Miyerkules, Disyembre 6, 2023

December 6, 2023

Miyerkules ng Unang Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon

o kaya Paggunita kay San Nicolas, obispo

Isaias 25, 6-10a
Salmo 22, 1-3a. 3b-4. 5. 6

Lagi akong mananahan
sa bahay ng Poong mahal.

Mateo 15, 29-37


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Wednesday of the First Week of Advent (Violet)

or Optional Memorial of St. Nicholas, Bishop (White)

UNANG PAGBASA
Isaias 25, 6-10a

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Sa araw na iyon:
sa Bundok ng Sion,
aanyayahan ng Panginoon ang lahat ng bansa,
gagawa siya ng isang piging para sa lahat
na ang handa’y masasarap na pagkain at inumin.
Sa bundok ding ito’y papawiin niya ang kalungkutang
naghahari sa lahat ng bansa.
Lubusan na niyang papawiin ang kamatayan,
papahirin ng Panginoon ang luha ng lahat;
aalisin niya sa kahihiyan ang kanyang bayan.
Kung magkagayon, sasabihin ng lahat:
“Siya ang ating Diyos na ating pinagtitiwalaan,
ang inaasahan nating magliligtas sa atin;
magalak tayo at ipagdiwang ang kanyang pagliligtas.”
Iingatan ng Diyos ang bundok na ito.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 22, 1-3a. 3b-4. 5. 6

Lagi akong mananahan
sa bahay ng Poong mahal.

Panginoo’y aking Pastol, hindi ako magkukulang.
Ako’y pinahihimlay sa mainam na pastulan,
at inaakay niya ako sa tahimik na batisan,
binibigyan niya ako niyong bagong kalakasan.

Lagi akong mananahan
sa bahay ng Poong mahal.

At sang-ayon sa pangako na kaniyang binitiwan
sa matuwid na landisa’y doon ako inaakay.
Kahit na ang daang iyo’y tumatahak sa karimlan,
hindi ako matatakot pagkat ika’y kaagapay;
ang tungkod mo at pamalo ang gabay ko at sanggalang.

Lagi akong mananahan
sa bahay ng Poong mahal.

Sa harapan ng lingkod mo, ikaw ay may handang dulang,
ito’y iyong ginagawang nakikita ng kaaway;
Nalulugod ka sa akin na ulo ko ay langisan
at pati na ang kalis ko ay iyong pinaaapaw.

Lagi akong mananahan
sa bahay ng Poong mahal.

Tunay na ang pag-ibig mo at ang iyong kabutihan,
sasaaki’t tataglayin habang ako’y nabubuhay;
doon ako sa templo mo lalagi at mananahan.

Lagi akong mananahan
sa bahay ng Poong mahal.

ALELUYA

Aleluya! Aleluya!
Panginoong nagliligtas
sa ati’y darating tiyak
mapalad syang makaharap.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 15, 29-37

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, nagbalik si Hesus sa tabi ng Lawa ng Galilea. At siya’y umahon sa burol at naupo. Nagdatingan ang napakaraming tao na may dalang mga pilay, bulag, pingkaw, pipi, at marami pang iba. Inilagay nila ang mga maysakit sa harapan ni Hesus at kanyang pinagaling sila. Namangha ang mga tao nang makita nilang nagsasalita na ang mga pipi, gumaling na ang mga pingkaw, nakalalakad na ang mga pilay, at nakakikita na ang mga bulag. At nagpuri sila sa Diyos ng Israel.

Tinawag ni Hesus ang kanyang mga alagad at sinabi, “Nahahabag ako sa mga taong ito, sapagkat tatlong araw na ngayong kasama ko sila at wala na silang makain. Hindi ko ibig na sila’y paalising gutom; baka sila mahilo sa daan.” At sinabi ng mga alagad, “Saan po tayo kukuha rito ng tinapay na makasasapat sa gayong karaming tao?” “Ilan ang tinapay ninyo riyan?” tanong ni Hesus sa kanila. “Pito po,” sagot nila, “at ilang maliliit na isda.” Ang mga tao’y pinaupo ni Hesus sa lupa. Kinuha niya ang pitong tinapay at ang mga isda at nagpapasalamat sa Diyos. Pagkatapos, pinagpira-piraso niya ang mga iyon at ibinigay sa mga alagad para ipamahagi sa mga tao. Kumain ang lahat at nabusog; at nang tipunin nila ang mga tinapay na lumabis, nakapuno sila ng pitong bakol na malalaki.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 5 comments… read them below or add one }

Reynald Perez November 28, 2021 at 3:12 pm

PAGNINILAY: Ang Unang Pagbasa ay isang propesiya ni Isaias tungkol sa isang malalaking piging na inihanda ng Diyos sa langit upang maanyaya ang mga tao na makidalo. Sinasabi dito na ang mga inihanda sa mahabang lamesa ay puno ng kasaganaan mula sa mga prutas at iba pang mga ani. Sinisimbolo ng propesiya ni Isaias ang kagandahang-loob dulot ng Kaharian ng Diyos. Ito yung makakamtan natin na buhay na walang hanggan balang araw sa kahuli-hulian ng ating buhay sa daigdig.

Ang Ebanghelyo ay isang kababalaghan ni Hesus na may kaugnayan sa isa pang pangyayari. Kung alam po natin ang Pagpaparami sa 5 Tinapay at 2 Isda na nagpakain sa 5,000 katao (hindi kasama sa bilang ang mga kababaihan at kabataan), ang sipi ng Ebanghelyo ngayon ay tungkol sa pagpaparami naman ng 7 tinapay upang mapakain ang 4,000 katao (hindi binibilang ang mga kababaihan at kabataan noong panahong iyon). Makikita dito ang mahabaging puso ng Panginoon na tugunin ang pangangailangan ng tao na sila’y makakain at mabusog. Kaya nang may umalok sa kanya ng 7 tinapay, ito’y kanyang pinasalamatan sa Ama at biglang dumami ang mga tinapay. At sa napakaraming tinapay na ibinahagi at ipinarami ay 7 kabol ang pinagsamahan ng mga Apostol.

Ito’y nagpapatunay na ang Diyos ay nagbibigay higit pa sa kaya-kayang hihilingin ng tao. Sa katunayan, ibinigay niya sa atin si Hesus upang matunghayan natin sa ating mga buhay ang palaging pagtalima sa dakilang kalooban ng Ama mismo. At bago pa man lumisan si Hesus at dumanas ng kanyang Pagpapakasakit at Pagkamatay sa Krus, itinatag niya ang isang tipan na kung saan maalala natin ang kanyang naging sakripisyo para sa ating kaligtasan. Kaya tuwing tayo’y nagdiriwang ng Sakramento ng Eukaristiya, tayo ay patuloy na ipinagdiriwang ang gunita ng Misteryong Paskwal. Hindi naman natin literal na iaalay muli ang katawan ni Hesus, kundi naniniwala tayo na nariyan ang kanyang “Sakramental presence” sa bawat Misang ating dinadalo. At tuwing tinatanggap natin siya sa Banal na Pakikinabang, ang ating mga kaluluwa ay kanyang pinapalusog upang makinabang tayo balang araw ang kaluwalhatian ng buhay na walang hanggan.

Kaya ang Adbiyento ay dapat maging basehan natin tungo sa makabuluhang paghahanda sa pagdating ng Panginoon. Mahalaga kung tayo ay dumadalo sa Banal na Eukaristiya at isa pang magandang gawain ay ang pagiging “Eucharistic Christians” para sa ibang tao. Nawa’y patuloy natin isabuhay ang mga mensahe ng Diyos upang tayo ay maiakay niya patungo sa langit.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño December 1, 2021 at 9:38 am

Ang unang pagbasa ay nagbibigay sa ating pag-asa na ang lahat ng hirap at kalungkutan ay papawiin ni Hesus kung tayo ay susunod sa kalooban nya.

Ang ebanghelyo natin ngayon ay pagapatunay na walang imposible sa Diyos. Pagpapagaling ng bulag, pipi, pingkaw at pilay, pagpapakain ng napakaraming tao gamit ang putong tinapay at ilang maliliit na isda.

Ngayong panahon ng Adviento habang hinihintay natin ang muling pagdating at pagsilang ni Hesus at magnilay tayo. Suriin natin ang ating mga sarili, tayo ay ba karapt dapat sa mga himalang ito ni Kristo?
Makaksama kaya tayo sa piging na ihahanda nya? Patapos na naman ang taon, ano ang mga pinag gagawa natin? Kalugod lugod sa Panginoon ang ating mga inisip, sinabi at ginawa? Natuoqd ba natin ang ating mga pangako sa Diyos? O puro kabalastugan lamang ang ating mga inatupag.

Mga kapatid, ang Diyos ay mahabagin, mapagbigay, nagpapagaling ng mga sakit na imposible na sa doktor, nagbibigay ng biyaya na hindi ko inaasahan. Lahat, as in lahat ay kaya nyang inigay at lahat ay kaya nyang gawin, Huwag mong sabihin na ikaw ay wala ng pangangailangan ng dahil ikaw ay mayroon ng lahat at nakaluluwag sa buhay. Pakatandaan mo na kung kaya nyang magbigay ay kaya nyang ding bawiin lahat sa isang iglap kung ano ang meron tayo maging ang iyong buhay at mahal mo sa buhay.

Kaya’t manatiling magpakababa at wag makakalimot sa Diyos, magpuri at magpasalamat at suklian sya sa pamamagitan ng pagmamahal at pagiging mapagbigay sa ating kapwa. Amen

Reply

Jess C.Gregorio December 5, 2023 at 11:25 am

Pagninilay ni Jess C. Gregorio:

Ang pagkain ang siyang nagbibigay buhay sa ating katawang tao. Ang di natin pagkain ng hindi tama ay magbibigay sa atin ng mga karamdaman. Ang walang makain at ang sobrang pagkain ay nakamamatay. Ang una ay sa gutom. Ang pangalawa ay sa sobrang katabaan na magpapahirap sa ating kasu-kasuan. Anupa’t ang lahat ng bagay na kulang o sobra sa buhay ay hindi maganda. Nahahabag si Hesus sa mga may sakit na dulot ng kanilang kapabayaan. Kaya lahat ay pinagagaling niya. Alam niya ang kahinaan ng tao sa lahat ng bisyong masasarap sa mundo na bagama’t masama ay pilit pa ring ginagawa. Iyan ang nagpapatunay na lahat ng ating ipinapasok sa ating bibig, puso, at isipan na makamundo ay magdadala sa atin ng masakit at masaklap na kahihinatnan. Pero iba ang uhaw at gutom sa Salita ng Diyos. Bagama’t wala ng ibang makain maliban sa kaunting tinapay at ilang isda na hango sa mundo, gumawa ang langit ng paraan upang ang “natural” ay maging “supernatural!” Ang gutom ay napawi, ang pangangailan ay naibsan, ang pag-aalala ay napakitan ng pagkamangha, at ang Salita ng Buhay na si Hesus ay natanggap ng may kaligayahan. Walang nagkulang. Bagama’t sobra pa at siksik, liglig, umaapaw pa ang mga natirang pagkain, walang ininda at bagkus gumaling pa ang mga kumain. Malinaw na pagkakaiba ng mga pagkaing makamundo at pagkaing galing sa langit. Sa aming community para sa mag asawahan, ang Couples for Christ, sa aming pagtitipon sa piling ng Presensiya ng Panginoon, pilit ipinababatid sa amin ang mga bagay na ito, na sapat na ang “One Solid at One Liquid” na pagsasaluhan. Iwas bisyo sa sobrang kain. Iwas sa mga sakit at karamdaman. Iwas sa katawakan at kalasingan. Matuon ang aming gutom at uhaw para lamang sa pagkaing hatid ng langit sa aming katauhan. Hayaan nating si Hesus ang magpakain sa atin. Tiyak na tayo ay gagaling at makikinabang. Ang ating pagkain ay ang Salita ng Buhay. Mahirap maipaliwanag. Magtiwala lang tayo katulad ng napakaraming pinakain niya sa kaunting tinapay at ilang isda.

Reply

Malou Castaneda December 6, 2023 at 7:08 am

PAGNINILAY
Kung saan may pagmamahal, hindi mahalaga ang dami. Pinagaling ni Hesus ang marami at pinakain ang mga tao ng pitong tinapay at ilang isda. Ang himala ng pag-ibig ay tulad na gaano man kaliit ang iniisip natin na dapat nating ibigay, sa sandaling malaya nating inilagay ang ating mga biyaya sa paglilingkod kay Hesus, sila ay nagiging walang hangganan, maaaring dumami at masisiyahan ang lahat. Ngunit kung saan may paninibugho at kasakiman kahit na ang kasaganaan ay hindi makakapawi. Ang pagkain sa bawat bansa ay maaaring pakainin ang mga tao kung mayroong pag-ibig dahil kung saan may pag-ibig ay mayroong pagbabahaginan. Nawa’y buuin natin ang ating relasyong pantao sa pag-ibig, kapayapaan, pagkakapantay-pantay, kaunlaran at katarungan.

Panginoong Hesus, nawa’y matuto kaming magkaroon ng hindi matitinag na pagtitiwala sa Iyong habag at pag-ibig. Amen.
***

Reply

Mel Mendoza December 6, 2023 at 10:43 am

Ang tagpo sa Ebanghelyo ay pagpapatotoo na may napaka-dakila napaka-mahabagin at napaka-mawain tayong Panginoong Hesus. Ang pagpapagaling Niya ng samu’t saring karamdaman at pagpapakain ng mga pagod na apat na libong (mahigit pa) katao sa pamamagitan lamang ng pitong tinapay at maliliit na isda ay pagpapakita na wala Siyang pinipiling tao basta ninanais lamang Niya na makinig, sumunod at sumampalataya at isabuhay ang mga ipingangaral Niya. Ang lahat ng mga ginawa ni Hesus ay pagpapakita ng mga himala, na Siya ay Diyos na nakapangyayari sa lahat.

Pwedeng sabihin na ang tinapay ay sumisimbolo ng pagkaing makalangit o ang pagkain ng buhay na si Hesukristo mismo. Walang pinagkaiba sa tuwing ipinagdiriwang natin ang Banal na Misa ang lahat ay nakikiisa at ang lahat ay sama-samang nakikinig at pinagninilayan ang Salita at pinagsasaluhan naman ang Katawan at Dugo ni Kristo sa Eukaristiya. Masasabi na tuwing may malaking piging na kung saan tayong lahat ay masayang inaanyayahan kasama nito ang pagpapasalamat sa pagkain ating pagsasalu-salohan. Kaya nga bago pa man ang kainan huwag kakalimutan ang pagpapasalamat sa biyayang matatanggap. Ang larawan sa Mabuting Balita ay tagpo ng isang masayang pagsasama-sama ng lahat ng tao na buong puso nakikinig, sumusunod at sumasampalataya kay Hesus. Sa madaling salita, masayang kasama si Hesus kasi lahat ng mga suliranin, sakit, gutom, uhaw, at karamdaman ay Kanyang pinapawi’t pinagagaling at lalo higit binubusog ang ating katawa’t kaluluwa.

Sa unang Linggo ng Pagdating ng ating Panginoong Hesus na may temang “Paghihintay” ay isa nanamang pagkakataon ng masayang paghahanda upang salubungin natin Siya sa Kanyang pagdating sa araw ng Kanyang Pagsilang sa Araw ng Pasko. Upang malugod na tayo na tumanggap sa Kanyang pagdating marapat lamang din na pagnilayan ang mga bagay na espirituwal. Kung si Birheng Maria ay inihanda na ng Diyos kahit pa noong ipinaglilihi pa lamang siya upang maging Ina ni Hesus na ating ipagdidiwang ang Dakilang Kapistahan ng Imaculada Concepcion ngayong December 8, ganun din naman tayo ay inaasahan na maging malinis upang malugod na matanggap ang Panginoong Hesus sa panahon ng kapaskuhan at sa lahat ng panahon. Isang paghahanda na walang materyal na kailangan katulad ng mga nakasanayang paghahanda na nawawala ang tunay na diwa ng Pasko. Nawa’y sa paghihintay natin sa pagdating ng ating Panginoong Hesus tumimo sa atin mga puso’t isipan ang kahalagahan ng pakikipagsundo at pagpapanibago ng ating mga sarili upang maging marapat na si Hesus ay ating matanggap.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: