Martes, Abril 18, 2023

April 18, 2023

Martes sa Ika-2 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

Mga Gawa 4, 23-27
Salmo 92, 1ab. 1k-2. 5

Panginoo’y naghari na!
Ang damit n’ya’y maharlika.

Juan 3, 7b-15


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Tuesday of the Second Week of Easter (White)

UNANG PAGBASA
Mga Gawa 4, 32-37

Pagbasa mula sa Mga Gawa ng mga Apostol

Nagkaisa ang damdami’t isipan ng lahat ng sumasampalataya at di itinuring ninuman na sarili niya ang kanyang mga ari-arian, kundi para sa lahat. Ang mga apostol ay patuloy na gumagawa ng kababalaghan at nagpapatotoo sa muling pagkabuhay ng Panginoong Hesus. At ibinuhos ng Diyos ang kanyang pagpapala sa kanilang lahat. Walang nagdarahop sa kanila, sapagkat ipinagbibili nila ang kanilang lupa o bahay, at ang pinagbilhan ay ibinibigay sa mga apostol. Ipinamamahagi naman ito ayon sa pangangailangan ng bawat isa.

Gayon ang ginawa ni Jose, isang Levitang taga-Chipre, kaya’t Bernabe ang itinaguri sa kanya ng mga apostol, ibig sabihi’y “Matulungin.” Ipinagbili niya ang kanyang bukid at ibinigay sa mga apostol ang pinagbilhan.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 92, 1ab. 1k2. 5

Panginoo’y naghari na!
Ang damit n’ya’y maharlika.

o kaya: Aleluya.

Panginoo’y naghahari, na ang suot sa katawan
ay damit na maharlika at batbat ng kalakasan.

Panginoo’y naghari na!
Ang damit n’ya’y maharlika.

Ang sandigan ng daigdig, matatag ang pinatungan
kahit ano ang gawin pa’y hindi ito magagalaw.
Ang trono mo ay matatag simula pa noong una.
Bago pa ang ano pa man, likas ikaw’y naroon na.

Panginoo’y naghari na!
Ang damit n’ya’y maharlika.

Walang hanggan, Panginoon, ang lahat ng tuntunin mo,
sadyang banal at matatag ang sambahang iyong templo.

Panginoo’y naghari na!
Ang damit n’ya’y maharlika.

ALELUYA
Juan 3, 15

Aleluya! Aleluya!
Ang Anak ng Tao’y dapat
na itampok at itaas
upang lahat ay maligtas.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Juan 3, 7b-15

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus kay Nicodemo: “Huwag kayong magtaka sa sinabi ko sa inyo, ‘Lahat ay kailangang ipanganak na muli.’ Umiihip ang hangin kung saan ibig at naririnig ninyo ang ugong nito, ngunit hindi ninyo alam kung saan nanggagaling at kung saan naparoroon. Gayun din ang bawat ipinanganak sa Espiritu.’ “Paano pong mangyayari ito?” tanong ni Nicodemo. Sumagot si Hesus, “Guro pa naman kayo sa Israel ay hindi ninyo nauunawaan ang mga bagay na ito? Tandaan ninyo: ang aming nalalaman ang sinasabi namin, at ang aming nasaksihan ang pinatototohanan namin, ngunit hindi ninyo tinatanggap ang aming patotoo. Kung hindi ninyo pinaniniwalaan ang sinasabi ko tungkol sa mga bagay sa sanlibutang ito, paano ninyo paniniwalaan kung ang sabihin ko’y tungkol sa mga bagay sa langit? Walang umakyat sa langit kundi ang bumaba mula sa langit – ang Anak ng Tao.

“At kung paanong itinaas ni Moises ang ahas doon sa ilang, gayun din namin kailangang itaas ang Anak ng Tao, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 2 comments… read them below or add one }

Reynald Perez April 18, 2020 at 6:15 am

Pagninilay: Ang Panahon ng Pasko ng Pagkabuhay ay pagsasariwa ng kaligtasang dulot ng Pagpapakasakit at Pagkamatay ni Hesus, na nagkaroon ng kabuluhan nang siya’y muling nabuhay mula sa libingan at nanaig ang kamatayan at kasalanan. Ang Ebanghelyo ngayon ay ang patuloy na diskurso ng ating Panginoong Hesukristo kay Nicodemo, isang Pariseong nais makinig at matuto mula sa kanya. Kahapon ay narinig natin kung paanong makakamit natin ang buhay na walang hanggan. Ngayon ay patuloy si Hesus sa pagsasabing kailangan nating ipagsilang na muli sa binyag. Hindi naunawaan ni Nicodemo ang pahayag na ito na akala niya’y papasok pa ang tao sa sinapupunan ng ina. Dito pinaunawaan ni Hesus na walang nakapunta ng langit kundi ang Anak ng Tao. At sinipi ni Hesus ang kwento ng Bilang 21:4-9 kung saan itinaas ni Moises ang isang ahas na tanso sa isang poste, ganun din ang pagtataas sa Anak na Tao upang magkaroon ng buhay na walang hanggan ang mga sumasampalataya. Makikita natin ang planong pangkaligtasan ng Diyos na natupad sa pamamagitan ni Hesus. At nangyari nga ang pangyayaring ito nang gunitain natin ang kanyang Pagpapakasakit at Pagkamatay sa Krus noong Semana Santa. Ayon kay San Juan, si Nicodemo na kahit Pariseo ay naging malapit na kaibigan ni Hesus, kaya siya’y dumala ng mga pampalasa upang pahiran ang Katawan ng Panginoon. At makalipas ang ilang taon, sinasabi na si Nicodemo ay napabilang sa Ang Daan (sa Antiqouia silang tinawag na mga “Kristiyano”). Ang Unang Pagbasa ay isang magandang paalala na kinalulugdan ng Panginoong Diyos sa kanyang Sambayanan. Makikita natin ito sa sinaunang Simbahan na patuloy na lumalago dahil sa pangangaral at pagbibigay-saksi ng mga Apostol para kay Kristo. Kaya sila’y nagkaisa sa ilalim ng iisang pananampalataya sa Ama at sa Anak. Ang pagkakaisa ay mahalaga upang makamit natin ang buhay na walang hanggan. Sa pamamagitan ng pakiisa, nawa’y sikapin natin magpakatao para sa iba sa pamamagitan ng paggawa ng mabuti at talikdan ang mga masasama.

Reply

SAINTSPOT April 18, 2023 at 6:01 am

Please LIKE & SHARE.
“SAINTSPOT” on Youtube & Facebook
https://youtu.be/hjNviN_xAfc

GOSPEL REFLECTION:
Nagtanong si Nicodemo kay Hesus: “Paano pong mangyayari ito?” Ang tanong niya’y tugon sa sinabi ni Hesus na ang daan patungo sa Langit ay “ipanganak mula sa itaas.”
Siguradong ang pagtugon ni Hesus ay isang banayad ngunit direktang hamon kay Nicodemo upang ilipat siya mula sa kanyang mga tanong tungo sa pananampalataya. At iyon ang susi. Si Nicodemo ay hindi lumapit kay Hesus para Siya’y hulihin at hatulan na tulad ng ginawa ng ibang mga Pariseo. Dumating si Nicodemo dahil nalilito siya. At malamang, nataranta siya dahil nakaramdam siya ng matinding panggigipit ng kapwa niya Pariseo para hatulan si Hesus.

Alam ni Hesus na bukas si Nicodemo at malaki ang tiyansa na siya’y mapagtagumpayan at makasunod kay Hesus. Ngunit alam din ni Hesus na si Nicodemo ay kailangan ng kaunting “banal na paghamon” upang makapasok sa kaloob ng pananampalataya. At ganoon nga ang nangyari kay Nicodemo na tuluyang lumalim sa pananampalataya dahil hindi siya tumigil na kilalanin si Hesus.

Pagnilayan, ngayon, sa anumang paraan kung saan kailangan mo rin ng “banal na paghamon” mula sa ating Panginoon. Anong uri ng panggigipit ang nararanasan mo sa buhay? Ang mga kaibigan, kapitbahay, kapamilya o katrabaho ba ay tinutuligsa ka at iginigipit dahil sa iyong pananampalataya? Kung gayon, sundan mo ang katapangan ni Nicodemo. Nawa ang kaniyang patotoo ay magbigay ng inspirasyon sa iyo at hayaan ang ating Panginoon Diyos na hamunin ka kung saan mo ito kailangan nang sa gayon ay matanggap mo rin ang “banal na paghamon” upang maging mas tapat ka na tagasunod ni Hesus.

Panginoon ng lahat ng lakas, hindi ka natitinag sa Iyong determinasyon na hamunin ako sa mga panahon na higit kong kailangan. Tulungan Mo akong tanggapin ang Iyong malumanay na mapagmahal na pagsaway kapag ako ay mahina upang magkaroon ako ng lakas ng loob na kailangan ko upang maging isang tapat na tagasunod Mo. Bigyan mo ako ng kalinawagan at pang-unawa, mahal na Panginoon, at tulungan mo akong madaig ang mga mapanlinlang na panggigipit ng mundo. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: