Biyernes, Disyembre 1, 2023

December 1, 2023

Biyernes ng Ika-34 o Huling Linggo sa Karaniwang Panahon (I)

Daniel 7, 2-14
Daniel 3, 75. 76. 77. 78. 79. 80. 81

Dakilai’t papurihan
ang Poon magpakailanman.

Lucas 21, 29-33


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Friday of the Thirty-fourth Week in Ordinary Time (Green)

UNANG PAGBASA
Daniel 7, 2-14

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Daniel

Akong si Daniel ay nakakita ng isang malaking dagat na binabayo ng malakas na hangin kabi-kabila. Mula sa dagat ay may lumitaw na apat na iba’t ibang dambuhala. Ang una ay parang leon ngunit may pakpak ng agila; nabunot ang mga pakpak nito. Umangat ito sa lupa at tumayong tila tao. Binigyan ito ng isipan ng tao. Ang ikalawa naman ay mukhang oso. Ang dalawang paa lamang nito sa huli ang inilalakad at may kagat pang tatlong tadyang. May tinig na nag-utos dito, “Sige, magpakasawa ka sa karne.’ Ang ikatlo ay kawangis ng leopardo. Ito’y may apat na pakpak sa likod, apat ang ulo at binigyan ng kapangyarihan. Pagkaraan, nakita ko ang ikaapat na hayop. Nakatatakot itong tingnan at mukhang napakalakas. Bakal ang ngipin nito at tanso naman ang mga panga. Niluluray ng bibig nito ang anumang makagat at tinatadyakan ang matira doon. Kaiba ito sa tatlong nauna pagkat ito’y may sampung sungay. Pinagmasdan kong mabuti ang mga sungay at nakita kong may tumutubo pang isa. Ang tatlong sungay ay nabunot upang magkaroon ng puwang ang sungay na tumutubo. Ito ay tulad ng tao, may mga mata at bibig. Nakapangingilabot ang sinasabi nito.

Habang ako’y nakatingin, may naglagay ng mga trono. Naupo sa isa sa mga ito ang isang nabubuhay magpakailanman. Kumikinang sa kaputian ang kanyang kasuotan at parang lantay na lana ang kanyang buhok. Ang trono niya’y nagniningning. Ang mga gulong nito ay apoy na nagliliyab. Waring agos ng tubig ang apoy na bumubuga mula sa trono. Ang naglilingkod sa kanya’y sangmilyon bukod pa sa milyon-milyong nakaantabay. Humanda na siya sa paggagawad ng hatol at binuksan ang mga aklat. Dahil sa kakila-kilabot na mga bagay na sinasabi ng sungay, naakit akong manood hanggang sa mapatay ang ikaapat na hayop at ihagis sa apoy. Yaong ibang hayop ay inalisan ng kapangyarihan ngunit pinanatiling buhay nang kaunti pang panahon. Patuloy ang aking pangitain. Ang nakita ko naman ay isang tila taong nakasakay sa ulap. Bumaba ito at lumapit sa nabubuhay magpakailanman. Binigyan siya ng kapamahalaan, ng karangalan at ng kaharian. Siya ay paglilingkuran ng lahat ng tao, bansa at wika. Ang pamamahala niya ay di matatapos, at hindi mawawasak ang kanyang kaharian.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Daniel 3, 75. 76. 77. 78. 79. 80. 81

Dakilai’t papurihan
ang Poon magpakailanman.

Purihin ninyo ang Panginoon, mga bundok at mga burol;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.

Dakilai’t papurihan
ang Poon magpakailanman.

Purihin ninyo ang Panginoon, lahat ng tumutubo sa lupa;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.

Dakilai’t papurihan
ang Poon magpakailanman.

Purihin ninyo ang Panginoon, mga bukal ng tubig;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.

Dakilai’t papurihan
ang Poon magpakailanman.

Purihin ninyo ang Panginoon, mga dagat at mga ilog;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.

Dakilai’t papurihan
ang Poon magpakailanman.

Purihin ninyo ang Panginoon, mga balyena at lahat ng nilikhang nasa tubig;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.

Dakilai’t papurihan
ang Poon magpakailanman.

Purihin ninyo ang Panginoon, lahat ng ibon sa himpapawid;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.

Dakilai’t papurihan
ang Poon magpakailanman.

Purihin ninyo ang Panginoon, mga kawan at mga maiilap na hayop;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.

Dakilai’t papurihan
ang Poon magpakailanman.

ALELUYA
Lucas 21, 28

Aleluya! Aleluya!
Naririto, malapit na
ang kaligtasang pag-asa
upang ating matamasa.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 21, 29-33

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad ang isang talinghaga: “Tingnan ninyo ang puno ng igos at ibang punongkahoy. Kapag nagdadahon na ito, alam ninyong malapit na ang tag-araw. Gayun din naman, kapag nakita ninyong nangyayari na ang mga ito, malalaman ninyong malapit nang maghari ang Diyos. Tandaan ninyo: magaganap ang lahat ng ito bago mamatay ang lahat ng taong nabubuhay sa ngayon. Mawawala ang langit at ang lupa, ngunit ang salita ko’y hindi magkakabula.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 5 comments… read them below or add one }

Reynald Perez November 24, 2021 at 3:21 pm

PAGNINILAY: Totoong malapit na magtapos ang Kalendaryo ng ating Simbahan. Sa darating ngayong Linggo, papasok tayo sa bagong taon sa pagsisimula ng Panahon ng Pagdating (Adbiyento), na kung saan ipaghahadaan natin ang ating mga puso para sa Pagdating ni Kristo sa ating buhay, sa ating paglalapit sa pagdiriwang ng Pasko ng Pagsilang at sa ating pananabik sa kanyang muling pagpaparito sa katapusan ng panahon. Kaya ang mga pagbasa nitong pagtatapos ng taong panliturhiya ng ating Simbahan ay nagpapaalala sa atin ukol sa pagwawakas ng mundo.

Ang Unang Pagbasa ay mga sunud-sunod na pangitain ni Propeta Daniel. Ang unang pangitain ay ang apat na dambula na handang lumamon ng anumang nabubuhay na nilalang. Sa mga nakakatakot na itsura ng mga dambuhala, parang ang pananakot ng mga ito ay halos nagpamamalas ng kapangyarihan na manaig ang kasamaan at kadiliman. Subalit hindi nagtagumpay ang mga dambula dahil sa ikalawa at ikatlong pangitain ni Daniel. Nakita ng propeta ang isang nabubuhay magpakailanman na nakaupo sa kanyang trono, at siya ay kagila-gilalas sa kaputian. Nakita rin ang Anak ng Tao na ipinakita ng nabubuhay na Diyos bilang isang makapangyarihang pinuno, na ang lahat ng mga bansa, tao, at wika ay sasamba sa kanya. Ang mga pangitain na ito ay nagpapakita sa tagumpay ng Diyos laban sa kasamaang dulot ng Diyablo (Satanas). At si Kristo, ang Anak ng Diyos at Anak ng Tao, ay ang kaganapan ng katuparan ng Diyos para sa tagumpay ng plano ng kaligtasan.

Ang ating Ebanghelyo ngayon ay ang patuloy na mensahe ng Panginoon ukol sa darating na katapusan. Kaya ang ginamit niyang larawan ay ang puno ng igos at ng iba pang punongkahoy. Kapag ang mga ito ay nagdamo, ito’y tanda na malapit na ang tag-araw. Ganun din ang mga “tanda ng panahon”, na nagsasabing malapit na ang paghahari ng Diyos. Subalit may iilang tao ay ginagawang literal na “malapit na raw magunaw ang mundo”. Ang nais ipahiwatig dito ng Panginoon na huwag tayong maging masyadong kumpiyansang magtatapos na ang ating daigdig at bukas ay darating na raw si Kristo. Bagkus, dapat tayo ay magkaroon ng sapat na paghahanda sa ating kalooban para sa pagdating na oras na yaon. At kahit lumipas pa ang langit at lupa, magiging matatag pa rin ang mga salita ng Panginoon. Kaya dapat tayong puno ng pag-asa na ang lahat ng mga pagsubok sa ating buhay ay balang araw lilipas din, subalit ang Panginoon ay patuloy na manantili sa atin magpakailanman. Kaya patuloy tayong maging tapat sa kanyang mga salita at isabuhay ang mga ito sa ating araw-araw na pamumuhay.

Reply

Ferdy Baetiong Parino November 26, 2021 at 9:29 am

Ang hamon at aral sa atin ng ebanghelyo ngayon ay ang pagsasabuhay ng mga Mabuting Balita, ng mga Salita ng Diyos o ng mga ebanghelyong nababasa natin o napakikinggan. Ngayong may pandemya ay wala ng dahilan para tayo ay hindi makapakinig ng salita ng Diyos. Kung ikaw ay walang oras sa pagpunta sa simbahan para dumalo ng misa upang malaman ang aral ng ebanghelyo, napakarami ng paraan para magawa ito; nariyan ang facebook live, YouTube at iba pang social media na nagdaraos ng banal na misa. Kahit saang dako ka pa ng mundo ay maari mo itong mapanuod, kahit ano pa ang ginagawa mo kahit nakahiga ka na sa bahay mo, kahit anong orad na ikaw ay libre ay maaari mong balikan ang misa na nais mong panuorin.
Mawawala ang langit at lupa pero ang Salita ng Diyos ay hindi magkakabula. Gamitin mo at gawing gabay ang mga Salita ng Diyos, dito lamang tayo siguradong hindi maliligaw ng landas.

Reply

Jess C. Gregorio November 28, 2023 at 12:34 pm

Pagninilay ni Jess C. Gregorio:

Lahat ng inisip at naging plano ng tao, mapa mabuti man o masama, tulad ng langit at lupa, ay mawawala. Tanging ang Salita lang ng Diyos ang matitira magpakailan man. Ang maraming plano at kumplikadong mga programa na ninanais ng tao ay karaniwang maganda sa una, nagkaka problema sa pagdaan ng mga araw, hanggang mahinto sa huli. Tanggap natin ito sa kadahilanang hindi tayo perpekto at may nagtutulak ng pride sa ating mga puso. Ang mabuti nating adhikain ay pilit na sinisira ng ating kalaban. Hinahaluan niya ng pulitika at mga kasinungalingan. Ito ang dahilan kaya nawawala si Hesukristo sa atin at nangingibabaw ang sariling ambisyon, plano, o pagbibigay halaga sa ating mga sarili. Nakalimutan na natin na ang pinaka importanteng bagay ay ang Salita ng Diyos. Hindi na natin alam ang what matters most. Naging katulad na tayo ng mga eskriba at pariseo nuong unang panahon. Ang matindi ay yung matulad tayo kay Saul na pinapatay pa ang mga totoong nanampalataya sa isang bulag na pagsunod sa alituntunin at batas na ginawa at iniuutos ng Diyos ngunit binaliktad ng kasalukuyang mga guro at pari ng sanhedrin para sa kanilang kapanibangan. Mag ingat tayo. Ituon natin parati ang ating mga mata sa Panginoong Hesukristo nang makita natin ang totoo sa lahat ng ating ginagalawan sa buhay.

Reply

Mel Mendoza December 1, 2023 at 1:03 pm

Ang Mabuting Balita na ating natunghayan ay isang paalala sa atin tungkol sa tanda ng panahon. Isang talinghaga ng senyales ng muling pagdating ni Hesus. Kung sa pamamagitan ng salita naganap ang paglilihi ng isang Birhen na nagsilang sa ating Panginoong Hesus ganun din sa pamamagitan ng salita nagkaroon ng kaligtasan ang mga tao sa pamamagitan ng pagaalay ng Kanyang buhay sa krus at nagbigay naman ng pag-asa sa lahat sa muli Niyang pagkabuhay.

Sa pagtatapos ng Karaniwang Panahon sa Linggong ito tayo ay inaanyayahan ng isang radikal na pagpapanibago ng ating sarili. Sa tatahakin nating apat na linggo ng Adbiyento pwedeng simulan ang hakbang sa pangungumpisal bilang paghahanda na din natin sa Kanyang muling pagdating. Sa gitna ng samutsaring paghahandanda sa napipintong pagdating ng Panginoong Hesukristo sa panahon ng kanyang Pagsilang na kung minsan ay hindi na mabigyan ng tunay na rason ng paghahanda nawa’y mapagnilayan din ang pakikipagsundo sa Kanya sa pamamagitan ng sakramentong iniwan Niya sa atin.

Maghanda tayo sa pagdating ng pinaka-marunong at makapangyarihan sa lahat ng tanda ng panahon at huwag matakot na suungin ang mga hamon ng mga panganib sa paghahandang ito. Si Hesus na pasan pasan ang krus ay lagi natin kasa-kasama sa lahat ng panahon ang tunay na tanda na hindi Niya tayo iiwan magpakailanman. Ang pagkaka-isa at sama sama nating pagsamba at pagsasalu-salo sa banal na Eukaristiya ay isang paalala sa atin na Siya ay sumasaatin lahat. Kaya dapat lang na siguraduhin na tayo ay laging handa at angkinin ang kanyang kaharian dito palang sa lupa. Nawa’y maibahagi din natin ito sa kapwa na kung saan nandoon ang mga hugis ng mukha ni Kristo Hesus. Amen!

Reply

Malou Castaneda December 1, 2023 at 4:25 pm

PAGNINILAY
Napakapalad natin na ang Salita ni Hesus ay nakalagay sa atin sa Ebanghelyo. Ang Salitang iyon ang dapat na Tiyak na Pundasyon ng ating buhay. Sa bagyong hinahampas ng karagatan na ating tinitirhan, ang Salita ni Hesus ang dapat na angkla na pumipigil sa atin na matangay. Mabilis na nagbabago ang buhay lalo na sa panahong ito. Ang pagbabago ay maaaring positibo o mahirap at masakit. Maaaring magkasakit ng malubha ang isang miyembro ng pamilya. Ang mga problema sa pananalapi ay maaaring lumikha ng matinding pagkabalisa at takot. Ang pagpapalit ng trabaho o paglipat sa ibang lugar ay hindi madali. O ang ating mga anak ay “tumatambay” sa maling grupo. Tinitiyak sa atin ni Hesus na mayroong isang katotohanang palagi nating maaasahan: “Ang langit at ang lupa ay maaaring lumipas, ngunit ang aking mga salita (at ang aking pag-ibig) ay hindi lilipas kailanman”! Kapag ang buhay ay mahirap, masakit o nakalilito, si Hesus ay kasama natin. Ibinuhos Niya ang Kanyang pagmamahal, biyaya at lakas sa atin.Hindi Niya tayo pababayaan! Kung tatahakin natin ang landas na ipinapakita sa atin ng Salita ni Hesus, hinding-hindi tayo maliligaw o maliligaw. Anong katatagan at kabuuan ang iniaalok sa atin ng Salita ni Hesus!

Panginoong Hesus, tulungan Mo kaming magtiwala sa Iyong pangako. Amen.
***

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: