Podcast: Download (Duration: 8:01 — 9.7MB)
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-28 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Patnubay sa Misa
Sa pagkakatipon natin bilang mag-anak ng Diyos para sa piging ng Eukaristiya, ipanalangin natin ang mga pangangailangan ng sangkatauhan at ang sa atin. Maging tugon natin ay:
Panginoon, dinggin mo kami!
Para sa Simbahan, ang pamayanang inaanyayahang dumulog sa piging ng pag-ibig ng Diyos: Nawa ang masiglang paglahok dito’y maging isang inspirasyon sa lahat ng tao para tanggapi’ t pasalamatan ang paanyaya ng Diyos. Manalangin tayo!
Para sa Santo Papa, ating Obispo, at lahat ng iba pang pinunong espirituwal: Nawa tulungan tayo ng kanilang halimbawa sa maagap na pagtugon sa panawagan ng Diyos. Manalangin tayo!
Para sa lahat ng Kristiyano, lalo na para sa mga Katoliko sa ating bansa: Nawa maunawaan nila ang pangangailangan sa pamayanan ng mga disipulo alinsunod sa turo ng Simbahan. Manalangin tayo!
Para sa lahat ng higit na naaakit sa mga makamundong panghalina kaysa mga pagpapahalaga sa Ebanghelyo: Nawa maunawaan nilang ang tunay na mahalaga sa buhay ay ang pagtupad sa kalooban ng Diyos at pagsisikap sa Kanyang Kaharian. Manalangin tayo!
Para sa ating lahat na natitipon dito para sa ating pagsamba ngayong Linggo at sa ating mga pamilya: Nawa makilahok tayong ang puso’y malinis sa ano mang kasalanan at napalalamutihan ng pananampalataya at pagkakawanggawa. Manalangin tayo!
Tahimik nating ipanalangin ang ating sariling mga kahilingan. (Tumigil saglit.) Manalangin tayo!
Panginoong Diyos, marami pong salamat sa pag-aanyaya sa amin sa Piging Pangkasalan ng Iyong Anak na si Hesus. Ipagka- loob Mo sa amin ang biyayang kami’y laging magpasalamat sa gayong pribilehiyo sa pamamagitan ng pamumuhay na kalugud-lugod sa Iyo. Isinasamo namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon.
Amen!
Pages: 1 2
« Sabado, Oktubre 14, 2023
Lunes, Oktubre 16, 2023 »
{ 6 comments… read them below or add one }
Pagninilay: Sa ating Ebanghelyo (Mateo 22:1-14), makikita natin ang pagkumpara ni Hesus sa Kaharian ng Diyos gamit ang isang malaking piging ng kasalan. Bilang tao at bilang Pilipino, mayroon tayong kultura ng paghahanda ng isang malaking piging dahil may magandang nangyari sa isang tao, at nais natin ipagdiwang ito. Nagluluto tayo ng mga masasarap na pagkain, naghahanda ng mga inuman, at nagsasama sa isang mesa, kung minsan malaki, bilang kapamilya, kapuso, kapatid, kabarkada, at kasama. Kapag may isang espesyal na okayson katulad ng Pasko, anibersaryo, at kaarawan, ganun din ang ginagawa natin. At siyempre hindi mawawala ang pakikipag-usapan, pakikipagkwentuhan, at pakikipagkalokohan. Kaya makikita natin sa ganyan klaseng piging ang kasiyahan ng mga taong nagtitipun-tipon. Ganun din kapana-panabik ng taong gustong makapasok sa Langit. Kaya nga inaanyayahan tayo ng Diyos sa kanyang piging. Para siya yung haring mayroong malaking piging dahil sa kasalan ng anak. Pero may mga taong tumatanggi sa kanyang imbitasyon dahil tingin nila pagsasayang lang ng oras.
Sa ating buhay, ang piging ng Diyos ay ang Sakramento ng Banal na Eukaristiya. Tayo’y kanyang inaanyayahang makibahagi sa pagdiriwang ng kanyang pag-ibig na ipinakita ng kanyang Anak na namatay sa Krus at muling nabuhay. Kaya ang bawat Linggo at Banal na Araw ay mahalaga para sa atin ay dumulog hindi lang basta-basta, kundi upang maranasan natin ang kanyang presensiya sa ating piling. At kapag tayo’y nagsisimba, dapat mayroon tayong maayos na disposyon sa labas at sa loob ng ating mga puso. Sa handaan ng hari, may isang lalaking hindi nakasuot ng pangkasalan, kaya’t siya’y pinagapos at pinalayas palabas sa isang lugar kung saan may pagnanais ng mga ngipin. Mahalaga ang ating kasuotan at porma sa loob ng simbahan, at mas mahalaga ang ating saloobin at intensyon kapag hinaharap natin ang Diyos. Ang Eukaristiya ay ang unang karansan ng piging ng Diyos sa Kaharian ng Langit.
Kaya sa ating paglalakbay sa daang ito, nawa’y maging makabuluhan ang bawat pagsimba natin hindi lang sa mga debosyon at ritwal ng ating pananampalataya, kundi pati rin sa ating pagiging mabuting kapwa sa isa’t isa. Huwag nawa nating tanggihan ang anyaya ng Panginoong Diyos.
Maraming pagkakataon ang Panginoon ay nagaanyaya sa atin sa kanyang inihandang piging para pagsaluhan ang hapag ng buhay, ito ay isang kagalakan ng Panginoon na magkatipontipon at magkasamsama sa isang kasiyahan na naghahandog sa bawat isa sa atin ng pagpapala sa ating buhay. Nakakalungkot lang isipin yung pagtanggi ng tao sa tawag ng Panginoon dahil sa kanikanilang prayuridad sa buhay, mas ninais pang gawin ang sariling kaligayahan kaysa sa kaligayahan na kasama ng Panginoon sa hinandang pigin.
Ang Eukaristiya ay isang piging ng buhay na nagtataglay ng ng lakas sa ating buhay, nagbibigay ng tatag sa ating kinakapitang pananampalatay at nagpapalalim ng ating kaugnayan sa ating Panginoon. Kaya sa bawat pagkakataon na ibinibigay sa atin ng Panginoon ay huwag sanang ipagsantabi at baliwalain dahil baka wala ng ibang susunod na pagkakataon. Kung tayo man dadalo sa kanyang piging huwag kalimutan ang pinakamagandang hangaring na makasama ang Panginoon at disposisyon na tunay na magpapasaya sa kalooban natin, yan au ang pagtanggap na may pananampalataya kay Kristo Hesus. Amen.
Ang pagbasa sa Mabuting Balita ay isang talinghaga na sumisimbulo sa pinaka-unang dahilan kung bakit may ipinagdidiriwang tayong Banal na Misa hindi lang sa araw ng Linggo kundi sa buong linggo. Ito ay isang masaya at ang pinaka-banal na imbitasyon sa buong sambayanan ng Diyos na kung saan ay nagsasama-sama at pinagsasalu-saluhan ng lahat sa pamamagitan ng banal na piging sa Eukastiya ang Katawan at Dugo ng ating Panginoong Hesukristo. Ang panawagan o ang imbitasyong ito ay katulad ng mga dinadaluhang malaking pagtitipon na kailangan din dapat na ito ay paghandaan kasama na dito ng mga sarili, mga puso’t isipan, pwede din sa pananamit, at lalo higit ang paglalaan ng panahon na makatugon sa imbitasyon.
Sa bahagi ng pagbasa sa ebanghelyo, maraming sinugo ang hari para ipalaganap ang naturang okasyon pero marami ang hindi tumugon sa paanyaya sa halip pinagpapatay pa nila ang mga sinugong mga alipin. Kung iuugnay naman natin ito sa ating buhay pananampalaya walang pinagkaiba ito sa hindi lahat ng tao ay tumanggap na ng biyaya ng pakikipagtipan sa Diyos. Sa halos paulit-ulit na panawagan ng Diyos sa lahat sa pamamagitan ng ipinapangaral ng nakatala sa Banal na Kasulatan maraming mga talata sa ibang mga pagbasa na yung mga inutusan ng Diyos sa pamamagitan ng mga propeta ay pinagpapatay ang mga ito. Kaya sa lumang panahon maraming mga kaparusahan at dalamhati ang mga ipinaranas ng Diyos sa mga lupain kahit na sa hinirang Niyang bayang Israel . At sa ating panahon may mga martir tayong at mga taong dumanak ang dugo at nagbuwis ng buhay sa paghahatid ng paanyayang ito kaya patuloy pa din ang pagiral ng kasamaan na naghahatid din ng kamatayan sa mga tampalasan.
Ang ebanghelyo, ay isang paanyaya sa lahat na gamitin ang mga natitirang panahon dito sa lupa at makinig at tanggapin ang biyaya ng pakikipagsundo sa Diyos. Sa ating mga paglalakbay sa buhay, ito ay isang hamon na din sa ating mga nakatanggap na ng biyayang ito na ipalaganap ang imbitasyon upang mas marami ang makasama sa paglalakbay patungo sa kaharian ng Diyos.
Pagninilay:
Tulad ng mga naunang Propeta at mga alagad na isinugo ng Panginoong Diyos ang layuning Niya ay makasalo ang lahat sa Kanyang piging doon sa Kaniyang Kaharian, makasama sa buhay na walang hanggan kung saan wala ng paghihirap at sakit.
Ngunit lubhang marami ang di nagpaunlak sa bukas na paanyayang ito, bagkus hinamak, sinaktan at kinitil Ang buhay ng mga ito katulad ng ginawa nila sa bugtong Niyang Anak na Ang Panginoong HesuKristo. Nagpatuloy sila sa mga kaabalahang walang katuturan at maling pamumuhay.
Sinisimbulo ng mga nagpaunlak mula sa mga pangunahing lansangan ang mga taong nagsidalo subalit hindi sila handa na makaharap ang Panginoon. Hindi sila nagbago sa liko nilang pamumuhay, ito marahil yung mga taong nararamitan ng mga pagiimbot, pagkagahaman, galit, pagiging makasarili, kahalayan at ibat-ibang uri ng kasalanan na kahit na sa pisikal na kaanyuan ay may maayos at marangal na kasuotan ay bulok naman ang kalooban.
Kung kaya’t sa bandang huli nagpaunlak man ay hindi rin nahirang bilang karapat-dapat sa piging, kaya’t inihiwalay din sila tulad ng damo mula sa mga trigo at binigkis upang sunugin.
Purihin ang Panginoong HesuKristo sa Kaniyang pagliligtas, Amen…
YOU ARE INVITED!
Noong nakaraang huwebes (October 12) ay ginunita ng Inang simbahan si Beato Carlo Acutis. Isa sa mga kabataang lubos na kumikilala, nagmamahal at nagpapahalaga kay Hesus sa banal na Eukaristiya. Nakakatuwa ang debosyon ng mga kabataan na nagtipon-tipon mula pa sa iba’t ibang malalayong probinsya at bayan upang MAKIPAGDIWANG sa kapistahang ito.
Ipinakikita sa ating ebanghelyo sa linggong ito kung paanong si Hesus ay nag-aanyaya sa atin na makipiging at makipagdiwang sa inilunsad niyang banal na eukaristiya. Tulad ng piging sa kasalan, marami ang inaanyayahan, subalit marami ang hindi nakakadalo. Marami ang tinatawag, subalit abala sa maraming bagay.
Itinuturo sa atin na ang paanyaya ni Hesus sa pagdalo sa pagdiriwang ng banal na misa ay PAANYAYA PARA SA LAHAT. Tayo man ay mabuti o masama, mahirap o mayaman, sapagka’t sa tahanan ng Diyos tayong lahat ay tanggap, tayong lahat ay inaanyayahan, tayong lahat ay handang yakapin, muli’t muling patawarin at bigyan ng pagkakataong magpakabuti.
Sa bawat misa na ating dinadaluhan, dumadalo tayo hindi lamang para humiling at humingi kundi para MAGPURI AT MAGPASALAMAT, at para tanggapin ang Diyos sa pamamagitan ng SALITA AT EUKARISTIYA. Hindi ba’t napakalaking karangalan na tayo’y maimbitahan hindi lamang sa party ng ating mga kaibigan, hindi lamang sa okasyon na mayroon ang pamilya, hindi lamang sa piging na may lasingan. Sa piging na ito na DIYOS MISMO ANG NAG-AANYAYA, DIYOS MISMO ANG NAGHAHANDA, AT DIYOS MISMO ANG INIHAHAIN. Sa tuwing tayo’y dumadalo sa misa, haharap tayo sa kataas-taasang Diyos kung kaya’t marapatin nawa nating magsuot ng mga kasuotang naangkop batay sa pagdiriwang na ating pupuntahan at dadaluhan.
Sa batang edad ni Beato Carlo Acutis, sinikap niyang araw-araw na makadalo sa banal na misa, at sa mga pagkakataong hindi siya makakapagsimba dinarasal niya ang Act of Spiritual Communion. Sana’y maging inspirasyon ang batang ito sa bawat isa sa atin na maari natin siyang tularan sa maalab niyang pagmamahal kay Hesus sa pamamagitan ng palagiang pakikipagtagpo sa kanya.
Si kristo na ang nag-aanyaya, tatanggi ka pa ba? Invited ka lagi’t lagi kaya’t magsimba ka lagi’t lagi!
(Pagninilay sa ika-28 na Linggo sa Karaniwang Panahon | Taon A – Mateo 22, 1-14)
Sa ebanghelong ito, tayo ay inaanyayahan na mag-isip tungkol sa kahalagahan ng pagtanggap sa imbitasyon ng Diyos sa ating buhay. Gayundin, inaanyayahan tayo na tingnan ang ating mga pagkilos at suriin kung tayo ba’y totoong sumusunod sa Kanya.
Sa huli, tayo ay inaanyayahan na maging bukas sa imbitasyon ng Diyos, na handang tanggapin ang biyayang handog Niya, at maging taimtim na nagpapasalamat para sa mga pagkakataon na binibigay Niya sa atin. Ang ating pagsunod sa Kanya ay hindi lamang sa mga oras na ating kailangan ang Kanyang biyaya, kundi sa lahat ng oras ng ating buhay. Ang pagmamahal at pagsunod sa Diyos ay dapat ay palaging bukas, bukas na pintuan sa Kanyang pag-ibig at biyaya.