Linggo, Disyembre 3, 2023

December 3, 2023

Unang Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon (B)

Isaias 63, 16b-17. 19b; 64, 2b-7
Salmo 79, 2ak at 3b. 15-16. 18-19

Akitin mo, Poong mahal,
iligtas kami’t tanglawan.

1 Corinto 1, 3-9
Marcos 13, 33-37


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

First Sunday of Advent (Violet)

UNANG PAGBASA
Isaias 63, 16b-17. 19b; 64, 2b-7

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Ikaw lamang, Panginoon,
ang aming pag-asa’t Amang aasahan;
tanging ikaw lamang
yaong nagliligtas nitong aming buhay.
Bakit ba, Panginoon,
kami’y tinulutang maligaw ng landas,
at ang puso nami’y iyong binayaan
na maging matigas?
Balikan mo kami, iyong kaawaan,
ang mga lingkod mo na tanging iyo lamang.
Buksan mo ang langit
at ika’y bumaba sa mundong ibabaw,
at ang mga bundok
kapag nakita ka’y magsisipangatal.
Wala pang narinig na Diyos na tulad mo,
wala pang nakita ang sinumang tao;
pagkat ikaw lamang ang Diyos
na tumulong sa mga lingkod mo
na buong tiwalang nanalig sa iyo.
Iyong tinatanggap,
ang nagsisikap sa mabuting gawa,
at ang iyong aral at mga tuntunin ang ginugunita.
Nagagalit ka na’y tuloy pa rin kami sa pagkakasala,
ang ginawa nami’y talagang masama buhat pa nang una.
Ang lahat sa ami’y pawang nagkasala,
ang aming katulad
kahit anong gawin ay duming di hamak.
Ang nakakawangki ng sinapit nami’y
mga dahong lagas, sa simoy ng hangi’y
tinatangay ito at ipinapadpad.
Wala kahit isang dumulog sa iyo
upang dumalangin, wala kahit isang
lumapit sa iyo na tulong ay hingin;
kaya naman dahil sa aming sala’y
hindi mo kami pinansin.
Gayunman, Panginoon,
aming nalalamang ika’y aming Ama,
kami’y parang luwad at ikaw ang magpapalayok.
Ikaw ang lumikha
sa amin, Panginoon, at wala nang iba.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 79, 2ak at 3b. 15-16. 18-19

Akitin mo, Poong mahal,
iligtas kami’t tanglawan.

Pastol ng Israel, kami ay pakinggan;
mula sa trono mong may mga kerubin, kami ay tulungan.
Sa taglay mong lakas, kami ay iligtas,
at tubusin sa hirap!

Akitin mo, Poong mahal,
iligtas kami’t tanglawan.

Ika’y manumbalik,
O Diyos na Dakila! Pagmasdan mo kami mula sa itaas,
at ang punong ito’y muling pagyamanin, at iyong iligtas.
Lumapit ka sana,
ang puno ng ubas na itinanim mo ay iyong iligtas,
yaong punong iyon na pinalago mo’t iyong pinalakas!

Akitin mo, Poong mahal,
iligtas kami’t tanglawan.

Ang lingkod mong mahal
ay iyong ingatan,
yamang hinirang mo ay iyong ipagsanggalang,
iyong palakasin bilang isang bansang makapangyarihan!
At kung magkagayon,
magbabalik kami’t di na magtataksil sa ‘yo kailanman,
kami’y pasiglahi’t aming pupurihin ang iyong pangalan.

Akitin mo, Poong mahal,
iligtas kami’t tanglawan.

IKALAWANG PAGBASA
1 Corinto 1, 3-9

Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto

Mga kapatid:

Sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaan mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Hesukristo.

Lagi akong nagpapasalamat sa Diyos dahil sa mga pagpapala niya sa inyo sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Sapagkat sa inyong pakikipag-isa sa kanya, kayo’y umunlad sa lahat ng paraan, maging sa pananalita at kaalaman. Ang katotohanang ipinangaral namin tungkol kay Kristo ay malinaw na nakikita sa inyo anupa’t hindi kayo nagkulang sa anumang kaloob na espirituwal, habang hinihintay ninyong mahayag ang ating Panginoong Hesukristo. Kayo’y aalalayan niya hanggang sa wakas upang matagpuan kayong walang kapintasan sa Araw ng ating Panginoong Hesukristo. Tapat ang Diyos na tumawag sa inyo upang kayo’y makipag-isa sa kanyang Anak na si Hesukristong ating Panginoon.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Salmo 84, 8

Aleluya! Aleluya!
Pag-ibig mo’y ipakita,
lingapin kami tuwina,
iligtas kami sa dusa!
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Marcos 13, 33-37

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos.

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Mag-ingat kayo at maging handa sapagkat hindi ninyo alam kung kailan ang takdang oras. Katulad nito’y isang taong umalis upang maglakbay sa malayong lupain: ipinababahala ang kanyang tahanan sa mga alipin na binigyan ng kanya-kanyang gawain, at inuutusan ang bantay-pinto na maging laging handa sa kanyang pagdating. Gayon din naman, maging handa kayong lagi, sapagkat hindi ninyo alam kung kailan darating ang puno ng sambahayan – maaaring sa pagdilim, sa hatinggabi, sa madaling-araw, o kaya’y sa umaga – baka sa kanyang biglang pagdating ay maratnan kayong natutulog. Ang sinasabi ko sa inyo’y sinasabi ko sa lahat: Maging handa kayo!”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 7 comments… read them below or add one }

Reynald Perez November 20, 2020 at 11:12 pm

PAGNINILAY: Tayo po ay pumasok sa bagong taong liturhiko ng Simbahan, ang Taon B, sa pagdiriwang ng Panahon ng Adbiyento. ‘Adventus,’ na may ibig sabihin ay “pagdating,” ang Adbiyento ay ipinagdiriwang ang Tatlong Pagdating ng ating Panginoong Hesukristo: (1) Ang kanyang Pagkatawang-tao nang mahigit na 2,000 taong makalipas, at ipinagdiriwang tuwing Panahon ng Pasko ng Pagsilang, (2) Ang Parousia, o kaya ang Huling Paghuhukom, na kung saan bilang Hari ng Sansinukob, huhukuman niya ang mga nangabubuhay at nangangamatay ng tao ayon sa pamumuhay, at (3) Ang Pagdating ni Kristo sa Misteryo at mga Sakramento, ang kanyang pag-aanyo sa iba’t ibang mga mukha ng tao.

Sa ating Ebanghelyo ngayon (Marcos 13:33-37), inaanyayahan tayo ni Kristo na maging handa sa kanyang muling pagdating. Dapat hinahanda natin ang ating mga sarili sa kanyang pagdating sa ating mga buhay, lalo na palapit na ang Pasko at ang Pagbisita ng Banal na Santo Papa sa susunod na taon. Isang paraan ng paghahanda ay ang mga mabubuting paggawa sa ating mga kapwa. Tayo ay dapat tulungan sila, gumawa ng mabuti sa kanila, respetuhin sila, at maglingkod sa kanila, lalo na dapat tayo’y maging magpakumbaba dahil ang Diyos rin ay nagpakumbaba at nagkatawang-tao, at isinilang ng Mahal na Birheng Maria.

Anumang oras ay darating ang Anak ng Tao, ang ating Panginoong Hesukristo, lalo na sa mga anyo ng iba’t ibang tao, dahil kung ano ang ginawa natin sa kanila ay ginawa rin natin sa Panginoon. Ngunit dahil sa mga rangya ng mundo, anu-ano ang mga ito na nagpapaabala sa ating paghahanda para sa Pagdating ni Kristo? Inaanyayahan tayo ng Panahon ng Adbiyento na bumalik-loob sa Diyos, at gawin ang mga simpleng bagay sa buhay.

Sa ating paglakbay sa daan ng Adbiyento, nawa’y ihanda nating ang ating mga puso para sa Pagdating ng ating Panginoong Hesukristo, at gumawa ng mga mabubuti sa ibang tao.

Reply

Christopher Baradi November 29, 2020 at 8:06 am

Ilang paalala mula sa pagbabahagi ni Rev. Father Rodel Pince ng San Isido San Roque Parish Church ng Malhacan Meycauayan.

Naibahagi niya ang istorya ni Hatchiko kung saan namayani ang fidelity o katapatan (bukod sa pagmamahal, relationship, atbp ng aso at ng tao mula sa istorya sa Japan). Pinakita kung gaano nag intay ang aso para sa kaniyang amo. Sa loob ng 9 na taon ay patuloy siyang nagintay sa train station para sa taong mahal niya. Ganun din ang Diyos para sa atin.

Halina at tayo au magrenewal ng apat na mahahalagay bagay sa ating buhay upang maging handa tayo sa araw at oras na inihanda sa atin ni Hesus. Ito ay ang bagay na mahiwagang hindi natin alam kung kailan darating

1. Let us renew the way we speak – ang ating mga binitawang salita ay hindi mawawala. Kaya kailangang maging maingat tayo sa ating mga binibitawang salita. See Mateo Chap 15 Verse 10-20. Laging isabuhay at sundin ang 10 Utos ng Diyos. “At sasagot ako bilang Hari, ‘Sinasabi ko sa inyo ang totoo, nang ginawa n?yo ito sa pinakahamak kong mga kapatid, para na rin n?yo itong ginawa sa akin.’”?Mateo? ?25:40? ?ASND??

2. Let us renew the way we act – kung ano ang iiwan natin sa mundo kung tayo ay papanaw. Mag-iiwan ba tayo ng kabutihan. Na mahalaga ang ano ang ginawa natin noong tayo ay nabubuhay at doon tayo makikilala kung tayo man ay pumanaw.

3. Let is renew our attitude and character – see the story ng The Prodigal Son at ang Buhay ni Sakeo kung saan ano man ang kaniyang nakuha ay ibabalik niya sa mga nakuhanan niya ng buwis. Bukod dito ay ibabahagi niya maka tatlo o higit pa na ano mang kayamanan mayroon siya sa lahat ng dukha. Dahil nakita na niya ano ang kahulugan ng buhay kasama si Hesus.

4. Let us renew our faith – Dito dapat tayo magsimula. Hindi ibig sabihin na tayo ang nag-iisang Kristiyanong bansa sa Asya ay sapat na. Dapat ipakita natin kung gaano kalalim ang ating pananalig sa Kaniya. Ang mamayani ang mga aral ni Hesus sa ating buhay at kung ano ang Kalooban Niya.

Maging handa tayo sa panahon itinalaga sa atin ng Panginoon.

Reply

Mel Mendoza November 28, 2023 at 4:23 pm

Sa unang Linggo ng Pagdating ng Panginoon dapat paglaanan ng oras at panahon ang pangungumpisal, ito ay unang hakbang sa tatahakin na apat na Linggo sa Panahon ng Adbiyento. Walang ng gaganda pa sa lahat ng preperasyon na kung saan aligaga ang lahat sa napakaraming paghahanda na nagiging huli sa listahan ang pakikipagsundo sa Diyos sa pamamagitan ng pangungumpisal. Bago pa man sumapit ang pagpasok ng Bagong Taon Panliturhiya ng ating simbahan naisasama na ang pangungumpisal sa mga homiliya ng mga pari.

Ang Pasko ng Pagsilang ng Panginoong Hesukristo ay tiyak naman na darating ito na kung saan ipinagdiriwang natin ng napakahabang panahon. At ang nakasanayan nating lahat ng paghahanda ng Pasko ay kakaiba sa mga ipinahihiwatig sa mga pagbasa. Ang sinasabi ng ating mga nagdaang mga pagbasa ay ang paghahanda ng isang makalangit na paghahanda sa pagdating ng Panginoong Hesus na kung saan kaakibat nito ang paghahanda ng ating mga sarili na walang humpay. Ang uri ng paghahanda sa ating mga espirituwalidad na kung saan ang lahat ay pinaalalahan maging matalino sa uri ng paghahanda sa pagdating ng ating Mahal na Manunubos. At paulit-ulit na sinasabi na tanging Diyos lamang ang nakakaalam kung kailan.

Ipanalangin natin na nawa sa paghahandang ito manatili tayong tapat sa mga pangako ng tayo ay binyagan. At nawa’y makita natin hindi lang ngayong Pasko kundi sa araw araw na paghihintay ang iba’t ibang mukha ni Kristo Hesus sa ating kapwa lalo higit doon sa nangangailan-sa mga inuusig, sa mga dukha, mga inaapi, mga walang saplot at tirahan, sa mga may sakit at mga bilanggo, at iba Niyang mukha na tinawag Niyang mga kanyang pinagpala. Ang mensahe ng Pasko ng Pagdating ng Panginoon ay pag-ibig sa sangkalupaan.

Reply

Bro. NSP November 29, 2023 at 10:43 am

HAPPY NEW YEAR!

Natapos na naman ang isang taon ng kalendaryo liturhikal ng Inang Simbahan. Tayo ngayo’y nagsisimula sa panibagong Taong Pangliturhiya sa ating pagpasok sa Unang Linggo ng Adbiyento.

Sa mga panahong ito, marami tayong pinaghahandaan. Naghahanda tayo para sa darating na kapaskuhan, naghahanda tayong gumising ng maaga para sa mga misa de gallo, naghahanda tayo para sa mga 13th month pay, naghahanda tayo para sa mga bibigyan ng aguinaldo at regalo, naghahanda tayo para sa pagsasaluhan natin sa noche buena at araw ng pasko. Sa madaling salita, tayo’y abala at marami tayong pinaghahandaan.

Sa kabila ng maraming paghahanda, marami rin ang nagbabalik-tanaw sa mga nangyari nitong mga nagdaang buwan. May mga taong umalis, may mga nagpaalam, may mga pumanaw, may mga taong nawala. Ito marahil ang paalala sa atin ng mga pagbasa at ebanghelyo sa linggong ito. TAYO’Y DAPAT MAGING HANDA! Hindi naman lahat nananatili, hindi palaging may nandyan sa tabi mo, hindi ka palaging may makakasama.

Ikalawa, tayo’y inaanyayahan rin na MAGING HANDA sa ikalawang pagdating ng Panginoon sa wakas ng panahon. Ihanda natin ang ating sarili sa kanyang pagdating, Paano? Sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng tunay na diwa ng paparating na kapaskuhan sa ating mga kapwa.

Iiwanan tayo ng lahat, lilisan ang lahat, at dapat tayong MAGING HANDA gaano man ito kahirap at gaano man ito kasakit. Paghandaan natin ang ating sarili sa pagdating ng ipinangakong tagapagligtas na siyang darating sa wakas ng panahon bilang isang hukom.

MAGING HANDA KA! Hindi lahat ng taong mahal mo, mananatili sa tabi mo hanggang sa wakas ng mundo. Si KRISTO lang ang DARATING na kailanman sa’yo ay di bibitiw.

Paano tayong maghahanda? Ngayong unang linggo ng adbiyento, Huwag lamang nating sambitin na “HALINA HESUS, HALINA”. Bago pa man dumating si Hesus, akayin din nawa natin ang ating mga kapwa pabalik sa kanya at ating sambitin; “HALINA KAY HESUS, HALINA!”.

(Pagninilay sa Unang Linggo sa Panahon ng Adbiyento | Taon B – Marcos 13:33-37)

Reply

Jess C. Gregorio December 2, 2023 at 7:12 am

Pagninilay ni Jess C. Gregorio:

Handa na ba tayo pumanaw? Mamatay? Ka-morbid na tanong ano? Itanong mo ito kahit kanino at ang isasagot sa iyo ay, “Somalosep, anu ba iyan? Mauna ka na kaya!” Hindi ang buhay mundo ang tinutukoy, ang paghahandang gusto ni Hesus ay hindi yung mamamatay sa laman at katawang tao kundi yung pang walang hanggang kamatayan ng ating kaluluwa. Hindi natin maintindihan tinutukoy niya kasi sino nga naman ang nakita na ang kaluluwa nila? Pero ang Diyos na kung saan ang ating kaluluwa ay galing, ay nakakakita kung gaano pa kaganda o kapangit na ng itsura natin habang nasa mundo tayo. Bukal sa atin ang maging guwapo at maganda kasi iyan naman talaga nature natin. Pansinin nyo, kung nawawala na mga katangian na iyan dala ng ating bisyo, kasalanan, at maling pamumuhay, habang lumalayo tayo sa Lumikha, nahuhumaling tayo sa mga apps na magpapabago ng ating itsura at maibalik ang dating kaaya-ayang itsura, karaniwan ang nga katangian ng ating kabataan na kung saan may natitira pang Holy Innocence sa ating pagkatao. Habang nagigiging makamundo kasi tayo ay lalo tayong pumapangit. Pero gusto natin gumanda. Maging makisig. Kahit alam natin na marami na tayong nagawang kasalanan na nagpapangit sa atin. Ang pangit na kaluluwa ay walang lugar sa langit. Puro maganda lang duon. Ang pagkasira ng ating kaluluwa ay ang kamatayang walang hanggang. Ang buhay ng Diyos ay walang katapusan. Iyan ang ikinalulungkot ni Hesus kaya matindi ang kanyang paalala na maghanda tayo. Ayaw niya tayo mawala ng tuluyan kung saan tayo nanggaling at kung saan dapat ay muling makabalik. Pede naman tayo gumanda at maging makisig ulit, punta lang tayo sa beauty parlor, sa kani-kaniyang simbahan kung saan anduon ang Presensiya ng Panginoon. Si Hesus ang magpapabagong anyo sa atin at ang Banal na Espiritu ang mismong maghahanda sa atin para sa pagbabalik ng Puno ng Sambahayan. Hindi na natin kailangan ang mga AI photo/video altering apps. Hindi totoo iyun. Mamatay pa rin tayo forever.

Reply

Lorenzo Razon December 2, 2023 at 4:11 pm

Legion of Mary leader po ako dito sa Saudi at suki po ako ng mabuting balita na hatid ninyo. Malaki po ang tulong ang makabasa ng mga readings, gospel reflections sa pag ulma ng buhay espiritual namin sa Legion of Mary. God bless your Ministry and please continue to be a blessing to others. Samalat po ng marami

Reply

Malou Castaneda December 3, 2023 at 2:22 pm

PAGNINILAY
Maligayang Bagong Taon! Ngayong Unang Linggo ng Adbiyento ay sinisimulan natin ang isang bagong taon ng Simbahan. Tulad ng pag-uukol natin ng oras upang pag-isipan ang isang lumang taon na lumipas at inaabangan ang paparating na taon sa Enero 1, mahalagang gawin din natin ito sa pagtatapos ng isang Taon ng Simbahan at pagsisimula ng isa pa. Naaalala natin ang mga simula at pagtatapos ngayon. Naghahanda tayong ipagdiwang hindi lamang ang simula ng buhay ni Hesus sa lupa sa Kanyang kapanganakan sa Bethlehem, pero sabik tayong umaasa sa wakas kung kailan Siya ay muling darating.

Dapat tayong manatiling gising at bantayan ang kanyang pagdating. Dapat tayong mamuhay sa paraang pagdating niya, hindi Niya tayo masusumpungan na nagkukulang kundi ginagawa ang iniutos Niya sa atin na gawin: pag-ibig sa Diyos at pagmamahal sa isa’t isa; ginagawa ang ating mga tungkuling Kristiyano. Nawa’y maging tapat at mapuspos ng kagalakan ng Panginoong Hesus ang ating oras ng paghahanda. Nawa’y makita Niya tayo na handang salubungin Siya kahit kailan na Siya ay darating, dahil Siya ay darating “tulad ng isang magnanakaw sa gabi”.

Panginoong Hesus, tulungan Mo kaming gamitin itong Adbiyento para ihanda ang aming puso sa Iyong pagdating. Amen.
***

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: