Martes, Disyembre 5, 2023

December 5, 2023

PANALANGIN NG BAYAN
Unang Linggo ng Adbiyento
Martes

Inihahayag ng Ama ang mga hiwaga ng Kaharian sa mga maliliit. Manalangin tayo sa ating Diyos na nagpapahayag ng pag-ibig sa mga maliliit at mahihina. Ilapit natin nang may pagtitiwala sa mapagmahal na pagkalinga ng ating Ama sa Langit ang lahat ng ating mga pangangailangan.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama ng mga dukha, dinggin mo kami.

Ang mga naglilingkod sa Simbahan bilang mga obispo, pari, at laykong tagapaglingkod nawa’y magpahayag ng kagandahang-loob at pag-ibig ng Diyos lalo na sa mga dukha, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga pinuno ng pamahalaan nawa’y higit na pagtuuan ng pansin ang mga pangangailangan ng mga pinakaabang mamamayan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga bata nawa’y makilala ang Diyos sa pamamagitan ng ating mga pagtuturo at halimbawa, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang may maysakit nawa’y makatagpo ng ginhawa at kagalingan sa pag-aaruga at pag-aalala ng mga nangangalaga sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga namayapa na ay makaranas nawa ng walang katapusang kaligayahan sa Kaharian ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama naming nasa Langit, ipinangako ng iyong Anak na pagiginhawahin kami kapag nahihirapan kami sa aming pasanin. Loobin mong lagi kaming makasunod sa kanyang pag-akbay at palakasin kami upang maging mga kasangkapan ng kanyang kapayapaan. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 5 comments… read them below or add one }

Reynald Perez December 3, 2018 at 4:35 pm

Pagninilay: Ang Adbiyento ay paghahanda sa pagdating ni Hesus upang bigyan ang katarungan at kapayapaan sa mundo. Kaya ang Unang Pagbasa ay isang propesiya ni Isaias tungkol sa isang sangang magmumula sa puno ni Jesse, at ito’y mapupuspos ng Espiritu Santo. Ang kanyang katarungan ay ikalulugod ng mga mahihirap at matapat. At inilalarawan din ni Isaias ang pakikipagkasundo ng mga hayop na sa kalagitnaan nila ay ang Sanggol, kaya ito ay pinintura ni Edward Hicks sa kanyang tanyag na sining na pinamagatang “Peaceful Valley”. Kaya inaawit sa Salmo ngayon na ang mga mangagaral ay mamumuhay nang masagana at mapayapa. Si Hesus ay ang sangang itinutukoy na magmumula sa puno ni Jesse, kaya siya rin ay nagmula sa angkan ni Haring David na anak ni Jesse. At ang Ebanghelyo ay ang kanyang panalangin ng pasasalamat sa Ama. Ito ang kanyang gawain na siyang nagpapalakas sa kanyang pangangaral at kababalaghan upang gawin ang kalooban ng Diyos. Nagpasalamat siya dahil ang mga misteryo ng Paghahari ng Diyos ay ibinunyag sa mga mababang-loob na katulad ng mga bata, at inililihim sa mga marurunong. Hindi naman isinasaad ni Hesus na ang mga dalubhasa ay walang kwenta o kaya palaging mayayabang, kundi sinasabi lang niya dito na matataas man o mababa ang antas, kung kinikilala ng tao ang Panginoon sa kanilang buhay, maipapahayag sa kanya ang mga bagay na kailangan niyang unawain tungkol sa buhay. Kaya pinuri ni Hesus ang kanyang alagad sapagkat sila’y mapalad dahil sa mga matang nakikita at tengang naririnig. Ito ang pinakabatayan sa pagiging mapalad: ang pagmamasid sa realidad ng buhay at pakikinig sa mensahe ng Panginoon nang may masunuring hakbang. Kaya hilingin natin ngayong Adbiyento na ipaghanda natin ang pagdating ng Panginoon sa pamamagitan ng pagiging matuwid, mapagkumbaba, at masunurin sa kanyang dakilang kalooban.

Reply

Ben J. Balugo Jr. December 4, 2018 at 10:20 am

Pasasalamat at papuri kay Panginoong Diyos Ama s ngalan ng Kanyang bugtong at pinakamamahal na Anak na si Hesus kaisa ng mahal na Diyos Espiritu Santo. Amen.

Reply

Melba G. De Asis December 6, 2018 at 8:55 am

Panginoon patawad sa mga pagkakataong hindi ko iminumulat ang aking mga mata at hindi ko dinidinig ang hinaing ng aking kapwang nangangailangan. Nawa’y higit kong hangarin ang gumawa ng mabuti na ikalulugod mo, ang lahat ng ito ay hinihiling sa ngalan ng Panginoong Hesukristo. Salamat Panginoon sa mga biyayang patuloy mong ipinagkakaloob sa amin sa araw araw sa kabila ng aming pagkukulang at mga kahinaan ay hindi Mo kami pinababayaan. For all of these Lord I praise you and I thank you, Amen!

Reply

Jess C. Gregorio December 3, 2023 at 8:09 pm

Pagninilay ni Jess C. Gregorio:

Karaniwang lumalaki ang tiwala natin sa ating mga munting nalalaman at nagagawa sabay naman sa pagliit ng ating pananalig sa Maykapal. Ganuon ang pagkatao natin. Uhaw tayo sa pansin at pagkilala at naiisip natin na kaya na natin ang mundo. Idagdag pa ang papuri at pagdakila ng mga tao sa atin. Feeling natin invincible na tayo. Tapos uutuin pa tayo ng demonyo na okay na di mo na kailangan ang Diyos. Hayun, sumobra yabang natin. Naging palalo tayo. Hindi natin alam na may kakayahan lang tayo kung gagalawan tayo ng Banal na Espiritu upang gawin ang mga bagay na may silbi, pang matagalan, tama, at kaaya-aya. Ang masakit sa lahat, kilala na natin si Hesus pero hindi pa rin natin makita ang Ama sa kanya, hindi natin maramdaman ang Espiritu niya gayung Templo na tayo. Bakit? Kasi naniwala tayo sa ating sariling galing at kakayahan. Nawala ang katangian ng isang bata sa atin na umaasa lang sa mga nakatatanda para sa kanilang pagkain, proteksiyon, pagmamahal, kaalaman, at pag uutos. Mapapalad ang patuloy na nagpapakumbaba at umaasa lamang sa Diyos sa kanilang pangangailangan, bibiyayaan sila ng grasya siksik, liglig, at umaapaw pa. Ang sikreto? Paniwalaan natin ng harapan ang mga sinasabi ni Hesus at huwag na natin paikot-ikutin at gawaan ng maraming simbolismo at imaging ang mga kahulugan nito. Pinasimple na nga ni Hesus, pinahihirapan pa natin ipresent. Ipagdasal na lang natin na bigyan tayo ng Wisdom at Knowledge ng Holy Spirit para maintindihan lahat.

Reply

Malou Castaneda December 5, 2023 at 8:56 pm

PAGNINILAY:
Marami sa atin ang hindi pinapansin ang mga palatandaan ng pagdating ng pinakamalaking ‘bagyo’ na yayanig at magdudulot ng pagkawasak sa buong mundo, ang ikalawang pagdating ng Panginoon. Para bang walang katapusan ang mundo, marami ang nagpapatuloy sa kanilang masasamang gawi. Ang mensahe ni Hesus ay upang tayo ay magsisi at magbago ng ating buhay habang may panahon pa. Magpatawad, humingi ng tawad at makipagkasundo sa lahat. Mayron ba tayong kaaway, asawa, kapatid, magulang, kamag anak, katrabaho? Ayusin natin ang ating relasyon at huwag magtanim ng sama ng loob. Kailangan natin ang biyaya mula sa Diyos upang magkaroon ng kababaang -loob. Lagi tayong gagantimpalaan ng kapayapaan ng isip kapag marunong tayong humihingi ng tawad. May isang magandang kawikaan, ‘Ang unang humingi ng tawad ay ang pinakamatapang. Ang unang magpatawad ay ang pinakamalakas. Ang unang makalimot ay ang pinakamasaya’. Sa panahong hindi natin inaasahan ay ang panghuling paghatol. Kaawaan tayo kung hindi tayo handa.

Panginoong Hesus, tulungan Mo kaming makinig sa Iyong mga salita habang may panahon pa para kumilos ayon sa mga ito. Amen.
***

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: