Linggo, Abril 7, 2024

April 7, 2024

Ikalawang Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (B)

Linggo ng Dakilang Awa ng Diyos o Banal na Awa

Mga Gawa 4, 32-35
Salmo 117, 2-4. 16ab-18. 22-24

Butihing Poo’y purihin,
pag-ibig n’ya’y walang maliw.

1 Juan 5, 1-6
Juan 20, 19-31


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Second Sunday of Easter (White)
Divine Mercy Sunday

UNANG PAGBASA
Mga Gawa 4, 32-35

Pagbasa mula sa mga Gawa ng mga Apostol

Nagkaisa ang damdami’t isipan ng lahat ng sumasampalataya at di itinuring ninuman na sarili niya ang kanyang mga ari-arian, kundi para sa lahat. Ang mga apostol ay patuloy na gumagawa ng kababalaghan at nagpapatotoo sa muling pagkabuhay ng Panginoong Hesus. At ibinuhos ng Diyos ang kanyang pagpapala sa kanilang lahat. Walang nagdarahop sa kanila, sapagkat ipinagbibili nila ang kanilang lupa o bahay, at ang pinagbilhan ay ibinibigay sa mga apostol. Ipinamamahagi naman ito ayon sa pangangailangan ng bawat isa.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 117, 2-4. 16ab-18. 22-24

Butihing Poo’y purihin,
pag-ibig n’ya’y walang maliw.

o kaya: Aleluya!

O pasalamatan
ang Diyos na Panginoon, pagkat siya’y mabuti;
ang kanyang pag-ibig
ay napakatatag at mananatili.
Ang taga Israel,
bayaang sabihi’t kanilang ihayag,
“Ang pag-ibig ng Diyos, ay hindi kukupas.”

Butihing Poo’y purihin,
pag-ibig n’ya’y walang maliw.

Ang lakas ng Poon
ang siyang nagdulot ng ating tagumpay,
sa pakikibaka sa ating kaaway.”
Aking sinasabing
di ako papanaw, mabubuhay ako
upang isalaysay
ang gawa ng Diyos na Panginoon ko.
Pinagdusa ako
at pinarusahan nang labis at labis,
ngunit ang buhay ko’y di niya pinatid.

Butihing Poo’y purihin,
pag-ibig n’ya’y walang maliw.

Ang batong natakwil
ng nangagtatayo ng tirahang-bahay,
sa lahat ng bato’y higit na mahusay.
Ang lahat ng ito
ang nagpamalas ay ang Panginoong Diyos,
kung iyong mamasdan ay kalugud-lugod!
O kahanga-hanga
ang araw na itong ang Diyos ang nagbigay,
tayo ay magalak, ating ipagdiwang!

Butihing Poo’y purihin,
pag-ibig n’ya’y walang maliw.

IKALAWANG PAGBASA
1 Juan 5, 1-6

Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Juan

Minamahal kong mga kapatid:

Inaaring mga anak ng Diyos ang sumasampalatayang si Hesus ang Mesiyas; at sinumang umiibig sa ama ay umiibig din sa mga anak. Ito ang palatandaang iniibig natin ang mga anak ng Diyos: kapag iniibig natin ang Diyos at tinutupad ang kanyang mga utos, sapagkat ang tunay na umiibig sa Diyos ay yaong tumutupad ng kanyang mga utos. At hindi naman mahirap sundin ang kanyang mga utos, sapagkat napagtatagumpayan ng bawat anak ng Diyos ang sanlibutan; at nagtatagumpay tayo sa pamamagitan ng pananampalataya. Sino ang makapagtatagumpay laban sa sanlibutan? Ang sumasampalatayang si Hesus ang Anak ng Diyos.

Si Hesukristo ang naparito sa sanlibutan, bininyagan sa tubig, at nagbubo ng kanyang dugo sa kanyang kamatayan – hindi lamang bininyagan sa tubig, kundi nagbubo pa ng kanyang dugo. Ang Espiritu ang nagpapatotoo tungkol dito, sapagkat ang Espiritu ay katotohanan.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Juan 20, 29

Aleluya! Aleluya!
Mapalad at maligaya
ang sumasampalataya
sa di nakita ng mata!
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Juan 20, 19-31

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Kinagabihan ng Linggo ding iyon, ang mga alagad ay nagkakatipon. Nakapinid ang mga pinto ng bahay na kanilang pinagtitipunan dahil sa takot nila sa mga Judio. Dumating si Hesus at tumayo sa gitna nila. “Sumainyo ang kapayapaan!” sabi niya. Pagkasabi nito, ipinakita niya ang kanyang mga kamay at ang kanyang tagiliran. Tuwang-tuwa ang mga alagad nang makita ang Panginoon. Sinabi na naman ni Hesus, “Sumainyo ang kapayapaan! Kung paanong sinugo ako ng Ama, gayon din naman, sinusugo ko kayo.” Pagkatapos, sila’y hiningahan niya at sinabi, “Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo. Ang patawarin ninyo sa kanilang mga kasalanan ay pinatawad na nga; ang hindi ninyo patawarin ay hindi nga pinatawad.”

Ngunit si Tomas na tinaguriang Kambal, isa sa Labindalawa, ay wala roon nang dumating si Hesus. Kaya’t sinabi sa kanya ng ibang alagad, “Nakita namin ang Panginoon!” Sumagot si Tomas, “Hindi ako maniniwala hangga’t di ko nakikita ang butas ng mga pako sa kanyang mga kamay, at naisusuot dito ang aking daliri, at hangga’t hindi ko naipapasok ang aking kamay sa kanyang tagiliran.”

Makalipas ang walong araw, muling nagkatipon sa loob ng bahay ang mga alagad; kasama nila si Tomas. Nakapinid ang mga pinto, ngunit pumasok si Hesus at tumayo sa gitna nila. Sinabi niya, “Sumainyo ang kapayapaan!” Saka sinabi kay Tomas, “Tingnan mo ang aking mga kamay at ilapit dito ang iyong daliri. Ipasok mo ang iyong kamay sa aking tagiliran. Huwag ka nang mag-alinlangan, maniwala ka na.” Sumagot si Tomas, “Panginoon ko at Diyos ko!” Sinabi sa kanya ni Hesus, “Naniniwala ka na ba sapagkat nakita mo ako? Mapapalad ang mga naniniwala kahit hindi nila ako nakita.”

Marami pang kababalaghang ginawa si Hesus na nasaksihan ng mga alagad, ngunit hindi natatala sa aklat na ito. Ang mga natala rito’y sinulat upang sumampalataya kayong si Hesus ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos, at sa gayo’y magkaroon kayo ng buhay sa pamamagitan niya.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 8 comments… read them below or add one }

Reynald Perez April 2, 2021 at 10:44 am

PAGNINILAY: Kadalasang maririnig natin ang salawikaing ito: “Ang pagkikita ay pagsasampalataya!” Ngunit hindi laging ganun ang sitwasyon. Tuwing mga taong A, B at K ng linggong ito, pareho lang ang Salmong Tugunan (Salmo 117) at ang Banal na Ebanghelyo (Juan 20:19-31) dahil ipinapakita ng mga pagbasang ito ang pag-ibig at awa ng Diyos na parang isang karagatan, kaya nga tuwing linggong ito ay ipinagdiriwang ang Linggo ng Banal na Awa ng Diyos.

Pagkatapos ang kamatayan ng ating Panginoong Hesukristo, umalis si Apostol sa Santo Tomas dahil inahahanap niya ang kanyang kapatid na isang tagasunod sa Panginoon. Ang salitang ‘Tomas’ ay galing mula sa salitang Hebro na ‘Didymio,’ na may ibig sabihin “ang Kambal”. Hinahanap-hanap ng mga kawal ang mga alagad na malapit kay Hesus dahil ipinautos nito ng mga pinunong Hudyo kay Gobernador Poncio Pilato. Pero noong gabi ng ika-5 na Abril, 33 A.D., nakapinid ang mga pintuan ng kinaroroonan nila dahil natatakot ang mga sampung alagad, lalo na si San Pedro na nagkaila sa Panginoon ng tatlong beses. At isang saglit, nagpakita ang Panginoong Hesukristo sa kanila na wala diyan si Santo Tomas. Pagkatapos dumating siya at ibinalita sa kanya ng mga minahamal na kapatid na apostol na nabuhay nga ang kanilang Guro, ngunit tinanggi niya ito at maniniwala siya kung makikita niya ang mga sugat ng Panginoon. At nangyari nga nang makalipas ng isang linggo, noong ika-12 na Abril, 33 A.D., nakapinid ang mga pintuan pa rin kung saan natitipon ang mga alagad na kasama na nila si Tomas. At ganun nga, nagpakita si Hesus at tinanggal niya ang pagdududa ni ng Apostol tungkol sa Muling Pagkabuhay sa pananampalataya. Buong pananampalataya sinabi ni Tomas: “Diyos ko at Panginoon ko” (Juan 20:28)! Kaya ipinakita ni Hesus ang bagong salawikain: “Ang pagsasampalataya ay pagkikita!” Pinalad niya ang mga taong hindi nakikita sa kanya pero naniniwala.

Ang ating Ebanghelyo ay nagpapakita sa Mabathalang Awa ng Diyos na parang isang karagatan. Alam natin na ang karagatan ay ang pinakamalaki at pinakamalawak na anyo ng tubig. Ganyan din ang awa ng Diyos dahil tulad ng isang karagatan na hindi natin alam kung saan natatapos, hindi kukupas ang kanyang pag-ibig at awa, kaya tunay nga nakasabi sa tugon ng Salmong Tugunan ngayon: “Butihi’y Poo’y purihin, pag-ibig n’ya’y walang maliw” (Salmo 117:1). At sabi nga ng karamihan: “Kung gaanong kalalim ang naranasang awa ng Diyos, ganoon din kalalim ang pag-ibig ng Diyos na nararanasan. At dahil sa awa at pag-ibig na ito ng Diyos, sumisibol ang pananampalataya na handang magtaya, kahit ng buhay at kamatayan para sa Diyos at kapwa.”

Sa ating paglakbay sa daan ng Pasko ng Muling Pagkabuhay, nawa’y maranasan natin ang awa ng Diyos sa pamamagitan ng Muling Pagkabuhay ni Hesus at ibahagi at iparamdam ang mensahe ng awa sa ating mga kapwa, lalung-lalo na ngayong Hubileyo ng Habag.

Reply

Sherwin D. Yanoria April 11, 2021 at 7:07 am

Ang Diyos ay tunay na mapagmahal. Walang makahihigit sa Pagmamahal ng Diyos sa tao, kahit pa ang pagmamahal ng magulang sa anak, at anak sa kanyang magulang. Bago umalis ang ating Panginoong Hesukristo ay nagbilin na Siya sa mga apostoles. Isa sa mga ito ay ang pagpapatawad. Walang ginusto ang Diyos kundi ang mapabilang tayo sa Kanyang kaharian at matawag tayo na ank ng Diyos. Kaya nga napaka importante ng pagpapatawad. Nawa ay matularan natin si Hesus sa larangan ng pagpapatawad. Hindi Siya nagtatanim ng sama ng loob sa tao, at sa halip ipinanalangin pa Niya ang mga taong nakakagawa ng masama. “Ama patawarin mo po sila, hindi po nila alam ang kanilang ginagawa.”

Reply

Ferdy Baetiong Pariño April 11, 2021 at 10:24 am

Ang lahat ng lumapit kay Hesus na mga may sakit at may kapansanan ay pinagaling Nya dahil sa pananalig sa kanya. Si Tomas ay naniniwala na muli syang nabuhay sapagkat nakita nya, ngunit sinabi ni Hesukristo na mapalad ang naniniwala kahit hindi sya nakita. Pakatandaan na kapag tayo ay nagdasal o humingi ng kahilingan sa Diyos, ibigay natin ang buong pananampalataya na ito ay pakikinggan ng Diyos kahit ano pa ito dahil walang imposible sa Diyos lalo na kung ikaw ay nananalig. Kapag nakapagdasal na ng taimtim, ipalagay mo na ang iyong loob at wag ng mag alinlangan o mag worry. Sapagkat pag ikaw ay nag worry ay hindi buo ang tiwala mo sa Diyos.

Reply

RUEL ROMUALDO April 2, 2024 at 10:16 am

Maaari nating bigyang diin ang kahalagahan ng pananampalataya sa pananatili ng ating relasyon sa Diyos. Tulad ni Tomas, minsan ay kinakailangan nating harapin ang ating mga pagdududa at pag-aalinlangan, ngunit kapag nagtiwala tayo sa mga pangako ng Panginoon, tayo ay pinapalakas at pinapaligaya ng Kanyang presensya. Ang ebanghelyong ito ay nagtuturo rin sa atin na ang pananampalataya ay hindi batay lamang sa mga nakikita natin, kundi sa pagtitiwala sa mga pangako ng Diyos kahit hindi natin ito nakikita.

Reply

Joshua S. Valdoz April 6, 2024 at 7:08 pm

REFLECTION: Kadalasang maririnig natin ang salawikaing ito: “Ang pagkikita ay pagsasampalataya!” Ngunit hindi laging ganun ang sitwasyon. Tuwing mga taong A, B at K ng linggong ito, pareho lang ang Salmong Tugunan (Salmo 117) at ang Banal na Ebanghelyo (Juan 20:19-31) dahil ipinapakita ng mga pagbasang ito ang pag-ibig at awa ng Diyos na parang isang karagatan, kaya nga tuwing linggong ito ay ipinagdiriwang ang Linggo ng Banal na Awa ng Diyos.

Pagkatapos ang kamatayan ng ating Panginoong Hesukristo, umalis si Apostol sa Santo Tomas dahil inahahanap niya ang kanyang kapatid na isang tagasunod sa Panginoon. Ang salitang ‘Tomas’ ay galing mula sa salitang Hebro na ‘Didymio,’ na may ibig sabihin “ang Kambal”. Hinahanap-hanap ng mga kawal ang mga alagad na malapit kay Hesus dahil ipinautos nito ng mga pinunong Hudyo kay Gobernador Poncio Pilato. Pero noong gabi ng ika-5 na Abril, 33 A.D., nakapinid ang mga pintuan ng kinaroroonan nila dahil natatakot ang mga sampung alagad, lalo na si San Pedro na nagkaila sa Panginoon ng tatlong beses. At isang saglit, nagpakita ang Panginoong Hesukristo sa kanila na wala diyan si Santo Tomas. Pagkatapos dumating siya at ibinalita sa kanya ng mga minahamal na kapatid na apostol na nabuhay nga ang kanilang Guro, ngunit tinanggi niya ito at maniniwala siya kung makikita niya ang mga sugat ng Panginoon. At nangyari nga nang makalipas ng isang linggo, noong ika-12 na Abril, 33 A.D., nakapinid ang mga pintuan pa rin kung saan natitipon ang mga alagad na kasama na nila si Tomas. At ganun nga, nagpakita si Hesus at tinanggal niya ang pagdududa ni ng Apostol tungkol sa Muling Pagkabuhay sa pananampalataya. Buong pananampalataya sinabi ni Tomas: “Diyos ko at Panginoon ko” (Juan 20:28)! Kaya ipinakita ni Hesus ang bagong salawikain: “Ang pagsasampalataya ay pagkikita!” Pinalad niya ang mga taong hindi nakikita sa kanya pero naniniwala.

Ang ating Ebanghelyo ay nagpapakita sa Mabathalang Awa ng Diyos na parang isang karagatan. Alam natin na ang karagatan ay ang pinakamalaki at pinakamalawak na anyo ng tubig. Ganyan din ang awa ng Diyos dahil tulad ng isang karagatan na hindi natin alam kung saan natatapos, hindi kukupas ang kanyang pag-ibig at awa, kaya tunay nga nakasabi sa tugon ng Salmong Tugunan ngayon: “Butihi’y Poo’y purihin, pag-ibig n’ya’y walang maliw” (Salmo 117:1). At sabi nga ng karamihan: “Kung gaanong kalalim ang naranasang awa ng Diyos, ganoon din kalalim ang pag-ibig ng Diyos na nararanasan. At dahil sa awa at pag-ibig na ito ng Diyos, sumisibol ang pananampalataya na handang magtaya, kahit ng buhay at kamatayan para sa Diyos at kapwa.”

Sa ating paglakbay sa daan ng Pasko ng Muling Pagkabuhay, nawa’y maranasan natin ang awa ng Diyos sa pamamagitan ng Muling Pagkabuhay ni Hesus at ibahagi at iparamdam ang mensahe ng awa sa ating mga kapwa, lalung-lalo na ngayong Hubileyo ng Habag.

Reply

Malou Castaneda April 6, 2024 at 10:51 pm

PAGNINILAY
Maligayang Linggo ng Dakilang Awa ng Diyos! Sa isa sa mga pangitain ni Saint Faustina Kowalska, sinabi ni Hesus sa kanya, “Ang sangkatauhan ay hindi makakatagpo ng kapayapaan hangga’t hindi ito bumabaling ng may pagtitiwala sa Dakilang Awa ng Diyos. Nakikita natin ang mga bakas ng Dakilang Awa na ito sa Ebanghelyo ngayon. Nagpakita si Hesus sa mga disipulo at hinirang sila upang maging mga kinatawan ng Kanyang awa. Ang una Niyang sinabi sa kanila ay Kapayapaan – isang salita ng pagkakasundo at pagpapatawad, isang salita ng Dakilang Awa. Hindi Niya sinisi sila. Ang pinakapraktikal na paraan ng pagpapakita ng awa na ito ay sa kapatawaran ng mga kasalanan. Ito ang puso ng mensahe ng Pasko ng Pagkabuhay. Si Hesus ay namatay at muling nabuhay upang maalis Niya ang ating mga kasalanan. Ang dakilang awa ay nagiging regalo ng Pasko ng Pagkabuhay na natatanggap natin mula sa muling nabuhay na Kristo. Pinapatawad ni Hesus ang ating mga kasalanan, ngunit binibigyan din tayo ng kapangyarihan na magpatawad sa iba. Ibinigay sa atin ni Hesus ang pinakamahalagang regalo sa lupa: ang Kapayapaan ng pagkakasundo. Ang kapayapaang ijbinati Niya sa Kanyang mga alagad ay maghahari sa ating buhay at sa buong mundo kung lahat tayo ay may ganitong pag-iisip ni Hesus sa pagpapatawad sa isa’t isa.

Panginoon at aming Diyos, tulungan Mo kaming maniwala kapag ang aming pananampalataya ay nag-aalinlangan. Amen.
***

Reply

Guilbert Poblite April 7, 2024 at 6:52 am

MAGNILAY: Hindi minsan maiiwasan ang mag-alinlangan. Hindi laging halata ang awa’t pagmamahal ng Diyos. May oras na hindi ito masyadong nakikita at nadarama. Sa ganung pagkakataong nababawasan ang ating tiwala at paniniwala lalo’t may pinagdadaanan tayong kabiguan at sakit ng kalooban. Tulad ni Tomas sinasabi nating hangga’t wala tayong nakikita at nahahawakan hindi tayo maniniwala. Sa mga sandali ng pag-aalinlangan mahalaga ang suporta ng komunidad. Ang mga alagad ay nagtulungan upang alalayan si Tomas sa kanyang pag-aalinlangan. May nakikita minsan ang iba na hindi natin nakikita. Kapag nagdududa tayo kailangan natin ang pagsiguro na galing sa mga kasamahan nating mas malakas ang pananampalataya. Gayunpaman, paniniguro ni Hesus na mapalad tayo kung maniniwala tayo kahit hindi natin masyadong nakikita ang kanyang pagmamahal. Kailanman hindi niya tayo iniwan.

MANALANGIN: Panginoong muling nabuhay, patatagin mo ang aming pananalig sa panahon ng aming pag-aalinlangan.

GAWIN: Humingi ng suporta sa iba kapag ikaw ay nagdududa. Sumuporta ka rin sa kapatid mong may alinlangan.

Reply

Rex Barbosa April 7, 2024 at 4:19 pm

ANG MABUTING BALITA NG PANGINOON
ayon kay San Juan 20, 19-31

PAGNINILAY / ARAL ng Ebanghelyo

“MAPAPALAD ANG MGA NANINIWALA KAHIT HINDI NILA AKO NAKITA.”

Sa tinuran ng Panginoong Hesus, tunay ngang mapalad
tayong mga Kristiayanong sumasampalataya
sapagkat kahit hindi natin nasaksihan “in the flesh”
ang Panginuon ngunit tayo’y naniniwala.
Dahil dito’y “nagkaroon kayo ng buhay sa pamamagitan Niya”.

Ikaw ba’y sumasampalataya?

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: