Podcast: Download (Duration: 5:54 — 4.2MB)
Martes ng Ika-31 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
Roma 12, 5-16a
Salmo 130, 1. 2. 3
Sa iyong kapayapaan,
D’yos ko, ako’y alagaan.
Lucas 14, 15-24
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Tuesday of the Thirty-first Week in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
Roma 12, 5-16a
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma
Mga kapatid, tayo’y marami ngunit nabubuo sa iisang katawan ni Kristo, at isa’t isa’y bahagi ng iba. Yamang mayroon tayong mga kaloob na magkakaiba ayon sa kagandahang-loob ng Diyos sa atin, gamitin natin ang mga kaloob na iyan. Kung pagpapahayag ng kalooban ng Diyos ang ipinagkaloob sa atin, ipahayag natin ito ayon sa sukat ng ating pananampalataya; kung paglilingkod, maglingkod tayo. Magturo ang tumanggap ng kaloob na pagtuturo at mangaral ang may kaloob na pangangaral. Kung pag-aabuloy, mag-abuloy nang buong kaya; kung pamumuno, mamuno nang buong sikap. Kung nagkakawanggawa, gawin ito nang buong galak.
Maging tunay ang inyong pag-ibig. Kasuklaman ninyo ang masama, pakaibigin ang mabuti. Mag-ibigan kayo na parang tunay na magkakapatid. Pahalagahan ninyo ang iba nang higit sa pagpapahalaga nila sa inyo. Magpakasipag kayo at buong pusong maglingkod sa Panginoon. Magalak kayo sa inyong kapighatian, at laging manalangin. Tumulong kayo sa pangangailangan ng mga kapatid. Ibukas ninyong lagi ang inyong pinto sa mga taga-ibang lugar.
Idalangin ninyo ang mga umuusig sa inyo – idalanging pagpalain at huwag sumpain. Makigalak kayo sa mga nagagalak, makitangis sa mga tumatangis. Magkaisa kayo ng loobin.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 130, 1. 2. 3
Sa iyong kapayapaan,
D’yos ko, ako’y alagaan.
O Panginoon ko, ang pagmamataas,
Tinalikdan ko na at iniwang ganap;
Ang mga gawain na magpapatanyag
Iniwan ko na rin, di ko na hinangad.
Sa iyong kapayapaan,
D’yos ko, ako’y alagaan.
Mapayapa ako at nasisiyahan,
tulad niyong sanggol sa bisig ni Inay.
Sa iyong kapayapaan,
D’yos ko, ako’y alagaan.
Kaya mula ngayon, ikaw, O Israel,
sa ’yong Panginoon, magtiwalang tambing!
Sa iyong kapayapaan,
D’yos ko, ako’y alagaan.
ALELUYA
Mateo 11, 28
Aleluya! Aleluya!
Kayong mabigat ang pasan
ay kay Hesus maglapitan
upang kayo’y masiyahan.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 14, 15-24
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong mga panahong iyon, sinabi kay Hesus ng isa sa mga kasalo niya sa hapag, “Mapalad ang makakasalo sa hapag sa kaharian ng Diyos!” Sumagot si Hesus, “May isang lalaking naghanda ng isang malaking piging, at marami siyang inanyayahan. Nang dumating ang oras ng piging, inutusan niya ang kanyang mga alipin at ipinasabi sa mga inanyayahan, ‘Halina kayo, handa na ang lahat!’ Ngunit nagdahilan silang lahat. Ang sabi ng una, ‘Nakabili ako ng bukid, at kailangan kong puntahan. Kayo na sana ang bahalang magpaumanhin sa akin.’ At sinabi ng isa, ‘Nakabili ako ng limang pares na baka, at kailangan kong isingkaw para masubok. Kayo na sana ang bahalang magpaumanhin sa akin.’ Sinabi naman ng isa pa, ‘Bagong kasal ako kaya hindi ako makakadalo.’ Bumalik ang alipin at ibinalita ito sa kanyang panginoon. Nagalit ito at sinabi sa alipin, ‘Lumabas kang madali sa mga lansangan at makikipot na daan ng lungsod, at isama mo rito ang mga pulubi, mga pingkaw, mga bulag, at mga pilay.’ Pagbabalik ng alipin ay sinabi niya, ‘Panginoon, nagawa na po ang iniutos ninyo, ngunit maluwag pa.’ Kaya’t sinabi ng panginoon sa alipin, ‘Lumabas ka sa mga lansangan at sa mga landas, at pilitin mong pumarito ang mga tao, upang mapuno ang aking bahay. Sinasabi ko sa inyo: isa man sa mga unang inanyayahan ay hindi makatitikim ng aking handa!’”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Lunes, Nobyembre 6, 2023
Miyerkules, Nobyembre 8, 2023 »
{ 5 comments… read them below or add one }
Pagninilay: Tayong lahat ay inaanyayahan ng Panginoon na makisalo sa kanyang piging ng pag-ibig, ang piging na kung saan ginugunita natin ang kaligtasang ating nakamtan. Kaya nga isinalaysay ni Hesus ang isang talinghaga tungkol sa isang malaking piging, matapos ipahayag ng isa sa mga panauhin ng bahay kanyang pinagdadalo na mapalad ang mga nakikisalo sa Kaharian ng Diyos. Makikita natin sa parabula ang iba’t ibang paanyaya ng panginoon ng sambahayan sa isang piging, at ang pagtanggi ng mga itinuturing na “mayaman” sa kontekstong iyon at ang pagtugon ng mga mahihirap na dadalo sila. At sinigurado ng lalaki na puno ang espasyo ng pagsasalu-salo, kaya iniutos niya sa mga lingkod na imbitahan nila ang sinu-sino kanilang mamasid. At bilang pagtapos, sinabi ng panginoon ng sambahayan na ang mga unang inaanyahan ngunit tumanggi ay hindi nabigyan ng pagkakataon matikman ang kanyang inihanda. Kaya nga ang sinisimbolo ng talinghaga ni Hesus ay ang Kaharian ng Langit. Tayong lahat ay inaanyayahan na makisalo sa kaluwalhatian ng Diyos, at dito lamang sa lupa, mayroon na tayong unang tikim ng piging sa langit, at iyan ang piging ng Sakramento ng Eukaristiya. Tuwing ipinagdiriwang natin ang Banal na Misa, tayo’y nakikisalo sa kaligtasang ipinagkaloob sa atin ng Ama sa pamamagitan ng kanyang Anak na si Hesus. At ipinapaalala sa atin ni San Pablo na bagamat tayo’y naiiba sa mga gawain at pinagmulan, tayo ay bahagi ng iisang Katawan ni Kristo. Kahit iiba ang ating paraan ng pagsampalataya at paglilingkod, iisa pa rin ang Diyos na ating pinagbubukluran at pinagsisilbihan sa buhay. Ang mismong tinapay at alak sa Eukaristiya ay hindi lang mga simbolo, kundi sila ang mismong Katawan at Dugo ng ating Panginoon. Hindi ito’y nangangahulugang hinahandog natin ang pisikal na anyo ni Kristo, kundi naniniwala tayo sa kanyang “sacramental presence” na naroroon ang biyaya niya upang ang ating mga kaluluwa ay kanyang mapalusog. Kaya nawa’y dinggin natin ang paanyaya ng Panginoon na dumalo sa kanyang piging upang malasap natin siya sa espirituwal na paraan.
O, God our Father, have mercy on those You called but had not responded. May You give them another chance. And, thank you for the wisdom given to us from the first reading. That we have to use the talent, skills and knowledge you have granted us. May we use them well O Lord and bring you glory and praise now and forever. Amen.
Pagninilay ni Jess C. Gregorio:
May plano ang Panginoon para sa atin. Katunayan parati niya tayo iniimbitahan tanggapin iyun. “Sapagkat batid kong lubos ang mga plano ko para sa inyo; mga planong hindi ninyo ikakasama kundi para sa inyong ikabubuti. Ito’y mga planong magdudulot sa inyo ng kinabukasang punung-puno ng pag-asa.” – Jeremias 29:11
Hindi natin alam. Akala natin maganda na ambisyon natin para sa kaunlaran ng ating buhay. Ating pamilya. Ating organisasyon. Ating bansa. Kaya naging abala tayo sa ating mga kani-kaniyang plano sa buhay. Ngunit nais ng Panginoon na mapabuti tayo. Maibalik sa kanya. Ibinigay niya ang kanyang kaisa-isang anak para isalba tayo at ang nalalabuan nating katauhan. Ipinagkaloob mismo ang kanyang Banal na Espiritu para tayo gabayan at maliwanagan. Pero marami tayong dahilan. Busy-busyhan. Kahit na sabihin niya ng may buong katotohanan at pananakot na ang pumipigil at kumutya sa galaw ng Espiritu ay walang kapatawaran. “Kaya’t sinasabi ko sa inyo, Ang bawa’t kasalanan at kapusungan ay ipatatawad sa mga tao; datapuwa’t ang kapusungang laban sa Espiritu ay hindi ipatatawad.” – Mateo 12:31
Minsan naiiskandalo pa tayo at hindi nakikita ang mabuting galaw ng Banal na Espiritu. Marami tayong dahilan at rason. Inimbitahan na tayo maging masaya, magdiwang, mapuno ng biyaya sa isang piging na makakasama natin ang Panginoon, ayaw pa natin dahil iniisip natin na mas mahalaga ang gagawin natin. Ang pagpapagal natin. Ang plano natin na mas higit pa sa plano ng Panginoon para sa atin. At sa ganang ito, dadaanan lang tayo ng grasya at manghihina sa ating kapaguran. Sayang di ba? Nasa atin na. Nawala pa. Dahil matigas ang ating puso. Hindi siya tumitibok para sa Panginoong Diyos. Hinayaan nating maging hadlang sa pagsasabalik sa atin ng ating totong yaman at ari-arian (Ezekiel 36:26-30). Ayaw natin. Madali lang naman bumuti ang sitwasyon natin sa buhay. Magpaubaya lang tayo sa Diyos. Magpakababa at amining wala tayong kakayahan na wala siya sa puso natin. Ang lahat ay mabilis na magbabago. Tiyak iyun!
wala ng hihigit pa sa anumang meron tayo sa mundong ito, ang gampanan natin ang misyong ipinagkaloob sa atin ng tanggapin natin ito sa pamamagitan ng binyag.
sa pamamagitan ng pag-alay.natin ng nakamit natin biyaya mula sa Panginoon, time, talent, treasure, ay expression ng ating pagmamahal at gratefulness sa ating Panginoon.
alam natin na tayo ay hindi pinili ng Diyos na bayan Niya ngunit dahil sa hindi nila pagtslima sa paanyaya ng lalaking ikakasal ,ang habag at awa ng Panginoon ay natuon sa atin.
at dahil din sa habag at awa sa atin ng Panginoon ay muling kahahabagan niya ang kanyang bayan pinili.
kaya dahil sa habag at awa sa atin ng ating Panginoon at tayo din ay pinapaging bahagi ng kanyang bayan, magpatuloy hanggang sa wakas ng buhay natin sa mundong ito , na buo at matatag ang ating pananalig, pananampalataya , pag asa at patuloy na marubdob ang pagmamahal natin sa Panginoon, tiyak makakamtan din natin ang gantimpala ng.buhay na walang hanggan sa piling ng ating kapatid at Tagapagligtas na naron na sa piling ng ating Ama.
GREAT IS THE LOVE OF GOD TO ALL OF US. TO HIM ALONE ALL THE GLORY!.
Bilang kristyanong Katoliko nalulungkot ako tuwing may nababalitaang may nag-iiba ng relihiyon na ang madalas kong naririnig na dahilan ay hindi maibsan o mapatid ng katolikong katuruan ang kanilang pagka-uhaw at pagka-gutom sa pagkakilala sa Diyos bagkus pinanghihinaan pa daw sila ng pananampalataya. Isa na dito ang matalik kong kaibigan na naging hard core convert na born again Christian. Madalas lagi nya ako inaaanyahan sa mga fellowship nila. Ako naman sige lang ng sige na sumasama sa kanilang fellowship. Hanggang isang araw tinanong ako kumusta naman daw ang aking pakiramdam o kaya may natutunan daw ba ako sa naririnig kong mga pagbasa sa Ebanghelyo at mga aral na ibinabahagi ng mga pastor nila? Ang tanging simple kong sagot “oo naman” kasi tuwing napapakinggan ko ang Mabuting Balita lagi kong nararamdaman ang personal kong koneksyon sa Diyos sa kabila ng lahat na napapakinggan ko naman ang lahat ng mga ito tuwing dumadalo ako sa Banal na Misa hindi lang tuwing araw ng Linggo kundi sa halos araw araw.
Ano daw ba ang pagkakaiba ng pagiging Katoliko ko at sa pagiging pagka- born again niya ang sagot ko wala akong nakikitang pagkakaiba kung ang punto mo ay ang pagdalo sa isang pagtitipon upang makinig sa ipanapahayag sa Banal na Kasulatan. At huwag na nating pagusapan pa ang mga rason ng bawat isa kung bakit nananatili ako sa pagiging Katoliko at ikaw sa pagiging masigasig na follower ng denomination mo. Kung saan ka nakakita ng liwanag at naging mabuti kang tao ipagpatuloy mo lang ang pagtugon mo na ganyan, panatilihin mo ang personal na koneksyon sa Diyos basta alalahanin lang lagi na ang pananampalatayang inihain at ang imbitasyon sa ating lahat upang makaisa sa gawaing maka-Diyos ay laging isapuso’t isipan at maisabuhay ito sa pamamagitan ng pagbabahagi nito sa ating kapwa lalo higit doon sa mga nangangailangan ng ating mga kalinga. Kung naniniwala kang tumugon ka sa imbitasyon ng isang pagdiriwang na ang Panginoong Hesukristo ang dahilan ng pagtitipon at nararamdaman mo ang real presence ng Diyos pwede na naging bahagi ka nga ng iba’t iba katawan ng iisang Diyos na ating pinanampalayanan. Ang hamon sa atin kapatid nawa’y sa palagiang nating pagtugon sa imbitasyon ng Diyos sa mga Banal na Pagdiriwang na makasama tayong lahat sa paglalakbay patungo sa Kaharian na inihanda sa ating lahat.