Podcast: Download (Duration: 4:14 — 3.1MB)
PANALANGIN NG BAYAN
Ikalawang Linggo ng Adbiyento
Miyerkules
Sinabi ni Jesus, “Lumapit sa akin, lahat kayong nahihirapan at may pinapasan, at pagiginhawahin ko kayo.” Buo ang tiwala sa pangakong ito, idulog natin sa kanya ang ating mga pangangailangan.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Jesus, maawa ka sa amin.
Ang Santo Papa at mga obispo ng Simbahan nawa’y gabayan tayo sa daan ng kapayapaan at pagkakasundo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga pinanghihinaan ng loob dahil sa mabibigat na pasanin sa buhay nawa’y makahanap ng kanlungan sa Panginoon, manalangin tayo sa Panginoon.
Amg mga naliligalig o nagdaranas ng kaguluhan ng isip nawa’y makatagpo ng kapanatagan kay Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga pinahihirapan ng karamdaman at pananakit ng katawan nawa’y makatagpo ng ginhawa at paggaling sa pangangalaga at malasakit ng mga taong kumakalinga sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga namayapa na ay makatagpo nawa ng walang hanggang kapahingahan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming nasa Langit, ipinanganagko sa main ng iyong Anak na kami ay kanyang pagiginhawahin kapag kami ay nahihirapan. Loobin mo na sa tuwina’y makasunod kami sa kanyang paggabay at palakasin kami upang maging mga kasangkapan ng kanyang kapayapaan. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.
Pages: 1 2
« Martes, Disyembre 12, 2023
Huwebes, Disyembre 14, 2023 »
{ 3 comments… read them below or add one }
Pagninilay: Ang Adbiyento ay panahon ng pag-asa dahil sa Diyos na nagdadala sa atin ng pag-asa sa pamamagitan ng kanyang Bugtong na Anak na si Hesus.
Ang Unang Pagbasa ay isang propesiya ni Isaias tungkol sa pag-asa. Sinasabi ng propeta na ang mga taong umaasa sa Panginoon ay magpapanibago ng lakas mula sa kanya, at ang lakas ng mga taong ito ay katulad ng walang hinto na paglipad ng agila. Kaya ang maihahambing ni Isaias sa Diyos ay bilang tagapaglikha ng lahat ng nilalang sa buong sangkatauhan. Hindi pa rin magbabago ang Panginoon kahit marami na tayong dumadanas na paghihirap, upang sa kanya tayo magkaroon ng pag-asa.
Ang Ebanghelyo ngayon ay isa sa mga nakakaaliw na pahayag ng ating Panginoong Hesukristo. Matapos magpasalamat siya sa Ama sa pagpapahayag ng mga misteryo ng Paghahari ng Diyos sa mga mapagkumbaba, siya ngayon ay nagsasalita sa kanyang alagad na halina at lumapit sa kanya ang lahat na napapagal at nahihirapan. Binibigay ni Hesus ang kanyang pamatok upang pasanin, at matuto sa kanya na maamo ang kalooban. Sa Lumang Tipan, ang pamatok ay sumasagisag sa pagsunod sa kalooban ng Diyos. Kaya ang binibigay sa atin ni Hesus ay hindi paraan ng pagtakas mula sa mga pasan ng buhay, kundi isang gabay sa atin na sa kabila ng ating pinagdaraanan, siya ang magsisilbing tanda na kasama niya tayo. Sapagkat ang kanyang pamatok ay maginhawa at magaan.
Ang Adbiyento ay isang panahon upang ihanda natin ang ating sarili para sa pagdating ni Kristo hindi lang sa pagdiriwang ng Kapaskuhan at sa pag-aasam sa kanyang muling pagpaparito, kundi ang araw-araw na pananabik sa kanyang pamalaging presensiya sa ating buhay. Kahit tayo ngayon ay dumadanas ng mga kapighatian, kalungkutan, at kabigatan, ang Diyos ay ang ating pag-asa sa pamamagitan ni Hesus, ang pamatok ng buhay. Si Kristo ang magsisilbing daan upang tumalima tayo sa kalooban ng Ama.
Pagninilay ni Jess C. Gregorio:
Napapagod tayo. Nanghihina. Maraming sumasagi at naglalaro sa mga isipan natin. Mga pananalita at kaisipang walang kasiguraduhan. Dagdagan pa ng takot, inggit, at pangamba ng mga bagay na di natin alam. Mga kaisipang gaya ng mga ito: Paano na kaya… Baka naman… Siguro… Sana naman…Naway… Di ko na kaya… Buti pa sila… at marami pa na kung ating pagmumuni munian ay pawang mga karanasang puwede naman mapagtagumpayan. Kaya paulit ulit tayong sinasabihan ni Hesus na umasa sa Kanya. Na sa ating dasal ay hilingin lang natin ang grasyang sapat na sa araw na ito. Hindi para bukas, sa makalawa, susunod ng linggo, buwan o mga taon ng ating buhay. Magaan Siya kasi alam niya na sapat lang ang grasya sa pang araw-araw, makulit lang tayo dahil sa ating takot, gusto natin mag hoard ng biyaya. Eh napapanis mga iyun at hindi angkop para sa bukas kaya hindi rin natin nagagamit. Nagbibigay bigat lang sa ating paglalakbay. Kaya kung tayo ay na kay Hesus, matutunan natin mag travel light. Wala rin tayong pagmamataas kasi malalaman natin na ang lahat ng kakayahan at galing ay di naman talaga sa atin. Anong maipagmamalaki natin? Lahat ng iuutos niya gawin ay pupunuan niya ng kapangyarihan ng Kanyang Banal na Espiritu, hindi na natin kailangan mag hirap pa at magkanda ugaga sa kakaisip ng paliwanag paano mangyayari ang imposible. At kung may mirakulo, hindi na tayo mamamangha, natunganga, at nakanganga na tila hindi makapaniwala. Magiging natural lahat mga bagay na ginagawa ng Diyos sa ating buhay. Hindi na tayo mabibigla parati na nakakapagsabi ng OMG! Grabe! Eh di Wow! Sana All!, Ganern! Wish ko lang! Ang resulta Peace of Mind. Panatag ang ating kaluluwa sa kanyang nakagisnang uri sa langit. Ang ating katawang mundo at isipan lang naman ang nakaka stress eh. At dahil sumasablay tayo sa sariling bigat at sari-saring takot natin, patuloy tayong nagkakasala. Balisa. Tuliro. Tingnan mo si Hesus, kahit nakabitin sa krus, cool lang siya. Kahit ano pa ang pinagdadaanan nating hirap sa mundo, kung nasa atin siya, masusumpungan nating magpahinga at maging maligaya. Kaya nating maging cool. Ayaw lang natin. Madali lang naman. Lumapit lang tayo kay Hesus.
PAGNINILAY
Minsan ang Diyos ay gumagamit ng mga pagsubok upang hilahin tayo pabalik sa kung saan kailangan natin sa ating Kristiyanong paglakad kasama Niya. Ang napakalakas na kapangyarihan ng Diyos ay magagamit natin, kung ilalagay lamang natin ang ating pag-asa sa Kanya. Hinihiling sa atin ni Hesus na pasanin ang Kanyang pamatok sa ating mga balikat, isang tanda ng pagsuko at isang kahandaang mapabilang sa Kanya, upang matuto ng may pagpapakumbaba sa mga daan ng Diyos at umasa sa Kanya para sa lahat ng ating mga pangangailangan. Sa kabila ng mga pagsubok at mahirap na panahon, magtiwala tayo sa Diyos. Alam Niya kung ano ang pinakamabuti at gagawin niya ang pinakamabuti – kahit na hindi ang Kanyang pinakamabuti ang pipiliin natin. Ang pamatok na dinadala natin ay maaaring mabigat kung minsan, ngunit ang ating kalooban na pasanin ito ay lumalakas habang tayo ay nagtitiwala sa Kanya.
Panginoong Hesus, tulungan Mo kaming makahanap ng kapahingahan sa Iyo kapag naging kumplikado ang buhay. Amen.
***