Podcast: Download (Duration: 7:18 — 9.1MB)
Ika-30 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Exodo 22, 20-26
Salmo 17, 2-3a 3bk-4. 47 at 51ab
Poong aking kalakasan,
iniibig kitang tunay.
1 Tesalonica 1, 5k-10
Mateo 22, 34-40
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Sunday of the Thirtieth Week in Ordinary Time (Green)
Prison Awareness Sunday
UNANG PAGBASA
Exodo 22, 20-26
Pagbasa mula sa aklat ng Exodo
Ito ang sinasabi ng Panginoon: “Huwag ninyong aapihin ang mga taga-ibang bayan; alalahanin ninyong nangibang-bayan din kayo sa Egipto. Huwag din ninyong aapihin ang mga babaing balo at ang mga ulila. Kapag inapi ninyo sila at dumaing sa akin, diringgin ko sila. Dahil dito, kapopootan ko kayo at lilipulin sa pamamagitan ng digmaan. Sa gayo’y mababalo rin ang inyu-inyong asawa at mauulila ang inyong mga anak.
“Kapag nangungutang sa inyo ang mga kababayan ninyong mahihirap, huwag kayong hihingi ng tubo, tulad ng ginagawa ng mga usurero. Kapag may nagsanla sa inyo ng balabal, ibalik ninyo iyon sa kanya bago lumubog ang araw sapagkat iyon lamang ang pambalot niya sa katawan; wala siyang kukumutin sa pagtulog. Kapag siya’y dumaing sa akin, diringgin ko siya sapagkat ako’y mahabagin.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 17, 2-3a 3bk-4. 47 at 51ab
Poong aking kalakasan,
iniibig kitang tunay.
O Panginoon kong aking kalakasan,
minamahal kita nang tunay na tunay.
Panginoo’y batong hindi matitibag,
matibay kong muog at Tagapagligtas.
Poong aking kalakasan,
iniibig kitang tunay.
D’yos ko ang sa akin ay s’yang nag-iingat,
Tagapagtanggol ko at aking kalasag.
Sa ‘yo, Panginoon, ako’y tumatawag
sa mga kaaway ako’y ‘yong iligtas.
Poong aking kalakasan,
iniibig kitang tunay.
Panginoo’y buhay, siya’y Tagapagligtas,
matibay kong muog, purihin ng lahat.
Sa piniling hari, dakilang tagumpay,
ang kaloob ng D’yos sa kanyang hinirang.
Poong aking kalakasan,
iniibig kitang tunay.
IKALAWANG PAGBASA
1 Tesalonica 1, 5k-10
Pagbasa mula sa unang sulat
ni Apostol San Pablo sa mga taga-Tesalonica
Mga kapatid, nakita ninyo kung paano kami namuhay sa inyong piling – ito’y ginawa namin para sa inyong kabutihan. Tinularan ninyo kami, at ang Panginoon. Tinanggap ninyo ang Mabuting Balita, at dahil dito’y nagdanas kayo ng katakut-takot na hirap. Gayunman, taglay pa rin ninyo ang kagalakang kaloob ng Espiritu Santo. Kaya’t naging huwaran kayo ng mga kapatid sa Macedonia at Acaya. Sapagkat hindi lamang ang salita ng Panginoon ang lumaganap sa Macedonia at Acaya sa pamamagitan ninyo. Pati ang balita tungkol sa inyong pananampalataya ay kumalat sa lahat ng dako. Anupa’t hindi na kailangang magsalita pa kami tungkol dito. Sila na ang nagbabalita kung paano ninyo kami tinanggap. Sila rin ang nagsabing tinalikdan na ninyo ang pagsamba sa mga diyus-diyosan upang maglingkod sa tunay at buhay na Diyos, at maghintay sa kanyang Anak na si Hesus. Siya ang muling binuhay na magbabalik mula sa langit at magliligtas sa atin sa darating na poot ng Diyos.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Juan 14, 23
Aleluya! Aleluya!
Ang sa aki’y nagmamahal
tutupad sa aking aral.
Ama’t ako’y mananahan.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 22, 34-40
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, nagtipun-tipon ang mga Pariseo nang mabalitaan nilang napatahimik ni Hesus ang mga Seduseo. At isa sa kanila, isang dalubhasa sa Kautusan ang nagtanong kay Hesus upang subukin ito: “Guro, alin po ang pinakamahalagang utos sa Kautusan?” Sumagot si Hesus, “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buong pag-iisip. Ito ang pinakamahalagang utos. Ito naman ang pangalawa: “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili. Sa dalawang utos na ito nakasalalay ang buong Kautusan ni Moises at ang turo ng mga propeta.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Sabado, Oktubre 28, 2023
Lunes, Oktubre 30, 2023 »
{ 3 comments… read them below or add one }
Pagninilay: Sa ating Unang Pagbasa (Exodo 22:20-26), ipinaalala ni Moises sa mga Israelita ang mabuting pagtrato sa bawat tao, lalo na sa mga hindi kalahi o kaparehas na anyo. Hindi tama ayon sa mata ng Panginoon ang pag-aalipusta at pag-aapi sa tao, lalung-lalo na ang mga taga-ibang bayan. Kaya sa Kasulatan, makikita natin na ang bawat taong nahihirap ay dinidinig ng Diyos sa kanyang awa at habag. Kung ang Diyos pa ang nagiging maawa sa mga mahihirap, aba, at dukha, paano pa kaya tayong tinatawag na mahalin ang bawat tao?
Sa ating Ebanghelyo (Mateo 22:34-40), lumapit ang mga Pariseo kay Hesus at isa sa kanila ay nagtanong sa kanya kung ano ang pinakadakilang utos. Sa Lumang Tipan, ibinigay ng Panginoong Diyos kay Moises ang mga Sampung Utos sa Bundok ng Sinai. Pagkatapos nito, ibinigay niya ang iba pang mga utos para naman sa iba’t ibang indibiduwal, na bumubuo sa tinatawag na Torah, at nakalagay sa Kaban ng Tipan. Kaya para sa mga Hudyo, itong mga utos na ito ay dapat sundan sapagkat ang Panginoong Diyos mismo ay nagbigay ng mga ito. Subalit iba ang naging sagot ng ating Panginoong Hesukristo. Mula sa kanyang tugon, ibinuod niya ang mga Sampung Utos sa pamamagitan ng dalawa pang mahalagang utos.
Una ay ang pagmamahal sa Diyos nang buong puso, isip, at kaluluwa. Ito ay nababatay sa tinatawag na Shema, Israel ng mga Hudyo (Makinig ka, O Israel!) mula sa Aklat ng Deuteronomio 6:4-9. Ang pagmamahal sa Diyos ay dapat ipinapakita nang sapat. Sa bawat sinasabi natin at sinasampalatayanan natin, dapat isabuhay din natin ang mga ito sa pamamagitan ng pagiging mga mabubuting lingkod niya. Higit sa lahat, sundin natin ang kanyang mga utos, lalung-lalo na ang kautusan ng pag-ibig ng kanyang Bugtong na Anak.
Ikalawa naman ay ang pagmamahal sa kapwa na gaya ng pagmamahal sa sarili. Ito ay nababatay sa Aklat ng Levitico 19:9-18. Kung mahal natin ang Diyos, dapat matuto tayong mahalin ang ating mga kapwa. Ngunit bago iyan, dapat mahalin natin ang ating mga sarili dahil ang Panginoon mismo ang dahilan kung bakit tayo napaparito sa daigdig. Alagaan natin ang ating sarili, at kontrolin din ito mula sa mga pagnanasa ng mundo. Pagkatapos nito, mahalin natin ang ating mga kapwa. Kung mahal natin sila at sila’y ating mga kaibigan, dapat gumawa tayo ng mabuti sa kanila. Irespetuhin natin sila anumang lahi silang nagmula. Tulungan natin sila sa oras ng kanilang pangangailangan. Dapat hayaan din natin ang ating sariling matuto mula sa mga mabubuting salita at gawain nila sa atin. Dito natin makakamtan ang mabubuting relasyon sa isa’t isa.
Sa kabuuan, ang pamamahal sa Diyos, sa sarili, at sa kapwa ay nakakapatatag sa relasyon sa Panginoon at sa ating mga kapwa. Itong dalawang dakilang utos ay bumubuod na sa mga Sampung Utos. Kaya gumawa tayo ng mabuti, at lumayo tayo sa masama. Sa ating paglalakbay sa daang ito, nawa’y sundin natin ang mga ito para sa masaganang ani sa ubasan ng Kaharian ng Langit.
Pagninilay sa mga Pagbasa:
Alam nating napaka-mahabagin ng ating Panginoong DIYOS at gayundin ang Kaniyang inaasahan sa bawat isa sa atin. Ang Kaniyang habag ay ipinakikita sa Pag-ibig Niya at pagpapahalaga sa mga taong mahihina at mga aba, yung walang inaasahan lang kundi ang biyayang magmumula sa Kaniya. Kung kaya’t mahigpit Niyang tagubilin na “Huwag ninyong aapihin ang mga taga-ibang bayan; Huwag din ninyong aapihin ang mga babaing balo at ang mga ulila.;“Kapag nangungutang sa inyo ang mga kababayan ninyong mahihirap, huwag kayong hihingi ng tubo, tulad ng ginagawa ng mga usurero. Kapag may nagsanla sa inyo ng balabal, ibalik ninyo iyon sa kanya bago lumubog ang araw sapagkat iyon lamang ang pambalot niya sa katawan.” Exodo 22, 20-26.
Gayundin naman, sa Sulat sa mga Tesalonica, ay nagpapakita kung paano nila tinanggap ang mga kapatid na nangangaral ng Mabuting Balita ng Panginoon na nakipamuhay sa kanila, anupat sila’y naging huwaran ng mga taga Macedonia at Acaya, na nagpakalat ng maganda nilang ginawa. Di ba’t ang mga ito ay nagpapatunay lamang sa Pagsunod sa Utos ng Diyos na, “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.”
Sapagkat di natin masasabing iniibig natin ang Panginoon kung napopoot naman tayo sa ating kapwa. Sapagkat, “Anuman ang ginawa ninyo sa isa sa pinakamaliit na kapatid ko, ginawa ninyo ito sa akin.” Mateo 25:40
Ipamalas natin ang pagtupad natin sa Unang pinakamahalagag Utos na, “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buong pag-iisip,” sa pamamagitan ng Pag-ibig at pagmamalasakit natin sa ating kapuwa na ating nakikita, nakakasama at nakikipamuhay sa atin.
Amen…
MAHAL KITA, MAHAL KO SI LORD.
Narinig natin sa ebanghelyo ang dalawang pinakamahalagang at buod ng sampung utos ng Diyos. Una, Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buong pag-iisip. At ang ikalawa ay Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.
Inaanyayahan tayo ni Hesus na mahalin ang ating kapwa gaya ng kung paano natin minamahal ang ating sarili. Kung mahal mo ang sarili mo, matuto ka ring mahalin ang kapwa mo. Kung ayaw mong nasasaktan, huwag kang manakit ng iba. Kung ayaw mong inaalipusta, huwag ka ring mang-alipusta ng kapwa mo. At kung paano mo inaalagaan ang sarili mo, nawa’y ganoon mo rin ang alagaan at pagmalasakitan ang iyong kapwa.
Ang taong pag-ibig ang ibinibigay, nararapat lamang na suklian ng pag-ibig. Ang taong pawang kabutihan ang ipinakikita ay nararapat lamang na makatanggap din ng kabutihan. Subalit sa mga pagkakataong wala kang makitang mabuti sa mundong ito, PAKIUSAP: Maging isa ka man lamang sana sa mabubuting tao.
Ikalawa ay inaanyayahan tayong ibigin natin ang Diyos ng higit sa lahat. Tularan natin ang mga Apostol at ang mga banal sa ipinakita nilang pagsunod at pagmamahal sa Diyos kahit maging kapalit man nito ay ang kanilang buhay. Hindi madaling bagtasin ang landas patungong buhay kabanalan, kinakailangan ito ng buong sariling pagbibigay tungo sa pagbabago na magbubunga ng pagkatagpo sa dakilang pagmamahal sa Diyos tulad ng pagmamahal ni San Agustin.
Hindi madaling magpakatao, subalit sikapin nawa nating ipakita ang pagmamahal na nagmumula sa ating mga puso upang maiwasan nating masaktan ang damdamin ng Diyos at ng ating kapwa.
Mahalin mo ang kapwa mo, at mahalin mo ang Diyos na unang nagmahal sa iyo.
(Pagninilay sa ika-30 na Linggo sa Karaniwang Panahon | Taon A – Mateo 22, 34-40)