Podcast: Download (Duration: 5:55 — 4.3MB)
Sabado ng Ika-34 o Huling Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
o kaya Paggunita sa Mahal na Birheng Maria tuwing Sabado
Daniel 7, 15-27
Daniel 3, 82. 83. 84. 85. 86. 87
Dakilai’t papurihan
ang Poon magpakailanman.
Lucas 21, 34-36
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Saturday of the Thirty-fourth Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of the Blessed Virgin Mary on Saturday (White)
UNANG PAGBASA
Daniel 7, 15-27
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Daniel
Akong si Daniel ay nabagabag sa pangitaing yaon. Kaya’t nilapitan ko ang isang naroon at tinanong tungkol sa mga bagay na aking nasaksihan. At ipinaliwanag naman niya sa akin. Ang sabi niya, “Ang apat na hayop ay apat na haring lilitaw sa daigdig. Ngunit ang mga banal ng Kataas-taasang Diyos ang bibigyan ng karapatang mamahala magpakailanman.”
Sabik na sabik akong malaman ang kahulugan ng ikaapat na halimaw dahil sa malaking kaibahan nito sa tatlo at sa nakatatakot nitong anyo: bakal ang mga ngipin at tanso ang mga panga. Dinudurog nito saka nilululon ang lahat ng abutan at tinatapakan ang matira. Nananabik din akong malaman ang ibig sabihin ng sampung sungay at ang kahulugan noong isang sungay na tumubo at ikinabunot ng tatlo. Ibig ko ring malaman ang kahulugan ng mata nito at ng bibig na pawang kapalaluan ang sinasabi, at kung bakit ang sungay na ito’y mas malaki kaysa iba.
Samantalang ako’y nakatingin, nakita kong dinigma nito at nilupig ng sungay ang mga lingkod ng Diyos. Pagkatapos, dumating ang nabubuhay magpakailanman at nagbibigay ng hatol sa panig ng mga lingkod ng Diyos. Dumating ang araw para ibigay sa bayan ng Diyos ang pamamahala sa kaharian. Ganito ang sinabi niya sa akin: ‘Ang ikaapat na hayop ay ikaapat na kahariang babangon sa daigdig. Kaiba ito sa lahat ng kaharian pagkat masasakop nito ang sandaigdigan, yuyurakan at iiwang luray-luray. Ang sampung sungay ay kumakatawan sa sampung hari. Sa gitna nila’y mayroong isang sisilang. Iba ito sa karamihan at sa kanyang pagtayo, tatlong hari ang mabubuwal. Magsasalita siya laban sa Kataas-taasan at pahihirapan niya ang mga hirang ng Diyos. Kung maaari’y babaguhin ang kautusan at mga gawaing panrelihiyon. Ang mga hirang ay ipaiilalim sa kanyang kapangyarihan sa loob ng tatlong taon at kalahati. Ngunit siya’y hahatulan. Kukunin sa kanya ang kaharian at dudurugin siya nang lubusan. Ang kaharian, pati ang karangalan ay ibibigay sa mga hirang na Kataas-taasan. Sila ang maghahari magpakailanman, at maglilingkod sa kanila ang lahat ng kaharian.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Daniel 3, 82. 83. 84. 85. 86. 87
Dakilai’t papurihan
ang Poon magpakailanman.
Lahat ng tao sa daigdig, purihin ninyo ang Panginoon;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
Dakilai’t papurihan
ang Poon magpakailanman.
Purihin ninyo ang Panginoon, bansang Israel;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
Dakilai’t papurihan
ang Poon magpakailanman.
Purihin ninyo ang Panginoon, mga saserdote ng Diyos;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
Dakilai’t papurihan
ang Poon magpakailanman.
Purihin ninyo ang Panginoon, mga lingkod ng Panginoon;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
Dakilai’t papurihan
ang Poon magpakailanman.
Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat na mga tapat;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
Dakilai’t papurihan
ang Poon magpakailanman.
Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat na mga banal at mababang-loob;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
Dakilai’t papurihan
ang Poon magpakailanman.
ALELUYA
Lucas 21, 36
Aleluya! Aleluya!
Manalanging walang humpay
samantalang hinihintay
si Hesus na Poong mahal.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 21, 34-36
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Mag-ingat kayo na huwag magumon sa katakawan at paglalasing at mabuhos ang inyong isip sa mga intindihin sa buhay na ito; baka abutan kayo ng Araw na yaon na hindi handa. Sapagkat darating iyon nang di inaasahan ng tao sa buong daigdig. Kaya’t maging handa kayo sa lahat ng oras. Lagi ninyong idalangin na magkaroon kayo ng lakas upang makaligtas sa lahat ng mangyayaring ito at makaharap sa Anak ng Tao.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Biyernes, Disyembre 1, 2023
Linggo, Disyembre 3, 2023 »
{ 4 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Ngayong araw na ito, nagtatapos ang taong panliturhiya ng ating Simbahan. Bukas ay magsisimula muli ang Kaledaryo Liturhiko sa pagsisimula ng Panahon ng Adbiyento. At sa pagpasok sa panahon ng pananabik para sa Pagdating ni Kristo, tayo ay inaanyayahan ngayon tungkol sa mga kaganapan ng katapusan.
Ang Unang Pagbasa ngayon ay ang patuloy na pagdidiskurso ni Propeta Daniel tungkol sa kanyang nanginginig na pangitain ukol sa mga apat na dambuhala. Kaya sinabi ng isa sa mga naroroon sa pangitain niya na ang ikaapat na dambuhala ang pinakamabagsik sa lahat ng naroroon. Sinasabing lalamunin niya ang buong daigdig, at magsasalita ng masama laban sa Kataas-taasang Diyos. Subalit kapag nabuksan na ang korte ng Paghuhukom ng Panginoon, malulupig ang dambuhalang ito patungo sa pinakailalim ng lupa. Parang ang itinutukoy rito sa ikaapat na dambuhala ay ang mga pinunong napakamagiting sa itsura at napakadakila sa posisyon, subalit hindi nila kinikilala na ang Diyos ay tunay na naghahari sa kanilang lahat. Kaya habang nagpapakasarap sila sa pamumuno sa isang institusyon, ang Diyos na mismo ang bahalang magpataw ng paghuhukom sa kanila, kung paano nilang ginamit ang kanilang impluwensiya tungo sa kanilang kapwa.
Kaya ang Ebanghelyo ay nagsisilbing paalala sa atin na huwag tayo’y makipagsaya kahit sa pagiging matakaw at lasing bago pumarito si Hesus. Sa halip ay inaanyayahan tayo na maging handa at manalangin upang magkaroon tayo ng lakas na makaharap siya. At kapag muling pumarito siya, itatanong niya sa atin kung anong kabutihan at pagmamahal na ating ginawa.
Nawa’y sa pagtatapos ng Taong Panliturhiya ng Simbahan, at pagsisimula ng isa pang bagong taon sa pagpasok ng Adbiyento, nawa’y tunay maging handa tayo sa pagdating ng Panginoon sa ating mga buhay.
Ano ang hamon at aral sa atin ng ebanghelyo ngayon?
Maging handa at wag puro pasarap sa buhay!
Hindi masama ang magsaya, uminom at kumain o magdiwang. Wag ka lamang magpapalulong sa alak at sa katakawan, katakawan sa makamundong bagay katulad ng pita ng laman, pagkain, pagpapayaman, pangangalunya, kasikatan at kapangyarihan.
Ang lahat ng kasiyahan na nadarama mo sa mga bagay na yan ay huwad na kaligayahan. Ang tunay na kaligayahan ay madarama mo kapag ikaw ay nagkaroon na ng relasyon sa Diyos, kaligayahang hindi mabibili ng iyong salapi, kapanatagan at peace of mind na hindi kayang ibigay ng iyong kayamanan. Ang ebanghelyo ay nagpapaalala din sa mga taong nakakalimot na sa Diyos ng dahil sya ay meron ng lahat, hindi na marunong manalangin sapagkat sya ay hindi na nagugutom o nauuhaw, nabibili ang lahat ng maibigan, nasasarapan sa kamunduhan, may posisyon at tanyag at iba iba pang kasarapan sa buhay. Ito ay paalala din sa mga taong hindi marunong magpasalamat sa Diyos o suklian ng kabutihan ang mga kaloob ng Diyos dahil nalunod na sa mga kasarapan sa lupa.
Bukas ay adviento na, hindi pa huli ang lahat.. Samantalahin natin ito upang magsisi. Humingi ng kapatawaran at sikaping makapagbago na upang tyao ay maging handa sa pagdating ni Hesus. Amen
Pagninilay ni Jess C. Gregorio:
Maraming bagay sa mundo ang nakikipag agawan sa mga simpleng pangangailangan natin sa ating buhay. Ang sapat ay mabuti at ang sobra ay masama. Kasama na sa magbibigay problema sa atin ang katakawan at paglalasing. Ang sobrang pagkain at alak ay makasasama sa katawan natin. Magdudulot ng mga kasakitan na pagdating ng araw ay ating pagsisisihan. Idagdag pa ang sobrang busy natin sa lahat ng mga plano at naisip natin gawin na halos wala na tayong oras para sa sarili natin, sa pamilya natin, o sa mga bagay na kailangan ng pagmumumuni malayo sa ingay at gulo. Na iistres tayo masyado. Nagmimistulan tayong mga Martha, na sa ginanda ng serbisyo at pagiging magkaibigan nila ni Hesus, ay nagkaroon ng puwang ang inggit sa walang ginagawang kapatid na si Maria dahil sa kapaguran niya. Sukdulang mag reklamo kay Hesus para sitahin si Maria at gawing katulad niya. Alam natin na mas mainam sa Panginoon ang pinili ni Maria. At ito ang nagpapatunay na hindi naman talaga nangangailangan ng sobrang daming gawain ang Kaharian ng Diyos. Ang maihasik at mabigyan lang ng pagkakataon makapakinig ang tao sa Salita ng Diyos ay sapat na. At ang Diyos na ang magpupuno ng lahat ng pangangailangan nila, mapa pagkain, mapa pera, mapa grasyang tutugon sa kanilang mga pagsubok sa buhay, kahit ano pa man na maaring maisip natin. Kaya ng Diyos ibigay ang lahat. Huwag lang natin isipin kung paano niya gagawin. Basta mangyayari iyun. Nagkukulang lang tayo ng tiwala na pati ang katangian ng Diyos na gumalaw ay inako na natin gayung mahina at kulang tayo sa kakayahan. Kung nasa piling natin Siya siguro 90% ang Salita ng Diyos at 10% na lang ang kailangan natin gawin. Madaling ipaliwanag sa kadahilanang ang Banal na Espiritu ang gumagalaw at hindi tayo. Marahil ito ang mainam na pagpili na sinasabi niya. Ang problema ng mundo ngayon ay nag didiyos-diyosan ang mga tao. Nasobrahan ang gawa at nagkulang sa paghahasik ng Salita ng Diyos. Ang resulta ay pagkawala ng katahimikan ng puso at kapayapaan ng pagkatao. Stress talaga. Napakahirap ng 7 araw tayo naging Martha linggo-linggo sa ating buhay. Ikumpara natin ito sa kahit 7 araw ni Maria na nakikinig at kapiling lang ni Hesus, mas mainam pa rin ang ginagawa niya kaysa kay Martha. Si Hesus na ang nagsabi. Sa huling sandali, sino sa kanila ang magiging handa? Si Martha na nasa kusina o si Maria na nakaabang sa lahat ng sinasabi at galaw ni Hesus? May matitira pa ba tayong lakas at maging handa para makaligtas sa anumang mangyayari kung dumating ang araw na kailangan na nating humarap sa Anak ng Tao?
PAGNINILAY
Ipinaalala sa atin ni Hesus ang lumilipas na aspeto ng buhay. Sa ganitong paraan hinihimok Niya tayo na huwag mahuli nang hindi nalalaman at bigyang pansin ang pagtupad sa ating mga hangarin para sa kabutihan. Sa paghahanda natin bukas ng unang Linggo ng Adbiyento, maging mapagmatyag tayo sa mga bagay na nagiging sanhi ng pagkakatulog ng ating mga puso at ng ating mga kaluluwa sa paglayo sa Panginoon. Ang isang magandang tanong upang ituon ang ating isipan ay: “Ano ang gusto nating maalala sa atin kapag tayo ay namatay?”
Panginoon, tulungan Mo kaming mamuhay sa pananampalataya at maghanda para sa Iyong pagdating sa Adbiyento. Amen.
***