Miyerkules, Mayo 31, 2023

May 31, 2023

PANALANGIN NG BAYAN
Mayo 31
Pagdalaw ng Mahal na Birheng Maria

Pinarangalan si Elizabeth ng pagdalaw ng Ina ng kanyang Panginoon. Subalit ninais lamang ni Maria na ibahagi ang kanyang kagalakan. Sa ating pagdiriwang ng kapistahing ito, ilapit natin ang ating mga kahilingan sa Ama na nagtangi sa mga babaeng ito.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Punuin Mo kami ng iyong mga biyaya, Panginoon.

Ang Simbahan nawa’y lubos na buksan ang kanyang puso sa Salita ng Diyos at ipahayag ito nang may kagalakan sa lahat ng tao at kultura, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga namumuno sa mga bansa nawa’y makagawa ng mga programa sa pagtatatag ng isang higit na maayos na mundo ayon sa diwa ng mapagkumbabang paglilingkod ni Maria, manalangin tayo sa Panginoon.

Tayo nawa’y pasiglahin ng Mahal na Birheng Maria upang madagdagan natin ang ating mga pagsisikap sa pagtataguyod ng isang higit na maayos na lipunan, manalangin tayo sa Panginoon.

Sa mga maysakit, nawa’y ipakita natin ang ating malasakit sa pamamagitan ng ating pagdalaw sa kanila at pagpapalakas ng kanilang loob, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga namayapa nawa’y makatagpo kay Maria ng isang tunay na kanlungan, manalangin tayo sa Panginoon.

Panginoong Diyos, ibinababa mo ang makapangyarihan at itinataas ang aba. Sa tulong ng mga panalangin ng Mahal na Birheng Maria, ipinagkakatiwala namin sa iyo ang aming mga pag-asa sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 4 comments… read them below or add one }

Reynald Perez May 28, 2021 at 4:03 pm

PAGNINILAY: Ngayon ay ang katapusan ng Mayo, ang Buwan ng Flores para kay Birheng Maria, sa pagdiriwang ng kanyang Pagdalaw sa kanyang pinsang si Sta. Elisabet. At narinig natin sa Ebanghelyo ang tagpong iyon sa Ein Karem, na sinasabing halos 150 kilometro mula Nasaret. Dahil sa habang paglalakbay na iyon, madaling umalis si Maria pagkatapos ang kanyang pagsang-ayon sa kalooban ng Diyos na ibinalita ni San Gabriel Arkanghel. Dahil sa nabanggit ng anghel tungkol kay Elisabet, nagpunta siya roon upang alalayin siya sa panganganak nito, na sinasabi ng dulo ng Ebanghelyo ay nanatili roon ng tatlong buwan, na tumutukoy sa Pagsilang kay San Juan Bautista. At makikita natin dito sa pagtatagpo ng dalawang babae ang kagalakan at pag-asang hatid ng Diyos para sa kanyang bayan: Si Juan na tumalon noong makita ang pinsang Tagapaglitas sa sinapupunan ni Maria ay magsisilbing direksyon tungo sa pangagaral nito sa Ilog Jordan upang ipaghanda ang bayan ng Diyos para sa pagdating ng Manunubos sa pagpaparangal ng pagsisisi, pagbabalik-loob, at kabutihan sa bawat tao. At si Hesus naman ay ang itinakdang Mesiyas na maliligtas sa lahat mula sa kasalanan.

Ayon sa mga eksperto sa Bibliya, ang Pagdalaw ng Birheng Maria kay Elisabet ay kambal na larawan sa 2 Samuel 6:1-7, nang makita ni Haring David ang Kaban ng Tipan at tumalon sa tuwa, habang ipinapahayag kung sino siya upang dalawin ang Kaban ng Tipang nilalaman ang mga utos ng Diyos. Ganun din ang nangyari sa Ein Karem nang si San Juan Bautista ay tumalon sa tuwa, at si Sta. Elisabet naman ay nagpahayag kung sino siya upang dalawin siya ng Ina ng Panginoon. Kaya ang Birheng Maria ay ang Kaban ng Bagong Tipan sapagkat dinala niya sa kanyang sinapupunan ang katuparan ng Kautusan na si Hesukristo. At dalawang beses sinabi ni Elisabet na pinagpala si Maria sa lahat ng mga babae, dahil ito ay nakinig sa salita ng Diyos at tinupad nito.

Kaya naman ipinahayag ng Mahal na Ina ang kanyang awit ng pagpupuri sa Diyos, na kung tawagin ay “Magnificat”. Ito ay kahilera sa awit ni Ana sa 1 Samuel 2, na higit pa sa inawit ng ina ni Samuel ang papuri ni Maria sa Diyos sa pagtutupad ng kanyang pangako ng kaligtasan sa pamamagitan ng anak na isisilang sa sinapupunang kalinis-linisan. Dahil sa pagpili ng Diyos sa Mahal na Birhen na isang mababang alipin, ganun din ang paglulugod niya sa mga kabilang sa “anawim” na ang anumang ipinagkakait o hindi makamtan sa buhay ay matutugunan na sa pamamagitan ni Hesus, sa pangangaral at paggawa ng kababalaghan. Ang Magnificat ay dinadasal ng Simbahan tuwing takip-silim upang magsilbing paalala na sa paglubog ng araw sa bawat panahon, nagpapasalamat tayo sa Diyos sa mga kabutihang ipinagkaloob niya sa mga tao.

Mga kapatid, ang Kapistahang ito ay nagpapahayag ng pagdalaw ng Diyos sa kanyang bayan, nang tuparin niya ang kanyang plano para sa ating kaligtasan sa pamamagitan ng kanyang Anak, ang ating Panginoong Hesukristo. Nakilala siya ng Mahal na Birheng Maria at Sta. Elisabet, at ang tugon nila ay pagpupuri, pasasalamat, at pagtatanaw ng utang na loob na maging matapat palagi sa kanya. Ganun din sana tayo sa ating buhay, na kapag ang Diyos ay dumadalaw sa ating buhay, kilalanin natin siya, magpasalamat sa kanyang mga biyaya, at maging mga saksi niya araw-araw.

Reply

Sherwin D. Yanoria May 31, 2021 at 8:06 am

Gaano ka kaswerte? Nakakatuwang isipin na ipinantay ng Diyos ang Mahal na Birhen sa mga Lalaki. Siya rin ang itinalaga ng Diyos na dudurog sa mga demonyo. Ang kanyang pagtugon sa Diyos ng walang pag-aalinlangan ay walang katulad. Napaka masunurin niya at napaka mapagpakumbaba. Kaya naman siya ay pinagpala sa babaeng lahat. Tulad ng Mahal na Birhen, gayahin natin ang pagsunod sa kalooban ng Diyos. Walang patumpik-tumpik, paghingi ng palatandaan at pag-aalinlangan. Pagpapalain ng Diyos ang mga taong sumusunod sa Kanya.

Reply

Ferdy Baetiong Parino May 31, 2021 at 9:07 am

Michael Jackson, Madonna, Elvis, Queen, Beatles at ngayo’y mga K-pop artists, pag yang mga idol ng tao ay nakita nila naghihiyawan sila sa tuwa, napapatalon, hindi malaman ang gagawin yung iba’y hinihimatay pa. Ganun din dapat tayo kapag nararamdaman natin ang presensya ni Hesus o kaya’y nakita natin sa ating kapwa si Hesus, masabik din sana tayo na makausap sya, Magalak tayo pag nakakadalo tayo ng banal na misa. Tularan natin si San Juan na kahit nasa sinapupunan pa ay nakuha ng magpuri at napatalon pa para kay Hesus. Be grateful, ipagbunyi natin ang bawat araw na hinahayaan pa tayo ng Diyos na mamuhay sa mundo kasama ng mga mahal natin sa buhay, at suklian natin ito ng pagpapakabuti.

Reply

Alvin M.Jimenez May 31, 2023 at 8:44 am

Pinupuri at Pinasasalamatan ka namin Panginoong Hesukristo. Amen.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: