Miyerkules, Abril 19, 2023

April 19, 2023

Miyerkules sa Ika-2 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

Mga Gawa 5, 17-26
Salmo 33, 2-3. 4-5. 6-7. 8-9

Dukhang sa D’yos tumatawag
ay kanyang inililigtas.

Juan 3, 16-21


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Wednesday of the Second Week of Easter (White)

UNANG PAGBASA
Mga Gawa 5, 17-26

Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol

Noong mga araw na iyon, inggit na inggit ang pinakapunong saserdote at ang mga kasamahan niya na kaanib na sekta ng mga Saduseo, kaya’t kumilos sila. Dinakip nila ang mga apostol at ibinilanggo. Ngunit kinagabiha’y binuksan ng anghel ng Panginoon ang bilangguan at inilabas ang mga apostol. Sinabi nito sa kanila, “Pumaroon kayo sa templo at mangaral tungkol sa bagong pamumuhay na ito.” Sumunod naman ang mga apostol, kaya’t nang magbubukang-liwayway, pumasok sila sa templo at nagturo.

Nang dumating ang pinakapunong saserdote at ang mga kasama niya, tinawag nila ang lahat ng matatanda ng Israel sa pulong ng buong Sanedrin. Ipinakuha nila sa bilangguan ang mga apostol. Ngunit pagdating doon ng mga bantay, wala na ang mga iyon. Kaya’t nagbalik sila sa Sanedrin at ganito ang ulat: “Nakita po namin na nakasusing mabuti ang bilangguan at nakatayo ang mga bantay. Ngunit nang buksan namin, wala kaming nakitang tao sa loob!” Nabahala ang mga punong saserdote at ang kapitan ng mga bantay sa templo nang marinig ito, at di nila maubos-maisip kung ano ang nangyari sa mga apostol. Ngunit may dumating at nagbalita sa kanila, “Ang mga lalaking ikinulong ninyo ay naroon sa templo’t nagtuturo sa mga tao.” Kaya’t ang kapitan ay pumunta sa templo, kasama ang kanyang mga tauhan. Isinama nila ang mga apostol, ngunit hindi gumamit ng dahas dahil sa pangambang sila’y batuhin ng mga tao.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 33, 2-3. 4-5. 6-7. 8-9

Dukhang sa D’yos tumatawag
ay kanyang inililigtas.

o kaya: Aleluya!

Panginoo’y aking laging pupurihin;
sa pasasalamat di ako titigil.
Aking pupurihin kanyang mga gawa,
kayong naaapi, makinig, matuwa!

Dukhang sa D’yos tumatawag
ay kanyang inililigtas.

Ang pagkadakila niya ay ihayag
at ang ngalan niya’y purihin ng lahat!
Ang aking dalangi’y dininig ng Diyos,
nawala sa akin ang lahat kong takot.

Dukhang sa D’yos tumatawag
ay kanyang inililigtas.

Nagalak ang aping umasa sa kanya,
pagkat di nabigo ang pag-asa nila.
Tumatawag sa Diyos ang walang pag-asa,
sila’y iniligtas sa hirap at dusa.

Dukhang sa D’yos tumatawag
ay kanyang inililigtas.

Anghel yaong bantay sa may takot sa Diyos,
sa mga panganib, sila’y kinukupkop.
Ang galing ng Poon hanaping masikap;
yaong nagtiwala sa kanya’t naligtas
ay maituturing na taong mapalad.

Dukhang sa D’yos tumatawag
ay kanyang inililigtas.

ALELUYA
Juan 3, 16

Aleluya! Aleluya!
Kay laki ng pagmamahal
ng Diyos sa sanlibutan
kaya’t Anak n’ya’y binigay.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Juan 3, 16-21

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. Sapagkat sinugo ng Diyos ang kanyang Anak, hindi upang hatulang maparusahan ang sanlibutan, kundi upang iligtas ito sa pamamagitan niya.

Hindi hinahatulang maparusahan ang nananampalataya sa bugtong na Anak ng Diyos; ngunit hinatulan nang parusahan ang hindi nananampalataya sa kanya. Hinatulan sila sapagkat naparito sa sanlibutan ang ilaw, ngunit inibig pa ng mga tao ang dilim kaysa liwanag, sapagkat masama ang kanilang mga gawa. Ang gumagawa ng masama ay ayaw sa ilaw, at hindi lumalapit dito upang hindi mahayag ang kanyang mga gawa. Ngunit ang namumuhay sa katotohanan ay lumalapit sa ilaw; sa gayon, nahahayag na ang kanyang mga ginagawa’y pagsunod sa Diyos.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 2 comments… read them below or add one }

Reynald Perez April 18, 2020 at 8:30 am

Pagninilay: Noong 1995, idinaos sa Maynila ang ikasampung pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng mga Kabataan. Kasabay nito ang ikalawang pagbista ng pinakamamahal na Papa San Juan Pablo II sa ating bansa. Ang tema ng pagdiriwang ng WYD na ito ay “Kung paanong sinugo ako ng Ama, isinusugo ko rin kayo.” At kasabay nito ay ang pag-aawit ng inilikhang kanta ni Trina Belamide na “Tell the World of His Love”. Ang nasabing kanta ay hango sa ating Ebanghelyo ngayon. Ang ating pinapaboritong bersikulo sa Bibliya ay isang magandang pahayag ni San Juan tungkol sa pag-ibig ng Diyos. At alam natin na ang buod ng Banal na Kasulatan ay nakasentro sa ating Panginoong Diyos Ama bilang Diyos ng Pag-ibig. Ang paglikha niya sa atin ay ayon sa pag-ibig dahil ang kanyang ginawa ay puno ng kabutihan. Subalit dahil sa kasamaan ng tao, nawalay ang ating relasyon sa kanya. Ngunit sa kabila ng ating mga kahinaan dulot ng pagkakasala at pagkukulang, isinugo ng Ama sa napakatakdang araw ang kanyang Bugtong na Anak, ang ating Panginoong Hesukristo. Bagamat siya ay Diyos, si Kristo ay nagkatawang-tao upang maranasan niya ang ating katauhan maliban sa gumawa ng kasalanan. Niyakap niya tayo upang tayo ay kanyang iangat patungo sa isang mabuting pakikipag-ugnayan sa Diyos nating Ama. Ginawa niya ang lahat alinsunod sa dakilang kalooban kahit hanggang sa bingit ng kamatayan sa Krus, kaya idinakila nang siya’y nabuhay na mag-uli. At ang tugon natin ay pananampalataya upang makamtan natin ang buhay na walang hanggan. Ito ang kanyang pangako hindi sa mundo ngayon, kundi sa kabilang banda, ang kalangitan. Kaya ito’y paalala sa atin na ang Diyos na mapagmahal ay inaanyayahan tayong yakapin nang buong-buo ang kanyang pagmamahal upang ipadama natin ito sa ibang tao. At ang pag-ibig na iyan ay dapat kaakibat ng pagtutuwid ng mga masasamang bagay at patuloy na paggawa ng kabutihan. Nang sa gayon, tayo nawa ay magdadala ng liwanag ni Kristong Muling Nabuhay at Niluwalhati sa lahat, lalung-lalo na sa mga taong nabubuhay sa mga “kadiliman” ng kanilang mga buhay.

Reply

SAINTSPOT April 19, 2023 at 6:36 am

Please LIKE & SHARE.
“SAINTSPOT” on Youtube & Facebook
https://youtu.be/VBotUP9vPQs

GOSPEL REFLECTION:
Ang talatang ito na binanggit sa itaas ay bunga sa matiyang pagtatanong ni Nicodemo kay Hesus. Ang maikling pagtuturong ito ay maaaring hatiin sa limang mahahalagang katotohanan.

Una, ang pag-ibig ng Ama sa sangkatauhan ay isang pag-ibig na napakalalim na walang paraan upang ito’y lubos na mauunawaan.

Pangalawa, ang pag-ibig na ito ng Ama para sa atin ang nagtulak sa Kanya na ibigay sa atin ang pinakadakilang regalo sa atin: ang Kanyang sariling bugtong na Anak. Dapat nating pag-isipan nang may panalangin para maunawaan ang mas malalim na kahulugan sa walang hanggang pagkabukas-palad ng Ama.

Ikatlo, habang tayo ay nanalangin, ang tanging angkop na tugon natin ay pananampalataya. Dapat tayong “manampalataya sa Kanya.” At dapat lumalim ang ating paniniwala tulad ng paglalim ng ating pang-unawa.

Ikaapat, dapat nating matanto na ang walang hanggang kamatayan ay laging posible. Posible na tayo ay “mapahamak” magpakailanman. Ngunit dito natin malalaman na ang unang tungkulin ng Anak ay iligtas tayo mula sa walang hanggang pagkahiwalay sa Ama.

Panghuli, ang kaloob ng Anak mula sa Ama ay hindi lamang para iligtas tayo kundi para ihatid din tayo sa Langit, sa “buhay na walang hanggan” na puno ng kaluwalhatian at katuparan.

Pagnilayan, ngayon, ang buod na ito ng buong Ebanghelyo. Subukang tingnan ang iyong sarili bilang si Nicodemo, isang mabuting tao na nagsisikap na maunawaan at makilala si Hesus at ang Kanyang mga turo nang mas malinaw. Kung makikinig ka sa mga salitang ito kasama si Nicodemo at matatanggap ang mga ito nang malalim nang may pananampalataya, ikaw rin, ay makakabahagi sa walang hanggang kaluwalhatian na ipinangako ng mga salitang ito.

Aking maluwalhating Panginoon, Ikaw ay dumating sa amin bilang isang pinakadakilang Regalo na kailanma’y hindi namin lubos na maisip. Kayo ang kaloob ng Ama sa Langit. Ipinadala ka dahil sa pag-ibig para sa layuning iligtas kami at dalhin kami sa kaluwalhatian ng kawalang-hanggan. Tulungan akong maunawaan at maniwala sa lahat kung sino ka at tanggapin Ka bilang isang Regalo na tagapagligtas para sa Walang Hanggan. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: