Sabado, Setyembre 10, 2022

September 10, 2022

PANALANGIN NG BAYAN
Ika-23 Linggo sa Karaniwang Panahon
Sabado

Katig sa pananalig sa Ebanghelyo na nag-uutos sa ating magtayo ng bahay espiritwal sa bato, manalangin tayo sa Ama.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
O Diyos, aming lakas, pakinggan Mo kami.

Ang Simbahan nawa’y palagiang makita bilang isang matatag at ligtas na tahanang itinindig sa matibay na pundasyong bato, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga pinuno ng mga bansa nawa’y maglingkod sa kanilang mamamayan nang may katapatan at katotohanan sa nakalilitong mundong ito, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang paghuhubog sa mga kabataan nawa’y maitatag ayon sa mga bagay na pinahahalagahan ng Kaharian, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga taong nagdurusa sa isip at pangangatawang paghihirap nawa’y manatiling matatag at mapayapa sa bato ng pananampalataya, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang ating mga mahal na yumaong kamag-anak at kaibigan nawa’y makatagpo ng kapayapaan at kaligayahan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama naming nasa langit, bigyan mo kami ng biyayang maunawaan kung paano nakaugnay ang aming buhay sa kabutihan, kabaitan, at katapangan ng aming kapwa upang maging bukas kami sa kanilang pangangailangan at maging matapat sa aming mga tungkulin. Hinihiling namin ito sa ngalan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 1 comment… read it below or add one }

Reynald Perez September 11, 2020 at 7:02 pm

PAGNINILAY: Ang Unang Pagbasa ay ang paalala ni San Pablo sa ating pagtitipon at pagkakaisa sa pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig. Tayong lahat ay nakikikain sa Katawan ni Kristo at nakikiinom sa kanyang Dugo. Itong tinapay at alak ay hindi lang simbolo, kundi naniniwala tayo na ang mga iyan mismo ay ang kanyang sarili na nasa piling natin [sacramental]. Kaya sa bawat pakikiisa natin sa Sakramento ng Banal na Eukaristiya, dapat tayo ay magkaroon ng makabuluhang buhay na hindi gumagawa ng anumang pagkakasala, kundi mamumuhay nang nararapat ayon sa pamantayan ng Diyos.

Ang Ebanghelyo ngayon ay ang katapusan ng mga pangangaral ni Hesus sa kapatagan. Sinasabi niya na ang bawat puno ng igos na namumunga ay nagiging masagana at hindi masama ang kanyang bunga. Sinasabi ng Panginoon na kilala ang bawat puno sa kanyang mga bunga. Kaya naman kung hindi maganda ang prutas ng isang puno, ito ay isang masamang damo. Ganun din ang buhay ng tao, na kung ano ang itinatanim natin, siya naman ang ating inaani. Kaya sa pagiging matapat sa kalooban ng Diyos, kailangan natin maging marunong katulad ng mga nagtatayo ng isang bahay sa ibabaw ng bato, at hindi hangal na katulad ng mga nagtatayo ng isang bahay sa ibabaw ng buhangin. Ang bawat pagsasabuhay natin ng Salita ay kinakailangan may kaakibat na tugon.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: