Podcast: Download (Duration: 7:00 — 6.8MB)
Lunes ng Unang Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon
Isaias 2, 1-5
Salmo 121, 1-2. 3-4a. (4b-5. 6-7.) 8-9
Masaya tayong papasok
sa tahanan ng Poong D’yos.
Mateo 8, 5-11
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Monday of the First Week of Advent (Violet)
UNANG PAGBASA
Isaias 2, 1-5
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Ito ang pangitain ni Isaias na anak ni Amoz tungkol sa Juda at sa Jerusalem:
Sa mga huling araw,
ang bundok na kinatatayuan ng Templo ng Panginoon
Ay mamumukod sa taas sa lahat ng bundok.
Daragsa sa kanya ang lahat ng bansa.
Ang maraming taong lalapit sa kanya ay magsasabi ng ganito:
“Halikayo, umahon tayo sa bundok ng Panginoon, sa Templo ng Diyos ni Jacob,
upang malaman natin ang kanyang mga daan at matuto tayong lumakad sa kanyang mga landas.
Sapagkat sa Sion magmumula ang Kautusan, at sa Jerusalem, ang salita ng Panginoon.”
Siya ang mamamagitan sa mga bansa at magpapairal ng kapayapaan.
Kung magkagayon, gagawin na nilang sudsod ang kanilang mga tabak,
at karit ang kanilang mga sibat.
Wala nang magsasanay sa pakikibaka at mawawala na ang mga digmaan.
Halina kayo, sambahayan ni Jacob, at tayo’y lumakad sa liwanag ng Panginoon.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 121, 1-2. 3-4a. (4b-5. 6-7.) 8-9
Masaya tayong papasok
sa tahanan ng Poong D’yos.
Ako ay nagalak, sa sabing ganito:
“Sa bahay ng Poon ay pumasok tayo!”
Sama-sama kami matapos sapitin,
ang pintuang-lungsod nitong Jerusalem.
Masaya tayong papasok
sa tahanan ng Poong D’yos.
Yaong Jerusalem, kay ganda ng anyo,
maganda ang ayos nang muling matayo.
Dito umaahon ang lahat ng angkan,
lipi ni Israel upang magsambahan.
Masaya tayong papasok
sa tahanan ng Poong D’yos.
Ang hangad, ang Poon ay pasalamatan,
pagkat ito’y utos na dapat gampanan.
Doon din naroon ang mga hukuman
at trono ng haring hahatol sa tanan.
Masaya tayong papasok
sa tahanan ng Poong D’yos.
Ang kapayapaan nitong Jerusalem,
sikaping ang poon yao’y idalangin:
“Ang nangagmamahal sa iyo’y pagpalain.
Pumayapa nawa ang banal na bayan,
at ang palasyo mo ay maging tiwasay.”
Masaya tayong papasok
sa tahanan ng Poong D’yos.
Dahilan sa aking kasama’t katoto,
sa ‘yo Jerusalem, ang sabi ko’y ito:
“Ang kapayapaa’y laging sumaiyo.”
Dahilan sa templo ng Poon, ating Diyos,
ang aking dalangi’y umunlad kang lubos.
Masaya tayong papasok
sa tahanan ng Poong D’yos.
ALELUYA
Salmo 79, 4
Aleluya! Aleluya!
Halina’t kami’y sagipin
Panginoong Diyos namin
Manunubos na maningning.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 8, 5-11
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, pagpasok ni Hesus sa Capernaum, lumapit ang isang kapitang Romano at nakiusap sa kanya: “Ginoo, ang alipin ko po’y naparalisis. Siya’y nararatay sa amin at lubhang nahihirapan.” “Paroroon ako at pagagalingin siya,” sabi ni Hesus. Ngunit sumagot sa kanya ang kapitan, “Ginoo, hindi po ako karapat-dapat na puntahan pa ninyo sa aking bahay. Sabihin po lamang ninyo at gagaling na ang aking alipin. Ako’y nasa ilalim ng mga nakatataas na pinuno, at ako naman ay may nasasakupang mga kawal. Kung sabihin ko sa isa, ‘Humayo ka!’ siya’y humahayo; at sa iba, ‘Halika!’ siya’y lumalapit; at sa aking alipin, ‘Gawin mo ito!’ at ginagawa niya.” Namangha si Hesus nang marinig ito, at sinabi niya sa mga taong sumusunod sa kanya, “Sinasabi ko sa inyo, na hindi ako nakatagpo kahit sa Israel ng ganito kalaking pananalig. Tandaan ninyo: marami ang darating buhat sa silangan at kanluran at dudulog sa hapag na kasalo nina Abraham, Isaac at Jacob sa kaharian ng langit.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Linggo, Disyembre 3, 2023
Martes, Disyembre 5, 2023 »
{ 4 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Ang Adbiyento ay panahon ng pananabik sa pagdating ng Panginoon. Ang mga Unang Pagbasa sa panahong ito ay hango sa isang propeta na direktang naghahayag ng mga propesiya tungkol sa Mesiyas, at siya ay si Propetang Isaias. Si Isaias na anak ni Amoz ay namuhay halos 800 taon bago sumapit ang karaniwang taon (8th century BCE). Sa propesiyang ito, ipinahayag niya ang pagluklok ng Diyos sa Templo sa Bundok ng Sion, na kung saan ang mga tao ay inaanyayahang umakyat sa tuktok na kung saan nanahan riyon ang Diyos. At ipinahayag din ni Isaias ang muling pagpapatibay ng Panginoon ang tipan nito sa sambayanan. Ang mga tabak ay magiging mga sudsod, at ang mga sibat ay magiging mga karit. Ito’y patunay na ang tipan ng Diyos ay para ang lahat ay mamuhay nang mapayapa at sumusunod sa kanyang liwanag. Kaya ang propesiyang ito ay tunkol sa Pagdating ni Hesus bilang Araw ng Katarungan, Prinsipe ng Kapayapaan, at Ilaw ng Sanlibutan.
At ang Ebanghelyo ay nagsasaad sa pagkikilala kay Hesus ng isang pinuno ng mga Romanong sundalo, at siya’y tinatawag na “centurion” sa wikang Ingles. Ang kapitang ito ay may alipin na kanyang hinilingin na pagalingin ng Panginoon. Nang marinig niya ang planong pagdalaw ni Hesus, nagpakumbaba ang pinuno at ipinahayag ang hinding pagiging karapat-dapat ang pagpapatuloy ni Hesus sa kanyang tahanan, ngunit kung iwiwika nito na gagaling ang kanyang lingkod. At sinabi ni Hesus na ang pananampalatayang ito ay natagpuan sa kanya sa kabuuan ng Israel, kaya nangyari ang hiling na gumaling ang alipin. Kung ang mga Hudyo sa kapanahunan ni Hesus ay naniniwalang sila lamang ang maililigtas ngunit hindi nakilala ang Mesiyas dahil hinihintay pa raw ito, ang kapitang ito ay bagamat itinuturing na isang Hentil ay mas nakilala niya ang Panginoon siguro dahil marami siyang narinig na mga kwento mula sa kanyang lingkod.
Kaya ang Adbiyento ay hindi lang paghahanda sa pagdiriwang ng Pagkatawang-tao ni Hesus sa Kapasakuhan, ni hindi lang ang Muling Pagpaparito niya sa katapusan ng panahon, kundi ang Adbiyento ay paghahanda sa pagdating ng Panginoon sa ating mga buhay sa pamamagitan ng iba’t ibang misteryo at iba pang mga pangyayari. At isa na dito ang Sakramento ng Eukaristiya na katulad ng kapitan ng mga Romanong sundalo, dinadasal natin ito bago tanggapin ang Katawan ni Kristo: “Panginoon, hindi ako karapat-dapat na magpatuloy sa iyo, ngunit sa isang salita mo lamang ay gagaling na ako.” Kahit alam po natin na tayo’y mga tao lamang na maaaring magkasala, patuloy nating hinahayaan na manahan si Kristo sa ating mga puso tuwing tinatanggap natin ang kanyang Katawan. Kaya nawa’y maging makabuluhan ang ating paglalakbay sa daan ng Adbiyento sa pagkakaroon ng pananabik sa Panginoon sa pagkakaroon ng pananampalataya at pagpapanibago ng kalooban upang gawin ang niloloob niya.
Ano ang hamon at aral sa ating ng ebanghelyo ngayon?
Pagpapakababa at Pananampalataya.
Ang kapitang Romano ay isang opisyal na may mga tauhan at sinusunod ano man ang kanyang inuutos, pero kinikilala nya at iginagalang ang Panginoon. Dito rin nahango ang laging sinasambit sa isang parte ng misa na “Panginoon hindi ako karapat dapat na magpatuloy sa iyo, ngunit sa isang salita mo lamang ay gagaling na ako.”
Suriin natin ang ating mga sarili, lalo na kung tayo ay naka aangat sa buhay, sikat, may posisyon, may kapangyarihan, maraming ari arian at tauhan. Tayo ba ay mayabang na? Mapagmalupit sa mga tauhan o kasambahay, nangmamaliit ng mga mahihirap, hindi pantay ang tingin sa walang pera at mayaman, bossy, hindi na marinong tumanaw ng utang na loob, nakakalimutan ng magpasalamat sa Diyos at hindi nagbabahagi ng biyaya sa nangangailangan at nagugutom.
Tularan natin ang kapitang Romanong ito nasa kabila ng kanyang posisyon o katayuan sa buhay ay alam nyang hindi sya karapat dapat na humarap o humiling sa Panginoon. Tularan natin sya sa kanyang pagpapakababa. Tularan natin sya sa pagmamahal sa kanyang alipin. At tularan natin sya sa init ng kanyang pananalig at pananampalataya.
Samantalahin natin ang Adviento, linisin natin ang ating sarili, mahalin ang kapwa at masabik sa pagdating ni Hesus. Amen
Pagninilay ni Jess C. Gregorii::
May mga pagkakataon na napapansin natin na tayo ay nagkukulang ng tiwala at pananampalataya sa maaaring gawin ni Hesus. Na kahit sinasabi na niya ay hindi pa rin tayo naniniwala. Marahil ito ay sa takot at pangamba na magkamali tayo. At sa ating paninimbang ay hinahayaan na lang natin na maniwala sa mga sinasabi ng mga tao kahit na lihis ito sa katotohanan. Mahina tayo bagama’t alam natin na tayo ay Templo ng Banal na Espiritu. Na ang buong kapangyarihan ng langit ay nasa ating kamay, hilingin lang natin. Pero kahit ito ay pinagdududahan pa natin at tahasan na ayaw tanggapin. Bagama’t nakikita, naririnig, at nararamdaman na natin na nagbabaga ang ating puso sa presensiya ng Diyos pag kumilos ang Espiritu sa atin, nais pa nating huwag maniwala at buhusan ang pagbabagang ito ng malamig na tubig, supilin ang kakaibang karanasan na ibinibigay ng ating Diyos. Hindi tayo sanay gumaling, magpagaling, gumawa ng mga mirakulo, mag puri sa ibang lenguwahe, magmistulang lasing sa kasasayaw, pagtalon, at pagsigaw ng papuri sa kanya. Hindi tayo sanay. Nahihirapan sa kakaibang gawi. Worst ay kung pag isipan pa natin na galing sa demonyo ang kakaibang pagsamba sa katotohanan at espiritu. At kung may ibang nanampalataya na hindi natin kapanalig ang gumagawa ng gayun, nilalait natin at may malisyang magtatanong, “Hindi naman siya Katoliko, anong karapatan niya humiling at magtiwala na sasagutin siya ni Hesus?” At sasabihin ni Hesus sa atin, “Wala akong nakitang ganito kalaking pananalig!” Sasabihin niya iyan sa mga pala-simba sa atin, sa mga elder at miyembro ng ating community na may plano mag-evangelize ng ating bayan at minsan pa ng buong mundo, sasabihin sa atin iyan ni Hesus na araw-araw ay nagdadasal sa kanya. Bakit nagka gayun? Isa lang ang dahilan, puno tayo ng sarili nating salita at plano sa buhay ngunit binusalsalan natin ang kanyang Salita at nagbingi-bingihan, ayaw makinig. Hindi dadaloy ang kanyang kapangyarihan. Tama ang Kapitang Romano, isa lang ang pakay niya at wala ng iba, ang pagalingin ni Hesus ang isang mahal na tagapag silbi niya. Maisalba ang isang alipin. At sa simple at focus na isipang ito, lumakas ang kanyang pananalig bagama’t hindi siya taga sunod ni Hesus. Simple lang ang Buhay Kristiyano. Kino-complicate lang natin.
PAGNINILAY
Natutuwa ang Diyos kapag inaamin natin ang ating kahinaan at pagkakasala. Kahit na ang pinakamabigat sa mga makasalanan na umamin sa kanilang kasalanan at yumukod sa harap ng Panginoon ay umangat sa iba. Si Hesus Mismo ay namangha sa napakalakas na pananalita ng senturion ng pananampalataya: “Panginoon, hindi ako karapatdapat na magpatuloy sayo, ngunit sabihin mo lamang ang salita at gagaling ang aking alipin, at ipahayag na hindi niya natagpuan ang gayong pananampalataya sa lahat ng Israel. Ang halimbawa ng senturion ay dapat magsalita sa atin ng isang espesyal na paraan: ito ay dapat magtulak sa atin na suriin ang katapatan ng ating pananampalataya kay Hesus. Ang simbahan ba ay naging isang panlipunang pagtitipon para sa atin kung saan tayo nagpupunta para magkaroon ng katayuan sa lipunan? Mas interesado ba tayo sa pagsang-ayon ng mga tao sa ating kabanalan, o talagang nagsisikap tayong maging banal? Inaanyayahan tayo ni Hesus na lumapit sa Kanya!
Panginoon, hindi ako karapatdapat na magpatuloy sa Iyo; ngunit sa isang salita Mo lamang ay gagaling na ako. Amen.
***