod kay Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.

Tayo nawa’y maging bukas ang puso at makawala tayo sa ating pagkamakasarili upang sikapin nating iabot ang kamay natin sa ating kapwa, manalangin tayo sa Panginoon.

Atin nawang makita ang mukha ni Kristo sa mga dukha at naghihirap, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga maysakit at yaong may mga suliranin nawa’y mabigyang aliw at kasiyahan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga yumao nawa’y mabuhay magpakailanman sa Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.

Panginoong Diyos, itinataas namin sa iyong pagkalinga ang aming mga intensyon. Pakinggan mo ang aming mapagkumbabang panalangin at gawin mo kaming mga lingkod mo na tulad ni Jesus na nakaririnig sa hinaing ng mga nangangailangan. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 3 comments… read them below or add one }

Reynald Perez October 24, 2021 at 3:17 pm

PAGNINILAY: Ang ating Ebanghelyo ay isang pagpapagaling ni Hesus sa isang babaeng hukot na hukot at hinding makaunat sa loob ng 18 taon dahil sa isang masasamang espiritu. Kaya siya’y ipinagaling ni Hesus, nakaunat ang kanyang katawan, at nagpapahayag ng mga pagpupuri sa Diyos. Hindi ito katanggap-tanggap ng pinuno ng sinagoga sapagkat ang araw nangyari iyon ay tumapat sa Araw ng Pagmamahinga. At ayon sa batas ng mga Hudyo, ang sinumang lumalabag sa pagpapahingang nakalaaan sa araw na iyon ay itinuturing ns walang paggalang sa Diyos. Sapagkat alam natin na nilalang niya ang sangkatauhan sa loob ng anim na araw at nagpahinga sa ika-7 araw upang tayo ay tumulad sa kanya na magpahinga. Ngunit pinagsabihan sila ni Hesus sa kanilang pagiging masyadong strikto sa batas, na dapat ang taong nangangailangan ay bigyan-pansin ng awa at malasakit, kahit sa Araw ng Pagmamahinga. Kung paanong kinakalag ang lubid sa baka at asno, ganun rin dapat ang nais ng Panginoon na gawin sa mga nangangailangan.

Makikita natin sa kwentong ito na hindi naman salungat si Hesus sa pagsunod sa batas ng banal na araw. Alam niya na ang Sabat, na sumasapit sa Sabado para sa mga Hudyo dahil sa Pagpapahinga ng Ama mtapos ang Paglilikha at Linggo naman para sa mga Kristiyano dahil sa Pagkabuhay niya ng mag-uli, ay isang pagpaparangal sa Panginoon. Subalit kung wala itong pagpapahalaga sa kapwa, lalung-lalo na sa paggawa ng kabutihan at kagandang-loob, ay walang kabuluhan ang pagsambang ito.

Kaya nga tuwing tayo’y nagdiriwang ng Banal na Misa, tayo ay palaging inaanyayahan sa Paghayo na humayo at ibahagi ang Mabuting Balita ng Panginoon sa lahat. At hinihikayat tayo ni San Pablo sa Unang Pagbasa na mamuhay nang nararapat at naayon sa pamantayan ng Diyos, na hindi humahangad ng hiling ng laman, kundi hinahayaan ang Espiritu Santo ang pumuno sa buhay ng mga pagpapala at kalakasan ng Panginoong Diyos. Nawa’y pahalagahan natin ang ating buhay bilang “sabbath of the souls” sa pagiging mapalapit sa ating relasyon sa kapwa at pagsasagawa ng kabutihan lalung-lalo sa mga nangangailangan.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño October 25, 2021 at 9:27 am

Ang tao ay sadyang makatwiran, ang tama ay ginagawang mali at ang mali ay ginagawang tama, dahil lamang sa paniniwalang baluktot. Ang lahat ng ating iisipin, gagawin at sasabihin ay dapat naaayon sa sampung utos, patas para sa lahat at may malasakit sa kapwa tao. Marami tayong sinusunod na pamahiin, kasabihan ng nga matatanda o tradisyon na walang batayan at hindi nasusulat sa bibliya, pero ang dapat nating sundin ay pagmamahal sa kapwa, awa at habag sa nangangailangan, pagdamay sa naghihirap, namatayan, nabilanggo at lalong lalo na sa mga may kapansanan. Napakagandang pagmasdan at mamuhay sa mundong ang lahat ay nagmamahalan, hindi nman ito imposible subalit parang napakahirap sa maraming tao na gawin. Sapagkat sobra ang pagmamahal nila sa pera, natatakot silang mawalan, maubusan o maghirap. Natatakot ang tao sa maraming bagay… kagutuman, kahirapan, krisis. Pandemya, karamdaman PERO hindi natatakot sa Diyos sa pagsuway sa sampung utos, hindi natatakot na pumatay, magdamot, magnasa sa laman, makiapid, mangalunya, makipg away, magnakaw at magsinungaling.

Reply

Mel Mendoza October 29, 2023 at 11:04 pm

Sa pagbasa ng Mabuting Balita sa araw na ito isang bagay lamang ang gusto sabihin ni Hesus na sa lahat ng Kristyano mas mahalaga magpakita ng habag at awa sa kapwa kesa sa alinmang batas. Ang pag-ibig sa kapwa ang pinakamahalaga sa lahat ng batas. Paano makakasunod ang isang tao sa batas kung wala naman itong ipanapakita ng malasakit sa kapwa. Samakatuwid, lahat ay kapaimbabawan lamang ang pagsunod sa batas kung wala naman ipinapakitang malasakit at pagmamahal sa kapwa. Ang batas ay ginawa para sa kapakanan ng bawat nilalang sa mundong ito.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: