Miyerkules, Nobyembre 8, 2023

November 8, 2023

Miyerkules ng Ika-31 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)

Roma 13, 8-10
Salmo 111, 1-2. 4-5. 9

Ang taong tunay na mat’wid
ay mahabagi’t mabait.

Lucas 14, 25-33


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Wednesday of the Thirty-first Week in Ordinary Time (Green)

UNANG PAGBASA
Roma 13, 8-10

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma

Mga kapatid, huwag kayong magkaroon ng sagutin kaninuman, liban sa saguting tayo’y mag-ibigan; sapagkat ang umiibig sa kapwa ay nakatutupad sa kautusan. Ang mga utos, gaya ng, “Huwag kang mangangalunya, Huwag kang papatay, Huwag kang magnanakaw, Huwag kang mag-iimbot,” at ang alinmang utos na tulad ng mga ito ay nabubuo sa ganitong pangungusap, “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.” Ang umiibig ay hindi gumagawa ng masama kaninuman, kaya’t ang pag-ibig ang kabuuan ng kautusan.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 111, 1-2. 4-5. 9

Ang taong tunay na mat’wid
ay mahabagi’t mabait.

o kaya: Aleluya.

Mapalad ang tao na may takot sa Diyos,
siyang sumusunod nang buong alindog.
Ang kanyang lipi’y magiging dakila,
pati mga angkan ay pinagpapala.

Ang taong tunay na mat’wid
ay mahabagi’t mabait.

Ang taong matuwid, may bait at habag,
kahit sa madilim taglay ay liwanag.
Ang mapagpautang nagiging mapalad,
kung sa hanapbuhay siya’y laging tapat.

Ang taong tunay na mat’wid
ay mahabagi’t mabait.

Mabait na lubha, lalo sa mahirap,
ang pagiging mat’wid ay di nagwawakas.
Buong karangalan siyang itataas.

Ang taong tunay na mat’wid
ay mahabagi’t mabait.

ALELUYA
1 Pedro 4, 14

Aleluya! Aleluya!
Hirap kaisa ni Kristo
ay kapalarang totoo,
kaloob ng Espiritu.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 14, 25-33

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, sumama kay Hesus ang napakaraming tao; humarap siya sa kanila at kanyang sinabi, “Hindi maaaring maging alagad ko ang sinumang umiibig sa kanyang ama at ina, asawa at mga anak, mga kapatid, at maging sa sarili niyang buhay nang higit sa akin. Ang sinumang hindi magpasan ng sariling krus at sumunod sa akin ay hindi maaaring maging alagad ko. Kung ang isa sa inyo’y nagbabalak magtayo ng tore, hindi ba uupo muna siya at tatayahin ang magugugol para malaman kung, may sapat siyang salaping maipagpapatapos niyon? Baka mailagay ang mga pundasyon ngunit hindi naman maipatapos – siya’y kukutyain ng lahat ng makakakita nito. Sasabihin nila: ‘Nagsimulang magtayo ang taong ito pero hindi naipatapos.’ O sinong hari na makikipagdigma sa kapwa hari ang hindi muna uupo at pag-aaralang mabuti kung ang sampunlibo niyang kawal ay maisasagupa sa kalaban na may dalawampunlibong tauhan? At kung hindi niya kaya, malayo pa ang kalaban ay magsusugo na siya ng mga kinatawan upang makipagkasundo. Gayun din naman, hindi maaaring maging alagad ko ang sinuman, kung hindi niya tatalikdan ang lahat sa kanyang buhay.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 5 comments… read them below or add one }

Reynald Perez November 1, 2021 at 6:37 am

PAGNINILAY: Ang pagtugon sa tawag na sumunod sa Panginoon ay kinakailangan ng sapat na katapatan sa kanya. Kaya nga ipinahayag ni Hesus sa Ebanghelyo ang mga balakid na hindi nagpapahintulot sa atin sa pagsunod sa kanya. Unang sinabi niya na hanggang tinatanggi natin ang ating ama at ina ay hindi tayo’y magiging mga alagad niya. Sa wikang Griyego, ang salitang “tanggi” ay hindi yung literal na “hate” sa wikang Ingles, kundi ito ay tinatawag na “ikalawang opsyon”. Nais ipahayag ni Hesus na kung palagi niya tayong binibiyayaan ng mga magulang pati na mga kapatid, dapat patuloy natin patatagin ang ating pananampalataya sa kanya. Ikalawa ay hindi raw maaring maging mga alagad ni Kristo kung hindi natin tinatahak ang mga krus. Ang sinisimbolo ng krus na iyon ay ang bawat pagsubok at pagdurusa na ating dinadanas araw-araw. Marahil nais nating guminhawa ang ating buhay upang mawalan na ang mga problema. Ngunit ang nais ipahayag ni Hesus na patuloy nating patatagin ang ating pananampalataya at katapatan sa kanya sa pagpasan ng mga “krus ng ating buhay”. Kahit siya mismo pinasan niya ang Banal na Krus hanggang Golgota upang maunawaan natin ang kahalagahan ng sakripisyo para sa ikabubuti ng marami. Inaanyayahan tayo na tularan ang tagapagtayo ng torre ng pag-ibig ng Diyos na kailangang umupo upang suriin kung anu-ano ang mga materyales ang magpapatibay sa pundasyon ng ating pananampalataya, at ganun din ang haring nakikipagdigmaan laban sa mga tukso at kasamaan upang malaman natin kung anong istratehiyang ating gagamitin sa patuloy na pagpapalaganap ng kabutihan sa mundo.

Kaya nga ang pagsunod sa Panginoon ay kailangan tayo’y maging tunay na alagad niya. At katulad ni San Pablo sa Unang Pagbasa, nawa’y maunawaan natin na sa buong Kautusan ng Panginoon, ang pinakahigit at pinakaganap na utos ay ang pag-ibig sa kanya at sa kapwa.

Reply

Cora Galang Orense November 3, 2021 at 7:28 am

Sa atin pong binasang ebangelio ngayon ay ipinahihiwatig sa atin Ng ating Panginoon Jesus na ibigin natin ang Diyos Ng higit sa lahat.kaya nga po nabanggit nya na ang sino mang nagmamahal sa kanyang sarili Ng higit sa ating Panginoon ay Di nya magiging alagad. Sapagkat ang MGA Ito ay maaaring maging hadlang upang maituon natin Ng lubos ang ating sarili sa ating Panginoon. Nais Ng Diyos na makamit natin ang buhay na lubos Ng saya kahit pa Tayo ay nahaharap sa MGA matinding pagsubok . Sapagkat ang pagharap natin sa MGA pagsubok natin sa buhay na kasama sya ang magtuturo sa atin Ng Kung paano lubos na magtiwala sa kanya.nais nya itakwil natin ang ating MGA pangsariling mithiin at sikaping sa araw araw ay gumawa Ng naaayon sa kalooban nya, sapagkat sa pagsunod at sa pagtitiwala natin sa kanya lubos nating makakamtan ang buhay na kasiyasiya na tulad Ng buhay na ipinangako nya sa atin.Atin pong idalangin at hingin ang kanya awa na Tayo ay makasunod at magtiwala sa ating Panginoon,upang makamit natin ang buhay na Puno man Ng pagsubok ay buhay din Naman na lubos Ng saya dahil àlam natin na kasama natin ang Diyos na sa atiy lumikha at patuloy na nagpapala.Maraming salamat po at mabuhay nawa Tayo sa gabay Ng Espiritu Santo.

Reply

Diosdado B Gatchalian November 3, 2021 at 7:38 am

Pinupuri Po Namin kayo Panginoon Hesukristo, nawa’y sa bisa at kapangyarihan Ng mga salita Ng Diyos at malinisan at mahugasan Ang aming mga pagkakamali, pagkukulang, pagmamalabis o Ng aming kasalanan patungo sa Buhay na walang hanggan. Salamat Po sa Diyos. Amen.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño November 3, 2021 at 9:30 am

Sa unang Pagbasa ay pinunto na ang pag ibig ang pundasyon ng mga kautusan. Kung ikaw ay tunay na may pag ibig sa iyong asawa at sa Diyos hindi mo gagawin na mangalunya. Kung ikaw ay may pag ibig sa iyong kapwa at sa maiiwang mahal sa buhay ng kapwa ay hindi ka papatay. Kung ikaw ay may pag ibig sa Diyos at sa pinaghirapan ng iyong kapwa ay hindi magiging mapag imbot at magnanakaw. Kaya’t sa lahat ng iyong iisipin, sasabihin at gagawin ay unahin mo ang pag ibig sa Diyos at sa iyong kapwa.

Sa ating ebanghelyo ngayon ay dalawang aral at hamon ang ibinibigay sa atin. Una ay ang pinaalala na mahalin mo ang Diyos ng higit sa lahat, higit sa iyong mga magulang, asawa at mga anak. Hindi sinasabi ni Hesus na iwanan mong literal ang mga mahal mo sa buhay, may mga pagkakataon tayo sa buhay na nakagagawa tayo ng manigat na kasalanan ng dahil sa pagmamahal natin sa ating magulang, asawa o nga anak. Kung gayon ay mas minahal mo sila kesa sa Diyos sapagkat sinuway mo ang Diyos para sa kanila, Hindi ba dapat na suwayin mo ang kagustuhan ng tao para kay Hesus? Hindi ito balakid sa ating buhay, Maari mong mahalin ang Diyos ng higit sa lahat kasabay ng pagmamahal mo sa mga taong nakapaligid sayo. Kailangan lamang na naaayos sa kalooban mg Diyos ang mga ginagawa mo sa iyong kapwa at hindi ka maliligaw.
Pangalawang pinupunto ng ating Mabuting Balita ay ang pagpapasan ng krus. Hindi pwedeng puro na lang tayo pasarap sa mundong ito habang tayo ay nabubuhay, kailangan din nating harapin ang mga pagsubok ng buhay at wag itong maging dahilan ng pagkalayo natin kay Kristo. Ang dagok bg buhay ay ibinibigay sa atin dahil alam ng Diyos na kaya natin ito kung hihingiin natin ang tulong nya kaakibat mg paggawa pa din ng mabuti. Lalong lalong wag mo wawakasin ang iyong sariling buhay dahil sa problema at siguradong sa impyerno ang iyong punta. Pasanin natin ang krus, ang mga pasakit ng mundo, mga problema at pighati, tutulungan tayo ni Hesus, wag manlalamig sa kanya, hindi lang tayo aakayin, bubuhatin pa.

Reply

Jess C. Gregorio November 8, 2023 at 6:36 am

Pagninilay ni Jess C. Gregorio:

Hindi tayo maaaring magmahal ng kahit sino mang tao sa buhay natin kung hindi natin unang minahal ang Diyos. Huwad kung sakali at pakitang tao lang ang magiging pagmamahal na iyun. Walang pundasyon at madaling magiba sa unos ng buhay.
Bakit?
Kasi ang pinagmulang ng pag-ibig ay ang Diyos na siyang pinagmulan ng mismong kakayahang umibig ng tao. Kaya sinabi niya na hindi tayo maaaring maging alagad niya kung sakaling may mas mahal pa tayo kaysa sa kanya. Wala rin tayong lakas upang buhayin at ipagtanggol ang mga minamahal natin sa mga maaaring sumira sa kanila kung wala ang mismong kapangyarihan ng Diyos sa atin. Magiging hangal lang tayo sa pagsasabing “mahal kita, ibibigay ko sa iyo ang langit, susungkitin ko ang buwan, iaalay ko sa iyo ang aking buhay, aalagaan kita at ilalayo sa lahat sa lahat ng hirap o panganib,” at iba pang matatamis na salita na di naman natin talaga mapapangatawanan. Pang uuto at kasinungalian lahat ng iyun kung hindi naman nakikita sa atin na minamahal natin ang Diyos ng buong isipan, ng buong puso, ng buong lakas, at ng buong kaluluwa natin.
Kaya ang hindi alagad ni Kristo ay walang kapangyarihan magsabi ng pagmamahal sa kadahilanang wala sa kanya si Hesus- ang bukal ng pag-ibig at pagmamahal. Ibigin natin ang Diyos at maiibig natin ng may buong katotohan ang mga minamahal natin. Tayo ay maging alagad niya muna sa una.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: